Share

Chapter 5

Dahil sa labis na pagkagulantang at pagkalito ay hindi na namalayan pa ni Katya na sumakay na pala siya sa tricycle at umuwi. Ini-lock pa niya ang pintuan ng apartment nang makapasok siya. Sumandal siya doon habang pilit na kinakalma ang mabilis na tibok ng puso.

Ilang minuto siyang nanatili sa ganoong posisyon hanggang sa nagpasya siyang umupo sa kanyang katre at kumpirmahin muli ang nakita kanina.

Parang nababaliw na tiningnan ni Katya ang kanyang bag. Nanginginig pa ang kanyang kamay nang hinawakan ang zipper ng bag upang buksan ito.

Ilang sandali nga ay bumulaga muli ang dalawang bungkos ng tig-iisang libo na pera.

Napalunok si Katya habang hawak-hawak iyon. Two hundred thousand! Ang laking pera nito!

Bakit ito napunta sa bag niya? Sino ang naglagay? Sinadya ba ito?

Madaming katanungan ang bumabagabag sa isip ni Katya at hindi niya alam ang sagot sa mga iyon. Akala niya ay nanakawan siya pero siya pala itong nabiyayaan ng napakalaking halaga.

Mahigpit niyang hinawakan ang pera. Alam niyang hindi sa kanya ito, na masama ang kumuha ng hindi mo pag-aari pero nakapagdesisyon na siya. Hindi niya ito ibabalik. Wala naman siyang ideya kung kanino ito at saan isasauli. Sobrang kailangan niya ng pera ngayon. At kung titingnan ng mabuti ay hindi naman niya ito ninakaw kaya wala siyang kasalanan.

Nakokonsensya man siya ng kaunti pero pilit niya iyong isinantabi. Ang importante ay hindi na niya po-problemahin pa ang gagastusin sa panganganak.

Sa sunod na araw ay nagpaalam si Katya sa kanilang boss na hindi muna siya papasok. Agad naman itong pumayag at hindi na nagtanong pa kung bakit.

Nagpasya siyang mamalengke sa araw na iyon at bumili ng ilang mga kailangan sa kanyang maliit na apartment. Ang una niyang binili ay mattress dahil iyon ang pinakauna niyang kailangan. Kailangan niya ng komportableng tutulugan dahil nananakit na ang bewang niya sa tigas ng kanyang higaan. Bumili din siya ng ilang mga duster.

Malaki ang ngiti ni Katya habang nagbabadya siya sa counter. Magpapacheck up naman siya sa susunod. Excited na siyang malaman kung babae ba o lalaki ang kasarian ng kanyang anak.

Pauwi na si Katya nang mapadaan siya sa maliit na parke. Bigla siyang naglaway nang makita kung ano ang pagkain na nasa malapit sa kanya.

"Binatog! Binatog kayo diyan! Ineng, bili ka na ng binatog. Ito na ang panghuli na baso. Alam mo bang laging sinuswerte ang panghuling bumibili sa akin?" malawak ang ngiti na pagkakasabi sa kanya ng tindero.

Hindi na pinansin pa ni Katya ang mga pambobola nito at agad na bumili. Naghanap siya ng bakanteng mauupuan sa parke saka nagsimulang lantakan ang pagkain na binili niya.

Napapatingin si Katya sa mga bata na naglalaro sa may playground. Hinaplos niya ang tiyan at napangiti.

"Excited ka nang makita ni mommy. Wala ka mang daddy na masisilayan paglabas mo pero mamahalin naman kita ng sobra-sobra," masuyo niyang bulong.

Nasa kalahati na si Katya ng kinakain nang maramdaman niya na parang may nagmamasid sa kanya.

Bigla ulit na bumalik sa kanya ang mga alaala ng mga pangyayari noon na pilit niyang kinakalimutan. Mabilis pa sa kidlat na umalis sa parke si Katya at umuwi.

"Congratulations, Miss Chua! Lalaki po ang anak ninyo!" anunsyo ni Doktora Gabaon.

"Waaah! Baby boy! May baby boy ka na, Katya!" natutuwa na wika ni Karen. Si Donna naman ay bahagya pang tumatalon habang pumapalakpak.

"And based on the test, your baby is strong and healthy. Nasa maselan ka pa rin na parte ng pagbubuntis kaya alagaan mo sana ng mabuti ang katawan mo. Huwag kang masyadong magpupuyat, avoid stress and eat nutritious foods," payo pa ng Doktora na nakangiti.

Maluha-luha naman si Katya sa labis na tuwa. Hindi pa rin talaga siya makapaniwala na may anghel sa tiyan niya. Mahirap man sa una pero ito na ata ang pinakamagandang nangyari sa buong buhay niya.

Sabado ngayon kaya wala silang pasok sa trabaho. Siya lang dapat ang pupunta sa clinic pero sumama ang lahat dahil wala rin naman daw silang ibang gagawin. Pagkatapos sa clinic ay sa restaurant ang sunod nilang pinuntahan upang kumain.

"Oy, ninong kami ha? Hindi pwedeng hindi."

"Kat, pwede bang ako ang magbigay ng pangalan sa baby mo?"

"Ako na ang bahala sa cake sa bunyag ni baby!"

Natatawa na lang si Katya sa mga kaibigan. Mas excited pa ata ang mga ito sa kanya sa panganganak niya. Labis niyang ipinagpapasalamat na dito sa lugar na ito siya napadpad at nakilala ang mga ito.

Kinagabihan ay tinawagan naman niya si Juliet upang sabihin dito ang magandang balita.

"Talaga?! Lalaki ang baby mo? Then pangalanan mo siya ng Pedro!"

Malakas na humalakhak si Katya at umiling. Hindi pa rin talaga nagbabago ang kanyang kaibigan. Luka-luka pa rin. Nasa modernong panahon na sila kaya hindi na pwede ang mga pangalan na iyon. Ayaw naman niya na ma-bully ang anak dahil sa pangalan nito.

Puro masasayang mga bagay lang ang pinag-uusapan nila ni Juliet hanggang sa bigla itong nagseryoso.

"Kat, ayaw ko na sana itong banggitin pero kailangan mo pa ring malaman kahit papaano."

"Tungkol saan?" aniya at itinigil muna ang pagluluto upang mapakinggan ito ng mabuti. Mukha kasing importante an sasabihin ni Juliet.

"Ano kasi... Napaalis na ang mga magulang mo sa inyong bahay."

Napatuwid ng tayo si Katya. "Ano? Napaalis? Paaanong napaalis eh bahay namin iyon? Kailangan pa ito nangyari?" sunod-sunod na niyang tanong sa kaibigan.

"Kahapon lang. Hindi ko alam kung ano ang totoong dahilan pero ayon sa mga naririrnig ko ay isinanla raw nila ang bahay at lupa niyo. Hindi na nila naibalik yung pera sa napagkasunduan na araw kaya pinaalis na sila sa bahay niyo."

Nasapo ni Katya ang kanyang noo. Simula noong lumayas siya ay hindi na siya nakibalita sa kanyang mga magulang dahil paniguradong ikakasama lang ng loob niya ang mababalitaan. Pero ngayon, hindi niya alam kung ano ang iisipin.

"Bakit ba nila kasi isinangla?" nanlulumo ang boses niya.

"Ewan ko. Pero ayon sa kumakalat na mga balita ay naipatalo raw lahat ng mga magulang mo ang lahat ng natitira niyong pera sa casino. Simula nang umalis ka ay lalong nalulong ang mga ito sa sugal. Nasa mga kamay na rin ni Mister Lim ang inyong negosyo. Kabayaran daw sa panloloko ng mga magulang mo sa kanya."

Hindi agad nakaimik si Katya. Dapat ay masaya ang araw na ito pero bakit ngayon pa niya ito mababalitaan?

Sa totoo lang ay wala na dapat pa siyang pakialam pero binabagabag ang konsensya niya. Alam niyang wala siyang kasalanan pero isa pa rin siya sa rason kung bakit nangyari ang mga iyon sa kanyang mga magulang.

Ngunit kahit na magkaroon siya ng pagkakataon upang bumalik sa nakaraan ay hinding-hindi niya babaguhin ang naging desisyon, ang piliin ang kanyang anak kaysa sa kasiyahan ng mga magulang.

Higit na ang mga ito ang may kasalanan sa lahat. Masyado silang makasarili, meron o wala mang pera ay waldas pa rin nang waldas ang mga ito na parang mga bilyonaryo na hindi naubusan ng pera.

"Nasaan na sila mama kung ganun?" mahina ang boses niyang tanong.

"Sorry bestie pero hindi ko alam."

Nanlumo ang pakiramdam ni Katya. Naaawa pa rin naman siya kahit paano dahil magulang niya ang mga ito. Gusto niya na tawagan at alamin ang kalagayan ng mga ito pero paniguradong mga panunumbat lang ang maririnig niya. Pero sana ay maayos lang ang mga ito.

Mabilis na lumipas ang mga araw at buwan hanggang sa dumating na ang ka-buwanan ni Katya.

"Sapat na ba ang mga damit na kukunin mo?"

Nasa apartment niya sina Donna at Eddie ngayon upang tulungan siya sa paghahanda ng mga gamit na dadalhin niya sa hospital para sa kanyang panganganak. Aagahan na niya ang pagpunta doon. Mag-isa lang siya sa apartment at walang sasaklolo sa kanya kapag naisipan na ng baby niyang lumabas.

Sobrang laki ng tiyan niya. Baka naman nagkamali si Doktora at kambal pala ang anak niya? Double trouble kapag nagkataon.

"Sige pa. Isa pa. Lakasan mo pa ang pag-ire. Lalabas na. Kaya mo yan, Miss Chua."

Pawis na pawis ang buong katawan ni Katya. Hindi niya lubos akalain na ganito pala kahirap ang manganak! Parang mahahati ang katawan niya!

"Isa pa! Malapit na!"

Humugot ng isang malalim na hininga si Katya at itinodo na ang pag-ire. Muntik pa siyang malagutan ng hininga ngunit agad din siyang nagmulat ng mga mata nang marinig niya ang iyak ng sanggol.

"What a healthy boy!"

Parang nawala ang lahat ng pagod at hirap na bumabalot sa katawan ni Katya sa mga oras na iyon nang masilayan sa unang pagkakataon ang kanyang anak. Hindi na niya napigilan at bumuhos na ang luha sa kanyang mga mata.

"P-Pwede ko ba siyang hawakan?"

Maingat na inilagay ng nurse ang sanggol sa kanyang mga bisig habang nanatili ito sa kanyang tabi at nakaalalay.

Napahagulgol si Katya ng iyak. Isa na siyang ganap na ina ngayon. Hindi niya inakala na ganito pala ang pakiramdam na mahawakan sa unang pagkakataon ang anak. Sobrang saya na hindi niya mapigilan ang pagluha. Lahat ng mga hirap at sakit na dinanas niya mag-isa ay napawi lahat sa isang iglap.

Hindi siya perpekto pero gagawin niya ang lahat ng makakaya upang alagaan at palakihin ito ng mabuti kahit na mag-isa lang siya, kahit na walang ama ang anak niya.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status