Share

CHAPTER 7

“DAD, Mom, biglaan naman ang pasyal nyo dito, ni hindi kayo nagpasabi,” Natatarantang sabi ni Amanda sa mga magulang nang bigla na lamang itong sumulpot sa bahay nila.

            “Isang lingo na simula nang ikinasal ka, ni hindi mo man lamang kami naalalang tawagan ng Mommy mo,” anitong iginagala ang mga mata sa kabuuan ng bahay, “Ang laki pala at ang ganda ng bahay nyo,” dagdag pa nito saka kumunot ang nuo, “Teka, bakit mukhang nangangayayat ang prinsesa ko?”

            “Ito naman, syempre naninibago ang anak mo sa buhay may asawa.  Nasaan nga pala ang  asawa mo?” Anang ina niya.

            “Naliligo po Ma,” sagot niya.  Ang totoo ay kinakabahan siya sa ipapakita sa mga ito ni Genis.  Tiyak na magkakagulo kapag nalaman ng mga ito ang nangyayari sa kanila ng asawa. “Sandali lang po at igagawa ko kayo ng maiinom.” Aniyang nagtungo sa kusina.  Sinundan siya ng Mommy niya duon.

            “Kumusta ka naman, anak?”

            “Masaya naman, Mommy.  Ang bait-bait sakin ni Genis.  Mas lalo siyang naging malambing sakin pagkatapos ng kasal,” pagsisinungaling niya sa ina habang umiiwas ng tingin dito.  Kumuha siya ng yelo sa fridge at nagtimpla ng orange juice.

            “Mabuti naman,” sabi nitong binuksan ang malaking pantry, “My God, hindi ba mag-e-expire ang mga ito sa dami?” bulalas ng ina niya nang makita ang napakaming pagkain sa loob ng pantry.

            “Pinupuno talaga ni Genis ‘yan kasi’y alam niyang mahilig akong magluto,” aniya habang hinahalo ang juice na ginagawa niya.  Ngayon lamang siya nagsinungaling sa ina, at pakiramdam niya ay sasabog ang dibdib niya ng mga oras na iyon.  Mahirap pang itago ang tunay na nararamdaman lalo na sa harapan ng kanyang mga magulang.  Nilibang na lamang niya ang sarili sa paggawa ng chicken sandwich para sa mga ito.

            “Ang tahimik naman ng bahay na ito, ke laki-laki.  Ilan baa ng maids nyo dito?” usisang muli ng ina niya.

            “M-May isang cook.  Iyong ibang katulong, p-pinaalis ko na lang total magaan lang naman ang trabaho dito.”

            “Ibig sabihin, ikaw lahat ang gumagawa ng gawaing bahay?” Taas ang kilay na tanong nito sa kanya, “Ang laki-laki nitong bahay. . .”

            “Ma, wag ka ngang exaggerated.  May waching machine naman at vacuum cleaner kaya madali lang sakin ito. Besides, tinutulungan naman ako ni Imee.  Gusto kong pagsilbihan ang asawa ko, Ma,” aniya at totoo naman iyon.

            Gusto niyang pagsilbihan ang asawa niya at iparamdam dito kung gaano niya ito kamahal.  Baka sakaling kapag narealize nito iyon ay muling bumalik ang dating pagtingin nito sa kanya.

            Kausap na ng Daddy niya si Genis nang bumalik siya sa salas. “Sweetheart, sabi ko kay Daddy dito na magpalipas ng gabi, bukas, ipapasyal natin sila,” malambing na sabi nito sa kanya, parang nuong nobyo pa lamang niya ito. Tumayo pa ito at kinuha sa kanya ang dala niyang tray at inilapag iyon sa mesa.  “Sayang nga lamang at may lakad ako ngayon kaya hindi ko kayo mailalabas ngayon.”

            “Huwag mo kaming intindihin,” nakangising sabi ng Daddy niya kay Genis “Sige. lumakad ka na at baka mahuli ka pa sa meeting mo. Saka hindi rin kami magtatagal.  Aalis din kami mamayang hapon at nakapangako kami kay Efren na bibisitahin namin sila sa Bulacan.  Kanina pa nga naghihintay ang mga apo ko.”

            “Ganun ba? Sayang naman. Hayaan nyo at next week papasyalan naming kayo sa Sta. Elena,” sabi ni Genis na humalik pa sa nuo niya. “Sweetheart, don’t worry, maaga akong uuwi mamaya,” nakita niya ang katuwaan sa mga mata nito habang sinasabi iyon.  Na para bang pigil na pigil ang matawa.

            Napalunok siya.  Pakiramdam niya ay nasa isa silang entablado sila ni Genis ng mga oras na iyon.

NAGTANGIS ANG MGA BAGANG ni Genis nang makalabas na ng bahay. 

            “Manong Doy, sa Pasay ho tayo,” aniya sa kanyang driver, isinandal niya ang katawan at pinikit ang mga mata dahil pakiramdam niya ay sumakit ang ulo niya nang makita ang ama ni Amanda.

            Kung hindi siya nakapagpigil ay baka inupakan na niya ito.  Kaninang kausap niya ito ay parang nakikinikinita niya ang hitsura nito habang naninigarilyo, nakatingin sa nakahandusay niyang ama.

            Damn.

            Parang sasabog ang dibdib niya sa galit. ngunit sa kabilang panig ng utak niya ay parang naririnig niya ang tinig ng Ninong Ben niya:  Hindi ba mas masakit iyong paniwalain mo munang mahal na mahal mo nga si Amanda.  Kuhanin mo muna ang tiwala nila.  Unti-unti, Genis.  Huwag mong ilatag lahat ng baraha mo!

            Pagkarating sa pub house nila sa Pasay ay inutusan niya ang kanyang staff na bigyan siya ng isang bote ng paborito niyang alak.  Duon niya ibinuhos ang lahat ng galit niya.

“M-MARAMING SALAMAT po, Mang Doy,” sabi ni Amanda sa matanda nang ilapag nito sa kama si Genis.  Nuong magkasintahan pa lamang siya, ni minsan man ay hindi niya ito nakitang lasing.  Kapag inaalok nga ng mga Kuya niya at Daddy niya ng inuman ay tumatanggi ito.  Nagagalit pa nga siya sa mga kapatid niya, sabi niyang huwag itong turuang uminom.

            Kaya nagugulat siyang halos araw-araw na lamang itong umuuwi na lasing.

            Tumango lang ang matanda sa kanya saka lumabas na ng kuwarto.

            “Mang Doy. . .” tawag niya dito.  Nilingon siya nito, “Ilang taong na ho ba kayong nagtratrabaho kay Genis?”

            “Sampong taon na.” Tipid na sagot nito sa kanya.

            “Palagi ho ba siyang ganito?  Ano ho ba ang pagkakakilala nyo sa kanya?

            Hindi ito sumagot, “Pasensya na iha. Siya na lang ang tanungin mo tungkol dyan.” Pagkasabi niyon ay lumakad na palabas ng bahay ang matanda.  Hindi niya masisisi si Mang Doy. Syempre pa ay na kay Genis ang loyalty nito dahil ito ang nagpapasweldo dito.

            Nagprepare siya ng maligamgam na tubig at hinubad ang suot ng asawa.  Natigilan siya nang mapagmasdan ang kabuuan nito.  Napakaguwapo at napakakisig nito kaya naman unang kita pa lamang niya ay umibig na kaagad siya dito. 

            Napahinga siya ng malalim.  Hindi siya nawawalan ng pag-asang manunumbalik ang dati nilang pagsasama.  Kahit paulit-ulit na sabihin sa kanya ni Genis na pinakasalan lamang siya nito para paghigantihan ang tatay niya, naniniwala siyang minahal rin siya nito.  Hindi makapagsisinungaling ang mga mata nito habang binibigkas nito sa harap ng dambana na pakakamahalin siya nito habang buhay.  At ang pangakong iyon ang panghahawakan niya.  Malakas ang kutob niyang may pag-asa pang mabago ang nararamdaman para sa kanya ni Genis.

            Kaninang kaharap niya ang Daddy niya ay natutukso na siyang usisain kung ano ang kinalaman nito sa pagkamatay ng buong pamilya ni Genis ngunit natatakot siyang harapin ang katotohanan.  Hindi pa siya handa sa bagay na iyon.  Besides, ayaw niyang malaman ng ama ang totoong nangyayari sa loob ng bahay na ito.  Hangga’t kaya niyang itago ay itatago niya ang lahat ng paghihirap na nararamdaman.

            “Itay.  . .” narinig niyang usal ni Genis.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status