Share

LAB— 1

PRECIOUS

"Pagod na ako," reklamo ko kay Cora. Kanina pa kami naglalakad dito sa mall.

"Gusto ko ng umuwi."

"Mamaya na. Kumain na muna tayo."

"Kanina pa tayo kain nang kain. Di ba sabi ko naman sa'yo gusto ko ng mag-diet. Pakiramdam ko nadagdagan na naman ako ng timbang," reklamo ko. Totoo naman iyon. Ang bilis kong mag-gain ng weight. Hindi na ako natutuwa kaso ang hirap naman kasing simulan ang pag-da-diet at pag-work out. Iniisip ko pa lang parang nahihirapan na ako.

"Bukas ka na mag-diet."

Napakamot ako ng aking batok. "Kaya lalo akong tumataba kasi hindi mo ako sinusuportahan, e."

Tumawa siya. "Ano ka ba? Masarap kayang kumain."

"Oo, masarap nga, pero ikaw hindi ka man lang nadadagdagan ng timbang kahit na kumain ka ng madami. Kumusta naman ako." Napabuntong hininga ako. Nafu-frustrate na talaga ako. Ang bigat-bigat ko na. Kaya hindi ako nagkakaroon ng manliligaw dahil over weight ako. Tagyawatin din ako. Heto nga at nangangati na naman ang bagong tubo kong tagyawat. Dahil 'to sa kinain kong chocolate cake kanina, e. Hindi ko na kayang tiisin kaya kinurot ko na. So satisfying. Napangiwi naman si Cora sa aking tabi.

"Sabi ng huwag mong tirisin, e."

"Makati, e."

"Bumili na lang tayo ng skincare pala."

"Cora, gusto ko ng umuwi." Pagod na talaga ako. Namamanhid na ang mga binti ko. Hindi ko na kayang maglakad ng ilang metro.

"Pagkatapos do'n, puwede na tayong umuwi." Tiningnan niya ang kaniyang celphone saglit bago ako hinila papuntang department store. Ang tagal pa niyang namili.

"Kahit ano na diyan," naiinip kong sabi sa kaniya dahil kanina pa siya namimili ng shade ng lipstick na babagay sa akin.

"Ito, bagay sa'yo kasi maputi ka," aniya habang kinukuskos sa kaniyang palad ang sample. Kinuskos niya iyon sa dulo ng daliri niya saka pinahid sa aking labi.

"Di ba ang ganda!"

"Bilhin na natin iyang tatlo, kung hindi bagay sa akin, sa'yo na lang." Lahat ng hindi ko gustong gamit, binibigay ko sa kaniya. Puwera sa damit kasi tatlong beses ata ang laki ko sa kaniya. Katatapos nga lang akong ipamili ni Daddy nang isang buwan at halos hindi ko pa nagagamit ang mga iyon. Punong-puno na naman ang walk in closet ko. Tamang-tama sa susunod na araw pipilian ko iyon at ang nga hindi kasya sa akin at mga hindi ko magamit ay ibigay ko na lang kay Cora. Yearly ko itong ginagawa, pagkatapos ng aking birthday.

"Magsasara na ang mall..." Tiningnan ko ang aking relo. Alas-onse na. Hanggang alas-onse y media lang ang mall.

"Tara bayaran na natin 'to. "

Nakahinga lang ako nang maluwag nang malapit na kami sa mansyon. Tulog na ata si Daddy. Kung sabagay, ano'ng oras na din naman kasi.

Pinabitbit ko sa driver ang mga pinamili namin. Nakasunod ito sa akin. Paika-ika naman akong naglakad papasok ng bahay, parang hindi na ako aabot sa taas, sa aking kuwarto.

Patay na ang lahat ng ilaw sa loob ng bahay. Alam naman ni Manang na nasa labas pa kami, ba't niya pinatay ang lahat ng ilaw. Ngunit ganoon na lang ang pagkagulat ko nang may pumutok at kasabay no'n ay ang pagbukas ng mga ilaw.

"Surprise! Happy birthday, Precious!"

Napatingin ako sa malaking orasan sa dingding. Alas-dose na pala.

"Happy birthday, hija!" Lumapit sa akin si Daddy. May hawak siyang isang cake sa kamay.

"Thank you, daddy!" Kaya pala kahit anong pilit ko na umuwi ay ayaw pa din umuwi ni Cora.

"Make a wish," sabi ni Daddy. Tiningnan ko muna ang mga taong narito at nakita ko si Attorney Velez, kasama ang kaniyang asawa. Sana nandito din ang anak nila na si Jacob, para masaya.

Ano ba ang wish ko? I graduated college. May mapagmahal na ama, kahit kami lang ni daddy masaya naman kami. May marangyang buhay. Lovelife. Iyon na lang ang kulang. Sana... Sana mahalin ako ni Jacob.

Pinikit ko ang aking mga mata bago ko hinipan ang kandila.

Happy birthday to me!

Pumalakpak ang mga staff namin. At nang makita ko ang lalake na palapit sa akin ay ganoon na lang ang panlalaki ng aking mga mata. Si Jacob! Nandito siya... At may hawak siyang bouquet ng roses! Para sa akin?

Lumapit siya at inabot sa akin ang bulaklak.

"Happy birthday, Precious..."

"Salamat, Jacob..." Alam kong namumula ang aking pisngi. Mula pagkabata ay mahal ko na si Jacob, lagi siyang laman ng panaginip ko at ilang taon ko na din siyang pinagdarasal. Siya na lang talaga ang kulang sa buhay ko, e.

Masaya na ako na narito siya pero halos mahimatay ako sa saya nang halikan niya ang aking pisngi. Nananaginip ba ako?

At hindi pa nagtatapos doon ang lahat, dahil bigla siyang lumuhod sa aking harapan at mula sa kaniyang bulsa ay nilabas niya ang isang diamond ring. Napakalaki ng bato nito. Oh my! Ano'ng ibig sabihin nito?

Nakanganga lang ako habang hindi makapaniwalang nakatingin sa lalakeng nakaluhod sa akin.

"Precious, will you marry me?"

Ano?!

Nanginig ang aking katawan. Nanghihina ako. Oh my! Hinimatay ako for real! Ilang segundo lang naman iyon. Nakabawi ako agad.

Pero teka, totoo ba ang lahat ng 'to?

"Daddy, prank ba 'to?"

Tumawa si Daddy at inakbayan ako. Tiningnan namin ng sabay si Jacob. Hawak pa din niya ang singsing. Hindi na nakaluhod pero nakalahad pa din ang singsing sa akin.

"Will you marry me?"

"J-Jacob..."

Yes! Iyon lang naman ang kailangan kong isagot pero bakit hindi ko masabi? My God, Precious!

"Y-Yes, Jacob! Yes!"

Sinuot niya ang singsing sa aking daliri. It fit! Paano niya nalaman ang sukat ng aking daliri. Pero teka! Bakit niya ako inaalok ng kasal? Hindi naman kami! What is the meaning of this? Pero mahalaga pa ba iyon? Ang mahalaga ay gusto niya ako. At heto nga inaalok ako ng kasal. Kailan pa niya ako nagustuhan? Kailan pa niya na-realize na mahal niya ako? Hindi man lang siya nanligaw sa akin. Pero gusto ko 'to. Kasalan na agad.

Pangako, Jacob. Magiging mabuting asawa ako sa'yo. Sisiguraduhin ko na magiging masaya tayo habang buhay.

Ito na yata ang pinaka-the best na birthday ko.

Happy 25th birthday to me. Salamat, Lord, dahil tinupad mo ang ilang taon ko ng hinihiling sa'yo. Si Jacob.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status