Share

Chapter 1

7 years ago

"Wala ka ba'ng kasamang nakakatanda sa'yo?" tanong sa akin ng doktor. Nasa pagamutan ako ng bayan ng Sta. Polina, kung saan kami naninirahan. Isinugod ko ang aking ina nang dumaing siya ng matinding pananakit ng dibdib.

Umiling ako bilang sagot. Ang aking ama ay nasa malayong lugar nagtatrabaho bilang construction worker subalit ilang buwan na siyang hindi nagpapadala ng pera. Madalang na din siyang magparamdam sa amin.

Nag-iisa akong anak kung kaya't kami lamang dalawa ng aking ina ang magkasama ngayon sa buhay.

Bumuntong hininga ang doctor, bago ako iginiya paupo sa hallway ng ospital. Nababakas ko sa kan'yang mga titig ang matinding pagkaawa sa akin.

"Base sa aking inisyal na konsultasyon, mayroong breast cancer ang iyong ina. Kulang sa kagamitan ang ospital natin dito kaya kailangan mailipat ng iyong ina sa lungsod. Doon ay higit siyang maaalagaan at mapapagaling." 

Puno ng taong pabalik-balik ng lakad ang hallway ng ospital subalit ng mga oras na iyon ay tila ba hindi ko sila nakikita. Pakiramdam ko'y biglang bumagal ang ikot ng mundo at natuliro ang aking isipan. 

May ilan pa'ng sinabi ang doktor ngunit 'ni isa ay wala na akong maintindihan.

Mayroong malubhang sakit ang aking ina.

Cancer, isang nakakatakot na sakit. Kaya pala madalas manghina ang aking ina at iniinda ang pananakit ng dibdib.

Tuluyan nang nanlabo ang aking mata kasunod ng pagdaloy ng luha sa aking pisngi. 

Paano ko maipapagamot si nanay? Mahirap lamang kami. Isang kahig, isang tuka.

Simula nang isilang ako ay sa iskwater na kami nakatira. Ang aking ina ay nagtatrabaho sa isang club noon. Bukod sa akin ay binubuhay niya rin ang kan'yang mga kapatid at ina. Ang aking ama ng mga panahong iyon ay nakakulong dulot ng pagtutulak ng ipinagbabawal na gamot.

Nang makalaya si tatay at nagkaroon ng maayos na trabaho ay gumaan ang aming pamumuhay. Subalit simula nang lumayo ang lugar ng kan'yang pinagtatrabahuhan ay unti-unting nagbago ang kan'yang pag-uugali hanggang sa hindi na nga siya nagpapadala ng pera.

Nagsimula na rin noon na manghina ang pangangatawan ng aking ina kaya hindi na siya tinanggap pa sa club. Tumanggap na lamang siya ng mga labada na ang kita ay hindi sapat para sa aming dalawa lalo pa't nais niyang mag-aral ako sa kolehiyo.

Sa edad na dise-sais ay nagtatrabaho na ako sa club bilang waitress upang makapag-ipon para sa aking pag-aaral. Hayag ang pagtutol ng aking ina na matulad ako sa kan'ya kaya ipinangako kong hinding-hindi ako sasayaw at magbibigay aliw sa mga parokyano.

Subalit sa kalagayan niya ngayon  ay wala na akong mapagpipilian pa.

"Buti naman pumayag ka na! Alam mo sa ganda ng iyong mukha at hubog ng katawan paniguradong limpak-limpak na pera ang maihahatid mo dito sa club. Malaking tip ang ibibigay sa'yo ni boss at hindi lang 'yon, mahilig ang mga parokyano sa fresh na kagaya mo. Hindi maglalaon gagawin kang star of the night dito, tataas ang sweldo mo." 

Matagal na akong inaaya ni Mama Violet, ang tagapangalaga ng mga entertainer sa club, na sumayaw o 'di kaya ay magpa-table kaya tuwang-tuwa siya nang sinabi kong sasayaw ako ngayong gabi.

Ang ilaw mula sa disco light ang nagsisilbing liwanag sa entablado at sa ibaba nito kung nasaan ang mga lalaking mayroong mga nakahaing alak sa kanilang lamesa. Senswal na mga kanta at tawanan ng mga lalaki ang nangingibabaw na ingay sa loob. Amoy ng alak at yosi ang bubungad sa'yo papasok.

Ito ang aking buhay pero ngayong gabi ay mag-iiba.

Kabisado ko na ang sayaw ng mga kababaihan na makakasama ko sa pagsasayaw. Sa loob ng isang taon na pagiging waitress ay alam ko na kung paano magsisimula at magtatapos ang tinatawag nilang 'pampainit ng gabi'.

Pole dancing ang aming ginawa. Lahat ay pangalan ko ang isinisigaw. Girlie, ang ibininyag na tawag sa akin ni Mama Violet.

"Girlie! Sampong libo isang gabi!" sigaw ng lalaking malapit sa entablado.

Kinagat ko ang pang-ibabang labi upang pigilan ang pag-iyak. Hindi ako maaaring maging mahina at umatras sa gawaing ito. Wala akong ibang malalapitan para sa pagpapagamot ni nanay kun'di ito.

Limang gabi kong tiniis ang pagsasayaw sa club. Hindi pumapayag si Mama Violet na i-table ako dahil pinapataas niya pa ang halaga ko. Habang mas tumatagal ay mas lalong nasasabik sa akin ang mga parokyano kaya't tumataas ang perang handa nilang ibigay.

"Girlie! May customer ka na ngayon. Tatlumpong libong piso. Pipti-pipti (fifty-fifty) tayo," ani Mama Violet na himihingal pang pumasok sa dressing area namin.

Bumilis ang pintig ng aking puso at nanlalamig ang aking kamay habang papalapit ako kay Kapitan Masupal. Madalas siya at ang mga tanod niya dito sa club, katulad ng inaasahan handa siyang maglabas ng malaking halaga ng pera makuha lamang ang star of the night ng club, at ako nga iyon.

Naupo ako sa kan'yang tabi. Mabilis na dumapo ang kan'yang magaspang na kamay sa aking hita. Gustuhin ko man na alisin iyon ay hindi ko magawa. Kailangan ko ng pera. Habang tumatagal na hindi nagagamot si nanay ay palala nang palala ang kan'yang sakit.

Kailanman ay hindi ko gusto ang trabahong ito ngunit mahirap ako, menor-de-edad at walang maayos na trabahong tatanggap.

Dumapo ang kamay ni Kapitan Masupal palapit sa pagitan ng aking mga hita kung kaya't hindi ko na napigilan ang lumayo. Nangunot ang kan'yang noo sa aking ginawa pero hindi naglaon ay ngumisi siya.

"Pakipot, gusto ko 'to," nakakakilabot niyang sabi. Inilapit niyang muli ang aking upuan sa kan'ya kasunod ng mga senswal niyang haplos sa aking balat.

Hindi ko kaya! Mas mabuti pa ang magsayaw na lamang ako sa entablado dahil hindi naman nila makukuha ang nakikita nila, hindi tulad nito.

Tumayo ako at nakayukong bumaling sa kan'ya.

"Pasensya na po."

Hindi na gaanong malakas ang musika sa loob ng club dahil kanina pa tapos ang palabas sa entablado. Tanging ingay na lamang ng mga lalaking nag-iinuman at mga babaeng kasama nila ang namumutawi.

Narinig ko ang marahas na pagbuntong hininga ni kapitan. Kilala siya bilang maikli ang pasensya lalo pa kung hindi nito nakukuha ang gusto.

"Ibabalik ko na lang po ang bayad n'yo." Ang sabi sa akin ni Mama Violet ay hanggang pag-table lang daw ako ngayong gabi pero alam kong hindi lang doon ang plano ni kapitan.

Malakas niyang pinalo ang lamesa dahilan upang mahulog ang ilang bote ng alak na naroon. Lasing na siya. Lumikha iyon ng ingay kung kaya't nabaling sa amin ang atensyon ng mga tao lalo na si Mama Violet na nanlalaki ang matang lumapit sa amin.

"Girlie, ano ba?" Mariin na hinawakan ni Mama Violet ang aking braso. Nagpumiglas ako habang panay ang paghingi niya ng tawad kay kapitan.

Isa si kapitan sa mga dahilan kung bakit malayang nakakapag-operate ang club kaya inaasahan ko nang papanigan siya ni Mama Violet.

"Dalhin mo 'yan sa motel!" utos niya kay Mama Violet bago tumalikod at naglakad palabas nang pasuray-suray.

Bumaling sa akin si Mama Violet at hinila ako pasunod kay kapitan. Anumang pagpapabigat ko ay hindi siya natinag. Malaki siyang bulas kaya't wala akong laban.

Nagpatianod ako sa kan'ya kahit pa panay ang sigaw ko na ayokong sumama. Pinagbabantaan niya akong tatanggalin sa trabaho kaya natahimik ako.

Hindi ako maaaring mawalan ng pagkukuhanan ng pera, paano kami ni nanay pagnagkataon? Paano ang pagpapagamot niya?

Puri ko kapalit ng pagpapagamot ni nanay.

Nang makalabas kami ay nawalan na ako ng lakas pa upang magpumiglas. Tatawid lamang kami ng daan ay nasa motel na kami na sinasabi ni kapitan.

"Mama Violet maawa po kayo. Hindi ko pa po kaya." Nagbabakasakali akong mayroon pang kakarampot na awa siyang mararamdaman sa akin. 

Hindi siya sumagot. Yumuko ako habang patungo kami sa tawiran ngunit bumangga ang aking ulo sa kan'yang likod nang bigla siyang huminto. Tumingala ako sa pag-aasam na hindi na kami tutuloy pero isang matipunong lalaki pala ang humarang sa aming daraanan.

Magkasalubong ang kan'yang kilay na sumulyap sa akin bago kay Mama Violet.

"Saan mo dadalhin ang bata?" tanong nito.

Tila naman nahipnotismo si Mama Violet at hindi makapagsalita. Hindi rin ito umalma at itinuro pa ang motel sa kabilang daan.

"You know I can sue you for engaging a minor, like her, in prostitution."

Tila natauhan si Mama Violet at umayos ng pagkakatayo kaharap ang lalaki. "Hindi na siya menor de edad at ginusto niya ang trabahong ito."

"Umiiyak siya at nagpupumiglas kanina. Obviously, ayaw niyang sumama sa'yo." Nakapamulsa itong humakbang ng isa palapit sa amin. Umatras naman si Mama Violet na tila natatakot.

"Si-sino ka ba? Huwag ka makialam dito!" Damang-dama ko ang takot sa boses niya.

Ngumisi ang lalaki bago muling nagsalita. "You are violating Republic Act 9208: Anti-Trafficking of Persons Act of 2003."

Napaawang ang aking labi sa kan'yang sinabi. Tungkol iyon sa batas ngunit hindi ko alam ang ibig sabihin. Abogado ba siya?

"Gusto mo ba'ng malaman kung ilang taon kang makukulong kung hindi mo siya bibitawan ngayon?"

Bigla ay lumuwag ang pagkakahawak sa akin ni Mama Violet. Napaatras rin siya ng isang hakbang tila ba natatakot sa tanong ng lalaki sa aming harapan.

"Forty years. So if I were you, let go of her." Tunog pa lamang ng kan'yang pananalita ay alam kong mayaman siya. Kung totoo man na ipapakulong niya si Mama Violet ay paniguradong wala na itong laban.

Marahas na binitiwan ni Mama Violet ang aking kamay. Humarap siya sa akin at dinuro ako. "Huwag ka nang babalik dito!" 

Nagmamadali siyang tumakbo pabalik ng club at hindi na inantay pang makapagsalita ako.

"Are you okay Miss?" mabait na ngumiti sa akin ang lalaki. 

Mga Comments (1)
goodnovel comment avatar
Dimple
love it.........
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status