Share

Kabanata 1

"Hayop ka Noel! Napakawalang hiya mo. Punyeta kang gago ka! Anong pumasok sa kukote mo't pumarito ka sa pamamahay ko!?" umalingawngaw ang boses ni Nanay sa halos patumba na naming bahay.

Mula sa masikip na kusina, dali-dali akong tumayo at tumungo sa bungad, sabay punas ng harap at likod na parte ng aking kamay. Sino na naman ba ang kaaway mo Nay? Hindi ko tuloy matapos-tapos 'tong paghuhugas ng pinggan dahil maya't maya utos nang utos, at ngayon naman...

Napabuntonghininga na lamang ako, normal na para sa akin ang araw-araw na mayroong kagalit si Nanay. Kaso hindi ko pa rin maiwasang mangamba dahil baka dumating sa punto na magkakasakitan na. Lalo na't madaling mapikon si Nanay. 'Yan nga ang isa sa mga rason kung bakit marami na siyang nakagirian.

"Ang boses mo Emelda hinaan mo. Hindi mo ba nakikita na nagdadala ka ng iskandalo? Palibhasa wala ka kasing hiya kaya ka ganyan! Makapunyeta ka sa akin 'kala mo kung sino kang malinis!"

Pati mga kapit-bahay namin naki-usyoso na rin, napakalakas kasi ng boses kung kaya't nagnanakaw ng atensyon. 

Ngunit ikinabigla ko ang aking nakita. Lalaki ang kasigawan ni Nanay! Ngayon lang nangyari ito.  At parang pamilyar pa.

Hala! Mas lalo akong nagulat nang sampalin ni Nanay 'yong lalaki, literal na lumaki ang aking mga mata.

"Nay!"

Nabaling ang atensyon ni Nanay sa akin, mabilis akong lumapit sa p'westo niya.

"Pag-usapan niyo nang mabuti 'to Nay, 'wag kayong magsigawan. Nakakahiya po oh," mahinahon pero mariin kong sabi.

"Nakakahiya?! Mas nakakahiya Elise iyang tatay mong gago! Sa loob ng walong taong wala siya! Ang lakas ng loob bumalik sa pamamahay natin! Pota, 'Yan 'yong nakakahiya!"

Tatay

Tatay

Umulit-ulit sa aking isipan na tila sirang plaka ang sinabi ni Nanay. Hindi ako makapaniwala! Ama ko ang kausap ni Nanay? Nyemas!

Nagdadalawang-isip kong binalingan ang kaharap ni Nanay. Oo nga't hindi maipagkakaila ang parehong hugis ng aming mata, taas ng ilong at korte ng mukha. Kaya pala nakaramdam ako kanina na pamilyar siya sa'kin. 

Ngunit imbis na bumalot sa akin ang pananabik na makita siyang muli, galit at sakit ang nangibabaw sa 'kin ngayon!

Galit sapagkat buhay siya pero matagal ng walang ama ang sumuporta sa pamilyang 'to. Nabuhay kami ng walong taong wala siyang paramdam pero biglang susulpot bilang ano, bisita? Nahiya naman ako, mas malusog pa siya sa 'ming tatlo.

Ang daya, grabeng paghihirap ang dinaranas namin habang wala siya, masakit na makita ang aking ina na nahihirapang magtrabaho para sa amin ni Ellena. Nakasasama ng loob na imbis akuin ang responsibilidad, tinakbuhan niya't sa 'kin at kay Nanay ipinasan.

Nyemas ayos lang ang araw ko kanina ah, hindi naman ako sobrang sumaya. Tapos ngayon papalitan ng lungkot dahil sa kanya? 

"Elise... Anak, ikaw na ba 'yan? Dalaga ka na ah. Dati lang e naglalaro ka pa sa mga regalong ibinibigay ko sayo," nagagalak na sabi niya, taliwas sa naging epekto sa akin.

Anak? Ang lakas ng loob! Parang paghaboy lang nga ng upos ng sigarilyo mo ang pang-iiwan sa amin? May gana ka pang ibalik sa akin ang karanasan ko no'ng bata ako? Walang-wala 'yan sa paghihirap namin noong wala ka!

Gusto kong isumbat iyang inisip ko pero hindi ko kaya, walang ni isang letra ang nangahas na lumabas sa bibig ko. Nakapanghihina ng tuhod, masakit.

"Anong problema Nak? Hindi ka ba masayang makita mo 'ko ulit?" Pagkatapos niyang iwinika iyon, bumuhos na ang luha kong kanina pa nagpipigil.

Bakit?! Bakit ganoon lang kadali sa kaniyang magsambit ng mga salitang iyon? Bakit parang hindi niya kami iniwan noon kung makaasta siya?

Hindi siya 'to, maling tao 'to!

"Oh ba't ka naman umiiyak? Tahan na ang laki mo na umiiyak ka pa." Mapait siyang tumawa at ibinuklat ang kaniyang dalawang braso, nangangahulugang maaari akong yumakap sa kanya.

Pwe! Masusuka ako kapag ginawa ko 'yon.

"Ulol ka ba Noel, hindi mo talaga naiintindihan!? Galit sa iyo ang anak mo dahil sa pang-iiwan mo sa amin!"

Pang-iiwan. Tinalikuran kami, inayawan, pinabayaan. Gusto kong malaman, naging kawalan ba kami sa kanya? Malamang hindi.

"Ito na naman ba tayo Emelda?! Sa pang-iiwan, pang-iiwan na 'yan? Kalimutan mo na 'yon!"

Napapikit ako. Naiiyak na sa kanya pa mismo nanggaling ang mga salitang iyon. Kung gano’n lang sana kadaling kalimutan ang lahat, ginawa ko na.

"Gago! Hindi gano’n kadaling kalimutan ang kawalang hiyang ginawa mo sa amin Noel!"

Nasasaktan ako para kay Nanay, hindi nararapat sa kanya 'to. 

"Kawalang hiya?! Aba Emelda magdahan-dahan ka sa pananalita mo. Kung makapagsalita ka 'kala mo naman hindi ka gano’n. Kung tutuusin masahol ka pa sa walang hiya!"

"Wala ng mas masahol pa sa demonyo Noel. At ikaw ‘yon punyeta ka!"

"Hindi mo 'ko madadaan sa pamura-mura mo Emelda!"

"Tama na! Ikaw umalis ka na! 'Di ka namin ka-kailangan di-dito..." Pinunasan ko agad ang luhang kanina pa hindi matigil-tigil. Nyemas ang hina ko.

"Oh ‘yan kita mo na? Mismo anak mo gusto ng umalis ka sa pamamahay ko!" Agad kong hinawakan ang braso ni Nanay senyales na tumahimik na lamang.

Napatagis bagang siya. Parang ang hirap niyang tawaging Tatay. Matagal na akong walang kinikilalang ganiyan.

Nag-iwan siya ng matalim na titig kay Nanay. Pagkatapos ay walang sabi-sabing tumalikod, umangkas sa motor at agad na pinaharurot paalis.

"Saan siya nakakuha ng perang pambili ng motor? Ah oo nga pala mayaman ang kabit niya, muntik ko ng makalimutan." Napalingon ako kay Nanay, pabulong lang niyang iwinika iyon ngunit naghahalo sa kaniyang salita ang dismaya.

Hinigpitan ko pa lalo ang pagkakapit sa braso ni Nanay, nabaling ang kaniyang tingin sa akin.

"Nay ano ka ba? Nanggugulo lang ‘yon. Walang magawa sa buhay. Pabayaan mo na." Ngumiti ako. Hindi sigurado kung totoong ngiti ang ipinakita.

"Hindi ko pa rin kasi maintindihan kung ano ang pinunta ng gago—"

"Hayaan mo na Nay. Wala na tayong pakialam sa kanya dati pa.”

Pumalatak siya at alanganing napatango, halatang hindi nahikayat sa sinabi ko. Kahit ako ay hindi rin mapanatag.

Gayunpaman tahimik siyang pumasok ng bahay. Naiwan ako sa pintuan, kinokondisyon ang isip na wala lang 'yon, na lilipas din. Ngunit hindi pala, mali ako.

=====

Nandito ako sa labas ng main gate ng eskwelahan, katatapos lang ng klase ko. Tuwing tanghali ang pasok ko at uwian naman 'pag tumuntong ng alas-cinco.

Bagaman hindi pa rin maalis sa aking isipan ang nangyari kaninang umaga, ni hindi nga ako nakapag-concentrate sa klase.

Palaging madadatnan ang mga estudyanteng nagsisilabasan nang sama-sama dahil magkaibigan o di kaya ay magkasintahan, at siyempre may nag-iisa katulad ko. Hindi naman ako laging mag-isa sadyang si Jamie at Mirna ay busy kuno. Ewan ko do’n sa dalawa.

"Psst! Elise."

Huh?

May tumawag ba ng pangalan ko? O baka guni-guni ko lang iyon? Marami pa namang estudyanteng may pangalang Elise rito.

Napakibit-balikat ako, pinagpatuloy ko ang paglalakad.

"Hoy Elise, huminto ka sabi eh."

Napahinto naman ako, pero hindi lumingon at nag-umpisa ng kabahan. Hala! Nasa probinsya man kami, may masasamang loob pa ring nag-e exist dito!

Agad akong kumaripas ng takbo, labing-amin pa lang ako, ang bata pa. Mahirap lang kami, alam ng nakararami 'yan, hindi naman ako kagandahan pero walang may nagsabi niyan!

Ah! Napatid ako at muntik ng masubsob sa lupa. Nyemas ito na ba! Ito na ba ang pagguho ng aking mundo?

Masakit pa ‘yong bandang likod ng ulo ko, batuhin ba naman!

"Anak ng—tinatawag kitang bata ka ah. Hindi ka huminto! Ako 'to si Manang mo Marjorie."

Nyemas! Si Manang Marj lang pala, hindi ko ate 'yan sadyang 'yan lang ang tawag sa kanya ng nakararami.

Wala sa sarili akong napakamot sa batok. Malay ko ba…

"Pasensya na Manang 'di ko kasi alam na ikaw 'yan, baka kako ibang tao—ay baka pala masamang tao. Ano pala sadya mo Manang Marj?" Peke akong tumawa, maibsan man lang ang masama niyang tingin sa akin. 

At saka hindi ko naman kasalanan 'yon 'no. 'Di ko kasalanang, hindi siya nagpakilala una pa lang.

"May gustong humarap sayo Elise, swerte mo kasi yayamanin, ang kaso mas matanda sayo. Asus! ‘di mo sinasabi na may sugar daddy ka na pala!"

Luh nanindig balahibo ko sa sinabi ni Manang.

"Ngek? Wala akong ideya sa pinagsasabi mo Nang. Baka ibang Elise 'yon uy. Bahala ka riyan aalis na ako." 

Saktong pagtalikod ko, hinigit niya ang laylayan ng aking damit.

Wala tuloy akong nagawa kundi nagpa-ubaya na lang, mas matanda siya sa 'kin kaya mas malakas. Mas matangkad din, kung kaya ito dalang-dala niya ako na parang sisiw lang sa kanya.

Pero syempre hindi ako lubos na nagpa-ubaya, pumiglas-piglas ako umaasa na maiinis siya at hayaan na lang ako, pero hindi! Mas lalo niya lang hinigpitan ang pagkakapit sa damit ko. Ilang katanungan din ang ibinato ko sa kanya, pero ginusto niyang manahimik!

Mga ilang minuto na ang aming nilakad ng bigla kaming huminto. Ito na ‘yong boundary ng sitio namin at kabilang sitio. Hindi na rin mapigil-pigil ang kaba ng aking dibdib.

"Ma-manang," maluha-luha kong banggit. Wala naman 'atang problema si Manang Marj sa pag-iisip ano?

"Ale mukha mo naman siyang tinakot. Ang sabi ko lang pakiusapan mo ah—sige na nga, iwan mo na siya riyan." 

Ang boses na 'yon!

Boses ng—tatay?!

Siya nga! Anong ginagawa niya rito?!

"Naku Sir 'di ko tinakot si Elise, nabigla lang kanina pa siya tanong nang tanong kung saan kami pupunta, hindi ko kasi sinasagot. Paano ba 'yan Sir, nasaan na muna ang suhol ko?"

Hindi ako nakapagsalita tipong napipi na ako sa tabi. Ni wala pa akong maunawaan.

Suhol?

Pagkuha?

"Ito, salamat! Pwede mo na kaming iwan." Sabay bigay ng limang daang perang papel kay Manang Marj. Dahilan upang umukit sa mukha niya ang galak, para siyang nanalo sa lotto, ang lapad ng ngiti,  at agad naman siyang humakbang palayo.

Samantalang ako ay halos hindi makatingin ng diretso, sinubukan ko ring ibuka ang bibig pero walang salitang lumalabas. 'Di ako mapakali, 'di ko alam kung paano kumilos sa harap niya. 'Di ko alam kung paano makitungo sa kanya. 'Di ko alam. Malabo na ang isip kung kalian ang huli naming interaksyon.

Marahas kong ibinuga ang malalim kong buntonghininga. At dahan-dahang tumalikod upang maka-alis na.

"Elise anak sandali!" Napahinto ako at alanganing lumingon sa kanya.

Ha!

Kailangan kong maging matapang sa pagharap sa kanya. Na kahit nanginginig ang mga tuhod, kaya ko 'to!

"A-ano ba ang ka-kailangan mo?" Sinubukan kong maging matapang sa pagbikas ng mga salitang iyon ngunit hindi ko pala malilinlang ang sarili ko, nauutal ako!

"Anak galit ka rin ba sa akin?" Nyemas! Ni wala akong makitang sinseridad sa pagbanggit niya ng mga salitang iyon!

‘Di ako naka-imik. Gano’n ba talaga? Kapag galit ka na parang dumidilim din ang paligid?

"Anak magsalita ka naman."

Muli wala akong kibo.

"Punyemas! Kanina pa ako nanggigigil sa inyo ah! Sayo at sa Nanay mo! 'Kala niyo naman kung sino kayo, ang arte niyong mag-ina!"

Kumirot ang aking puso. Nagsilabasan ang aking mga luha. Nanginig ang aking bibig at tuhod. Nyemas! Tama lang pala na tumahimik ako.

Huminga ako nang malalim. Kaya mo 'to Elise, ipakita mong mali siya. Ipakita mong wala siyang kwentang ama!

"Alam mo sa totoo lang rinding-rindi ako kada marinig ko ang anak sa bibig mo! Nasusuka akong makita ka! Na ‘yong tipong makita ko ang mukha mo babalik ang alaalang iniwan mo kami dahil sa kabit mo! Inabandona mo kami kapalit niya! Hindi ka man lang ba nako-konsensiya?!

"Sinira mo Tay! Sinira mo ang tiwala na binigay namin sa'yo. At ano?! Babalik ka matapos ang kagaguhang ginawa mo na parang wala lang, babalik ka dahil ano?! Ni sa loob ng walong taon 'di ka nagparamdam! Ang sama mo ang daya mo. 'Di mo kami inisip na legal na pamilya mo! Anong klaseng ama ka, ha?!"

Nasasakal ako, hinahabol ko ang aking hininga. Gusto ko pang dagdagan, gustong-gusto! Pero hindi ko na kaya dahil nilamon na ako ng iyak!

Nakayuko akong humahagulgol, tanging ang kamay ko na nakahawak sa dalawang tuhod ko ang sumusuporta sa akin para manatiling nakatayo. Gusto ko ng tumumba ngunit may parte sa akin na gusto pang manatiling tumayo. Ang sakit-sakit!

"Magpapadala ako kada kinsenas ng limang libo, pantustos 'yan sa pag-aaral niyong tatlo, ikaw, ang bunso mong kapatid at kay Mishella. Panandalian lang naman ang paninirahan ni Mishella sa bahay niyo, basta pakainin at alagaan niyo siya dahil kapatid niyo rin siya. Ikaw na bahalang kumausap sa Nanay mong makitid ang utak. Alam ko namang tatanggapin niya si Mishella, may kaakibat na pera e. Basta sayo ko na iaasa itong kapatid mo."

Tangina! Sa hinahaba-haba ng sinabi ko. 'Yan lang ang masasabi niya?!

Sabi na e, wala talaga siyang pakialam sa amin dati pa, wala na talaga.

At isa pa bagong kapatid?! 

'Yan na siguro anak nila ng kabit niya, iyang si Mishella na kanina pa pala sa tabi niya 'di ko man lang napansin.

Gago ba siya? Hindi, gago talaga siya.

Ipapatira niya sa pamamahay namin ang dahilan kung bakit hindi kami kompletong pamilya?! Wala na talaga siyang hiya. May saltik na sa utak. Hinding-hindi ako magiging katulad niya.

"Pi-nagloloko mo ba kami?! Ano na ba tingin mo sa amin ha, mukhang pera?! Mahiya ka naman!" Kahit mura-murahin ko siya, kahit sumbatan ko siya ng masasakit na salita. Ang sakit kasi wala! Wala lang talaga sa kanya!

"Itigil mo na ang kakasatsat mo Elise! Ang arte niyo, pera na ang lumalapit sa inyo tinatanggihan niyo pa! Aba! Mahirap na nga kayo mapili ka pa!"

Wala siyang alam sa pinag-daanan namin! Hindi ako makapaniwala na ang dugo niya ay dumadaloy din sa mga ugat ko. Kinahihiya ko siya!

Mas lalo akong napahagulgol nang inihagis niya sa mukha ko ang maliit na puting sobre, dahil puti naaninag kong pera ang laman. Maraming pera.

At ang walang hiya, umalis nang mag-isa at iniwan itong anak niya.

Napaluhod na lamang ako, galit ako sa sarili ko! Ang hina ko. Tama na Elise!

"Ate..."

Lalapit na sana itong si Mishella, ngunit bago nangyari 'yan, ibinuhos ko ang natitirang lakas para maitulak siya. Dahilan upang mapa-upo siya sa lupa at mangiyak-ngiyak. Nasaktan siguro, walang wala 'yan sa sakit na idinulot niyo!

"Ba-bakit?" Tanginang bakit 'yan! Hindi pa ba halata? Bobo!

"Bakit?! Ha! Huwag ka ngang plastik! At isa pa ha, 'wag na 'wag mo 'kong tawaging ate dahil hindi kita kapatid, dahil anak ka lang sa labas. Anak ka lang sa pagkakasala!"

Simula sa araw na 'to, sisiguraduhin kong babawi ako, kung sakit ang ibinigay niya sa amin. Sakit din ang ibibigay ko sa kanya!

Lalo na ngayon, makagaganti na ako sa kanya sa pamamagitan ng anak niya na walang iba kundi si Mishella! Isinusumpa ko 'yan!

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status