Magsisinungaling si Addison kung sasabihin niyang hindi siya nasaktan. Mapagkunwari kung itatanggi niyang hindi siya nalungkot o nadismaya. Pero… ano ba ang magagawa niya para pigilan ang lahat ng ito? Kahit ang lalaking minsan niyang inakalang masasandalan, ito pa ang unang dumurog sa puso niya.
Hindi naman bulag si Addison. Kitang-kita niya kung paanong hindi man lang nag-abala si Dashiel na itago ang relasyon nito sa babaeng mahal nito. At gayon pa man, sa harap ng lola nito, kayang-kaya nitong isuot ang maskara ng isang perpektong asawa, maalaga, mapagkalinga, at mapagmahal.
“God,” mahina niyang bulong habang lalong lumalalim ang gabi sa paligid niya. Mariin niyang ipinikit ang mga mata. “Bukas na naman… another day na kailangan kong harapin. Please, maawa ka naman sa akin. Kahit konting kabutihan lang, Lord. Please… ibigay mo na sa akin ‘to.”
Nang sabihin niya kay Dashiel ang hiling niya, hindi niya kailanman inakalang papayag ito.
Kaya hindi niya puwedeng sayangin ang pagkakataong ito, baka ito na ang una at huling pagkakataon niya.
Isang bata.
Gusto ni Addison ng anak. Isang makakasama sa mga darating na taon. Isang mamahalin niya nang walang kondisyon. Isang tatawag sa kanya ng “Mama”, kahit iyon na lang ang tanging salitang may init na maririnig niya sa buong buhay niya.
At alam niya… baka ito na lang ang nag-iisa niyang pagkakataon.
Wala na siyang ibang natitirang mahal sa mundo. Hindi siya hihingi ng kahit ano kay Dashiel. Sa katunayan, matagal na niyang plano ang mawala, mamuhay nang tahimik sa isang lugar na malayo, kasama ang magiging anak niya. Isang lugar na hindi kailanman mararating ni Dashiel. Dahil sa panahong iyon, siguradong abala na ito sa perpektong buhay kasama ang babaeng tunay nitong mahal.
Iyon ang hiling niya. Kahit pa sabihin ng iba na kahangalan o kabaliwan iyon, patuloy pa rin siyang umaasa. Buong puso siyang umaasa na magiging mabait ang Diyos. Na pagbibigyan ang dasal niya.
Kaya noong umagang iyon, nakatayo si Addison sa harap ng matangkad na salamin sa private room niya. Maingat niyang inayos ang bahagyang bagsak ng bago niyang ginupit na bangs. Medyo alanganin, pero ngumiti siya sa sarili niyang repleksyon. May kaunting make-up ang mukha niya, hindi bongga, hindi pilit, sapat lang para lumabas ang ganda na bihira niyang ipakita.
Ngayong araw, gusto niyang maging maganda.
Suot niya ang isang simpleng nude-colored na damit na akmang-akma sa payat pero elegante niyang pangangatawan. Marahan siyang ngumiti habang hinahaplos ang tela. Ngayong umaga, balak niyang ipaghanda si Dashiel ng espesyal na almusal.
“Ready na ako,” bulong niya sa sarili. “Kung yayakapin lang sana ako ni Dashiel sa kusina—”
Ay!
Biglang uminit ang pisngi niya. Pumasok sa isip niya ang mga romantic novels na minsan niyang nabasa, mga kwentong puno ng lambingan ng mag-asawa, yakap, mga halik, pagmamahalan sa bawat sulok ng bahay, at apoy ng pagnanasa sa bawat dampi.
“Ang tanga mo talaga, Addison,” saway niya sa sarili. “Hindi gagawin ni Dashiel ‘yan.”
Pero… hindi ba madalas, doon nagsisimula ang pag-asa, sa mga bagay na imposible?
Sa kasamaang-palad, nabasag ang marupok na pag-asang iyon nang tumunog ang doorbell sa ibaba. Sinundan iyon ng malinaw na tunog ng matataas na takong at isang matalim, mapanuyang tawa.
“Sino kaya ‘yon?” Dahan-dahang bumaba si Addison ng hagdan. Ang munting ngiting inensayo niya sa harap ng salamin ay unti-unting naglaho, napalitan ng isang kalmadong pero alertong ekspresyon.
Sa sala, may isang babaeng nakaupo nang parang siya ang may-ari ng bahay. Suot nito ang isang maroon na jumpsuit at kumikislap na high heels.
Si Venus Mae Bonifacio.
She's confident. Beautiful. At alam na alam ang epekto ng presensya niya. Eksakto ang itsura niya sa telebisyon at sa mga billboard. Sa totoo lang, aminado si Addison, mukha talagang diyosang bumaba sa lupa si Venus.
Sa kasamaang-palad… iba ang sinasabi ng ngiti at kilos nito. Lalo na kapag siya ang kaharap.
“Oh?” lumingon si Venus, tinignan si Addison mula ulo hanggang paa. Kumurba ang labi niya sa isang mapanghamak na ngisi. “So, marunong ka rin palang mag-ayos.”
Nanatiling kalmado si Addison. “May maitutulong po ba ako sa inyo, Miss Venus?”
“So direct?” tumayo si Venus, marahang tinapik ang designer bag sa kandungan niya. “Hindi ka man lang mag-aalok? Kahit inumin?” Inihawi niya ang mahabang buhok sa isang balikat. “I’d think alam mo na ang lugar mo. Sa bahay na ‘to, ikaw ang bagay mag-asikaso ng bisita. Bagay naman sa mukha mo ang role na ‘yan, Addison.”
Pinili ni Addison na ngumiti.
“Hindi ako naparito para makipag-chikahan,” sarkastikong sabi ni Venus. “Nadaanan lang kita. Gusto kong makita kung ano talaga ang ginagawa ng fiancé ko kasama ang isang babaeng hindi marunong lumugar. Akala ko bluff lang ang hiling mo kay Dashiel, pero ngayon… I see it. Talagang nawalan ka na ng bait.”
“Kaya ko pa ring mag-isip nang maayos, Miss Venus,” mahinahong sagot ni Addison.
Napatawa si Venus, aliw na aliw pero puno ng pangungutya. “Maayos? Being dressed like that? Hoping na maaakit mo si Dashiel?” Lumapit siya, nagliliyab ang mga mata. “Cheap ka lang!”
Bago pa niya mahila ang damit ni Addison, nauna nang gumalaw ang huli. Mabilis niyang hinawakan ang pulso ni Venus, sapat lang para pigilan ito.
“Wala akong pakialam kung tingin mo sa akin cheap ako, Miss Venus,” malamig pero kalmadong sabi ni Addison. “Pero sa ngayon, ako pa rin ang asawa ni Dashiel Kristian Gutierrez.”
Hindi gumalaw ang tingin niya. Ganoon din ang hawak niya.
“Watch your boundaries, you bitch!” singhal ni Venus. Pero pagkatapos ay tumawa siya, mahina sa una, matalim at basag, parang tunog ng nababasag na salamin. “Oh, sweetheart… ang titulong ‘asawa ni Dashiel Kristian Gutierrez’? Sa papel lang ‘yan. Alam ng lahat ‘yan.”
“At alam din ng lahat na hindi pa nangyayari ang kasal ninyo,” mahinahong sagot ni Addison. “Kaya hanggang dumating ang araw na ‘yon, asawa pa rin niya ako. At gagampanan ko nang maayos ang papel na iyon, Miss Venus.”
Nanlilisik ang mga mata ni Venus. “Akala mo ba mahahawakan mo siya? Na makakatulog siya sa tabi mo? Nakakaawa ka.”
“Wala naman akong inaasahan,” sagot ni Addison, bahagyang itinataas ang baba. “Hindi ka naman dapat ma-threaten, hindi ba? After all, malinaw naman na kung sino ang panalo.” Binitiwan niya ang pulso ni Venus at umatras. Ayaw na niyang hawakan pa ang babaeng mahal ni Dashiel.
Kung hindi lang dahil sa matinding tibay ng loob niya, baka kanina pa siya umiiyak sa harap ni Venus.
Hawak ni Venus ang pulso niya, galit na galit. Ang babaeng ‘yon, ang lakas ng loob! Hindi niya iyon palalagpasin. Magbabayad si Addison. Lahat ng sakit, babayaran nito.
“Alam mo, Addison,” mabagal na sabi ni Venus, bawat salita ay parang patalim, “...matagal ko nang iniisip… bakit ka pa pinakasalan ni Dashiel. Wala ka namang kahit ano. Walang background, walang koneksyon, wala man lang pangalan na dapat kilala ng lahat.”
Kung ang mga salitang iyon ay nanggaling kay Diana Gutierrez, ang biyenan niya, baka mas kaya pa ni Addison na tanggapin. Sanay na siya roon. Pero galing kay Venus, isang outsider na, sa kasamaang-palad, itinuturing na parang tunay na pamilya sa loob ng pamilyang Gutierrez, mas masakit iyon kaysa dati. Lalo na’t alam ni Addison na kahit ano pa ang sabihin ni Venus, walang kahit sinong pipigil o sasaway rito.
Tahimik lang si Addison. Nakatayo siya roon, pilit na kalmado ang mukha. Alam niyang sinasadya iyon ni Venus, naghahanap ng kahit anong bitak sa depensa niya para tuluyang manakit. At napakahirap pigilan ang mga luha na gustong pumatak.
“Dati akala ko, pinakasalan ka lang ni Dashiel dahil naaawa siya,” patuloy ni Venus, malamig ang boses. “Pero ngayon… I think, finally, nakita na niya kung gaano ka talaga kasakim. Ang tahimik mo sa labas, kunwari inosente. Pero behind that fake purity, tuso ka rin pala, ano?”
“Tama na po, Miss Venus,” mahinahong sabi ni Addison. “Kung pumunta kayo rito para lang insultuhin ako, hindi ko iyon papatulan. Wala akong balak na ipahiya ang kahit sino.”
“Humiliate?” tumawa si Venus, mapanlait. “Sweetheart, pinahiya mo na ang sarili mo sa suot mo pa lang. Ano bang iniisip mo? Na pag nakita ka ni Dashiel, bigla siyang mai-in love sa 'yo? Na iiwan niya ako para sa 'yo?”
“Hindi ko kailanman inasahan iyon,” kalmadong sagot ni Addison, hindi nanginginig ang boses. “Ginagawa ko lang ang papel ko, dahil iyon lang ang kaya kong gawin sa ngayon.”
“Your role?” pangungutya ni Venus. “Para kang widow na nagluluksa. Nakakaawa, honestly. Pero mas nakakaawa kasi buhay na buhay ang asawa mo… at mahal ang ibang babae.”
Marahang kinagat ni Addison ang ibabang labi. Yumuko siya sandali, huminga nang malalim. Hindi siya iiyak. Hindi sa harap ni Venus. Ngunit bago pa siya makapagsalita, may mga yabag na umalingawngaw mula sa itaas.
Si Dashiel.
Kakababa lang niya mula sa kwarto, suot ang gray na polo at maayos na slacks. Mukha siyang relaxed, pero nang makita ng mga mata niya ang eksena sa ibaba, si Venus na masyadong malapit kay Addison, at si Addison na maputla, halatang may pinipigilan, agad nag-iba ang aura niya.
Bago pa siya makapagsalita, isang matalim na boses ang pumutol sa tensyon.
“Ano bang nangyayari rito? Bakit ang ingay ninyo ng ganito kaaga?”
Boses iyon ni Diana Gutierrez. Bumaba siya ng hagdan kasama ang dalawa niyang anak na sina Leticia at Felicity. Pareho nilang tiningnan si Addison, parehong may halong pangmamaliit at pagkainis sa mga mata.
Hindi na nag-aksaya ng oras si Venus. Lumapit siya kay Diana, parang siya ang biktima. “Aunt Diana… dumaan lang ako kasi nag-aalala ako. Tingnan niyo naman siya. Nagbibihis ng ganyan para lang kunin ang atensyon ni Dashiel. Baka nakakalimot na siya sa lugar niya.”
“Ay naku,” mula ulo hanggang paa ay sinipat ni Diana si Addison. “Ano bang iniisip mo, Addison? Bakit ganyan ang suot mo? Nasaan ang disente mong pag-iisip?”
“Wala po akong ginagawang mali sa suot ko. Ganito po talaga ako manamit dito sa bahay,” mahinahong sagot ni Addison, pilit pa ring magalang.
Tumawa si Leticia, may halong pang-aasar. “Naku, isang taon ka pa lang dito, feeling mo pag-aari mo na ang bahay?”
At hindi lang si Leticia ang sumabat.
“Lalong lumalakas ang loob ng babaeng ’to araw-araw!” singhal ni Felicity. Tinulak niya ang balikat ni Addison nang malakas, dahilan para muntik itong matumba. “Magising ka nga, Addison! Wala kang lugar dito! Sumasobra ka na!”
“Tama na!”
Malakas at malamig ang boses ni Dashiel. Napatingin ang lahat sa kanya.
“Dashiel, hindi mo naman siya ipagtatanggol, ’di ba?” gulat na tanong ni Leticia.
Napabuntong-hininga si Dashiel, halatang pagod. “Hindi ako nagtatanggol ng kahit sino. Gusto ko lang na matapos ang umagang ’to nang walang drama. Marami na akong iniisip sa trabaho.”
Umusli ang labi ni Venus, nagtatampo. “I’ll take that as you defending her, darling.”
Mahinang bumuntong-hininga si Dashiel. “That will never happen.”
Lumapit siya kay Venus at marahang inayos ang buhok nito, tila wala siyang pakialam sa lungkot na malinaw sa mga mata ni Addison ilang hakbang lang ang layo.
May pakialam ba si Dashiel?
Wala.
“Hinihiling ko sa inyong lahat na itigil na ’to. Kailangan ko ng katahimikan,” malamig ngunit matatag na sabi ni Dashiel.
Napairap si Diana. “Ay bahala kayo diyan. Mag-aalmusal na lang ako sa labas.”
Tumalikod siya at umalis, sinundan nina Leticia at Felicity na hindi pa rin tumitigil sa masasamang tingin kay Addison. Naiwan sandali si Venus, titig na titig kay Addison na parang nagbabanta, bago tuluyang umalis nang padabog.
Nang tuluyan silang mawala sa sala, bumalik ang katahimikan.
Pinunasan ni Dashiel ang mukha niya, halatang pagod na pagod. “Kung anuman ang problema ninyo, huwag niyo na akong idamay ngayong umaga.”
Si Addison, na buong lakas na pinipigilan ang sakit sa dibdib, ay dahan-dahang tumingala sa asawa niya. Mahina ang boses niya, pero malinaw.
“Kung ganoon, hayaan mo akong ihanda ang almusal ninyo. Five minutes lang. Hindi pa po kayo kumakain, ’di ba?”
Hindi agad sumagot si Dashiel. Tinitigan niya si Addison, hindi mabasa ang ekspresyon. Maya-maya, tumango siya.
“Sige. Basta huwag mong sayangin ang oras ko.”
Tahimik na tumango si Addison at nagtungo sa kusina. Pagkalipas ng limang minuto, bumalik siya may dalang tray, may tinapay, itlog na sunny-side up, at mainit na kape. Pati ang napkin, maayos ang tiklop.
Nakaupo na si Dashiel sa dining table, abala sa tablet niya.
“Here,” sabi ni Addison habang inilalapag ang tray. “Simple lang ‘yan, pero… sana makatulong para maging maayos ang simula ng araw mo.”
Tiningnan lang ni Dashiel ang pagkain bago magsimulang kumain, halos walang sinasabi.
Umupo si Addison sa tapat niya, magkasamang nakapatong ang mga kamay sa kandungan. Nag-alinlangan siya sandali, pero nagsalita rin.
“Hindi mo naman nakalimutan ang usapan natin, ’di ba?” maingat niyang tanong. “Gusto ko lang sa ‘yo ipaalala.”
Ibinaba ni Dashiel ang kubyertos at tumingin sa kanya. “Hindi.”
Marahang tumango si Addison. “Gagampanan ko ang papel ko bilang asawa mo. Ihahanda ko ang almusal, sisiguraduhin kong hindi mo makakalimutan ang mga documents mo,” sabi niya na may bahagyang ngiti, “...at lahat ng normal na ginagawa ng mag-asawa.”
Napabuntong-hininga si Dashiel at minasahe ang sentido. “Ayokong may gulo. Alam mo ang limitasyon mo, Addison. Huwag mo akong pagsisihan sa desisyon ko.”
“Hindi po,” sagot ni Addison, matatag ang loob. Tinitigan niya si Dashiel nang diretso. “May isang bagay lang akong hihilingin ngayong umaga.”
Walang interes ang tingin ni Dashiel. “Ano?”
“Pwede ba ang…” huminga siya nang malalim, “isang good morning kiss?”