Share

Chapter Two

"HINDI mo ba sasagutin 'yang cp mo?" Nakataas ang kilay na tanong sa kanya ni Chesca, sabay halukipkip. Alas-nueve na kaya nasa guestroom na siya ng kaibigan at naghahanda na matulog at sa tingin niya ay doon din matutulog ang kanyang kaibigan. 

Kahit na nangangati na ang kamay niyang damputin ang kanyang Iphone 5 na regalo sa kanya ni GB, hindi niya ginawa. Pinigilan niya talaga ang kanyang sarili. Gusto talaga niyang maramdaman ni Grayson Brian na nagtatampo siya rito.

"No."

"Akong sasagot niyan." Nakangising sabi nito at umakma pang dadamputin ang kanyang cp.

Matalim na tingin ang binato niya rito. "Don't you dare."

"Katakot ka namang magselos," natatawang sabi nito saka umupo sa kama. Queen-size bed iyon kaya malaki pa rin iyon para sa kanilang dalawa.

"Selos?" mangha niyang bulalas. Nanlalaki ang kanyang mga mata nang balingan niya ito. Hindi niya kasi mapaniwalaan na maiisip nito iyon dahil lang sa pagsaway niya rito. "Ayoko lang na malaman niya kung nasaan ako ngayon. Huwag mo ngang isipin na nagseselos ako dahil hindi 'no. Walang dahilan para magselos ako. Mag-bestfriend lang kami ni GB."

"Mag-bestfriend pero gustong magpaanak. Mukha mo!" natatawang sabi sa kanya ni Chesca. "Kung kaibigan lang siya sa'yo, hindi mo gugustuhing maging ina ng kanyang anak."

"Gusto ko lang magkaroon ng tagapagmana. Mahirap bang intindihin iyon?" naiinis niyang tanong.

"Yah, right. Ang dami-dami mo nga palang properties tapos may milyon-milyon ka pa sa banko kaya talagang kailangan mo ng tagapagmana. Ang tanong lang, bakit kay GB ka nagri-request?"

"Call him Gray," inis niyang sabi rito.

"Possessive naman masyado itong friend ko," natatawang sabi sa kanya ni Chesca. "Hindi pwedeng matawag na GB ang kanyang Grayson Brian. Exclusive lang talaga sa'yo ang GB."

"Natural."

"Kunsabagay, kung si Henry ko ang tatawaging Honey Pie ng ibang babae, talagang mananabunot ako. Aba, ako lang ang dapat na tumawag sa kanya sa endearment na iyon."

Nag-init ang mukha niya sa sinabi ng kaibigan. Obviously, nanunukso ito. "Hindi endearment ang GB. Short for Grayson Brian 'yun."

"Pero, ikaw ang nagpalayaw sa kanya dahil Gray ang palayaw ng bestfriend mo."

"Parang gusto kong magsisi na sa'yo ako tumakbo, ah." Nakasimangot niyang sabi habang nanghahaba ang nguso. Hindi niya kasi alam kung ano pang katwiran ang sasabihin niya dahil talagang buo na ang paniniwala ni Chesca na may pagsintang pururot siya kay GB.

"Wala ka namang ibang choice na puntahan kundi ako," mayabang na sabi ni Chesca na abot tenga ang ngiti.

Dahil pareho silang AB Masscomm, naging magkaibigan sila. At lalo silang nagkalapit dahil pagsusulat ang kanilang hilig. Iyon nga lang, mas gusto niyang magsulat ng non-fiction samantalang si Chesca naman ay pagsusulat ng romance ang kinahiligan. Lalo pa itong nagkaroon ng inspirasyon sa pagsusulat ng ma-in love ito.

"Napakasuwerte ko nga at kaibigan kita."

Pinaikot nito ang eyeballs. "Hindi mo na ako kailangang bolahin."

"Hindi kita binobola. Talagang masuwerte ako dahil kaibigan kita. Kahit na may pamilya ka na ay hindi ka pa rin nagdadalawang-isip na tulungan ako." Nakangiti niyang sabi habang si GB ang nasa isip.

Matalik na kaibigan niya si GB mula pa noong anim na taong gulang sila kaya alam niyang hindi makatitiis si GB na 'di siya puntahan at kausapin. At dahil hindi pa siya handa na harapin ito matapos i-reject ang kanyang hiling, pinili muna niyang magtago. Madali lang kasi para kay GB na puntahan siya sa bahay dahil magkatapat lang ang kanilang tinitirhan tapos may duplicate pa ito ng kanyang bahay pati na rin sa kanyang mga kuwarto.

"Bakit nga pala wala ang mga tsikiting mo?" naisipan niyang itanong dito. Talaga kasing gusto niyang mawala sa isipan nito ang tungkol sa feelings niya kay GB dahil talagang hindi siya kumportableng tinutuksa siya sa kanyang matalik na kaibigan.

"Nasa lolo at lola kaya tamang-tama ang pagdating mo. At least, hindi lang mga katulong ang kasama ko," nakangiti nitong sabi. Kailangan daw kasing magpunta ni Henry sa Germany para ayusin ang business nito doon. May chocolate factory ang mga ito. "Kaya, kailangan mong sabihin sa akin ang lahat para matulungan kita."

"Ano?"

"Kahit hindi mo maamin sa sarili mo, alam kong mahal na mahal mo ang bestfriend mo. Takot ka lang umamin. At dahil pasadung-pasado naman siya sa akin kaya tutulungan kitang makumbinse si GB mo na maging ama ng anak mo."

Kahit na gusto pa niyang sabihin dito na kailangan lang talaga niya ng tagapagmana, iba pa ring kataga ang lumabas sa kanyang bibig. "Paano?" sabik pa niyang tanong sa hindi niya malamang dahilan.

Kinindatan siya nito bago sinabing, "Romance novelist ako, remember?"

DAMN! Damn! Damn! Inis na inis na sabi ni Gray. Hindi pa rin kasi sinasagot ni Hannah ang kanyang tawag kaya hindi na niya maiwasan ang mataranta. Tiyak niya kasing matindi ang pagdaramdam nito sa kanya.

"'Insan, nandito tayo para mag-enjoy pero wala kang ginawa kundi tumitig diyan sa cellphone mo," natatawang sabi sa kanya ni Silver.

Marahas na paghinga ang kanyang pinawalan. Pinagsisihan niyang niyaya pa niya ang pinsang mag-bar gayung ang dapat niyang ginawa ay pinuntahan si Hannah. "I have to go."

"Isang oras pa lang tayo rito."

"Nakaka-100 calls na ako pero hindi niya sinasagot," buwisit na buwisit niyang sabi.

Humalakhak si Silver. "Kay Hannah ka lang natataranta ng ganyan."

"She's my bestfriend."

"Ulol. Hindi lang matalik na kaibigan ang tingin mo kay Hannah kaya kumilos ka na bago ka pa maunahan."

Sa sinabing iyon ni Silver ay bigla niyang natungga ang in-order niyang beer at sa ginawa niya, hindi lang pakiramdam niya ang nag-init kundi pati na rin ang kanyang ulo. Bigla kasing sumuot sa isipan niya ang sinabi ni Hannah. Sa iba na lang ako magpapaanak.

"Damn," wika niya sabay tayo.

"Kailangan ko siyang puntahan," mariin niyang sabi saka mabilis na umalis. Kahit na pigilan pa siya ni Silver ay hindi siya magpapapigil. Sobra kasi siyang nag-aalala kay Hannah lalo pa't kung magdesisyon ito ay pabigla-bigla. Kung nagawa siya nitong hingan ng semilya ura-urada na parang nanghihiram lang ng panyo, hindi kataka-taka kung bigla na lang itong magpaanak sa kung sino.

Shit, makakapatay ako kapag nangyari iyon.

IN-OFF na lang muna ni Hannah ang kanyang cp sa takot na matukso siyang i-accept ang tawag ni GB. Naramdaman niya kasing natutunaw na ang tampo niya rito kaya nga lang napalitan iyon ng hiya. Talaga naman kasing malaking kalokohan lang ang gusto niyang mangyari.

Natanong niya tuloy ang sarili, talaga nga bang gusto lang niyang magpaanak kay GB dahil gusto lang niyang magkaroon ng tagapagmana?

Shucks! Wika niya sa sarili. Naisip din kasi niya ang sinabi ni Chesca. Dahilan lang niya ang sinasabi niyang gusto niyang magkaroon ng tagapagmana. Dahil ang totoo, gusto niya talagang si GB ang maging ama ng kanyang anak dahil mahal niya ito.

No.

Bestfriend lang ang tingin niya kay GB. Hindi pwedeng lumagpas doon ang tingin niya rito. Ayaw niya itong mawala sa kanyang buhay kaya ang level ng relasyon nila ay hindi dapat lumagpas sa pagiging bestfriend.

"Pwede namang mag-extend ka pa rito ng ilang araw," nakangiting sabi sa kanya ni Chesca. Nasa harap sila ng hapag at nag-aalmusal pero parang nahihirapan siyang ubusin ang kanyang kinakain. Bigla niya kasing naisip na baka nga selos ang dahilan kaya buwisit na buwisit siya sa mga babaeng lapit nang lapit kay GB para ialok ang kanilang mga katawan.

Dahil ayaw niyang mahalata ni Chesca ang kabang nararamdaman niya'y mabilis niya itong sinagot. "Nah. Ayoko na makaistorbo. Tama na ang dalawang araw."

"Ayaw makaistorbo o may nami-miss ka na?" nakangising tanong nito.

"Chesca," saway niya rito.

"Uy, namumula," wika ni Chesca sabay halakhak.

Ibig man niyang mapikon, di niya makuhang maninghal man lang. Totoo naman kasi ang sinabi ni Chesca. Nami-miss niya si GB.

"Nakakainis ka."

"Ipinapa-realize ko lang sa'yo ang feelings mo."

"Hindi ako natutuwa," matabang niyang sabi.

"Matutuwa ka naman tiyak kung pareho lang pala kayo ng feelings."

Ayaw na sana niyang tapunan ng tingin si Chesca dahil dinaig pa nito ang ahas sa kuwento nina Adan at Eba. Grabeng manukso! "Huwag mo akong paasahin."

"Huli ka!" nakangising sabi ni Chesca.

Napabulalas siya ng "O-M-G!" nang mapagtanto niya ang kanyang sinabi. "Hindi ako kriminal para mahuli," sabi niya ng makabawi.

"Sure ka?"

Pinanlakihan niya ito ng mga mata. "Isa akong mabuting mamamayan. Alam mo 'yan, Chesca."

"Hmmm, not sure." nakangising sabi nito. "Ang alam ko kasi, ang mabuting tao ay walang tinatago pero ang damdamin mo kay GB ay pilit mong tinatago kahit hindi naman dapat. Pareho naman kayong single."

"Kaibigan lang ang turing niya sa akin."

"Hindi ako naniniwala na kaibigan lang ang tingin sa'yo ni Gray. Naniniwala ako na pareho lang ninyong tinatago ang feelings ninyo kaya time nang ilabas ninyo 'yan. At dahil ako ang number one fan ninyo, ipapalabas ko ang feelings ninyo sa isa't isa. Sa ayaw man ninyo o sa gusto ninyo," wika nito saka sinunod-sunod ang pagsubo.

So, wala na rin siyang nagawa kundi itutok muna sa pagkain ang kanyang atensyon.

Napatigil lang siya sa pagsubo nang makarinig siya ng mga yabag na palapit. Bahagya ring nagusot ang kanyang ilong dahil sa matapang na cologne na panlalaki.

"Good Morning, ladies!" masiglang bati ng bagong dating.

Matamis na matamis ang ngiti ni Chesca nang lingunin ang may-ari ng paos na boses. "Si Oliver, pinsan ko. 'Insan, my bestfriend kahit hindi ako ang matalik niyang kaibigan, si Hannah."

Bahagya siyang napangiwi sa sinabi ni Chesca. Nabura lang ang guilt na agad niyang naramdaman nang titigan niya ang kaibigan dahil sa klase ng pagkakangiti nito. Kilala niya si Chesca kaya't alam niyang may kung anong naglalaro sa isipan nito. "Ihahatid ka niya sa bahay mo. Kailangang makita siya ni Gray."

Oh no! Bulalas niya nang maalala niya ang sinabi ni Chesca. Kailangan mong pagselosin si GB para malaman niyang hindi lang sa kanya umiikot ang mundo mo. 

"PASENSIYA ka na sa pinsan mo, idinamay ka pa niya sa kalokohan namin," hiyang-hiyang sabi ni Hannah kay Oliver. Magkapatid ang ama ni Oliver at Chesca kaya Pascua ang apelyido ni Oliver samantalang Damian na ngayon ang apelyido ni Chesca.

Marahang tawa ang pinawalan ni Oliver. Mala-Alden Richards ang kaguwapuhan nito pero hindi niya makuhang ma-attract dito kahit pa sinabi ni Chesca na maraming babae ang nagkakagusto rito. Sa paningin kasi niya, mas guwapo pa rin si GB rito. Pinaghalo kasi itong Prince Charming at astig na kontrabida na pwedeng-pwedeng maging knight in shining armour.

Napabuntunghininga tuloy siya. Bakit ba pumapasok sa isip niya si GB kahit pinipilit niya itong kalimutan?

"Siguradong may diprensya sa mga mata ang bestfriend mo," nakangiting sabi nito sa kanya pero saglit lang siya nito tinapunan ng tingin. Nagmamaneho kasi ito.

"Si Chesca?" taka niyang tanong.

Umiling ito pero sa daan nakatutok. "Sabi ni Chesca hindi mo siya kinukonsiderang bestfriend dahil isa lang ang matalik mong kaibigan."

"A very close friend. Iyon si Chesca sa akin."

"But not bestfriend."

Bahagya siyang natawa dahil pakiramdam niya'y nagseselos si Oliver para sa pinsan nito. "Kaya nga 'best' dahil wala ng makahihigit pa. Dalawang dekada mahigit naman kasi ang pinagsamahan namin. But still, hindi ibig sabihin nu'n, hindi ko kayang makipagsabunutan kay Chesca kapag may nang-agrabyado sa kanya."

"So, anong grado ng eye vision ng bestfriend mong si -- ano ngang kulay iyon?" kunot noong tanong ni Oliver.

"Gray ang pangalan niya pero walang diprensiya ang kanyang mga mata. 20-20 nga ang eye vision niya kaya walang babaeng pinalalagpas," wika niya sabay bungisngis. Ewan nga lang niya kung bakit ng mga sandaling iyon ay parang gusto niyang maiyak.

"Eh, bakit hindi niya makita kung gaano ka kaganda?" sabi ni Oliver nang magkaroon ito ng pagkakataon na balingan siya at pakatitigan. Na-traffic kasi sila ng mga sandaling iyon.

Siya'y nakatira sa Manila samantalagang ang bahay ni Chesca ay nasa Pasig. Sa tantiya niya ay lagpas dalawang oras din ang biyahe kundi ma-traffic.

"Maganda ka, Hannah."

"S-salamat," sabi na lang niya. Pinigilan din niyang mapangiwi dahil ayaw niyang ma-offend si Oliver.

Hindi naman niya talaga hinahayaan ang sarili na mapalapit sa sinumang lalaki lalo na't nagpapakita ng interes sa kanya. Ayaw niya kasing masaktan kaya wala talaga siyang balak na makipagrelasyon. Mas gusto kasi niyang mamuhay na mag-isa.

Ows? Sarkastikong tanong niya sa sarili. Ang totoo kasi'y nakukontento lang siya sa buhay dahil naririyan si Gray.

"Huwag kang mag-alala. Hindi ako interesado sa'yo."

"Sure ka?" naninigurado pa niyang tanong.

Humalakhak ito. Maang naman niya itong tinitigan.

"Ayokong magkagusto sa babaeng may ibang mahal."

Napangiti siya sa sinabi nito.

"Pero, tutulungan kitang pagselosin ang bestfriend mo."

Kumunot ang noo niya. "Bakit mo gagawin iyon?"

Ngumisi muna si Oliver bago sumagot. "May TF kasi ako sa maganda kong pinsan."

Magsasalita pa sana siya pero hindi na niya nagawa dahil huminto na sa harap ng bahay niya ang sasakyan ni Oliver. Dahil hindi tinted ang sasakyan, malinaw na malinaw din niyang nakita ang madilim na mukha ni Grayson Brian Lee.

Mga Comments (5)
goodnovel comment avatar
Mabel Vieron
Ay bet ko yarn!!! Pagselosin n'yo si Gray para naman maamin niya na kay Hannah yung tunay niyang nararamdaman.🫣
goodnovel comment avatar
Mabel Vieron
May mga point sina Chesca at Silver eh, hala sigee tanggi. ...
goodnovel comment avatar
Jocelyn Pioquinto Armario
mga ayaw umamin sige lang pagselosin nyo para lumabas ang totoong nararamdaman ng isat isa...
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status