Share

I wished Iam That Someone Else

 

 

Kinukuha na ba ako ni Lord? Ito ang nasa isip niya habang pinapakinggan ang musika na karaniwan niyang napapakinggan sa simbahan. Isang himig na tila ba may aparisyon na nagaganap at humihila sa kanya papunta sa liwanag na kanyang natatanaw.

Pinuntahan niya ang pinanggagalingan ng liwanag na iyon. Pero sa halip na anghel ang kanyang makita ay ang mukha ng kanyang pinsang talent manager na tumatawa nang malakas na animo’y isang demonyita.

Bigla siyang bangon. Hinanap niya kung saan nanggagaling ang musikang kanina pa niya naririnig na tumutugtog. Napabuntung-hininga siya nang makita ang pinagmumulan nito. Ang cellphone niya. Pinalitan na naman ng talent manager niya ang ringtone nito. Kaya pala nanghiram ito kahapon at pati sa panaginip, este, bangungot niya ay ginugulo siya nito sa pang-aasar.

“Hello?” pagbati niya nang pinindot ang receive icon ng smartphone niya.

“Anong hello, hello ka diyan. Nakalimutan mo na ba kung ano’ng araw ngayon?” halos pasigaw na sagot ng kausap sa kabilang linya.

“I’m sorry. Late na ‘ko nakatulog kagabi.” Sa totoo lang hindi siya makatulog at nang dinalaw na siya ng antok ay umaga na. “Papunta na ‘ko diyan. Mabilis lang ako.”

“Sige. ‘Wag na ‘wag kang mawawala sa araw na ‘to ah kung hindi I will hate you forever,” paalala sa kanya ni Jamie.

“I promise,” pilit niyang pinasigla ang boses at tumawa.

Pagkatapos ibaba ang telepono ay bumalik sa dating lungkot ang mga mata at labi niya.

Oo na. Isa siyang masokista. Ang babaeng una niyang minahal, ang kababata, ang kanyang superhero at ang mentor niya ay ikakasal na pero hindi sa kanya. At heto siya, dadalo pa ng kasal nito.

Hindi siya isang santo. Mas lalong hindi rin siya isang anghel na nalaglag dito sa lupa. Pero siya ang tinaguriang “Pambansang Good Boy ng Pilipinas”, “Nation’s Second Leading Man”, “Pambansang Bestfriend”, “Friendzone Expert” at iba pa. In short, pambansang thirdwheel.

Miyembro siya dati ng boy group na sumasayaw at kumakanta sa mga variety shows tulad ng ‘Eat Showtime’. Pero nang ma-discover siya sa kanyang pag-arte bilang supporting actor sa isang drama ay nagtuluy-tuloy na ang kanyang career bilang artista.

Sumikat siya sa kanyang mga role na good boy sa mga pelikula at teleserye kung saan siya gumanap. Siya ‘yong mabait, gentleman at understanding na palaging nandiyan para sa bida pero hindi nga lang siya ang pinipili ng heroine sa huli. Ang kadalasang pinipili nila ay ‘yong bad boy, gangster at suplado pero medyo bastos na lalaki. Lalo pa siyang sumikat sa kanyang mga bansag dahil sa pinakahuli niyang teleserye na Filipino remake ng Boys Over Flowers at siya ang gumanap ng role ni Yoon Ji Hoo, ang bestfriend ng bidang lalaki na si Goo Jun Pyo sa F4. Nagtataka siya sa ibang mga babae kung bakit mas pinipili nila ang bad boy eh may lalaki namang katulad niya na nag-e-exist.

Napabuntung-hininga siya habang nakatingin sa unahan. Ilang segundo pa bago ang green light. Lumingon siya sa isang billboard na nakalagay sa ilalim ng MRT station. May nakita siyang babae sa larawan na nakaupo at nakatungo. Binasa niya ang nakasulat sa itaas ng ulo nito. Isang sikat na beauty clinic pala ito.

“The hardest thing in life is to see the one you love, love someone else. Sa SOMEBODY CLINIC hindi na siya maghahanap pa ng someone else.”

“Tsk… Grabe makahugot ang mga advertisements ngayon. Sino ba nagpauso ng kasabihan na yan nakiuso pa sa pagmo-moment ko. I wished I am that someone else for her but I am not.”

Ang totoong buhay niya ay hindi nalalayo sa mga kuwento ng mga pelikula at teleseryeng ginawa niya. Katulad ngayon na hindi siya pinili ni Jamie na pakasalan.

Hindi lang sa career at love kung ‘di pati sa pamilya. Pangalawang anak siya sa magkakapatid, option na nga sa pagmamahal pati rin sa kanyang pamilya. Hindi niya naramadaman na naging priority siya sa kanyang buhay kaya siya nag-artista.

Tinanggal niya ang butones sa leeg ng pang-ilalim na puting polo. Para kasing nagsikip ang pakiramdam niya. Tiningnan niya rin ang sarili sa salamin. Kung sa looks naman ang pagbabasehan ay baka mahiya sa kanya si Paulo Avelino lalo ngayon na nakasuot siya ng suit. Sa taglay niyang tangkad, tikas at porma ay sino ba naman ang hindi mapapalingon sa kanya. Sabi pa ng mga tao sa kanya ay talented at good looking na, mabait pa. Naalala pa niyang may isang nag-confess sa kanya sa campus no’ng nag-aaral pa siya pero tinanggihan niya ito dahil si Jamie ang matagal nang tinitibok ng puso niya.

Agad naman siyang nakarating sa venue ng garden wedding. Nakipagkamay siya sa groom-to-be na si Raven.

“Congratulations,” pagbati niya pagbungad niya sa ikakasal.

Niyakap naman siya ni Jamie. Sa una ay hindi siya yumakap pero nang marinig na parang humikbi si Jamie ay gumanti siya ng yakap dito. Ito ang kanyang one last hug bilang paalam sa kanyang first love at katapusan sa kanyang unrequitted love. Kasabay ng pagkawala niya sa yakap ni Jamie ay ang pamamaalam niya sa natitirang pag-asa niya rito.

Pagkatapos ng seremonya ay umalis na siya.

Kasabay ng pagtalikod niya sa kanyang unang pag-ibig ay siya namang simula ng pangakong pagbabago niya sa kanyang sarili. Kung kailangan magpaka-bad boy siya ay gagawin niya. Gusto rin naman niyang maramdaman na siya ang first choice, ang priority at first sa lahat. Sa bawat hakbang na ginawa niya palayo ay bitbit ang takot at pag-aalinlangan ng pagsisimulang muli.

Sa Bulacan ang susunod na shooting ng kanyang pelikula na ipapalabas sa November. Tamang-tama dahil malapit ito sa pinatayo niyang bahay sa Pampanga na konting finishing touch na lang ang kulang. Napagdesisyunan niyang lumipat na kaagad dito. Malaking proyekto ito na hatid ng Scar Cinema na ibinigay sa kanya bilang kauna-unahan niyang pagbibida kaya gagawin niya ang lahat para hindi mabalewala ang big break na matagal na niyang inaasam.

Halos dalawang oras rin siyang bumiyahe. Sa wakas nakalabas na rin siya ng expressway. Paglagpas niya sa NLEX ay sariwang hangin at maraming puno ang sumalubong sa kanya sa Pampanga. Lumiko siya sa isang themed park at natanaw ang location ng kanyang panibagong bahay.

Excuse man kung matatawag ito pero mas hindi siya masasaktan kung lalayo siya. Kailangan niya ngayon ang mapag-isa.

Two-storey ang bahay. Nakakaaliw ang disenyo nito na may modern at futuristic concept. Sa loob ay may isang maliit na garden na nasisikatan ng araw dahil fiber glass ang bubong sa bandang iyon. Black and white ang interior pero ang mga gamit ay mga kulay lang na blue, green at mint green ang makikita. Puti ang lahat ng sulok ng bahay maliban sa itim ang tiles na sahig at ang ibang mga furniture. Presko sa mata. Tamang-tama sa minimal design at detalye na ibinigay niya.

Lumabas siya ng kuwarto papuntang terrace kung saan paglabas ng sliding window ay makikita na ang labas. Mula sa labas ay mistulang isang 2x2 cube ito na puti ang pintura pero itim naman ang kulay ng linya at bawat kanto. Ang terrace ay DNA ang hitsura nito, ‘yong parang isang twisted na hagdan. Tanaw niya mula sa terrace ang mga ilaw na nagmumula sa mga katabing bahay.

Simula nang magkaroon siya ng mga projects, pelikula, drama, commercials, at endorsements ay ito na ang pinaglaanan niya. Matagal na niyang gustong bumukod pero madalas pinipigilan siya ng kanyang ina with matching tears and heart attack moment kunwari pero ngayon ay hindi na siya nagpapigil pa. Mabuti na lang na nasa abroad ito at ang kuya niya for business trip. Hindi niya ipinaalam sa kanila lalo na sa ama na bubukod na siya.

Humugot siya ng malalim na buntung-hininga habang hawak ang canned beer sa kanyang kamay. Hindi niya alam kung paano niya pa magagawang magmahal ulit kung ganoon na katindi ang ibinuhos niya para kay Jamie.

Let it go? Move on? Tsk. Sa kanta at pelikula lang nangyayari ang mga iyon but in reality, it was, is and will never be that easy.

Inilibot niya ang paningin. Nasa gitna siya ng pag-iisip nang marinig ang nakakaasar na ringtone ng kanyang cellphone na parang kinukuha na siya ng Maykapal. Ang pinsan niyang talent manager ang tumatawag.

This ringtone is really…

“Hello!” sigaw niya sa kausap.

“Hello, Blue. Nakalipat ka na ba?” aniya sa kabilang linya.

“Oo!” sagot niya na sinabayan ng malalim na bunting-hininga.

“Hmm… Buti naman. Teka, bakit parang mainit yata ulo mo? Naka-rising intonation ka ngayon. Dahil ba nakita mong ikinakasal si Jamie?”

“Hindi ‘yon! Itong ringtone! Sinabi ko nang ‘wag mong pinapalitan ang ringtone ko. Last time haringking, and now–. CJ naman.” Hindi na niya itinuloy dahil narinig niya ang lakas ng tawa nito sa kabilang linya.

“Ah ‘yan ba? Nagustuhan mo ba?” sagot ni CJ na talaga namang sinamahan pa ng malutong na halakhak.

“Please Crystal Jade, stop it.”

Hindi niya alam kung tumutulong ba sa kanya ang pinsan na maka-move on siya kung ganitong pamemerwisyo ang ginagawa nito.

“Di ko maipapangako ‘yan. By the way, let’s go back to business. Pumunta ka dito ngayon sa location. Na-resched ngayon ang look test na dapat bukas. May meeting kasi si Direk sa FDCP. Bilisan mo lang kasi may mga cast nang dumating dito.”

“Ok. I’ll be there. 30 minutes will do.”

Agad naman niyang pinuntahan ang location ng shoot. Ang kagandahan dito sa probinsiya ay walang gaanong traffic.

Nagtilian ang mga tao pagbaba niya sa sasakyan. Meron pang mga nagpapa-autograph sa kanya. Sinalubong naman siya ng manager niya at humarang sa mga babeng nagkakagulo sa kanya.

“Girls, girls, maya na muna ‘yan. May importante pa kasi kaming gagawin. Pasensiya na.” Kinurdonan na nito ang pinsan.

Pumasok silang dalawa sa tent ng director.

“Blue, it’s good that you’re here. Hindi ako makapili sa dalawang ‘to.” Itinuro ng direktor ang dalawang 3r picture sa lamesa.

Sa totoo lang, wala naman sa kanyang problema kung sino ang magiging leading lady niya. Professionals naman lahat ng nagiging katrabaho. Basta maipakita sa camera ang dapat ipakita base sa script at gusto ng director. Besides, ganoon naman talaga ang mga artista.

Tiningnan naman niya ang mga nasa picture. Magkaiba ang personalidad ng dalawang nasa picture pero ang nakatawag ng atensyon sa kanya ang picture ng isang babae na mahaba ang buhok na napakainosenteng tingnan pero may itinatagong tapang. Kahawig ni Jamie.

“Let’s try kung sino ang babagay sa iyo.” Inutusan ni Direk ang PA nito at agad namang sumunod at tinawag ang dalawang aplikante. Lumabas naman ang dalawa mula sa isang tent at lumapit sa kanila. “Tumabi ka sa kanila si Blue.”

Sumunod naman ang binata. “Hi! I’m Blue,” agad na nilahad ang kamay sa unang nilapitan.

“I’m Janelle,” pagpapakilala ng isa. Nakikita lang niya ito sa TV. Maganda talaga siya sa personal.

“Yeah. I know you. Janelle Salvatori, right?”

Ngumiti ito sa kanya at tumango.

Bumaling siya sa katabi nito. “I’m Dories Day. Nice to meet you”, pagpapakilala nito. Unfamiliar sa kanya ang pangalan nito pero ang pamilyar sa kanya ang mukha nito. Napakunot ang noo niya at nag-isip kung kilala ba niya ito. “Sorry, nakalimutan ko. Tawagin mo na lang akong Julia Cortes.”

May naalala siya bigla.

“Ako nga pala si Maria Jamaica. Tawagin mo na lang akong Jamie. Ikaw? Anong pangalan mo?”

Ipinilig niya ang kanyang ulo.

Jamie… Naalala ko na naman siya.

Ibinaling niya ang atensiyon sa bagong kakilala. “Ah… Ikaw ang kontrabida ng Doble Asintado. Nice to meet you too.”

“Ok. Ladies, isa-isa kayong yumakap kay Blue na parang mahal na mahal n’yo siya. Backhug scene ang gusto ko. Bigyan n’yo ‘ko ng emotions na ikamamatay n’yo kapag nawala siya, ‘yong hindi n’yo kakayaning mabuhay ‘pag hindi n’yo siya kasama. Yun ang kailangan kong shot,” utos ng director. “Understood?”

“Yes, Direk.” Halos sabay pang sagot ng dalawang artista.

“Ikaw muna, Janelle.”

“Ok po Direk.”

Tumayo si Blue sa harap ng camera. Pinapakiramdaman na unti-unting yumakap sa kanya si Janelle. Sa totoo lang ay dapat masanay na siya na ginagawa niya ang mga ‘yon pero sa ngayon ay parang hindi siya gaanong komportable sa yakap mula sa isang babae dahil nagpapaalala ito sa kanya ng one last hug niya kay Jamie kanina.

“Ok. It’s enough. Next is Julia.”

“S-sige po.” Naglakad ito palapit sa kanya ngunit dahil sa sobrang kabang nararamdaman ay natapilok ang dalaga at sumubsob na naging sanhi ng pagkawala nila ng balanse.

Nadaganan siya nito habang nakadapa siya. Agad itong tumayo.

“Ok ka lang ba? Sorry Blue ha,” inilihad nito ang kamay sa kanya. “Kinakabahan kasi ako.”

Bigla na namang may naalala si Blue.

“OK ka lang ba?” inilahad nito ang kamay sa kanya.

Umiiyak ang batang si Blue nang maramdaman ang sugat sa kanyang tuhod.

“Lagi ka talagang pagtitripan ng mga kaklase mo kapag iyakin ka. Ako nga pala si Maria Jamaica. Tawagin mo na lang akong Jamie. Bata, anong pangalan mo?”

Natawa si Blue sa pangalan ng bagong kakilala.

“Pinagtatawanan mo ba pangalan ko? Ayos ka ah, kanina lang umiiyak ka tapos ngayon tumatawa na.”

“Makaluma naman kasi pangalan mo. Ako si Blue Sandejas.”

“Kayo ang bagong lipat doon sa katabi naming bahay, di ba?”

“Oo.”

“Ilang taon ka na?”

“Seven.”

“Aba, mas matanda ako sayo ng dalawang taon. Ate dapat itawag mo sa’kin. Sabihin mo lang sa’kin kapag inaway ka ulit nila.”

Ipinilig ni Blue ang kanyang ulo at ibinalik ang isip sa kasalukuyan.

Si Jamie ulit.

“I’m ok.” Tinanggihan niya ang kamay ni Julia.

Nilapitan sila ni CJ. “Uy, Ok ka lang?”

“Yeah. Let’s start.” Inayos niya ang nagusot na damit.

“Julia, Ok ka na?” tanong ni Direk na nanonood sa kanila.

“Ok na po. Sorry Direk. Ninerbiyos kasi ako bigla pero ngayon wala na.”

“Ok, Ready, Action!” utos ng batikang director.

“Mahal kita,” nasambit ng babae habang niyakap si Blue na punung-puno ng emosyon.

Nagulat siya nang maramdaman nito ang hininga sa likod niya.

“Cut! Good.” Agad na humiwalay ang dalaga kay Blue pagkarinig sa boses ni Direk Paul. Pulang-pula ang mukha nito. “Tatawagan ko na lang ang mga manager n’yo kung ano ang magiging role n’yo sa movie, schedule ng shoot para sa poster and sa script reading. Thank you, ladies. Bye.”

Nang umalis na ang ibang mga casts ay naiwan si Blue kasama ni Direk Paul at ng mga writers.

“Sa tingin ko bagay si Julia na leading lady mo. May chemistry kayong dalawa eh. Pero maganda rin ang rehistro n’yong dalawa ni Janelle sa camera kaya kukunin ko din siya bilang ka-love triangle,” pahayag ni Direk Paul sa harap ng mga writers.

Tahimik na nakinig si Blue sa kanila na nag-uusap usap habang tinitingnan ang litrato ng casting. Nang matapos ang meeting ay nakangiti siyang nagpaalam. Ngiting hindi abot sa kanyang mga mata.

Ilang kilometro mula sa kanyang kinaroroonan ay may isang taong nakamasid at panaka-nakang kumukuha ng litrato ni Blue.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status