Share

Lost Acceptance [Tagalog]
Lost Acceptance [Tagalog]
Author: DNforsolace

Simula

August 31, 2017

Pagkislap ng flash na nagmula sa kamerang hawak-hawak ng mga media ang pumalibot sa kabuuan ng lugar. Samut-saring mga sigawan, hikbi, at hagulgol ang nagsisilbing ingay rito. Ang umaalingasaw na amoy, ang nagkalat na sira-sirang mga bagay, at ang kawawang mga patay ay hindi nagpigil sa kanila na lumapit at tumangis.

May unti-unting nawawalan ng pag-asa, may dahan-dahang lumalayo sa pananampalataya, may nasisirang pangarap, at may gumuguhong mundo. Kaya hindi sapat ang luha at paulit-ulit na pagsigaw upang maipalabas ang sakit. Walang katumbas na salita ang makapapantay sa nararamdaman nila ngayon, wala...

Bagaman ang iilan ay hindi nag-atubiling tumulong upang agad-agad na maipadala ang biktima sa pinakamalapit na pagamutan, lalo na ang kanilang mga mahal sa buhay. Dahil ang araw rin na ito ay sumasalamin sa katotohanang, sa gitna ng trahedya, sarili mo at ang iyong mga mahal sa buhay ang nais mong maunang mailigtas. Bahala na ang iba, bahala na sila.

Gayunpaman may iilang inuuna muna ang iba kaysa sa sarili, may iilan.

"Ne! Gising na Ne! Kawawa ako kung wala ka! Paano na 'ko nito?! Ne gising na... Sige na! Diyos ko! Kaawaan mo kami!"

Bakit? Ang tanong na bumabaha sa kanilang isipan. Bakit siya pang nag-iisang katulong ko sa buhay? Bakit siya pa na mabait at mapagmahal? Bakit siya pa kung ako lang din naman ang matitira? Bakit siya, kung ako na lang?

Nagpadagdag pa sa pighati ang mainit na panahon, walang balak na umulan para sana'y makisama sa kanilang mga nararamdaman. Paanong hinayaan Niyang isipin ng lahat na sila'y nag-iisa? Na maging ang panahon ay walang pakialam sa kung anong pinagdadaanan nila ngayon?

Ang mga police, bombero, at paramedics ay nagkalat na upang isagawa ang kani-kanilang sariling obligasyon. Kung hindi kaya nahuli ng dating ang mga itinuturing na tagapagligtas, kaunti kaya ang mapipinsala, mapa-buhay ng tao o bagay man? Siguro? Depende?

Gayunpaman, isa lamang ang ipinapahiwatig nito, ang mahuli, matatalo...

Maging ang tunog ng ambulansya at fire truck nakisama sa mga hagugol ng naroroon. Huli man silang dumating upang matupok ang mapintas na apoy. Patuloy pa rin sa pagsugpo ang mga bombero sa mga bagay na umuusok pa, na maari ulit makapagdulot ng apoy.

Habang ang mga media, walang humpay sa kaka-interview ng mga tao roon. Maging ang mga taong wala sa pinangyarihang pinsala ay naki-usyoso na rin.

"Ano po ang findings niyo Sir sa naging dahilan ng sunog?"

"What exact time did the incident happened Sir?"

"May exact number na po ba ng casualties?"

"How long po ba ang itinagal ng sunog?"

Sinong mag-aakala na ang tipikal na aktibidad ng eskwelahan ay mauuwi sa trahedya. Sa harap pa mismo ng malawak na katubigan.

Samantala sa pinakasulok ng nasabing lugar may nag-iisang labingpitong taong gulang na babae ang nakatayo. Pinipigilang may lumabas ni isang tulo ng luha sa pisngi at iyak ng pighati.

Makikita sa mga mata nito ang ang awa, panghihinayang, lungkot, at sakit habang nakatingin sa babaeng nakahandusay sa lupa, na ang kalahating parte ng katawan ay sunog na at halos hindi na makilala.

Dahan-dahan itong lumuhod, bagaman siya ay nagpipigil, nais na nitong sumabog sa dala-dalang sakit. Ngunit ano nga bang pumipigil sa kanya?

"Mi-mishe-lla," sa pa-utal-utal na bigkas ng pangalan ng nakahandusay, unti-unting umaapaw ang tubig na pinilit manatili sa mata. "Mi-mish...sor-sorry." Kasabay niyan ang pagbuhos ng luhang puno ng kahulugan.

Hinagkan niya ito, hindi pinansin ang amoy at duming posibleng kakapit sa damit. Habang patuloy ang pagtaasbaba ng balikat dala ng hikbi.

"So-sorry...sorry...sorry," paulit-ulit na binanggit ang katagang patawad, paulit-ulit na nanghihingi ng kapatawaran. Paulit-ulit na ultimong makakalimutin ang kausap kaya kinakailangang ulit-ulitin. Subalit ang kanyang kaharap ay isa na lamang bangkay, patay.

Kasabay nito, naghalo na rin sa iyak at hagulgol ng naroroon ang iyak ni Elise—isang karaniwang dalaga na katulad din ng iba siya'y may mga karapatan at tungkulin. Hindi nga naiiba sa kapwa. Namumukod tangi naman ang kanyang mga karanasan... mga karanasang mapapait.

                                   -*-

                                                        [WARNING]

Ang masunod ninyong mababasa ay naglalaman ng maseselang lengguwahe at paksa, kung kaya't kinakailangan ng inyong malawak na pag-iintindi. Salamat.

DNforsolace

Hello po! Maraming salamat sa pagbabasa. Nawa'y may matututunan kayong makabuluhang aral sa pag-abot ng wakas nitong kuwento

| Like

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status