Share

Kabanata 6 Pagkilala Sa Unang Pag-ibig

Pumasok si Alexandra sa nakabukas na pulang pinto ng shop habang si Daniel ay nakasunod naman sa kanya sa likod. Pinalibot niya ang kanyang mga mata. Parang Valentine’s Day ang araw na yun sa shop dahil ang daming rosas na para bang season to bloom nito. Ang iba’t ibang variety at kulay nito mula sa dilaw, pula, pink, orange at puti ay makulay na naka-display sa bawat lalagyan. Ang butil ng tubig ay nagkikislap sa ibabaw ng mga petals. Ang mga bagong pamumukadkad ng mga orkidyas ay nakabitay sa may bintana at malapit sa kisame. Ang iba ay nakalagay sa mga plorera. Ang mga liryo ng iba’t ibang kulay ay nakalagay sa isang sulok. Ang kanilang mga kulay masayang naghahalo. At nang lumapit siya palapit sa kahera, nakita niya ang kulay-rosas na mga tulip na papalapit pa lang ang pamumukadkad. Nakalagay ang mga ito sa ibabaw ng counter katabi ng cashier at ang iba naman sa sahig sa baba.

Isang makulay at maligayang boses ang bumati kay Alex na nagpabigla sa kanya at sumorpresa.

“Bright and Sunny Flowers, Magandang Umaga!”

Hinanap ni Alex ang boses subalit walang tao sa kahera.

“Kamusta?” balik bati niya.

“Kamusta,” muling sagot ng boses. “Bright and Sunny Flowers, Magandang Umaga!”

“Asan ka?” tanong niya.

Isang pagaspas ng mga pulang pakpak ang lumukso sa ibabaw ng cashier machine at sumorpresa kay Alex.

“Aba! Hindi ko alam na isang parrot na pala ang nagkakahera ngayon,” sambit ni Alex na tumingin kay Daniel. Tiningnan lang siya nito.

Tiningnan ng pulang ibon si Alexandra saka bumaling kay Daniel na nakatayo sa likod niya. Mukhang kilala ng parrot si Daniel sapagkat binati siya nito, “Bright and Sunny Flowers, Magandang Umaga Daniel!”

Masiglang bati ng ibon.

“Hello, Pecko.”

“Gotta report.” Sabi ng pulang parrot at lumipad ito papasok sa hugis rektanggulong bukasan, isang maliit na bintana sa taas ng nakasarang pinto sa tabi ng counter ng kahera. “Andito si Daniel at isang estrangherang babae.” 

Turan ng ibon mula sa saradong pinto.

Hinarap ni Alexandra si Daniel at matamang itong tinitigan.

“Kilala ka ng ibon,” palaisip na sabi ni Alex.

“Ito ang shop niya, di ba?”

“Anong pangalan niya?” tanong ni Alex.

“Sarah Kale.”

Mabilis na sagot ni Daniel habang nakatingin sa kanya.

“Ahh…” sambit ni Alex na tinago ang pagngiti.

Katahimikan ang pumagitna sa kanila.

Bumukas ang pinto mula sa tabi ng counter.

Narinig ni Alex ang boses ng isang babae.

“Daniel.”

Masigla at masayang ang boses nito. Kahawig ng boses ng babae ang parrot.

“Sarah.”

Anas ni Daniel na mukhang nahipnotismo sa kanyang nakita.

Tahimik na pinagmasdan ni Alexandra ang dalawa. Hinintay niya ang paglapit ng babae mula sa gilid ng counter na natatakpan ng mga bulaklak na tulips mula sa hinabing basket at uminog para harapin si Alex.

Magandang babae si Sarah. Hindi lang simpleng maganda subalit nakakapang-akit ang maganda nitong mukha na parang isang manika na katangi-tangi. Alun-alon ang mahaba’t makintab nitong kulay del Carmen na buhok na natatalian ng malalim na turquoise na headband. Ang mukha nito ay natatakpan ng mga tuwid na malalalim na palawit. Maliit at matangos ang ilong nito at nakasuot ng pulang gilid na pabilog na salamin na nagtatago ng isang pares ng magaganda’t malalim na turkesang mga mata. Nakasuot ito ng checkered na puti at kulay langit asul na damit na naka-baby collar at puffed na mahahabang manggas na nakabutones sa pulsuhan na napaparesan ng palda na hanggang tuhod na may tahing lace din sa dulo. Isang puting apron ang nakapatong dito at sa ilalim ng palda ay napansin ni Alex na nakasuot ng puting tight fitting pants si Sarah kung saan ang dulong butas ng pants ay naka-loop sa suwelasan ng paa niya at nakasuot ng kremang kulay na malambot na tsinelas na hugis kuneho.

Umatras ng isang paa si Alex at inilayo ang mga mata mula kay Sarah o tutunganga siyang parang tanga na nakatitig sa mukha nito. Mukhang ordinaryo si Sarah Kale sa unang tingin subalit napagtanto ni Alex na may tahimik at malaking puwersa ang dating nito na magpapalapit sayo dito. Mas mukha siyang bata kaysa isang dalaga nasa 20s. Isang manikang babae. Ang kanyang presensiya ay parang isang magnet na hihigipon ka palapit subalit kailangan mong umatras.

Umatras pa ng isang paa si Alex. Naramdaman ni Alex si Daniel sa likod niya. Isiniklop nito ang kanang kamay sa kaliwa niyang kamay.

“Sarah, gusto kong makilala mo ang fiancée ko. Si Alexandra Jane Diaz.” 

Pagpapakilala ni Daniel kay Alex kay Sarah.

Pinasadahan ni Sarah ng tingin si Alex at muling naramdaman ni Alex ang pagtitig sa malalalim na turkesang mata ni Sarah.

“Ikinawiwili kong makilala kita, Alex,” malamig na wika ni Sarah. “Nakatitig ka sa akin.”

Ipinagsiklop nito ang mga braso sa harap ng dibdib.

“Sorry,” pabulong na saad ni Alex. “Masyado lang maganda ang mga mata mo.”

Matapat niyang pag-amin.

Tiningnan siya ni Sarah mula sa nakapikit nitong mata at inalis ang mga braso mula sa dibdib at inilagay sa bulsa ng apron. Saka inilabas ang mga kamay at binigyan ng tig-iisang kisses na tsokolate sina Daniel at Alex at bumukas ng isa para sa sarili.

“Palagi akong may dala nito para pag gutom ako, madali kong mailagay sa bibig,” sabi ni Sarah na binubuksan ang kisses. “Kaya paumanhin kung kakainin ko to sa harap niyong dalawa. Siyanga pala, salamat sa papuri, Alexandra. Palagi kong naririnig yan.”

Wika ni Sarah na ngumunguya ng tsokolate.

“Nasa likod ako kasi wala namang customer na sumasaglit dito. Nililipat ko ang mga geraniums sa mga paso. Kailangan silang ma-ideliver bukas sa bahay ni Clarisse.”

Paliwanag ni Sarah.

“Isa siyang bagong dating dito sa bayan. Mahilig siya sa geraniums at bumili ng dosena para ilagay sa harap ng kanilang bahay. Yung asawa niyang si Fred ay kukunin ang mga ito bukas na umaga kahit na sinabi ko na ako na lang ang magde-deliver ng mga ito sa bahay. Pero isinalba na niya na ako sa paghahatid ng mga ito ng personal.”

Masayang daldal ni Sarah.

“Gusto niyo ba ng maiinom?” tanong ni Sarah pagbabago ng paksa habang nakatingin sa kanilang dalawa.

Hindi agad nakapagsalita si Alex sa tanong nito. Hindi niya inaasahan na ang akala niyang tahimik na babae mula sa unang tingin ay ganoon pala kadaldal.

“Hindi ba kami nakaka-istorbo?” nag-aalangan na tanong niya dito ng mahanap niya ang kanyang mga dila.

“Ipinakilala ni St. Claire ang kanyang fiancée, ikaw,” patulis na wika nito na diretsang nakatingin sa kanya at bumaba pa ang mata sa pinagsiklop nilang mga kamay ni Daniel, “kaya hayaan niyo kong i-entertain kayong dalawa.”

“Pumunta kayo sa likod. Dumaan kaya dito sa pintong to. May mahabang mesa dun na may mga fairy seats at doon natin ipagpatuloy ang ating kuwentuhan. Ihahanda ko lang sa kusina ang ating snacks.”

Sabi ni Sarah at kinuha ang parrot na nakatayo sa counter at naunang pumasok sa pinto. Sumunod sina Alex at Daniel dito.

“Hindi ko alam na masyado siyang madaldal. Akala ko tahimik siya.”

Sabi ni Alex nang nawala at umakyat sa hagdan si Sarah patungo sa kusina habang sila ni Daniel ay dumiretso sa mahabang mesa na may anim na fairy seats na gawa sa kahoy, ang dalawang upuan ay sa magkabilang dulo. Napansin ni Alex na maraming mga namumukadkad na tanim ang nakalagay sa mga nakalinyang lupa.

May anim na geraniums na naitanim na sa mga paso at anim pang mga paso ang wala pang mga laman at kailangan pang tamnan. Sa malayong dulo ay nakita niya ang isang net nakainat sa gilid nang mulhang isang orchard sa likod ng bakuran.

“Nag-aalaga ako ng mga bubuyog sa pulut-pukyutan para mayroon akong sariwang honey kaya may net diyan sa malayong banda,” usal ni Sarah na naglalakad palapit sa kanila dala-dala ang isang tray na may malamig na pitsel ng pineapple juice na may mga slices ng lemon at tatlong baso. Inilagay nito ang tray sa mesa at naupo sa malapit na upuan na nasa dulo ng mesa.

Tiningnan nito si Daniel sa kanyang kanan habang ang mga mata nito ay nakatingin din sa mga tanim sa bakuran at paalis na kinausap.

“Sadya kong ikakagalak,Dan, kung kukunin mo ang cookie jar mula sa mesa sa kusina at dalhin dito ang salad at mga cupcakes na nakalagay sa fridge.”

Tiningnan ni Daniel si Alex na nakaupo sa kabilang parte ng mesa.

“Ako ang pag-uusapan niyo kaya pinapaalis niya ako.”

Turan ni Daniel at tumayo mula sa upuan. Pinamilugan ito ni Sarah ng turkesa nitong mga mata.

“Usapang babae to, Dan, kaya umalis ka muna at sundin ang utos ko. So, shoo.”

Pagtataboy ni Sarah dito.

“Oo na, Sarah doll. Tatagalan ko sa kusina para mag-sawa kayong mag-usap tungkol sa akin,” malambing na saad ni Daniel kay Sarah at tumalima ito. Naglakad ito paakyat sa hagdan pataas sa kusina.

“Huwag mong ubusin ang cookies at cupcakes. Tirhan mo kami ni Alex,” bilin nito.

“Oo,” sagot nito at nawala sa itaas.

Sinimulan ni Sarah ang pagsasalita.

“So, kamusta naman si Daniel St. Claire, Alex?” usisa nitong nagkikislap ang mga mata habang nakatingin sa kanya.

Pinag-aralan ni Alex ang mukha ni Sarah para sa pagpapahiwatig ng anumang bahid ng selos subalit ang dalaga ay mukhang hindi apektado sa kanyang bagong pakikipag-ugnayan kay Daniel St. Claire.

“Ayos lang siya,” tipid na sagot ni Alex.

Bigong sumimangot si Sarah.

“Yan lang ba ang masasabi mo tungkol sa kanya?” tanong nito na nakatunganga kay Alex. 

Nagsalin ng pineapple juice si Sarah sa baso at binigay ito kay Alex. Saka nagsalin ng isa pa para sa sarili.

“Wala ka na bang ibang sasabihin tungkol sa kanya?” kulit na tanong ni Sarah.

Naisip ni Alex ang pinag-usapan nila ni Daniel kagabi. Naalala niya kung paano lumiwanag ang mukha nito habang pinag-uusapan nila ang pamangkin nitong si Kleia.

“Isa siyang sweet na uncle,” turan ni Alex.

“Oo, masasabi ko yan.” 

Sang-ayon ni Sarah.

“Gagawa ako ng mga illustrations para sa isang game na ginagawa niya para sa pamangkin niyang si Kleia para ang mga batang kaedad nito ay mdaling makapaglaro ng games sa PC or sa cellphone,” pag-papaalam niya kay Sarah.

“Maganda yan, Alex,” saad ni Sarah at sandaling huminto habang nakatingin sa kanya. “Siyanga pala, ayos lang bang tawagin kitang Alex? Masyadong mahaba ang Alexandra.”

“Oo naman, Sarah, walang problema. Si Daddy ang tawag niya sa akin, Alexa,” pagsasang-ayon ni Alex, “pero mas sanay akong tawaging Alex. May pangalawang pangalan ka ba, Sarah?”

Tanong niya dito.

“Geneva.”

“Gusto mo tawagin kitang Geneva?” alok-tanong ni Alex na ngumiti kay Sarah. Uminom siya ng pineapple juice.

“Tanging ang mommy ko lang ang tumawag sa akin ng pangalang yan nang bata pa ako, Alex,” wika ni Sarah.

Muling nagsalin ng juice sa baso ni Alex si Sarah.

“Namatay siya noong sampung taon pa lang ako.”

“Ah—paumnahin,” sambit ni Alex. Kinagat niya ang pang-ibabang labi.

“Ayos lang, hindi mo naman kasalanan. Matagal na yun,” pagsasawalang bahalang sabi ni Sarah. “Inalagaan ako ni Aunt Isobel matapos niyang mamatay. Nagtatrabaho sa ibang bansa si Papa kaya hindi niya ako maalagaan. Muli siyang nag-asawa noong fifteen na ako. Sa abroad sila nakatira.”

Saglit silang nabalot ng katahimikan bago muling bumaling si Sarah sa kanya.

“Hindi ka pa ba niya pinapatay sa katahimikan niya?” tanong ni Sarah na ang mga mata ay nagmukhang maamong mata ng isang aso. “Minsan gustung-gusto ko na siyang patayin dahil napakatahimik niya.”

Tumawa si Alexandra sa sinabi niya.

“Oo, tama ka. Napakatahimik nga ni Dan na minsan akala mo wala siya.”

“Ano ka pa? Mahal talaga niyan ang pagiging tahimik na parang hindi nakikita.”

Tumawa silang dalawa.

“Sarah, tapos niyo na ba akong pag-usapan?” tanong ni Daniel na umalingawngaw ang boses mula sa itaas.

“Bababa na ako.”

“Ang tanga niya rin pag minsan,” reklamo pa ni Sarah. “Kaya pagpapasensiyahan mo rin siya. At nakakaawa siya sa kusina.”

“Anong nakakaawa sa kusinang sinasabi mo?” tanong ni Daniel. “Ta-dan! Nagluto ako ng popcorn. In cheese and caramel flavors.”

Wika nito na narinig ang huling tinuran ni Sarah habang lumalakad palapit sa kanila. Inilapag ni Daniel ang mangko ng pinagsamang cheese at caramel popcorn sa hapag nila. Sunod niyang nilagay ang mangko ng salad at ang iba’t ibang uri ng muffins—blueberry, peanut butter, vanilla, chocolate and carrot cupcake. At huli, ang plato ng tsokolateng cookies.

Kumain sila habang nagkwekwentuhan tungkol sa latest news o tsismis tungkol sa mga artista o kung anu-ano pa.

Tumayo si Sarah mula sa upuan.

“Huwag muna kayong umalis,” biglang sabi nito. “Mag-ice cream muna tayo bago kayo umuwi. Mabilis lang to.”

Mabilis itong tumalima at umakyat sa ikalawang palapag.

Kaya nang bumalik si Sarah sa mesa na dala-dala na si Pecko na siyang umubos ng natitirang popcorn sa lalagyan, nag-enjoy ang tatlo ng iba’t ibang flavor ng ice cream na ginawa ni Sarah—tsokolate, vanilla at strawberry. Gumagawa si Sarah ng ice cream o kung anu-anong pagkaing maisipan niya sa libre niyang oras dahil mas nais niyang kumain ng healthier na pagkain at mas healthy para kay Sarah kung siya ang gumagawa.

“Oo nga pala, Alex. Anong bulaklak ang gusto mong kunin para sa engagement party niyo?” taning ni Sarah nang maalala ang dahilan ng pagpunta ng dalawa sa shop niya.

Ibinalik ni Alex ang tanong kay Sarah.

“Anong bulaklak ba ang nais mong makita kung ikaw ang magho-hold ng engagement party, Sarah?”

“Bakit ako ang tinatanong mo, Alex?” balik tanong nito sa kanya.

Nagkibit balikat si Alex at tiningnan si Sarah. 

Nalito si Sarah sa tanong ni Alex subalit taimtim niyang sinagot ito.

“Kung ako ang magho-hold ng engagement party, gusto kong makita ang pink tulips. Maaliwalas sila sa mata at maganda para sa isang mapalad na pagtitipon.”

“Okay. Then, kukuha ako ng bouquet ng pink tulips para sa event sa Friday,” masiglang sagot ni Alex.

“As you say so, Alexandra.”

“Ikaw ang flower expert, Sarah Kale.”

Bago lumabas sa pinto ng shop sina Alex at Daniel, hinawakan ni Sarah ang pulso ni Daniel. Huminto si Daniel sa paglalakad at tiningnan ito. Ngumiti si Sarah sa kanya subalit hindi mabasa ni Daniel kung ito’y kalungkutan o isang palaisipan sa kanya.

“Salamat, Dan at nakapagmove-on ka na sa akin,” magiliw na wika nito sa kanya.

Nainis si Daniel sa sinabi nito.

“Dumalo ka sa Friday, Sarah. Inaanyayahan kita sa engagement party namin ni Alex.”

Sagot ni Daniel na tumiim ang bagang at hindi na siya tiningnan.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status