Share

KABANATA 1

KABANATA 1

" Manang Fe, bigyan niyo pa ako ng isang linggo, promise magbabayad ako agad. Wala akong matutuluyan ngayon kung paalisin niyo ako agad, " nagsusumamong pakiusap ni Catalina sa landlady niyang nagsisimulang ilabas lahat ng gamit niya sa apartment.

" Maryosep naman, Cata! Pinagbigyan na kita nang ilang beses, huwag ka namang umabuso! Dalawang buwan ka ng hindi nakakapag bayad ng upa! Anong petsa na, hija?! " galit at dismayadong wika ng landlady saka siya hinarap. " Hindi ko na problema kung saan ka tutuloy ngayon. Malaki ka na, gumawa ka ng paraan! "

" Pero magbabayad naman ako sainyo, Manang Fe. Wala lang talaga akong raket ngayon kaya wala akong maihulog. Promise po, mag a-advance ako sainyo ng bigay once na makahanap ako ng trabaho. "

" Naku, hindi mo na ako madadaan sa ganiyan. Ilang beses mo na iyang sinasabi pero wala namang nangyayari! " Nilabas nito ang abaniko niya upang paypayan ang sarili. " May uupa na rin dito bukas nang umaga kaya hindi ka na pwedeng manatili pa dito ngayon. Sige na, iligpit mo na 'yang mga gamit mo at umalis ka na. "

" Sandali lang, Manang Fe! " tawag ni Catalina pero di na siya nito pinakinggan at nag tuloy-tuloy sa paglalakad paalis ng apartment niya.

Napasabunot siya sa buhok niya at inis na sinipa ang bag niyang nakakalat na sa lapag. Labag sa loob siyang nag simulang mag impake ng damit at ilan niyang gamit na dadalhin niya sa pag-alis ng apartment. Hapon na kaya isang malaking problema ang paghahanap niya ng matutuluyang ngayong gabi. Wala siyang kaibigan at wala rin siya magulang na puwedeng puntahan. Pera? Iyon din ang isa sa problema niya ngayon. Ni singkong duling, wala siya.

" Oh, bakit may mga dala kang gamit? Aalis ka na ng apartment? " tanong sakaniya ng isang nangungupahan na katabi lang ng apartment niya. Mukhang kararating lang nito galing trabaho kaya walang alam na pinalalayas na siya ng landlady nila.

" Oo, kailangan ko ng maghanap ng bagong malilipatan, " aniya matapos isara ang pinto. Tumingin siya sa paligid para makita kung sila lang bang dalawa ngayon ang nasa pasilyo. " Alam mo, medyo creepy na kasi sa unit ko. Minsan ba may naririnig kang kumakatok o kumakalampag sa kung saan? Inirereklamo ko na 'yon kay Manang Fe pero wala pa ring aksyon. Di ko na kayang magtiis kaya ako na ang aalis. "

" Minsan oo may naririnig ako pero baka sa mga katabing unit lang natin nagmumula yung ingay na 'yon, " anito saka tumingin sa paligid nila. " Hindi naman ako matatakutin, alam ko namang hindi Niya ako pababayaan. Malakas ako kay Lord "

Isang pilit na ngiti na lang ang sinukli ni Catalina bago bitbitin ang mga bag niya. " Ikaw ang bahala. Sige na, mauna na ako sa'yo. Pasabi na lang sa landlady natin na thank you at hindi na kamo talaga ako babalik dito sa bulok na paupahan n'ya. "

Taas noo siyang naglakad palabas ng apartment habang bigat na bigat sa mga dala niyang damit. May hila-hila din siyang maleta na nahirapan siyang isara dahil sa dami ng dinala niya. May backpack din siyang dala na lalong nagpahirap sa kaniyang paglalakad sa kalsada.

Palubog na ang araw, sobrang dami rin ng tao at sasakyan sa kalsada. Maingay at magulo ang siyudad kung saan siya namamalagi. Madalas may mga nagaganap na habulan dito ng mga kriminal at pulis kaya di siya puwedeng matulog sa labas. Halos lahat rin ng lugar sa siyudad na ito, napuntahan na niya dahil sa pagtatago sa mga pinagkakautangan niya. Kung may pera nga lang siya, matagal na siyang nag tago sa ibang bansa pero wala, butas ang bulsa biya.

" Oh mga suki, bili na kayo ng ulam niyo mamaya at kumain na kayo dito! Tirahin niyo na 'to hangga't mayroon pa! Mahal pero mapapamura kayo sa sarap! "

Napatingin siya sa isang kainan. Maraming parokyano ang kumakain sa loob pero patuloy pa rin sa pag tawag ng mga tao yung lalakeng nasa labas.

" Bahala na, " aniya saka naglakad patungo sa kainan. Lumapit siya sa lalake at pasimpleng hinawi ang mahaba niyang buhok para maagaw ang atensyon nito.

" Hello, Miiss beautiful! Anong sainyo? Pasok lang kayo sa loob, marami pang space diyaan! " anito habang tinuturo ang mesa na nasa dulo.

" Oh Mister, I'm sorry but I don't understand what you're saying. I'm lost, can I come in and uhm, eat a little? " pagkukunwari niya. Wala na siyang paki-alam kung mali ang English niya dahil ang mahalaga ngayon, magkalaman ang sikmura niya.

" Oh English speaking! Akala ko Filipino ka, banyaga pala, " anito saka tumikhim. " Ah yes, yes! You...you can come in and eat! Just don't forget to pay, okay? "

" Oh no problem, thank you very much! " aniya saka tinaas ang hinlalaki bago pumasok ng karindeya. Agad siyang pumwesto sa dulo kung saan walang masyadong tao at mabilis na nag order ng pagkain niya.

Hindi niya akalain na makakatulong din pala ang hitsura niya sa ganitong sitwasyon. Mestiza ang kaniyang balat, kulay kayumanggi ang kaniyang mga mata at ang mas lalong nagpadala ng pagkukunwari niyang banyaga ay yung kulay ng kaniyang buhok na pula. May lahi siyang espanyol kaya naman hindi na kataka-taka na mag mumukha siyang dayuhan dito sa bansa.

" Ito na po Ma'am ang order niyo, enjoy po kayo, " nang maihatid na sakaniya ang order, hindi na siya nag patumpik-tumpik pa at agad na nilantakan ang pagkaing inihain sa mesa niya. Sa sobrang sarap, hindi niya magawang makapagsalita. Tuloy-tuloy lang ang kaniyang pag nguya hanggang sa dumighay siya nang malakas. May mga napalingon sa gawi niya pero di niya ito pinansin.

Saglit siyang namahinga at nag isip ng paraan para makalabas nang walang problema. Wala siyang pambabayad kaya naman kailangan niya agad umalis nang walang makakahalata.

" Tapos na po kayo, Ma'am? Puwede ko na pong ligpitin ito? " tanong sakaniya nung waitress habang nagsisimulang ilagay ang mga pinggan sa tray na dala nito.

Umalis siya sa pagkakasandal sa upuan. " No, no. I'm not done eating, you know? Maybe later? I will call you when I'm done. Gracias."

Nagtataka man, tumango na lang sakaniya yung waitress bago ibalik sa mesa yung iniligpit niya.

Pasimple namang kinuha ni Catalina ang kaniyang mga bag at naghahanap ng ibang taong lalabas ng karinderya para makasabay siya. Nang may makita siyang mga grupo na tumayo na mula sa mesang kinainan nila, sumimple siya ng tayo at nagkunwaring kukuha ng tubig malapit sa labasan.

Hinintay niyang matabunan siya ng mga tao bago siya sumabay sa paglalakad nito palabas.

" Hoy, hoy! Saan ka pupunta? Hindi ka pa bayad! Miss! " nang marinig niya ang pag tawag sa atensyon niya, hudyat ba ito para siya'y tumakbo. Wala siyang ideya kung saan siya dadalhin ng kaniyang mga paa dahil ang tanging nasa isip lang niya ay makatakas mula sa humahabol sakaniya.

Sa bigat ng kaniyang maletang hila-hila, binitawan na niya ito dahilan kaya natisod ang dalawang taong malapit na pala siyang maabutan. Nilingon niya ito at napamura siya sa kaniyang isip nang agad itong bumangon para ipagpatuloy ang paghabol sakaniya.

" Miss, teka may sasakyan! " rinig niya mula sa kung saan kaya binalik niya ang tingin sa harapan pero huli na nang may isang itim na kotse ang sasalubong sakaniya. Huminto agad siya sa pagtakbo at ipinikit agad ang mga mata, pero laking pagtataka niya nang walang nangyari.

" Hoy babaeng nag eat and run! " Napadilat siya nang muling marinig ang boses na iyon kaya naman nalaman niya ang dahilan kung bakit walang nanngyari sakaniya. Isang dipa na lang, nakadikit na siya sa harapan ng kotse. Wala na siyang maisip na ibang paraan kundi ang magkunwari ulit. Hinayaan niyang bumuhal ang sarili niya sa kalsada at hindi na niya nagawa pang d*****g sa sakit ng pagkakabagsak niya.

Nagkagulo ang mga tao sa kalsada at matagal pa bago maramdang may bumuhat sa katawan niya. Laking pasasalamat niya nang malamig na air-con ang dumampi sa balat niya at dahan-dahan siyang inupo sa likod ng sasakyan.

" Boss, sa hospital o sa hacienda? " rinig ni Catalina mula sa unahan ng sasakyan.

" Sa hacienda, " sagot naman ng lalake sa tabi niya. Bigla siyang kinabahan at sa mga sandaling ito, alam na niyang karma na ang lumapit sa kaniya.

***

Nagising si Catalina sa isang malaki at malambot na kama. Ramdam niya ang lamig na h*******k sa kaniyang balat kaya wala sa sariling hinatak niya pataas ang kumot. Mabango rin ang amoy ng kwarto kung nasaan siya kaya unti-unting bumabalik ang espirito ng antok sa kaniyang katawan.

" Ayos ah, feel at home na feel at home? "

Nagising ang diwa niya nang marinig ang hindi pamilyar na boses mula sa likuran niya. Agad siyang bumangon saka ito nilingon. Bumungad sakaniya ang isang lalakeng prenteng nakaupo sa isang supa habang may kakaibang ngisi sa mukha nito.

" S-sino ka? " tanong ni Catalina. Tinigan niya ang ilalim ng kumot at laking pasasalamat n'ya nang makitang iyon pa rin ang damit na suot niya.

" Ikaw ang dapat kong tanungin. Sino ka? " tanong nito saka tumayo at naglakad palapit sakaniya. " Hindi ka magaling umarte kanina. Magpapa-bangga ka lang, dapat tinotoo mo na. "

" S-sandali lang, " aniya saka huminga nang malalim bago ipaliwanag ang sarili niya, " I'm sorry. Kailangan na kailangan ko lang talaga tumakas mula sa mga humahabol saakin, papatayin kasi nila ako kapag naabutan nila 'ko. "

Nagsalubong ang kilay nito. " Ano bang ginawa mo? "

" Eat and run, " walang pag-aalinlangan niyang sagot, " Wala akong pera at sobrang gutom na gutom ako kanina. Wala akong choice kundi gawin 'yon. Alam kong hindi tama ang ginawa ko pero wala akong choice. "

Namayani saglit ang katahimikan sa buong silid. Ramdam ni Catalina kung gaaano kalalim ang tingin ng lalakeng sa harap n'ya na tila ba pati kaluluwa n'ya, binabasa.

" Nagsasabi ka ba ng totoo? " tanong nito.

Agad s'yang tumango. " Nagsasabi ako ng totoo, pangako. "

" Walang nag utos sayo? "

" Mag uutos ng ano? "

Ilang segundo bago nito pinutol ang tingin kay Catalina. " Never mind. Anyway, kumusta pakiramdam mo? Alam kong di ka naman nasaktan pero sa lakas ng pagkakabagsak mo kanina sa kalsada, mukhang kailangan mo ng CT scan. "

" Ah hindi, okay naman ako. Salamat, " aniya saka nilibot ng tingin ang kabuuan ng silid kung nasaan sila. " Nasaan pala ako? "

" Impyerno, " sagot ng lalake sakaniya. Hindi niya alam kung ano ang magiging reaksyon niya dahil seryoso ang mukha nito, pero ilang saglit lang ay sumilay ang ngiti sa labi nito. " Just kidding. Nandito ka sa guess room, sa bahay ng Boss namin. "

" Oh okay, " wala sa sarili siyang tumango. Na-blangko ang kaniyang isip dahil di niya alam kung ligtas ba siya sa kamay ng taong hindi naman niya kilala.

" Puwede kang magpalipas ng gabi dito, " anito saka tumalikod at binuksan ang pinto. " Iyon nga lang, hindi ka puwedeng lumabas ng kwarto hangga't walang nagsasabi sayo. Goodnight. "

Naiwan siyang tulala at lalong naghinala sa estranghero na kausap niya. Umiral ang pagiging tsimosa niya kaya hindi niya sinunod yung bilin sakaniya nung kausap niya.

Naghintay siya ng ilang minuto bago lumabas ng kuwarto.

" Wow, " aniya nang makita kung gaano kahaba ang pasilyong nasa kaniyang harapan. Maingat siyang naglakad at nilibot ng paningin ang kabuuan ng isang malaking bahay kung nasaan siya. Sobrang luwang ng loob at wari niya'y kasyang-kasya ang isang buong baranggay dito.

Napatingin siya sa hagdan at hindi niya maiwasang malula dahil sa taas ng kinalalagyan niya. Kung bababa siya, pakiramdam niya isa siyang prinsesa dahil sa stilo ng hagdanan. Iyong chandelier sa itaas, sobrang laki at kung babagsak ito sayo, paniguradong si Lord agad ang makikita mo.

Napatingin siya sa isang pasilyo na nasa kanang bahagi niya dahil may ingay siyang naririnig mula sa isa sa mga silid. Kusang kumilos ang mga paa niya para sundan ang ingay na iyon at habang siya'y palapit nang palapit, lumalakas lalo ang tibok ng puso niya. Kabado pero hindi niya mapigilan ang sarili kahit na binalaan na siya ng lalakeng nakausap niya kanina.

Huminto siya sa isang pintong nakaawang. Nawala na yung ingay mula sa loob pero hindi nawala ang kuryosidad sa kaniya. Nang hawakan niya ang doorknob, biglang may humila nito mula sa loob kaya nasama siya sa paghitak papasok.

" Oh shoot, sorry! " biglang sabi ng lalakeng nakasalo sakaniya. Lumayo siya agad dito dahil sa usok ng sigarilyong tumatama sa mata niya. Napadaan ang tingin niya sa likuran ng lalakeng kaharap niya. Puro lalake rin ang nasa loob ng silid, mga nakasuot ng itim, may mga hawak na baraha at maraming pera sa mesa.

" Uh sorry, naliligaw kasi ako. Hindi ko alam kung saan yung banyo, " agad niyang sabi. Sa hitsura ng mga taong narito sa silid, pakiramdam niya ay kailangan na niyang umalis.

" Wait, diba ikaw yung artista? " tanong ng isang lalakeng may kulot na buhok.

" Artista? H-hindi ko alam sinasabi mo, " ani Catalina at pasimpleng umatras palabas ng pintuan. " Sige na, aalis na ako. Sorry sa abala. Naliligaw kasi ako kahahanap ng banyo. "

" May banyo naman sa kwartong tinuluyan mo, hindi mo alam? " tanong nung isa kaya mas lalo niyang ginustong lumabas na.

" Ah hindi ko alam, pasensya na. " Tumalikod na siya at nakahanda na sanang umalis nang tumama ang noo niya sa d****b ng taong nakatayo pala sa likuran niya.

" Bossing! Nandyan na pala kayo, " agad na tumayo ang mga kalalakihan nang makita ang kanilang pinaglilingkuran.

Inangat ni Catalina ang kaniyang ulo at sinalubong ng tingin ang walang emosyong mga mata ng lalakeng nakatayo sa harapan niya. Malamig ang mga titig nito sakaniya at kung nakakamatay lang siguro ito, malamang di na siya humihinga ngayon.

" Labas, " isang salita pero halos tumigil ang tibok ng puso niya. Ganitong-ganito ang nararamdaman niya sa tuwing may naniningil ng utang sakaniya at wala siyang perang mailabas. Hindi niya alam ang gagawin at sasabihin.

" Ako na bahala sakaniya maghatid sa kwarto, " biglang may humawak sa balikat ni Catalina. Iyong lalakeng kausap niya na nag bigay ng babalang huwag siyang lalabas ng kwarto.

Hindi na siya nagtangkang magsalita pa at tahimik na lang na sumunod sa lalakeng gumagabay sa kaniya pabalik sa kwarto kung nasaan siya kanina. Sa mga oras na ito, isa lang ang nasa isip niya. Kailangan niyang makalabas dito hangga't maaga dahil hindi maganda ang kutob niya sa mga estranghero na kasama niya.

---

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status