Share

KABANATA 2.

“Tin, bakit ka naman agad pumayag? Paano kung nagsisinungaling lang ang babaeng yun? Paano kung–”

“Nay, totoo pong may sakit si Serenity. Nararamdaman ko na nagsasabi ng totoo si Donya Catalina,” tumigil si Destiny sa pagsalampak ng mga damit sa loob ng kanyang di kalakihan na maleta at hinarap ang tiyahin. Inabot niya ang mga palad nito at hinaplos-haplos iyon. “Nay, kailangan po ako ni Serenity, kailangan ako ng kambal ko. ‘wag niyo po ako alalahanin kaya ko na po ang sarili ko. Isa pa maraming opportunities sa manila, pwede po akong maghanap ng trabaho doon habang inaalagaan si Serenity upang may pambili tayo ng gamot mo.”

“Destiny, nag-aalala ako para sayo. Kilala ko ang mga Altamerano. Baka mapahamak ka dun?”

Nanginginig ang mga labi ng tiyahin kasabay ng pagpatak ng ilang butil na luha sa mga mata nito. Tila nilulukumos ang dibdib niya. Ito ang unang pagkakataon na malayo siya sa dalawang tiyahin. Sobrang mahal niya ang dalawang kapatid ng ina dahil ang mga ito ang katuwang ng kanyang ina sa pagpapalaki sa kanya.

“Nay, ‘wag na po kayong umiyak. Babalik naman po ako agad ‘e kapag bumuti na ang kalagayan ni Serenity. Sigurado rin po ako na walang gagawin na masama sa akin ang mga Altamerano dahil isa rin po akong Altamerano.” Tinuyo ng kanyang mga daliri ang basang pisngi ng tiyahin. “Wag na kayong umiyak. Masama sa kalusugan ninyo ang stress.” 

Huminga ng malalim ang tiya Rosa. “O siya sige. Hindi na talaga kita mapipigilan. Akin na yang maleta mo at ako na ang mag-aayos ng mga gamit mo. Wag kang magpalipas ng gutom doon at iyang sinasabi mong maghahanap ng trabaho sa Manila wag mo na ituloy. Makakasira iyan sa imahe ng kapatid mo, alalahanin mong magkamukha na magkamukha kayo ni Serenity, siguradong iisipin ng mga tao roon na ikaw si Serenity kapag nakita ka.” 

Inagaw sa kanya ng tiya Rosa ang kanyang maleta saka inayos nito ang mga gamit niya. Mahina pa itong sumisigok habang inaayos ang pagtupi ng kanyang mga damit.

“Mahal na mahal ko po kayo, tiyang.‘Wag po kayo mag-alala tiyang dahil kapag okay na si Serenity, uuwi po ako agad. Hindi ko rin po kayang malayo sa inyo ni tiya Rina.” 

“Aalis kaba talaga? Sasama kaba talaga sa babaeng yun?” 

Napalingon siya sa bumukas na pinto. Nakakunot ang noo ng kanyang tiya Rina. Nakaguhit sa mukha nito ang malaking pagkadisgusto sa desisyon niya.

“Hayaan mo na. Kailangan siya ng kapatid niya. May sakit si Serenity.” Si tiya Rosa.

“Paano pala kung palabas lang ng bruha na iyon ang pagkakasakit ni Serenity. Ako Rosa walang tiwala sa babaeng bruhilda na iyon. Ang babaeng yun ang dahilan kung bakit nahiwalay si Serenity kay ate Amira at Destiny.” litanya ni tiya Rina.

“Tama na, Rina. Babaliktarin man natin ang sitwasyon hindi mababago ang katotohanan na si ate Amira talaga ang may kasalanan. Kung hindi siya pumatol sa taong may asawa ‘e di sana hindi naranasan ng mga anak niya ang ganitong sitwasyon.”

Natigil si Tiya Rosa sa paglalagay ng mga damit sa kanyang maleta. Maging si Tiya Rina ay napalunok. Huli na ng mapagtanto ni Tiya Rosa ang sinabi nito. Dumaan ang katahimikan sa loob ng silid.

“P-patawad, Destiny. H-Hindi ko sinasadya.”

Isang mapait na ngiti ang gumuhit sa kanyang mga labi. Tama rin naman ang sinabi ni Tiya Rosa. Walang kasalanan si Donya Catalina. Ito ang niloko ng kanyang ama at ng kanyang ina. 

“Okay, lang nay. Tama naman po kayo at tanggap ko po iyon.  Pinili ng Diyos na sa ganitong paraan kami ni Serenity isilang kaya walang rason upang hindi tanggapin ang sitwasyon.” 

Ilang minuto ng matapos sa pag-iimpake, isang sobre ang kanyang hinugot mula sa gitna ng kanyang nakatupi na mga damit. Naglalaman ng pera ang sobre na iyon. Pera na iniipon niya mula sa allowance na pinapadala sa kanya ni Serenity. Lumapit siya sa kanyang tiya Rina at palihim na binigay rito ang sobre.

Inabot niya ang kamay ni Tiya Rina, saka inilagay sa palad nito ang puting sobre. “Ipon ko po mula sa pinapadala ni Serenity. Gamitin nyo po ito para sa pag pa-dialysis ni Tiya Rosa.”

Itinulak ni tiya Rina ang kanyang kamay kasabay ng paulit-ulit na iling. “Wag na, Destiny. May sapat na pera para sa pag pa-dialysis ni Rosa. Alam mo naman na naglagay ng malaking halaga si Serenity sa bangko para sa Tiya Rosa mo.” 

“Tiyang, tatlong beses po ang dialysis ni Tiya Rosa sa isang linggo. Kaya kakailanganin po natin ng malaking halaga. Kaya sige na po, tanggapin niyo na ito.”

“Sige, tatanggapin ko ‘to. Mag-ingat ka doon ha. Wag mong kalimutan na tawagan kami parati.” 

“Tama na yan, Rina. Kailangan niyo ng umalis Destiny.” sansala ng tiya Rosa.

Bitbit ang kanyang di kalakihan na maleta ay lumabas siya ng silid at dumiretso sa kanilang maliit na sala kung saan naghihintay si Donya Catalina. 

Prenteng nakaupo sa kawayan na sofa si Donya Catalina habang naghihintay sa kanya. Nasa middle-age na si Donya Catalina. Ngunit hindi nababakas sa anyo at katawan nito ang edad nito. Bata itong tingnan sa tunay na edad. Sopistikada ang anyo at maging ang suot nito sa katawan ay nagsusumigaw sa karangyaan.

“Handa na po ako.” 

Umangat ang mukha ni Donya Catalina. Tumitig ito sa kanya saka tumayo. “Let's go,” tipid nitong wika sabay nagpatiunang humakbang upang lumabas ng bahay. Halata sa kilos nito ang discomfort.

Naabutan ni Destiny ang kaibigan na si Andoy sa labas ng bahay. Alam niyang hinihintay nito ang paglabas niya. Nilapitan niya ang kaibigan at tinapik ito sa balikat. 

“Aalis na muna ako. Pwede ba na dalawin mo parati sina tiya rito?” 

“Kahit hindi mo sabihin, gagawin ko. Wagka pagala-gala sa maynila ha! Kung hindi ka makidnap dito sa'tin baka sa maynila kana makidnap. Medyo tanga kapa naman.” 

Sa kabila ng pagbibiro ng matalik na kaibigan, ay nababanaag niya ang lungkot sa mga mata nito. Mahina siyang tumawa. Nilapitan niya itong lalo sabay niyakap ito. “Babalik ako. Wag ka mag-alala.” 

“Aba dapat lang. Hindi mo pwedeng hindi balikan ang mga taong sobrang mahal ka. Hihintayin namin ang pagbabalik mo.”

“Ate, Tin, pasalubong ko pagbalik mo ha!”

“Oo ba? Amik parin ba?” 

“Syempre hindi. Gusto ko yung buong make-up set ni ate, Serene.” 

“Sige, sabihan ko si Serenity!” 

Malakas na busina ng sasakyan ang nagpatigil sa kanilang usapan. Napalingon siya sa gilid ng daan kung saan naroon ang sasakyan na maghahatid sa kanila patungong airport. 

“Sige na Destiny, umalis na kana.” 

Niyakap niya ang kanyang mga tyahin at pinsan maging si Andoy at sa mabigat na hakbang at sumisikip na dibdib ay tuluyan siyang tumalikod at tumungo sa naghihintay na sasakyan. Pagkaspasok niya sa loob ng sasakyan ay siya rin ang pagbuhos ng malakas na ulan

—------------------

Alas kwatro ng hapon ng dumating sila sa manila. Isang magarang sasakyan ang naghihintay sa kanila sa labas ng airport. Sa buong durasyon ng byahe ay hindi siya kinakausap ni Donya Catalina. 

Huling kinausap siya nito ay noong nasa Gensan pa sila. Napuno ng alalahanin ang dibdib ni Destiny. Alalahanin tungkol sa tunay na karamdaman na meron ang kanyang kambal. Matagal ng wala ang kanyang ama maging ang mga magulang nito. Tanging si Donya Catalina at Serenity nalang magkasama. 

Naging mabuti kaya si Donya Catalina kay Serenity sa loob ng labing walong taon? Hindi kaya nito inaabuso ang kapatid? 

Mga katanungan sa isip. 

Siguro naman ay naging mabuti ito. Dahil narating ng kapatid ang kasikatan na kaakibat ang pangalan ni Donya Catalina at madalas ay nakikita ang dalawa sa mga pahayagan, at maging sa mga interview ni Serenity ay lagi nito ipinagmamalaki ang Donya. Sana nga lang ay hindi puro pagkukunwari ang lahat.

“We're here!” Untag sa kanya ni Donya Catalina. “Roland, i-akyat mo sa silid ang mga gamit niya.”

“Opo, ma'am.”

Sa dami ng tumatakbo sa isip niya ay hindi manlang niya namalayan na huminto na pala ang kinalululanan na sasakyan. Agad siyang tumalima. Tinanggal niya ang pagkakabit ng seatbelt sa bewang. Akma niyang buksan ang pinto ng sasakyan ngunit naunahan na siya ng isang lalaki.

“Salamat!” 

Tango lang ang itinugon ng lalaki sa kanya.

“Destiny!” 

Tinig na iyon ang nagpalundag sa kanyang puso. Agad siyang lumingon sa pinanggalingan ng tinig. Isang babaeng may nakabalot na tela sa ulo ang nakaupo sa wheelchair. Maputla ang mukha habang dumadaloy mula sa mga mata ang mga luha.

“S-Serenity!” Hindi makapaniwala na bulalas niya.

“Destiny!”  

Hindi siya makagalaw sa kinatatayuan. Nanatili lang siyang nakatitig sa kambal. Isa-isang tumulo ang mga luha sa kanyang mga mata. 

“A-Anong nangyayari sayo?” 

Nanginginig na humakbang siya tungo sa kapatid. Lumuhod siya sa harap ng kambal na ngayon ay nakaupo sa wheelchair. Itinaas niya ang nanginginig na mga palad at hinaplos ang pisngi nito sabay sinuyod ng tingin ang kabuuan nito.

“S-Serenity, anong nangyayari sayo? B-Bakit ka nagkaganito? B-Bakit?” 

“Wag kang umiyak.” Pinahid ng kambal ang kanyang mga luha. 

Ramdam niya ang lamig ng mga kamay nito ng dumapo sa kanyang magkabilang pisngi. Ang puso niya ay sobrang naninikip. Tila kay hirap huminga sa mga oras na iyon. Maging ang mga luha ay walang patid sa pag-agos. Tila iyon batis na dumadaloy mula sa mga mata.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status