Share

Chapter Six

KARMA is real! Sa tingin ni Hannah, akmang-akma sa kanya ang salitang iyon. Ibig niya kasing i-seduce si GB pero siya ang nadadala sa mga salita nito. Idagdag pa ang mga aksyon nito na talaga namang nakakapagpalambot ng tuhod. Ngayon niya naiintindihan kung bakit sangkaterbang babae ang nagkakagusto rito.

Napalunok tuloy siya habang nakatitig  sa kamay na hinawakan ni GB. Dama pa niya ang init ng palad ni GB na nagbigay ng kakaibang pakiramdam sa kanya. Ayaw naman niyang basta bawiin iyon kanina dahil ayaw niyang makita ni GB na naaapektuhan siya. Saka, hindi rin niya magawang ipagkaila sa sarili na masarap sa pakiramdam na magkadaop ang kailang mga palad. 

Ewan niya pero pakiramdam niya ng mga oras na iyon, hindi lang ang kamay niya ang hawak ni GB, pati na rin ang kanyang puso. 

Shucks, ano ba ang pinagsasasabi niya? naiinis niyang tanong sa sarili. 

Hindi naman siya romance novelist kaya hindi niya dapat naiisip ang mga ganoong paglalarawan. Para tuloy gusto niyang magsisi na nagpunta siya kay Chesca. Pakiramdam niya kasi'y nahawahan siya ng pagiging romantic nito kaya naman ngayon ay parang gusto niyang magtititili. 

Nahihirapan kasi siyang magtrabaho. Ayaw niyang isipin na nagkakaroon siya ng writer's block dahil hindi naman uso sa kanya iyon. Saka hindi naman fiction stories ang kanyang isinusulat. Dati nga, kapag nakaharap na  siya sa screen ng kang PC, nagagawa na niyang magsulat lalo na't kumpleto na naman ang kanyang research, ngunit, kanina pa siya nakatingin sa monitor pero hindi pa rin niya maumpisahan ang dapat niyang gawin.

"Breakfast is ready," masiglang sabi ni GB. May bitbit itong tray na kinapapatungan ng pagkain na naka-stryro pa. Kahit na hindi pa niya binubuklat iyon ay alam na niyang tapsilog ang laman noon. Iyon kasi ang paborito nilang almusal. Tapos mayroon din itong pandesal at chocolate drinks.

Sabi ng isip niya, hindi niya dapat tingnan si GB hanggang hindi pa bumabalik sa normal ang nararamdaman niya para rito ngunit parang may sariling isip ang kanyang mga mata na kusang kumilos para tingnan ito. Napa-'shucks' na naman siya dahil parang nagwawala ang kanyang puso nang makita niya ang matamis nitong ngiti. 

"Nagugutom na nga ako," sabi na lang niya para mapalis niya ang nararamdaman niya saka umupo sa kama dahil doon nito ipinatong ang tray. Ayaw niya kasing isipin na tama ang sinasabi nina Chesca at Oliver na may damdamin siya kay GB pero hindi niya lang pansin o mas tamang sabihing, ayaw niyang pansinin. "K-kaya hindi ako makapagsulat."

Tama, iyon lang ang dahilan! mariin niyang sabi sa sarili. Kailangan talaga niyang itaboy sa kanyang isipan na hindi siya makapagtrabaho dahil kahit nakatingin siya sa mga nai-research niya ay parang mukha pa rin ni GB ang kanyang nakikita. 

"Akala ko naman ipagluluto mo ako. Mag-u-order ka lang pala sa kung saan," kunwa'y nang-aasar niyang sabi kaya ginamit niya ang tono niyang mataray. Siyempre, ayaw niyang mahalata ni GB ang kilig na naramdaman niya. Paano ba naman, bukod sa pagkain at inumin ay mayroon pa itong pa-red rose.

Nagniningning ang mga mata ni GB nang magsalita. "Hindi sa kung saan lang ang tapsilog na 'yan. Sa pinakamasarap na tapsilugan ko pa 'yan in-order," anitong nagmamalaki. 

Hindi siya nakakibo dahil naramdaman niyang nag-init ang kanyang pisngi. Kilalang-kilala siya ni GB kaya nasisiguro niyang nabuking siya sa aksyon nito. Khit naman hindi niya masalubong ang mga mata nito ay nakatingin ito sa kanya. Nakatayo pa ito sa kanyang harapan na para bang waiter na naghihintay. Or, mistulan itong hurado na hinuhusgahan ang kanyang pagkilos. 

"For you," sabi nito nang kunin nito sa tray ang rose.

"Namitas ka pa ng rose," kunwa'y mataray niyang sabi saka pinahaba pa niya ang kanyang nguso para hindi nito masilayan ang ngiting gustong kumawala sa kanyang mga labi. Kailangan niya kasing tandaan na mag-bestfriend lang sila kaya't hindi siya dapat umasa na liligawan siya ni GB. 

Hindi naman kasi ang tipo ni Grayson Brian Lee ang magseseryoso sa isang relasyon. Kung binigyan man siya nito ng red rose ay dahil sa iniisip pa nitong nagtatampo pa siya dahil sa ginawa nitong pagtanggi sa kanya. Tama, iyon ang dahilan kaya wala siyang dapat na anumang maramdaman. Hindi siya dapat kiligin sa ginagawa nito dahil wala naman talagang ibig sabihin iyon. 

Pinanlakihan siya nito ng mata. "Oy, hindi ko pinitas 'yan. Binili ko 'yan."

"Hindi na naman ako nagtatampo sa'yo kaya hindi mo na ako kailangan bigyan pa nito." Siyempre, ayaw niyang isipin ni GB na umaasa siya na may ibang kahulugan ang pagbibigay nito sa kanya ng rosas. 

"Hindi ko naman ibinigay sa'yo 'yan dahil nagtatampo ka pa. Alam ko namang hindi na dahil kung nagtatampo ka pa, tiyak kong hindi mo ako haharapin."

Napanguso siya sa sinabi nito. "Talagang kilalang-kilala mo ako."

"Bespren kita, remember?"

"Wala ka lang girlfriend ngayon kaya nasa akin ang atensyon mo."

Humalakhak ito. "Kung magsalita ka naman diyan, parang nagseselos ka."

"Hindi, ah!" defensive niyang sabi. Mabuti na lang at hindi siya si Pinocchio. Kung hindi siguradong humaba na ang kanyang ilong. 

"Ouch!" wika nito sabay tutop sa dibdib, sa tapat ng puso. 

Bigla tuloy siyang nataranta. "Anong nangyari sa'yo? May masakit ba? Gusto mo bang dalhin kita sa ospital?" nagpa-panic niyang tanong. 

Ngumiti ito sa kanya pagkaraan. "Ang sarap pala sa pakiramdam na sobra kang nag-aalala sa akin."

Bigla siyang natigilan. Noon lang kasi sumuot sa isip niyang, wala namang anumang sakit si GB. Hindi rin niya maintindihan ang kanyang sarili kung bakit nawala sa utak niya iyon ng makita niyang pa-OA na pagkakahawak ni GB sa dibdib nito. 

Hindi tuloy siya nakakibo. Hindi lang dahil sa sinabi nito kundi sa paraan ng pagkakasabi nito habang nakatitig sa kanyang mga mata. Pakiramdam niya'y may ibig sabihin ang titig nito sa kanya. Ganoong-ganoon kasi ang tingin nito sa mga babaeng natitipuhan nito. 

Magtigil ka nga, Hanna Marie! naiirita niyang sabi sa kanyang sarili dahil kailangan talaga niyang ipaalala palagi sa kanyang sarili na mag-bestfriend lang sila ni GB, kaya't hindi siya dapat umasa sa anuman. 

"Bakit ba kasi may pa-rose-rose ka pa?" mataray na lang niyang tanong pagkaraan. Sabi niya sa sarili, hindi dapat mahalata ni GB ang anumang nararamdaman niya ngayon. Ayaw niyang maging mitsa iyon para masira ang kanilang pagkakaibigan.

"Kasi, ayaw kong may lalaki pang magbibigay sa'yo ng rose lalo na't ganyan ang ayos mo." Nakasimangot na sabi sa kanya ni GB ngunit parang ayaw naman siya nitong tingnan.

"Eh, bakit ikaw?" sarkastiko niyang tanong dito. Ayaw niya kasing isipin na nagseselos ito dahil baka mapahiya lang siya kapag tumanggi ito. 

"Exempted ako."

"Why?"

"Dahil bestfriend mo ako."

Napasimangot siya sa sinabi nito. "Akala ko pa naman dahil nagseselos ka." Medyo malakas ang pagkakasabi niya sa mga salitang iyon kaya naman bigla siyang natigilan.

Ayaw sana niyang tingnan si GB kundi lang ito nagsalita. "What if, I am?" mapaghamong tanong nito. 

"Ano?"

"Nagseselos ako," anitong titig na titig sa kanyang mga mata kaya hindi niya napigilan ang mapalunok.

Totoo ba ang kanyang narinig?

Huwag kang umasa, inis niyang sabi sa kanyang sarili. 

"NAGUGUTOM na ako. Kain na tayo," nahagilap sabihin ni Hannah pagkaraan ng ilang sandali. Alright, may saya siyang naramdaman ng sabihin iyon ngunit para siyang binuhusan ng malamig na tubig ng maisip niyang maaaring idugtong ni GB. Ayaw na niyang marinig na sabihin ni GB na nagseselos lang ito bilang bestfriend.

"Akala ko hindi mo ako yayayain." Nakangiting sabi nito sa kanya. Sabay upo sa kabilang bahagi ng kama. 

Dapat ay suklian din niya ito ng matamis na ngiti pero hindi niya magawa. Kinakabahan nga siyang salubungin ang titig nito. Ayaw niyang mabasa nito na hindi na bestfriend ang tingin niya rito. "Sus, palagi naman tayong sabay kumain."

"Na-miss kita."

Madamdamin ang pagkakasabi sa kanya ng mga salitang iyon. Hindi rin tuloy niya napigilang aminin ang nararamdaman. "Ikaw din, na-miss ko."

"Say, ah."

Napanganga nga siya nang ilapit nito sa bibig niya ang kutsarang may singangag at tapa. "Ang sarap," hindi niya napigilang sabihin. Ngunit, alam niyang hindi niya iyon sinabi dahil nasarap siyang talaga sa tapsilog kundi dahil sa masarap na pakiramdam na tinatrato siya ni GB na parang prinsesa nito.

"Ako, hindi mo susubuan?" kunwa'y tanong nito. 

"May kamay ka naman," wika niya kahit gustung-gusto na niya itong subuan. Alam niyang sa pamamagitan nu'n maipapahayag niya ang tunay na nararamdaman kaya nga di na niya masalubong ang tingin ni GB. Talaga kasing kailangan din niyang itago rito ang kanyang nararamdaman. Tama na sa kanyang napahiya siya nu'ng tanggihan siya nitong maging ama ng kanyang anak. 

"Nahiya ka pa sa akin," kunwa'y sabi nito. Para talagang ayaw nitong paniwalaan ang dahilan kaya niya ito tinanggihan. 

"Hindi, ah," aniyang sinunod-sunod na ang pagsubo. Ganoon kasi siya kapag natataranta. Kailangan niyang ibaling sa ibang bagay ang kanyang atensyon. Ngunit, hindi naman magawang iwanan ng mata niya ang napakaguwapong mukha ni GB, na punung-puno ngayon ng kapilyuhan dahil sa pagkakangiti nito. 

Lalong lumapad ang ngiti nito. "Bespren kita kaya kilala kita."

Napalunok siya sa sinabi nito kaya bigla rin siyang napainom. Hiling niya'y kumalma na rin pati ang tibok ng kanyang puso kaya minabuti na lang niyang ituon sa pagkain ang kanyang atensyon. Ngunit, sa gilid ng kanyang mga mata ay nakikita niyang nakatitig sa kanya si GB.

"Ikaw, nagseselos ka ba kapag may babaeng napapalapit sa akin?" tanong nito sa kanya pagkaraan ng ilang sandali. 

"Natural," mariin niyang sabi. Pagkaraan, mabilis din niyang sinabing, "Bestfriend kita."

"Hindi ako naniniwala."

"Na bestfriend mo ako?"

"Na nagseselos ka dahil bestfriend mo lang ako." Hindi niya makuhang makatanggi sa sinabi nito. Pakiwari rin kasi niya'y may kung anong nakabara sa kanyang lalamunan. "Ako kasi, hindi lang nagseselos dahil bespren mo ako."

"GB..." Ang lakas nang pagsinghap niya nang itabi nito ang tray na nakapagitan sa kanila tapos umusog itong palapit sa kanya habang hindi inaalis ang tingin sa kanyang mga mata.

"I want you to be my girl," wika ni GB bago siya niyakap at inangkin ang kanyang labi. 

Comments (12)
goodnovel comment avatar
Jonna May Soriano
hindi na pala kaibigan ang tingin nila sa isat isa..KA-IBIGAN na ayiiieeee🤍
goodnovel comment avatar
Assertive Micar
Hi friend, I'm here. Thank God you were given great talents. You have shown the world how amazing a person you are. More blessings to come.
goodnovel comment avatar
Jeastie Bucarile Enguito
bakit kahit may bonus o di pa Rin ma open next episode
VIEW ALL COMMENTS

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status