Share

Kabanata 2: Nakamamatay na Halik

Ilang araw ang lumipas.

Dumating ang araw nang umakyat na sa bundok sila Larry kasama ang dalawang kaibigan na sina Nathan at Gilbert.

Nang marating ng tatlo ang tuktok ng bundok ay nagkatinginan sila Nathan at Gilbert habang nakaupong nagpapahinga at hinahabol ang hininga sa sobrang hingal dahil sa taas nang inakyat. Ang mga tinginang iyon ay senyales na may masamang plano sa kaibigan na si Larry.

Walang kaalam-alam na pinagmamasdan ni Larry mula sa mataas na bahagi na kanyang kinalalagyan ang magagandang lugar na nasa ibang bahagi ng kabundukan habang nakaapak sa bandang dulo ng bangin.

“Guys, mabuti sumama ako sa inyo napakaganda ng lugar. Kahit nakakapagod ay sulit ang pag-akyat,” nakangiting wika ni Larry habang nakatingin pa rin sa malawak at malalim na lugar. “Medyo nakukonsensya lang ako mga pre dahil sumama pa rin ako kahit hindi pumayag si Claire, pero babawi na lang ako sa pagbalik natin sa siyudad,” dugtong ni Larry.

“Paanong bawi ang gagawin mo?” tanong ni Gilbert habang hinahabol pa rin ang paghinga nito.

“Magpro-propose na ako kay Claire para makapagplano sa bubuuin naming pamilya,” nakangiting wika ni Larry habang namamangha pa rin sa magandang lugar na nakikita ng kanyang mata.

Napatayo si Nathan sa kanyang pagkakaupo nang marinig ang planong gawin ni Larry unti-unti itong lumapit sa kinatatayuan ni Larry.

“Maiba nga pala ako pre. Mabuti hindi napahiya si Gilbert sa pag-aya sa iyo,” wika ni Nathan at sabay akbay sa kaibigang si Larry.

“Ano ka ba naman Nathan mga kapatid na ang turing ko sa inyo. Huwag ka mag-alala kung sakaling ulitin natin hindi na ako kailangan pang pilitin ni Gilbert.”

“Mabuti naman kung ganoon Larry, Kaya lang,” napahinto sa pagsasalita si Nathan at muling nagkatinginan sila nang nananahimik na si Gilbert.

“Bakit may kaya lang?” tanong nang naguguluhan na si Larry.

Mas lalong nagtaka at naguluhan si Larry nang bilang nilapit ni Nathan ang kanyang bibig at bigla siyang hinalikan nito.

“Huling akyat mo na ito kaibigan, dahil mamamatay ka na!” bulong ni Nathan kay Larry.

Habang palingon pa lang si Larry sa kaibigan para tignan kung seryoso o nagbibiro sa sinabi ay naitulak na siya ni Nathan kaya wala nang nagawa kundi ang magulat habang nahuhulog sa bangin.

“Paalam kaibigan ako nang bahala sa girlfriend mo!” bukang bibig ni Nathan habang nakangiti itong pinagmamasdan ang nahuhulog na si Larry.

Biglang napatayo si Gilbert at nanlaki ang mata nang makita niyang nahuhulog ang kaibigan. Napatuyan niyang hindi nagbibiro si Nathan sa plano nitong pagpatay kay Larry.

“Kailangan na nating bumaba baka may makakita pa sa atin dito,” pag-aalala ni Gilbert habang palingon-lingon sa buong paligid upang tignan kung may tao sa paligid.

Hindi na nag-aksaya ng kahit ilang segundo si Nathan at agad itong kumilos upang sundin ang kasamang si Gilbert.

Habang bumababa ng bundok ang dalawa ay biglang may itinanong si Nathan kay Gilbert.

“Gilbert, kaganina ko pa napapansin na tahimik ka, mukhang dinadaga ka na yata?

“Hindi naman sa ganoon Nathan. Nakukunsensya lang ako kung bakit kailangang gawin natin iyon kay Larry? Naging mabait naman siyang kaibigan sa ating dalawa lalo na sa iyo. Sobrang dami nang itinulong ng taong iyon sa atin.”

“Akala ko ba sa akin ka kakampi. Tandaan mo ako ang tumulong sa iyo kaya ka naging tao,” sumbat ni Nathan.

“Bakit kailangang manumbat? Nagtanong lang naman ako kung bakit natin ginawa iyon, hindi ko sinabi na panig ako kay Larry. Alam mo naman loyal ako sa iyo kahit ano pa ang mangyari,” paliwanag ni Gilbert sa napipikong si Nathan.

“Mabuti kung ganoon na maliwanag sa isip mo kung kanino ka kakampi,” wika ni Nathan na halatang nagalit kay Gilbert. “Kilala mo ako na gagawin ko ang lahat para makuha lang si Claire, kahit buhay pa ng isang kaibigan ang maging kapalit. Kaya ikaw itigil mo ang pinagsasabi mo baka may makarinig pa sa iyo,” dugtong ni Nathan habang nakatingin nang masama kay Gilbert.

“Hindi ko naman nakakalimutan ang utang na loob ko sa iyo, kaya nga pumayag akong makipagsabwatan sa masama mong plano,” paliwanag ni Gilbert habang hindi makatingin nang derecho kay Nathan. “Nanghihinayang lang talaga ako na nawalan tayo ng isang mabuting kaibigan, pero hanggang doon na lang iyon. Alam ko naman na makikinabang din ako sa pagkawala niya,” dugtong ni Gilbert.

“Mabuti naman nagkasundo tayo sa bagay na iyan, Gilbert.”

Nakababa nang ligtas sila Nathan at Gilbert mula sa mataas na bundok matapos ang ilang oras. Mabilis na ipinakalat nila ang balitang naaksidente si Larry. Humingi ng tulong ang dalawa sa kinauukulan upang hindi mahalata na sila ang may kagagawan sa nangyari sa kaibigan nilang hinulog.

Mabilis na kumilos ang barangay sa pagpapadala nito ng mga rescuer na makakasama kina Nathan at Gilbert sa lugar na posibleng pinaghulugan ni Larry.

***

Samantala sa loob ng kabundukan isang magsasaka ang sakay ng kanyang alagang kalabaw ang napadaan kung saan matatagpuan ang nahulog na si Larry, si Mang Karding.

Pansamantala itong natigilan sa paglalakad nang mapansin niya ang nakahandusay na duguan at walang malay na si Larry.

Nakaramdaman si Mang Karding ng takot na baka madamay at mapagbintangan sa nangyari kay Larry. Mabilis niyang iniwasan at nagkunwaring walang nakita. Ngunit, habang papalayo ang pobreng magsasaka ay nakaramdam ito ng awa.

Binalikan ni Mang Karding si Larry kahit alam nitong baka madamay siya.

Pinakiramdaman niya ito kung humihinga pa ito. Nang malaman niyang buhay pa ito ay dahan-dahan niya itong isinakay sa karosa ng kanyang kalabaw.

Matapos na lumingon sa buong paligid si Mang Karding ay mabilis itong umalis sa nasabing lugar at dinala niya ito sa kanilang bahay.

Nataranta si Aling Cecilia ang asawa ni Mang Karding nang makita niya si Larry na walang malay malay at puno ng galos na nagkapalat pa ang dugo sa buong katawan nito.

“Cecilia! Huwag kang tumayo diyan tulungan mo ako. Ipasok natin ito sa loob ng bahay,” paghingi ng tulong ni Mang Karding habang natataranta sa pagbubuhay kay Larry.

“Sino ba iyan? Kilala mo ba iyan kaya mo siya dinala dito sa bahay?” ang gulat na gulat na tanong ni Aling Cecilia. “Baka masamang tao iyan,” dugtong nang nag-aalalang si Aling Cecilia.

“Hindi ko rin siya kilala, pero naaawa naman ako kung hahayaan ko lang siya doon sa loob ng kabundukan, lalo na noong nalaman kong humihinga pa siya,” pagpapaliwanag ni Mang Karding habang akay-akay nilang mag-asawa papasok sa kanilang bahay si Larry.

Dahan-dahan na inihiga ng mag-asawa sa isang higaan na gawa sa kawayan ang duguang si Larry.

Mabilis na kumilos si Aling Cecilia para kumuha ng mga dahon na gagamitin para gawing gamot sa mga sugat ni Larry.

“Iwan muna kita dito sa bahay babalik ako sa lugar kung saan ko siya nakita baka may mga gamit ang taong ito na puwedeng makatulong upang malaman ang kanyang pagkatao,” pagpapaalam ni Mang Karding sa kanyang asawa.

Matapos ihanda ni Aling Cecilia ang mga gamit at gamot na gagamitin ay itinuloy na nito ang paggagamot kay Larry.

Halos limang minuto pa lang ang nakalilipas matapos umalis si Mang Karding at naiwang mag-isa si Aling Cecilia ay biglang gumalaw si Larry dahilan upang mapahinto ang matandang babae sa kanyang ginagawa at mapaatras sa takot sa taong kanyang ginagamot na baka bumangon ito at saktan siya.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status