Share

KABANATA 6

Naningkit ang mga mata ni Beatrix habang tinatanaw ang lalaki sa malayo. Bigla ay gusto niya itong takbuhin upang mas malinaw na makita ang itsura. Pamilyar ang bulto nito pero alam niyang hindi pa niya nakikita ang lalaki. Pero gusto niya itong makilala ngayon.

Akmang maglalakad siya patungo roon matapos makitang sumakay na ito ng sasakyan. Ngunit naantala ang paghakbang niya noong maramdaman ang mahigpit na hawak sa kanyang siko.

"Where do you think you're going, Bea? Pirmahan mo na para matapos na ang lahat sa atin," ani Miggy na mariin na tinititigan ang dalaga.

Mahinang tumawa si Bea at muling binalingan ang asawa—ang dating asawa. Para sa kanya ay hiwalay na sila kahit walang annulment. Ngumisi siya at kunwaring binasa muli ang papel.

Humihigpit ang hawak niya roon sa bawat martilyong pumupukpok sa puso niya. Wala na talaga ang binuo niyang pag-ibig at balak na pamilya. Naglaho ang pangarap niyang manatiling Mrs. Sandoval.

"Here's the ballpen. Pirmahan mo na, Be."

"Don't call me be!" asik niya kay Crystal at tinitigan lang ang inaabot nitong ballpen.

Tingin ba nila ay tanga siya para basta na lang pumirma? Hindi niya hahayaang maging masaya sila kung kaya't mas ngumisi siya at ginawang pamaypay ang papeles bago nilahad muli ang kanyang palad.

"Susi, Miggy," inip niyang hingi.

"Pirma muna bago susi—"

"I*****k mo sa baga mo iyang susi! Kahit manigas ka pa riyan, hindi ako pipirma at hindi ko hahayaang maging malaya kayong dalawa!" nanggagalaiting sigaw niya bago mabilis na tumalikod.

Tuloy-tuloy ang lakad niya patungo sa kanyang sasakyan kahit pa rinig niya ang atungal ni Crystal at pagtawag sa kanya ni Miggy.

Galit niyang hinitsa sa backseat ang mga papel at pinagana ang sasakyan kahit pa kita niyang hinabol siya ni Miggy.

Kumatok ito sa tapat niyang bintana, "Bea, please! Huwag na nating pahirapan pa ang sarili natin! Hayaan mo na akong maging masaya!"

Humigpit ang hawak niya sa manibela at alam niyang ano mang oras ay babagsak muli ang mga luha niya. Ngayon niya kinukwestiyon ang sarili kung marami ba siyang pagkukulang gayong alam niyang naibigay niya lahat-lahat.

"Bea, please lang. Pakawalan mo na ako. Let me be happy and in peace—"

Napailing siya. Agad na binaba ang bintana at pinakitaan ito ng gitnang daliri.

"Tabi kung ayaw mong ma-rest in peace!" sigaw niya at walang pakialam na minaneho ang sasakyan kahit pa hindi pa tumatabi si Miggy.

Akala nga niya ay magpapasaga ito pero hinila rin naman ni Crystal palayo.

Nanginginig ang kamay niyang nakahawak sa manibela habang nananakit ang lalamunan sa badyang pag-iyak.

"Para sumaya siya? Paano naman ako?" tanong niya sa sarili.

"Arghh!" malakas niyang sigaw at hinampas ang manibela.

Wala na siyang pakialam kahit ma-aksidente pa siya ngayon. Pero nakarating pa rin siya ng ligtas sa kanilang ancestral house. Bitbit ang annulment papers ay lakad-takbo siyang pumasok sa loob habang walang ampat ang kanyang pagluha. Patakbo siyang tumungo sa kanyang kwarto at sumubsob sa kama. Doon niya binuhos ang galit, hinanakit, at sakit. Maghapon siyang umiiyak at kung hindi pa pumasok sa kwarto ang Ate Isabella niya ay hindi niya mamamalayang gabi na.

"Bea! What happened?!" tarantang tanong nito habang pilit siyang binabangon.

Inaninag niya ito sa mga namamagang mga mata. Nakasuot pa ito ng pang-opisina kaya't alam niyang nakauwi na maging ang kanilang mga magulang.

"A-te," Garalgal ang kanyang boses at muli lamang naiyak.

"Si Miggy na naman ba?"

Hindi siya tumango at nanginginig lang na inabot sa Ate niya ang annulment papers.

Malutong itong nagmura at alam niyang nagpupuyos ito sa galit kagaya niya.

"Walanghiyang Miggy! Ginamit ka lang at ngayong mas nagagalit si Daddy sa'yo ay lumipat ng putahe!" gigil niyang sigaw.

Namewang ito habang siya ay nagyuko lamang.

"Argh! Nanggigigil ako, Bea! Gusto kong sakalin iyang asawa mo!"

Pag-angat niya ng tingin ay nanginginig nga ito sa galit. Pero imbis na pigilan ito kagaya rati ay tahimik lamang siyang umiyak. Hindi na niya maipagtanggol si Miggy.

"Babawiin natin ang bahay mo—"

"BEA!" dumadagundong na sigaw ng kanyang daddy at rinig nila ang mga mabibigat at nagmadaling yabag nito patungo sa kanyang kwarto.

Pareho silang natulos ng kanyang ate, napalunok, at nagkatinginan. Ngayon ay alam niyang hindi siya nito maipagtatangol.

Malakas na bumukas ang pinto at niluwa niyon ang galit na galit na Daddy niya. Namumula ang mukha nito at nanginginig ang mga labi kung kaya't wala sa loob na napababa siya sa kama at napatayo ng tuwid. Sa likod nito ay ang Mommy niya na alam niyang galit rin.

"Where have you been?! Talaga bang pabaya ka at walang pakialam kahit bumagsak ang kumpanya?!" ani ng kanyang Daddy na humakbang palapit sa kanya.

Hindi siya makabigkas ng salita at hindi makapagsabi. Alam niyang lalala ang galit nito kung malaman ang totoo. At halos manginig siya sa kaba matapos nitong makita at agawin sa kamay ng ate niya ang annulment papers.

"Nakikipaghiwalay ang asawa mo?" may diing tanong nito.

Nahigit niya ang hininga at walang magawa kun'di tumango.

Bumakas ang labis na galit rito at mariin niyang ipinikit ang mga mata matapos makitng umangat ang kamay nito at balak siyang sampalin.

"Daddy!"

"Joseph!"

Magkapanabay na sigaw ng kanyang Ate at Mommy.

"Kumalma ka, Joseph. Huwag mong sasaktan ang anak mo!" sigaw ng Mommy niya.

Napamulat siya ng mata para lamang makitang nasa ere na ang palad nito at talagang balak siyang pagbuhatan ng kamay. Bumagsak ang luha sa pisngi niya at daig pa ang sakit niyon sa pakikipaghiwalay ni Miggy. Hindi niya lubos maisip na kaya talaga siyang saktan ng kanyang Daddy.

Nanginginig nitong binaba ang palad matapos matitigan ang mga mata niya at pagluha.

"Ganyan ang napapala ng mga suwahil na anak at nag-asawa ng tambay sa kanto," mariing bigkas nito bago dismayadong umiling.

"Fix yourself. You disappointed me again, Beatrix. You are such a disappointment," anitong tinulak pa ang kanyang noo gamit ang hintuturo.

Napabagsak siya sa sahig at mas naluha. Nanginginig na kumuyom ang kanyang mga kamao.

"Hindi ka na nagbago, Bea. Isa ka pa ring malaking disappointment hanggang ngayon," huling bigkas nito bago lumabas ng kwarto ngunit ang lahat ng iyon ay sumiksik sa utak at puso niya kasabay ng muling pagbagsak ng kanyang mga luha.

Mga Comments (67)
goodnovel comment avatar
Ruth Maniego
Bakit may locked......
goodnovel comment avatar
Rose Laya Relampagos
ang ganda ng story
goodnovel comment avatar
renelyn ramos15
unlock pls gigil ako ky miggy
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status