Share

My Son's Father Has Amnesia
My Son's Father Has Amnesia
Author: SUMMERIASWINTER

Chapter 1

"Ate ganda!"

Nilingon ni Katya ang bata na tumatakbo palapit sa kanila ng kaibigang si Juliet.

"Ako ba?" natutuwa na sabi ng kanyang kaibigan at hinarangan pa ito.

"Hindi po. Yung kasama niyo po," sabi naman ng bata at nilampasan si Juliet na nakasimangot na.

"Ate ganda, may nagpapabigay po sa iyo nito."

Tiningnan niya ang hawak ng bata. Bukod sa bugkos ng mga Sampaguita ay may hawak din itong isang tangkay ng rosas. Kinuha niya ito.

"May nagpapabigay? Sino?"

Inamoy ni Katya ang bulaklak habang inililibot ang paningin sa paligid. Katatapos lang ng lunch break nila at pabalik na sila ng paaralan.

"Secret po!" anang batang lalaki saka tumakbo palayo.

Pabiro na siniko siya ni Juliet habang naglalakad sila papunta sa kanilang klase.

"May manliligaw ka na naman. Manganganib ang mga lahi ni Eba nito kapag nagtuloy-tuloy. Wala ng matitira sa amin."

Para namang walang narinig si Katya at nanatiling nakatitig sa hawak na bulaklak. Halos araw-araw siyang nakakatanggap ng mga bulaklak pero parang kakaiba ang hawak niya ngayon. Hindi naman ito ang unang beses na makakita siya ng rosas, sadyang may kakaiba lang talaga dito.

"Uuwi ka na agad Katya? May group project pa tayo." Pagpipigil sa kanya ng kanyang mga kaklase.

Tiningnan niya ang oras na puno ng pagkabahala.

"Sorry pero kailangan ko na talagang umuwi. Gagawin ko naman ang parte ko eh. Ise-send ko na lang mamaya pagkatapos ko."

"Lagi ka na lang ganyan, Kat. Alam mo ba ang whole coverage ng group report natin? Paano kung ikaw ang tanungin bukas? May maisasagot ka ba?"

Laglag ang mga balikat niya na sumunod sa mga ito sa Library. Nauna na si Juliet na umuwi. Papalubog na ang araw at kapag lumampas sa alas sais ng gabi na hindi pa siya makauwi ay paniguradong lagot siya.

Halos takbuhin niya ang kanilang bahay ngunit pagbukas niya ng pintuan ay malakas na sampal agad ang bumungad sa kanya.

"Deputa kang bata ka! Anong oras na ha? Ganyan ba ang oras ng uwi ng isang matino na babae?!"

"Hindi po—"

"At sumasagot ka na? Lumalandi ka na siguro 'no? Subukan mong magboyfriend at tatamaan ka talaga sa akin!"

Hinaplos niya ang pisnging tiyak na namamaga na. Pinigilan ni Katya ang kanyang mga luha. Hindi man lang siya binigyan ng pagkakataon ng kanyang Papa na makapagpaliwanag. Kung magsasalita siya ay iniisip agad ng mga ito na sumasagot siya. Para bang wala siyang karapatan na ipagtanggol ang kanyang sarili.

Pinuntahan niya ang kanyang ina na nasa kusina pero ismid lang ang ibinigay sa kanya nang magsumbong siya.

"Aba dapat lang! Kailangan mong matuto, Katya! Bawal kang gabihin sa labas. Bawal kang makipaglapit sa mga lalaki dahil ikakasal ka na sa susunod na taon!"

Napayuko na lang ng ulo si Katya. Palugi na ang kanilang maliit na negosyo. Iyon ang dahilan kung bakit laging mainit ang ulo ng kanyang ama. Kasalanan din naman ito ng kanyang mga magulang. Masyadong maluho ang mga ito.

Ang malala pa doon ay ipinagkasundo siya ng hindi man lang niya alam, sa taong hindi niya kilala at ang nakakadiri pa doon ay isang matandang hukluban upang isalba ang kanilang palugi na negosyo.

Gusto ni Katya na tumakbo at magtago pero wala siyang mapupuntahan. Bukod kay Juliet ay wala na siyang ibang pang kaibigan. May mga kamag-anak naman sila pero malayo ang loob ng mga ito dahil na rin sa kagagawan ng kanyang mga magulang na pati siya ay nadadamay.

"Ate ganda! May nagpapabigay po sa iyo nito!"

Muling nabungaran ni Katya ang batang lalaki. Papasok na siya ng paaralan pero hinarangan siya nito.

"Katya, dali. Hayaan mo na 'yan. Mala-late na tayo sa first subject natin!" sabi ni Juliet.

"Sandali lang," sagot niya at kinuha ang inaabot ng bata sa kanya. Halos araw-araw itong may dalang rosas para sa kanya na hindi naman niya alam kung kanino galing. Kapag nagtatanong siya ay agad itong tumatakbo palayo.

Pero iba ngayon ang dala ng bata para sa kanya. Isang jewelry box. Binuksan iyon ni Katya at nagulat siya sa laman nito. Nanginginig na kinuha niya ang gold necklace na may pendant na diyamante na hugis puso.

Sobrang mahal nito!

"Wow! Patingin nga niyan, Kat!" Hinablot ni Juliet mula sa kanyang kamay ang kwintas pero wala na doon ang isip niya.

Madaming mga sasakyan sa labas ng paaralan pero ang mga mata ni Katya ay nakatuon na sa makintab na itim na sasakyan sa kabilang parte ng kalsada. May lalaki sa drivers seat. Nakasuot ito ng shades pero nang makita na nakatingin si Katya dito ay dali-dali nitong itinaas ang bintana.

Malakas na kumabog ang puso ni Katya dahil sa nakita.

"A-Akin na iyan, Juliet."

Kinuha niya sa kamay ng kaibigan ang mamahaling kwintas, muling inilagay sa magandang kahon, isinuksok sa loob ng damit ng batang lalaki at hinila si Juliet palayo.

"Uy sandali lang! Bakit ba tayo tumatakbo? At bakit mo isinauli yung kwintas? Ang ganda nun! Sayang naman!"

Hinarap niya si Juliet na bahagyang hinihingal. Lumingon siya sa labas ng gate at wala na ang bata doon.

"Hindi mo ba alam kung magkano ang presyo ng ganun na kwintas? Mga three hundred thousand!"

Nanlaki ang mga mata ni Juliet dahil sa ibinunyag niyang presyo.

"Talaga?! Ganun kayaman ang secret admirer mo? Bakit mo ibinalik kung para sa iyo iyon? Kung ayaw mo sa kwintas eh pwede naman nating isangla at paghatian ang pera!"

Binatukan niya si Juliet at tumuloy na sa kanilang klase.

"Hindi ka man lang ba nababahala, Jul? Mahigit isang buwan na pero hindi man lang magawang magpakita ang taong nagbibigay sa akin ng mga bulaklak. Tapos bibiglain niya ako ng ganon na regalo? Paano kung baliw iyon at—"

"Hala! Madami akong napapanuod na mga ganyan! Iyong mga baliw na admirer! At alam mo ba kung ano ang ginagawa nila? Kini-kidnap nila ang mga babaeng gusto nila!" bulalas nito sa nanlalaki na mga mata.

Dahil sa sinabing iyon ng kanyang kaibigan ay hindi na nakapag-focus pa si Katya sa kanyang mga klase sa buong araw na iyon. Ang ending tuloy ay ilang beses siyang napagalitan ng kanyang mga professor.

"Mag-ingat ka pauwi, Kat! Huwag ka nang dumaan sa kung saan-saan," bilin ni Juliet na kanya lang tinanguan.

Magkalapit lang ang bahay nilang dalawa at hindi naman gaanong kalayo sa paaralan kaya kung minsan ay nilalakad nila ito pauwi. Pero dahil may club activity si Juliet ngayon ay sasakay na lang siya sa tricycle pauwi.

"Saan ang bahay mo, Miss?"

Kumunot ang noo ni Katya. Kilala na siya ng mga tricycle driver dito at alam na rin ng mga ito kung nasaan ang bahay nila kaya bakit ito nagtatanong? Bago siguro?

Sinilip ni Katya ang driver at ganun na lang ang paglunok niya nang makita ang gwapong binata na nakatingin sa kanya.

Para itong artista at mukhang yayamanin din ang balat nito sa sobrang kinis. Tricycle driver ito? Hindi siya naniniwala!

"Saan dito ang bahay niyo, Miss? Ihahatid na kita," untag nito na siyang nakapagpagising sa kanya sa iniisip.

Nakaramdam ng pag-aalinlangan si Katya dahil sa lalaki. Ito ang nasa pila kaya hindi pwedeng lumipat siya sa iba. Bumaba na lang kaya siya at maglakad pauwi? Mas lalong hindi pwede. Baka lalo lang siyang mapahamak lalo na at pakiramdam niya ay may nakamatyag sa kanya.

"D-Dito na lang." Sa huli ay sinabi rin niya ang direksyon kung nasaan ang bahay nila. Kapag nagtagal pa kasi siya ay sa kanyang Papa naman siya sasamain.

"Dito ang bahay niyo?" Tiningnan ng lalaki ang bahay na nasa kanyang likod.

Tumango si Katya kahit ang totoo ay hindi naman talaga. Dalawang bahay pa bago ang sa kanila.

Inabot niya ang kanyang pamasahe pero tinitigan lang nito iyon.

"Bakit hindi ka pa pumasok sa bahay niyo?" imbes ay tanong nito.

Nahalata ni Katya ang pagdududa sa mga mata ng lalaki. Nakita pa niya kung paano nito inilibot ang paningin sa mga katabing bahay.

"I see," anito at tumango-tango. Tiningnan siya nito at bahagyang ngumiti. "The ride is free by the way."

Pinanuod ni Katya ang papalayong sasakyan. Kung kanina ay pinaghihinalaan niya ito, lalo iyong tumindi nang magsalita ito ng English. At may accent pa!

Simula ng araw na iyon ay lagi nang nararamdaman ni Katya na may mga matang nakamasid sa kanya na para bang binabantayan ang bawat kilos niya.

"Natatakot ako, Jul," aniya sa kaibigan matapos maikwento ang lahat pati na ang mga napapansin niya.

"Ano ka ba, ganda problems lang iyan. Huwag kang masyadong praning. Binibiro lang kita. Bakit ka nila kikidnapin eh wala namang pang-ransom ang mga parents mo," halakhak nito na siyang ikinainis niya.

Ito ang ayaw niya kay Juliet, hindi alam magseryo na para bang laro lang ang lahat.

Gabi na at nasa meeting pa siya. Nakapagpaalam naman siya nang mabuti sa kanyang mga magulang pero hindi iyon ang inaalala niya.

Umuwi na si Juliet. At baka wala na ring naiwan na tricycle sa labas.

"That's it for today. Thanks for your hard work everyone," sabi ng President namin.

"Malas naman. Ngayon pa talaga umulan na wala akong dalang payong!"

Hindi na pinansin pa ni Katya ang reklamo na naririnig niya sa kanyang mga kasamahan at sinuong na ang ulan. Wala ni isa sa mga ito ang kapareho niya ng ruta na tatahakin pauwi. At gaya ng inaasahan ni Katya ay wala na ngang tricycle sa labas. May mga dumadaan man pero punuan na.

"Nakakainis naman!" sigaw niya saka nagsimula nang tumakbo pauwi. Wala naman siyang ibang choice.

Natigil si Katya sa pagtakbo nang may makita siyang nag-iisang sasakyan sa gilid ng daan.

Hindi siya pwedeng magkamali, ito iyong nakita niya noon!

Umatras siya pero tumama ang likod niya sa matigas na bagay. Lumingon siya sa likod at bago pa niya mamukhaan ang lalaki ay may itinakip itong panyo sa kanyang ilong na agad niyang ikinawala ng malay.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status