Share

Chapter Three: Mommy

"Kaninang pasado alas kuwatro ng hapon ay nagkagulo dito sa Quiapo. Nagkalat ang mga basag na bote, kutsilyo at kung ano ano pang mga patalim. Ang sabi ng mga nakasaksi ay grupo ng mga lalaki ang may gawa nito, mga naka-itim at pula na pinaghihinalaang riot ang nangyari. Sa kabilang dako ay mabilis na nakalayo ang karamihan sa gulo ngunit sa kasamaang palad ay may limang nasugatan habang may isa namang binawian ng buhay," sambit ng babaeng reporter.

Dahan-dahan akong lumapit sa tindahang iyon. Sa likod ng reporter ay ang mga nagkalat na mga basag na bote at patalim. May iilang mga ambulance habang may iilan ding kotse ng mga pulis. 

"Quiapo?" wala sa sarili kong sambit. 

Mabilis akong sumilong sa bubong ng katabing tindahan bago hinagilap ang cellphone sa bag. Kanina lang ay nag text sa akin  si Mommy. Pupunta daw siyang Quiapo para bumili ng gamot kahit na sinabi ko naman na ako na. 

Mabilis kong kinuha ang cellphone nang mahagilap ito. Mabibilis ang ginawa kong pagtipa sa cellphone.

To: Mommy

Mommy, where are you na po? Nakauwi ka na po ba?

"Ang ginang na binawian ng buhay ay nasa edad kuwarenta anyos..." Sa hindi malamang dahilan ay nakaramdam ako ng kaba. Napailing-iling ako. 

Hindi. Malabong si Mommy 'yon. Kanina pa siya nag-text, isang oras na nakalipas. Sigurado akong nakuwi na siya ngayon. 

Isinilid ko muli ang cellphone sa bag ko bago nakapamulsa sa hoodie na lumagpas sa bubong, handa nang umalis doon at umuwi para siguraduhing nakauwi na si Mommy nang bigla akong na-estatwa sa sunod na sinabi ng reporter. 

"Kinikilalang si Lea Anne Sarmiento." 

Mabilis akong napaharap muli sa tindahan ng mga telebisyon.  Nanlalaki ang mga mata ko habang binabasa ang pangalan na nasa headline. 

"M-Mommy?" 

Ang mahapdi kong mata ay nagsimula na namang maglabas ng mga panibagong luha. Nangatal ang bibig ko habang paulit-ulit na umiiling.

"Hindi... hindi! Hindi si Mommy 'yan! Bawiin mo! B-Bawiin mo ang sinabi mo!" sigaw ko sa reporter na nasa television. 

Kahit na hindi naman ako naririnig nito ay paulit-ulit ang pagsigaw ko rito habang malakas na hinahampas ang salamin na pumapagitna sa amin ng mga telebvision. Kaunti nalang ay baka mabasag ko na ito. Naka flash pa rin sa television ang pangalan ni Mommy!

"H-Hindi 'yan si Mommy!!!" 

Nag-iba na ang balita ngunit patuloy pa rin akong sumisigaw sa labas ng tindahan. Mabilis ang pintig ng puso ko habang ang mga mata ay hindi na maawat sa pag-iyak. Ang mga kamay ko ay namamaga na rin sa patuloy na paghampas sa salamin na pumapagitna habang ang buong katawan ko ay nanlalamig man ay pilit na nagpapaka tatag dahil imposibleng si Mommy iyon! Buhay pa siya! Buhay pa ang Mommy ko! 

"Hoy! Anong ginagawa mo?! Umalis ka dito kung plano mong basagin ang salamin ng tindahan ko!" 

Natumba ako sa sahig nang mabilis na itulak ako ng may-ari ng tindahan. Ang sugat na nasa palad ay hindi alintana, ang katawan na basang basa na ng ulan ay hindi ko rin alintana. 

"Mga walang magawa sa buhay!" 

Patuloy pa rin akong pinapagalitan ng tindera ngunit nanatili akong nakasalampak sa sahig. Sinipa-sipa pa ako nito bago umalis dahilan upang mapahiga ako sa sahig at bumaluktot habang takip-takip ang ulo. Mas lalong bumuhos ang luha ko hindi dahil sa pagsipa kun'di dahil sa balita na kanina lang ay pinapakinggan ko. Ang lahat ng sakit na natamo ng katawan ko ngayon ay hindi ko maramdaman. Tila namanhid na ang buong katawan ko na kahit ultimo ulan ay hindi ko na nararamdaman. 

Hindi maaari... kanina lang nakausap ko pa si Mommy bago ako umalis ng bahay. Kanina lang ay nakapag text pa siya sa akin bago siya umalis ng bahay at pumuntang Quiapo. Isang oras na ang nakalipas. Papaanong nadawit pa si Mommy sa gulong 'yon? At sa dinami dami talaga ng tao bakit siya pa?! Bakit siya pa ang namatay?! Bakit yung iba naman nakaligtas at nasugatan lang? Kaya papaanong si Mommy ang namatay? Bakit siya?! Sa lahat ng tao bakit ang Mommy ko pa?! 

"Leanne?!" Narinig ko ang pamilyar na boses. 

Hindi ako gumalaw. Nanatiling nakabaluktot sa basang daanan. Mabilis itong dumalo sa akin at pinaupo ako habang silong silong sa dalang payong. Nanghihina ko siyang tiningnan. 

"Leo..." tawag ko sa pinsan ko. "S-Si Mommy..." gumaralgal ang boses ko. Napalunok siya bago umiwas ng tingin. 

"Halika na. Dadalhin kita sa kaniya," sambit niya. 

Binuhat niya ako patayo ngunit muli rin akong bumagsak sa sobrang panghihina. Ni hindi ko nga maramdaman ang buong katawan ko.

Napakapit ako sa laylayan ng t-shirt niya. 

"S-Si Mommy... a-alam mo kung... n-nasa'n siya? N-Nasa bahay siya 'diba? L-Leo nasa bahay si Mommy, 'diba? 'diba?! Sabihin mo sa'kin nasa bahay siya!" halos magmakaawa nang sambit ko. 

Nahahabag siyang yumuko upang tingnan ako. Nangingilid ang mga luha niya habang pilit pinapanatiling matapang ang mukha niya. Dahan-dahan niya muli akong tinulungan tumayo bago nanghihinang ngumiti.

"Pupunta tayo sa kaniya..." Ayon lang ang isinagot niya bago ako iginaya papasok sa kotse niya. 

Habang nasa biyahe ay panay ang tanong niya sa akin kung bakit naabutan niya ako sa lagay na 'yon. Anong ginagawa ko roon at bakit wala ako sa resto-bar na alam niyang aking pinagta-trabahuan. Napakaraming tanong ngunit ni isa roon ay wala akong sinagot. Nanatiling tahimik at tulala sa bawat nadadaanan.

Ang tanging iniisip ko lang ngayon ay si Mommy. Na sana nananaginip lang ako. Na sana mali ang nakita at narinig ko sa balitang iyon. Na sana naroon pa rin si Mommy sa bahay, nakahiga sa kama niya at mahaba ang pasensyang naghihintay sa akin. 

Napapikit ako ng mariin nang maalala ang naging usapan namin ni Mommy kaninang umaga bago ako umalis ng bahay.

"Kupas na po ang beauty ko, Mommy. Hindi na ako tatanggapin diyan," natatawang sambit ko dahil gusto niya pa akong sumali sa isang beauty contest ng baranggay namin.

"At sinong nagsabing kupas na ang beauty mo, huh? Hinding hindi makukupas ang beauty mo, anak!" Kunot-noong sagot niya habang nakapamewang sa harapan ko. 

Bumuntong-hininga ako tsaka nakangiting pinagmasdan siya. Payat na ang Mommy ko at halatang may sakit na iniinda pero kahit na gano'n ay kitang kita pa rin ang ganda nito. Hindi na ako magtataka kung kanino ako nagmana. 

"At talagang gusto mo talaga akong sumali sa mga pipichuging contest, Mommy?" nakangiti ngunit bakas sa itsura ko ang pagka disgusto habang sinusuot ang sapatos. 

"Pipichugin? Alam kong maganda ka, anak pero baka nakakalimutan mo? Pipichugin na rin tayo ngayon!" 

Nawala ang ngiti sa labi ko at muli siyang nilingon. Nakita ko naman ang paglunok niya. Napaiwas siya ng tingin. Alam niyang kahit ganito na ang buhay namin ay ayoko pa ring inihahambing ang buhay namin sa mga mahihirap kahit na kitang kita naman na mas mahirap pa kami ngayon sa daga. Nakatira sa tagpi-tagping mga yero at halos hindi na makakain ng tatlong beses o higit pa sa isang araw.

Tumayo ako at matamlay ang ngiting lumapit sa kaniya. Hinawakan ko ang pareho niyang braso.

"Mommy, mas ayos na po ako rito. Okay na po itong trabaho ko. Hindi ko na kailangang sumali sa mga ganiyan–"

"Pero alam ko, anak, na gusto mo ulit rumampa dahil iyon ang pangarap mo hindi ba? Ang maging model? Ayon din ang kinalakihan mo–"

"Pero hindi na natin 'yan kakayanin 'yan ngayon, Mommy!" 

Napatalon siya sa gulat nang mag taas ako ng boses. Maging ako ay nagulat. Hindi ko naman sinasadya, talagang hindi ko lang napigilan... 

"H-Hindi na natin kakayanin, Mommy. Pag renta palang nga ng gown hindi na natin kakayanin, eh. Wala na rin tayong bigas plus gamot mo pa po, Mommy..." mas malumanay nang sambit ko. 

Malungkot naman siyang ngumiti tsaka tumango.

"N-Naiintindihan ko. Pasensya na, anak. Gusto ko lang talaga na makita ka ulit rumampa at gawin ang gusto mo bago man lang ako... mamatay..." Halos pabulong niyang sinambit ang huling sinabi ngunit sapat pa rin upang marinig ko. 

Mabilis ko siyang niyakap at bahagyang niyugyog. Hilaw akong tumawa. 

"Mommy naman! Hindi ka pa mamamatay! Kapit lang po, okay? Kakayanin natin. Gagaling ka po. Hindi mo po ako pwedeng iwan. Ikaw nalang po ang..." meron ako. Napalunok ako nang maramdamang may bukol na ang bumabara sa lalamunan ko. 

Kahit kailan ay hindi ko gustong sinasabi iyon ni Mommy. Kahit na mahina na ang katawan niya ay kaya pa rin naman namin. Kaya pa rin niya basta may gamot lang. Basta tuloy tuloy ang pag-inom ng gamot, kakayanin niya. Kaya nga ako nagsisikap na magtrabaho para madala ko ulit siya sa Hospital. 

"Mommy, mangako ka sa'kin... Hindi mo ako iiwan, hmm? Magpapagaling ka. Makikita mo pa ako mag-asawa ng matandang mayaman na madaling mamatay!" biro ko na ikinatawa niya ngunit bigla ring inubo. Marahan ko namang hinimas ang likod niya.

Habang tumatagal ay palala na ng palala ang sakit niya.

"Ikaw talaga..." natatawang sagot niya bago humiwalay sa yakap at marahang hinaplos ang ulo ko. 

Ngumuso lang ako pero ang ngiti ay naroon pa rin sa labi. Bumuntong-hininga naman siya bago matamis na ngumiti sa akin. 

"Oo, anak... Hindi kita iiwan dahil mag-aasawa ka pa ng matandang mayaman na madaling mamatay," malumanay na sambit niya na ikinatawa namin pareho. 

"Andito na tayo, Leanne." 

Nabalik ako sa realidad nang tumigil na kami ni Leo sa harap ng isang morgue. Kaninang pumasok kami sa hospital ay umasa pa akong buhay pa si Mommy. Nabuhayan pa nga ako dahil ibig sabihin ay magagawa na rin naming ipatingin ang kalagayan niya at kung ano pa pwede naming gawin upang gumaling na siya sa lalong madaling panahon pero ngayong narito kami. Nakatayo sa tapat ng isang morgue, unti-unti nang gumuguho ang mundo ko. 

"Leanne!" Mabilis na nahawakan ni Leo ang braso ko nang muntik na akong mawalan ng balanse. Nalilito ko siyang tiningnan.

"B-Bakit tayo nandito?" tanong ko. Napalunok ako habang tinitingnan ang ekspresyon ng mukha niya. Hindi ulit siya makatingin sa akin. 

"Hinihintay ka na niya..." nabasag ang boses niya nang sabihin iyon bago ako inalalayan papasok ng morgue. 

Wala na ako sa sariling sumunod. Nanginig ang buong katawan ko nang makita ang nag-iisang bangkay na tinatakpan ng tela sa hindi kalayuan. Na-estatwa ako nang makita sa katabing mesa ay ang mga gamit ni Mommy. Ang cellphone, wallet at ang bracelet niya na kapareha ng suot-suot kong bracelet ngayon.

"L-Leo..." nanginginig na tawag ko sa pinsan ko. Na-estatwa ako sa kinatatayuan ko. Sobra nang nanginginig ang buong katawan ko na ni ultimo paa ko ay hindi ko na magawang ihakbang pa.

"Lea!!" Napalingon kami kayna Auntie Lei, ang mama ni Leo at kapatid ni Mommy na kakarating lang. 

Nang makita niya ako ay mabilis niya akong niyakap habang umiiyak sa balikat ko. Niyakap rin ako ni Shan Lei na nakababatang kapatid ni Leo habang si Tito Mario naman ay kausap na ang pinsan kong si Leo. 

Hindi ko magawang yumakap pabalik. Nanuyo rin ang lalamunan ko at kahit na nararamdaman ko na ang kagustuhang umiyak ulit ay sa pagkakataong 'to ay tila wala na akong maibuhos pa. Namamanhid ang buong katawan ko at ang tanging alam ko lang wala na... 

Wala na si Mommy.

"Lea... Ang b-bunso ko..." Pagkatapos akong yakapin ay dumeretso na si auntie Lei kay Mommy. Humahagulgol niyang niyakap ang bangkay nito. 

Nang tanggalin niya ang tumatakip sa mukha ni Mommy ay mas lalo siyang humagulgol habang ako ay hindi na nakayanan at tuluyan nang napaluhod. Mabilis na dumalo sa akin sina Leo at tito Mario, tinulungan akong tumayo. 

Unti-unti ay lumapit ako kay Mommy. Umiiyak na tumabi si Auntie Lei pagkalapit ko. Kumikibot ang labi ko habang nanginginig ang kamay ko nang haplusin ang maamo at tila payapa ng mukha ng Mommy ko. 

Napakurap-kurap ako habang sunod sunod ang malalalim na paglunok. Akala ko ay wala na akong maibubuhos pa pero heto ako ngayon, ang mga lintek na panibagong luha ay unti-unti nang bumubuhos.

"S-Sabi mo... h-hindi mo ako iiwan?" 

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status