Share

Love by Chance (The Billionaire's Forgotten Love)
Love by Chance (The Billionaire's Forgotten Love)
Author: Mariya Agatha

Prologue

Nayakap ni Zelena ang sarili dahil sa lamig ng hanging dumadampi sa kanyang balat. Madilim na ang paligid at tanging ilaw lang na nagmumula sa street light ang nagbibigay liwanag sa waiting area kung saan siya nakaupo.

"Nasaan ka na ba." Nag-aalalang usal niya sa sarili.

Dalawang oras na siyang naghihintay sa kanyang nobyong si Cole ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin ito dumadating. At ngayon lamang ito na-late ng ganito sa tuwing magkikita sila kaya labis ang pagtataka niya.

"More patience pa Zelena." Mariing payo niya sa sarili. Kahit abutin siya ng madaling araw sa paghihintay ay maghihintay siya lalo na ngayong wala na siyang mauuwian.

Huminga siya ng malalim bago muling dinial ang contact number ng kanyang nobyo ngunit hindi pa rin ito makontak.

Binalot na siya ng labis na kaba at pag-aalala. Napakalakas na ng kabog sa kanyang dibdib.

Inayos niya ang suot na jacket at marahang hinaplos ang maliit na umbok sa kanyang sinapupunan. Ito dapat ang sorpresang sasabihin niya sa kanyang nobyo. Ang sorpresa na may nabuong sanggol sa kanyang sinapupunan dahil sa kanilang pagmamahalan. Wala man ito sa kanilang plano, tatanggapin niya ang bata ng buong-buo at puno ng pagmamahal kagaya ng sobra- sobrang pagmamahal na ibinigay niya sa ama nito.

Yun nga lang, ito rin ang naging dahilan kung bakit siya pinalayas ng malditang tiyahin sa bahay nito. Kung anu-anong pangalan pa ang itinawag sa kanya. Kesyo malandi, haliparot, pokp*k o higad dahil sa matindi nitong galit.

Gayunpaman, hindi niya rin ito masisisi dahil kasalukuyan pa siyang nag-aaral ng kolehiyo at nasa ikatlong taon pa lang. Marahil sobrang dismayado ang tiyahin niya dahil nabuntis siya kung kailan sana isang taon nalang at magtatapos na siya ng kolehiyo.

Mariin siyang pumikit kasabay ng paglaglagan ng mga butil sa kanyang mga mata. Ngayong pinalayas siya ng tiyahin at wala ng balak sustentuhan ang pag-aaral niya ay wala na siyang ibang mapupuntahan. Ang nobyong si Cole lang ang tanging naisip niyang magiging karamay sa sitwasyong kinasasadlakan niya ngayon.

"Pupuntahan niya naman siguro ako rito diba? Hindi niya naman siguro ako pababayaang mag-isa?" Tanong niya sa sarili. She started to get emotional. Natatakot siya sa bawat paglipas ng minuto na maski anino ng nobyo ay hindi niya nasilayan.

At sa makailang ulit, di siya nagsawa at muling dinial na naman niya ang numero nito.

At halos mapatalon siya sa tuwa nang sa wakas ay nagring na rin ito.

Ngunit agad ding naglaho ang sumilay na ngiti sa kanyang labi nang isang boses ng babae ang sumagot sa kabilang linya.

"Hello!"

Di maipaliwanag ni Zelena ang nararamdaman ngayon. Sumibol ang matinding kaba sa kanyang puso. Walang anumang salita ang lumabas mula sa kanyang bibig.

"Hello! Sumagot ka! Who the fuck are you? Kung wala kang kailangan, stop calling my fiance!"

Malakas na bulyaw nito sabay putol ng tawag. Para siyang mabibingi sa lakas na tibok ng kanyang dibdib. Para itong sasabog! Para siyang kakapusan ng hininga sa nalaman.

Hindi siya ipinanganak kahapon para hindi maintindihan ang sinabi ng babae.

Fiance? Ibig sabihin ba nito may ibang karelasyon ang kanyang nobyo at ikakasal pa? Ibig sabihin nito matagal na siyang niloloko ni Cole? Pero bakit? Bakit nagawa ito ng lalaking bukod tangi niyang minamahal? Bakit nagsinungaling si Cole at pinaniwala siyang mahal din siya nito? Lahat ba ng pinaparamdam at pinapakita sa kanya ng lalaki ay pawang pagpapanggap lang? Para ano, paglaruan ang damdamin niya? Kung kailan naibigay niya na ng buo ang sarili sa lalaki ay saka niya matutuklasan ang pagtataksil nito.

Tuluyan na siyang napahagulhol ng iyak. Madilim na ang paligid. Ilang oras na siyang naghihintay. At ang hindi pagdating ng lalaki ngayon ay patunay lamang na maaaring totoo nga ang sinabi ng babae.

"Ahhhhh sinungaling ka! Manloloko!" Di mapigilang sigaw niya kasabay ng pagbuhos ng malaulang luha sa kanyang mga mata.

"Bakit ngayon ko pa nalaman. Bakit ngayon pa kung kailan wala na akong ibang masasandalan. Paano na tayo baby!" Patuloy sa paghagulhol si Zelena dahil sa sakit at paghihinagpis.

Nagsimula na ring pumatak ang ulan na para bang dinadamayan siya sa pighating nararamdaman.

Dahil sa matinding kabiguan ng kanyang puso ay naglakad si Zelena sa maulang kalsada. Gulong-gulo na ang isip niya at di alam ang gagawin. She has nowhere to go. Tanging ang sanggol nalang sa kanyang sinapupunan ang mayroon siya ngunit hindi niya alam kung anong buhay ang maibibigay niya sa anak. Ni pisong duling ay wala siya. Para na siyang mababaliw. Ngayon pa lang nawawalan na siya ng pag-asa.

Humagulhol siya ng malakas kasabay ng pagbuhos ng ulan na ngayo'y sinasamahan na ng kulog at kidlat.

Para bang gusto niya nalang mawala para mawala na rin ang matinding sakit at pagdurusa na nararamdaman niya.

"Patawad anak, patawad!" Tanging nasambit niya bago naisipang tumawid sa kalsada. Sinaktong may paparating na sasakyan para tuluyang wakasan ang kanyang paghihirap.

At tuluyan siyang napapikit nang maramdamang papalapit na sa kanya ang sasakyan. Kasabay ng nakakabinging busina ay ang pagkawala ng kanyang kamalayan.

Comments (2)
goodnovel comment avatar
Cherrylou Flores
more episodes
goodnovel comment avatar
Mildred Dean
Kakaexcite prologue palang ah! Bagong aabangan na nemen Ms. a
VIEW ALL COMMENTS

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status