Share

Chapter 1

Maggie

BUMIGAY TODO NA ko sa pagbirit ng kanta na uso ngayon sa videoke bilang request ng mga customer kong manginginom dito sa tindahan ni Aling Caring.

"Wooh! Galing galing talaga ni Maggie!" Puri ng ilang mga manginginom at ibang nanonood at pumalakpak pa ng matapos ako sa pagkanta.

"Salamat!" Sabi ko sa mic at in-off na ito sabay lapag sa lamesa ng mga umiinom.

"Isa pa!" Request pa nila.

"Oo nga, isa pa. Eto limampiso oh."

"Tama na! Magbebenta pa ako ng kakanin. Nilalansi nyo lang ako eh, baka kuha kayo ng kuha sa basket hindi kayo nagbabayad." Sikmat ko sa kanila.

"Ganito na lang, papakyawin ko yang tinda mo basta kumanta ka lang." Sabi ni Mang Pido na may ari ng malaking sakahan sa baranggay namin at laging tambay dito sa tindahan ni Aling Caring.

"Talaga po?" Aba kung papakyawin nya ang lahat ng tinda ko kapalit ng pagkanta ko ay g ako dyan. Kesa naman magpagod pa ako sa kakalakad para magbenta.

"Oo, magkano ba lahat yan?"

"850 po lahat yan at bagong gawa yan ni nanay."

Dinukot ni Mang Pido ang wallet sa bulsa at humugot ng isang libo sabay abot sa akin. "O ito, sayo na sukli."

Agad ko itong kinuha bago pa magbago isip nya. "Yown! Sana laging ganito araw araw." Malaki ang ngiting sabi ko. Nakaubos na ako ng paninda may keep the change pa. May pambaon na ako bukas. Mabuti na lang nandito si Mang Pido na ninong ng lahat ng bata dito sa baranggay.

"O kumanta ka na ulit." Sabi ng mga kainuman ni Mang Pido na halatang lasing na ang iba. Kilala ko naman ang mga ito at kilala nila ako bilang anak ni Mang Berting na kilalang matapang dito sa baranggay namin. Kaya walang luko-luko sa kanila na bastusin ako o gulangan ako sa paninda ko dahil takot sila sa tatay ko na kahit hirap ng maglakad ay kaya pa ring manghabol ng itak kapag naagrabyado.

"Sige isalang nyo na yung request nyong kanta, kakantahin ko." Sabi ko sa kanila at kinuha na ang mic. Hindi sa pagyayabang pero maganda ang boses ko. Sa katunayan ay pambato ako ng baranggay namin sa kantahan tuwing pyesta ng bayan at tatlong taon na akong defending champion.

Tumugtog na ang intro ng kantang Touch by Touch at kinanta ko na ito. Mabuti na lang at medyo kabisado ko ang tono nito dahil lagi kong naririnig na pinapatugtog ng kapitbahay namin. Nagsitayuan naman ang mga lasing at nagsisayaw.

Alas sais na ako nakauwi. Mabuti na lang ay mga nakatulog na ang mga lasing kaya nakatakas na ako sa kanila pauwi. Siguradong matutuwa si nanay nito dahil nakaubos ako. Ang mga kakanin na pinakyaw ay pinagparte parte ng mga tambay din doon at mga mosang.

Lunes bukas at pasukan na naman. Grade 11 senior high na kasi ako at sa bayan ang school na pinapasukan ko. Kapag walang pasok ay tumutulong ako kay nanay sa pagtitinda ng mga kakanin. Sa school naman ay nagpapaorder din ako, kung gusto nila ay ipi-pm lang nila ako at kinabukasan ay dadalhin ko. Karaniwang umoorder ay mga teacher, meron din namang mga estudyante at mga classmate ko. Ang kinita ay baon ko kapag may sobra ay hinuhulog ko sa alkansya. Mabuti nga ay hindi na kami ganoon kagipit kagaya dati. Na stroke kasi si tatay at hindi na masyadong makagalaw. Lifetime na rin ang gamutan nya kaya sobrang nagipit talaga kami noon. Hindi na nakapag trabaho si tatay at naibenta na rin ang kalahati ng lupa namin, natigil din sa pagaaral si ate Mikay at nagtrabaho na lang sa Maynila para makatulong. Importante kasi ang mga gamot ni tatay na sobrang mamahal. At yun ang pinagtatrabuhan ni ate pati na rin ang pagaaral ko. Kaya nga nangangako akong pagbubutihan ko ang pagaaral at pipilitin kong makapagtapos para masuklian man lang ang pagsasakripisyo ni ate sa pangangatulong sa Maynila. Kahit ayaw namin na malayo sya sa amin ay wala naman kaming magagawa. Dahil kung dito lang sya sa probinsya ay wala ding mangyayari. Maliit lang ang kita dito at hindi sasapat.

"Nay, Tay, nandito na po ako." Sabi ko ng nasa pinto na ako ng bahay at naghubad ng tsinelas. Bitbit ko ang dalawang basket na dahon na lang ng saging at plastic ang laman.Si tatay ay nasa loob ng tindahan at binebentahan ang batang kapitbahay namin. Lumapit ako sa kanya at nagmano.

"Kanina ka pa hinihintay ng nanay mo." Aniya at sumunod na rin sa akin papasok ng bahay habang akay ng kanyang tungkod.

"Ginabi ka Maggie, naistambay ka naman sa videokehan no." Sabi ni nanay na naghahain na sa lamesa.

"Opo nay, pero ayos lang nakaubos naman ako ng paninda." Sabi ko at nilapag na ang dalawang basket sa ibaba ng lamesa.

"Talaga?"

"Opo nay, si Mang Pido kasi pinakyaw basta daw kumanta ako. Eh di pinagbigyan ko na atleast nakaubos." Dinukot ko ang isang libo sa bulsa ng tokong shorts ko at inabot kay nanay. "Heto nay, 850 lahat ng kakanin may pa-keep the change pa."

Kinuha ito ni nanay. "Ayos ah! Galante talaga yan si Pido. Pero anak wag kang basta basta makikihalubilo sa mga lasing."

"Yun nga po nay ang maganda eh, mas madaling utuin ang mga lasing."

"Kahit na baka mabastos ka."

"May nambabastos ba sa'yo bunso?" Tanong ni tatay na nakaupo na sa harap ng lamesa. Ito pa naman si tatay overprotective sa amin ni ate.

"Wala po tay, saka wala pong magtatangka takot lang nila sayo."

"Dapat lang! Dahil kahit pila-pilantod na kong maglakad pagtatagain ko sila." Banta ni tatay.

"At di rin ako papayag na mabastos tay noh! Baka ako na mismo ang tumaga sa kanila." Segunda ko.

Tumango tango naman si tatay. "Tama yan anak, basta nasa tama ka walang mali na lumaban ka."

"Kuh! Mag ama nga talaga kayo. Hala tama na yan at magsikain na tayo." Turan ni nanay at nilapag na ang bandehado ng kanin at ulam.

Nanlaki ang mata ko at kiniskis ang palad ng makita ang ulam. "Wow! Ginataang tulingan." Para na akong naglalaway. Mapaparami na naman ang kain ko nito. Paborito ko kasi yung mga gata gata. Pero sa lahat ng ginataan ay pinakapaborito ko ang ginataang alimasag. Makapag request nga nun kay nanay sa susunod na araw.

"Hinay hinay lang anak, tumataba ka na oh." Natatawang puna sa akin ni nanay, pati si tatay nakitawa na rin habang ngumunguya.

Sunod sunod kasi ang subo ko at pangalawang kanin ko na ito.

"Eh masarap kasi yung luto nyo nay eh." Sabi ko sa pagitan ng pagsubo.

"Kuh! Lahat naman sa'yo masarap."

Napanguso na lang ako habang ngumunguya. "At saka hindi naman po ako mataba nay, malaman lang."

Totoo naman yun. Hindi ako mataba at hindi payat. Mabibilog lang ang mga braso ko hita at binti. Pero makurba naman ang katawan ko. Sa edad na desi syete mabilog na ang pang upo ko at dibdib na binagayan pa ng maliit na bewang. Marami nga ang naiinggit sa katawan ko eh. Madalas nila akong mapagkamalan na nasa edad bente na. Maputi din ang kutis ko na namana ko kay nanay na kapag naarawan ay namumula. Mestisahin din ang hitsura ko at madalas din akong mapagkamalang may lahing banyaga. Kunsabagay si nanay kasi ay may lahing American, yung lolo nya Americano. Si tatay naman ang mga ninuno nya ay mga espanyol. Kaya heto may anak silang dalawang dyosa na pinagpala sa lahat.

Nang matapos kaming makapaghapunan at makapaghugas ng pinggan ay magkasama kami ni tatay na nanonood ng tv. Si nanay naman ay nasa tindahan, sya ang tumao hanggang sa magsara mamaya.

"Ilipat mo nga muna anak sa basketball." Utos ni tatay sa akin.

Kinuha ko naman ang remote at nilipat sa kabilang channel. Hindi sa mahilig kami sa basketball kaya kami nanonood kundi nanood kami para abangan ang final score. Baka kasi tumama kami sa ending. Isangdaan ang taya namin ni tatay, limang libo din yun kapag tumama ang numero namin. Dalawang minuto pa bago matapos ang laban ng dalawang koponan pero inabangan na rin namin. Habang papalapit na nga ang pagtatapos ng laban ay sumisigaw na kami ni tatay sa excitement. Sinasaway na nga kami ni nanay dahil ang ingay namin.

"I-shoot mo! I-shoot moo!" Sigaw namin ni tatay. Heto na. Amin na to!

"Yessss!" Sabay naming sigaw ni tatay. May limang libo na kami!

"Ang swerte mo talaga sa numero anak! Mabuti na lang pinalitan natin yung numero natin at wala pang nakakataya don." Tuwang tuwang sabi ni tatay.

"Syempre naman tay, swerte tong anak nyo eh."

"Ano ba yan at ang ingay ingay nyong mag ama?" Sita sa amin ni nanay na nakapamewang ng pumasok.

"Cora, nanalo tayo sa ending!" Masayang balita ni tatay.

Umaliwalas naman ang mukha ni nanay. "Talaga?"

"Opo nay, nanalo yung numero ko." Tuwang tuwa din na sabi ko. 

Kita mo nga naman ang swerte ngayong araw na to. Nakaubos na ako ng paninda tumama pa ang numero ko sa ending. Ilang beses na ngang nanalo ang mga hula kong numero eh. Gaya ng sabi ni tatay swerte daw ako sa numero. Naalala ko nga noong maliit pa ako lagi akong hinihingian ng mga kapitbahay ng mga numero at itataya nila sa jueteng o kaya ending. Swerte rin namang nananalo minsan at binabalatuhan nila ako. Tamang tama may dagdag panggastos kami at baon ko na rin. Sa susunod na linggo pa kasi ang padala ni ate.

Wala pa ngang isang oras ay dumating na ang nagpapataya ng ending na kapitbahay lang din namin at inabot ang napanalunan namin. Syempre may balato din sya.

NAGKUKWENTA AKO sa likod ng notebook ko ng napagbentahan ko ng suman at nilupak na kamoteng kahoy na inorder pa ng mga teacher at mga schoolmate ko sa akin. Naka 240 din ako. Ayos! Mamaya bago mag uwian aalukin ko ulit sila para bukas dadalhin ko.

"Margarette Caperiña." Tawag ni sir Alfie sa akin.

"Yes sir? O-order po kayo ng nilupak?" Tanong ko sa kanya ng mag angat ako ng mukha.

Naghagalpakan naman sa pagtawa ang mga kaklase ko. Napabuntong hininga na lang si sir Alfie at namaywang. Doon ko lang na-gets ang lahat. Naginit ang pisngi ko sa hiya. Shet! Nakakahiya!

"Kanina pa salita ng salita si sir Alfie sa harap girl, kanina pa rin sya tingin ng tingin sayo kasi hindi ka nakikinig." Pabulong na sabi ni Sandy na seatmate ko.

Napakamot ako sa ulo. "Sorry po sir." Hinging paumanhin ko na lang.

Napailing iling naman si sir. "Sige paorder na rin ako ng dalawang nilupak na kamoteng kahoy. At mamaya ka na magkwenta kwenta dyan pagkatapos ng klase ko." Aniya.

Napangiti naman ako. "Ay thank you sir! Bukas ko po ng umaga dadalhin." Sinulat ko na ang pangalan ni sir at order nya sa likod ng notebook para hindi ko makalimutan. Yes! May order na akong dalawa.

"Ang lakas talaga ni Maggie kay sir oh! Samantalang ako nung nahuling di nakikinig pinalabas." Usal ng isa kong kaklase na lalaki.

"Eh kasi nga crush sya ni sir Alfie." Hirit naman ng isa kong kaklaseng babae. Kasunod nun ay umugong ang bulungan at tuksuhan. Nagngisihan ang mga kaklase kong lalaki pero ang iba kong kaklaseng nga babae ay tinaasan ako ng kilay, ang iba ay umirap pa. Wala akong alam sa sinasabi nila na crush ako ng batang bata at binata naming teacher na sir Alfie.

"Pinagsasabi nyo dyan?" Sabi ko sa kanila.

"Bakit girl? Di mo alam? Crush ka ni sir Alfie. " Pabungisngis na sabi ni Sandy.

"Aba malay ko, busy ako sa pagaaral at paghahanap ng pera. Wala akong oras sa mga intriga." Sabi ko sa kanila.

"Oy hindi intriga yun, totoo yun. Di ba sir?" Anang isa kong classmate na binabae.

"Ayieehh!" Umulan na naman ang tuksuhan.

Tumingin naman sa akin si sir Alfie na namumula na ang mukha pero agad ding nag iwas ng tingin. "Quiet class!" Saway na lang niya sa mga kaklase ko. Nagsitahimik naman ang mga ito pero may panaka nakang mahihinang bulong.

Ako naman ay napakamot na lang sa batok.  Wala akong panahon sa mga crush crush na yan. Busy ako sa pagraraket at pag aaral. Hindi ako kagaya ng mga kaklase ko na maaalwan ang mga buhay kaya hindi na namomroblema.

Ng mag uwian na nga ay inalok ko na ang mga kaklase ko ng mga kakanin na dadalhin ko bukas pagpasok. Syempre ang dadalhin ko lang ay yung sakto lang sa inorder nila. May ilang mga kaklase ko na nga ang umoder. Sinulat ko ito sa likod ng notebook. Nagpost na rin ako sa f* sa gustong umorder. Syempre hindi araw araw ay maraming order, nakakasawa din naman ang puro kakanin sa araw araw. Nagiisip na nga ako ng ibang pwedeng ibenta eh.

"Magz gusto mong sumama sa amin sa sabado? Pupunta kami ng Camp Samal." Aya sa akin ng kaklase kong lalaki na si Ronnie. Kasama nya ang mga barkada nya na mga kaklase namin. Apat silang lalaki at tatlong babae na mga plastikada, kunwari ngiting ngiti sa akin pero nahuhuli ko namang pasimpleng umiirap, sarap dukutin ng mga mata eh. Kapag pinalagan ko naman mga bahag ang buntot.

"Naku sorry di ako pwede dyan. Wala akong pera." Tanggi ko. Hindi talaga ako makakasama dahil maraming gawain kapag sabado, maglilinis ng bahay, maglalaba, maggagapas sa maliit naming taniman at kung ano ano pa.

"Walang problema, ililibre kita." Nakangiting sabi pa ni Ronnie.

Napakamot ako sa ulo. May pagkasamakulit din sya.

"Hindi rin talaga ako pwede Ronnie, marami kasi akong gagawin sa sabado." Giit ko at binigyan sya ng kiming ngiti.

Nabura naman ang ngiti nya sa labi at nalungkot ang mukha. "Ganun ba."

"Wag mo na syang pilitin Ronnie kung ayaw nyang sumama. Kj kasi yan si Maggie." Anang kaklase kong babae na barkada ni Ronnie na Lucresia ang totoong pangalan. Tumawa sya at ang dalawa pang babae na katabi nya sabay bulungan. Halata naman na ayaw nila akong kasama.

"Ay talaga ba Lucresia? Mas kj naman ang pangalan mo lukring." Bira ko sa kanya.

Sumimangot naman sya sabay irap sa akin. May pakj-kj ka pang nalalaman eh shunga ka naman. Ngali ngaling sabihin ko.

Wala ng nagawa si Ronnie dahil hindi nya ako mapilit. Inaya na lang nya ang barkada nya palabas ng classroom. Si lukring ay umirap pa sa akin, pinakyu ko lang sya.

"Dapat lang na hindi ka sumama sa mga yan, baka pagtulungan ka lang ng tatlong yun." Komento ni Sandy na inaayos ang mga gamit nya sa bag.

"Hindi nila ako kaya." Sabi ko at inayos na rin ang mga gamit sa bag. Sinuklay ko muna ang buhok bago sinukbit ang bag pagkatapos ay nagpaalam ako sa kanyang mauuna na.

Paglabas ko ng gate ng school ay maraming mga nagtitinda ng street food. Nakaramdam ako ng gutom. Pinuntahan ko ang isang nagtitinda ng fishball at bumili ng halagang bente. Medyo bitin pa nga yun eh pero keri na nagtitipid ako eh. Sa bahay na lang ako kakain ng marami. Ng mailagay ko na sa malaking cup ang fishball na binili ko ay nilagyan ko na ito ng hot sauce saka nagbayad kay manong. Habang nagaabang ng jeep ay nilalantakan ko na ang bagong lutong fishball. Agad kong pinara ang paparating na jeep at sumakay. Sa unahan na lang ako umupo para baba agad kapag nakarating na ako sa amin. Wala pa namang sampung minuto ang byahe pauwi sa amin.

"Tay, Nay, nandito na po ko." Sabi ko habang hinuhubad ang sapatos sa pintuan. Ngunit may napansin akong dalawang pares ng doll shoes na maayos na nakasandal sa gilid ng pinto. May bisita kami?

Pumasok na ako sa loob para makita ang bisita. Nanlaki ang mata ko ng makita kung sino ang bisita, hindi pala basta bisita lang.

"Ate!"

*****

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status