Share

Chapter 2

"Carlos, tama ba 'tong pinasok ko? Parang hindi ko ata kaya." Kanina pa 'ko pagpag nang pagpag sa paanan ko, napakaraming lamok sa binigay sa 'king silid. Wala pang aircon. Ang unfair kasi iyong ibang katulong ay mas magaganda ang silid. Dahil ba bago ako kaya minamaltrato nila 'ko? Mga bwiset, pare-pareho lang naman kaming katulong.

"Kayanin mo Shanaya, lahat naman kinakaya mo diba? Sisiw lang iyan sa 'yo," ani Carlos sa kabilang linya.

Kanina ko pa siya katawagan. Paulit-ulit ko ng sinabi sa kanya na ayoko ng plano; ayokong magkatulong at hindi ko kaya ang mga pinapagawa niya.

"Hindi ba pwedeng Ibang trabaho na lang? Mag-a-apply na lang ako sa fastfood--"

"Ilang beses ka ng nag-apply, ilang beses ka na ring nasesante dahil sa ka-clumsy-han mo. Shan napakadali na lang ng gagawin mo ngayon, kuhanin mo lang ang loob ng amo mo hanggang sa magtiwala siya sa 'yo."

"Hindi ko kayang magna--"

"Pinag-usapan na natin iyan diba? Isang beses lang, Shan. Makakuha ka lang ng isang ginto, mayaman na tayo; aahon na tayo sa hirap. Andiyan ka na, ngayon ka pa ba susuko?"

Napabuntong hininga ako, panay ang palo ko sa binti at braso ko; ang kati, takam na takam ata sa 'kin ang mga bwiset na lamok.

Isang ginto lang, yayaman na kami. Paulit-ulit niyang sinasaksak sa kokote ko ang mga salitang iyon. Pinangakuan niya 'ko ng magandang buhay. Hindi ko naman inakalang kailangan pang dumaan sa ganito bago niya matupad ang pangakong iyon.

"Paano 'pag nahuli ako?" Hinimas ko ang dibdib ko, iniisip ko pa lang ang mga plano namin, naninikip na ang dibdib ko.

"Hindi ka mahuhuli kung mag-iingat ka, Shan. Wag ka ngang paranoid. Kaya mo nga kukuhanin iyong loob ng amo mo diba? Baka sakaling pagkatiwalaan ka niya sa mga gamit niya riyan."

"Paano 'ko makukuha ang loob niyon? Mahigit isang linggo na 'kong nandito, hanggang ngayon ay hindi ko pa rin siya nakikita."

Ayon sa mayordoma, madalas daw talagang wala o gabi na umuuwi si sir Vladimir. Palagi raw iyong busy sa farm o kaya nama'y madalas may pinupuntahang mga clients.

"Mga mayayaman talaga," bulong ni Carlos. "Palaging busy at walang oras manatili sa bahay. Paano, mayaman na lalo pang nagpapayaman, mga sakim sa pera."

"Iniingatan niya lang siguro iyong business nila saka syempre, kung hindi mo mas palalaguin ang pera mo, wala rin namang mangyayari. Wala naman sigurong masamang magpayaman nang magpayaman."

"Ano ba? Sa akin ka ba kampi o sa mga mayayaman?"

Napalunok ako. Iyan na naman siya, nagsasabi lang ako ng opinyon, parang aapoy na naman ang ulo niya.

"Sa 'yo... syempre." Hindi na lang ako nakipagtalo. Siya naman ang dapat laging panalo sa mga sagutan namin. Ayaw niya ng natatalo. Gusto niya ay palagi siyang tama. Marami kaming bagay na hindi napagkakasunduan pero nagpaparaya na lang ako; mahal ko siya eh.

"Dapat lang. Ayusin mo iyang trabaho mo riyan. Kung hindi mo makuha ang loob ng amo mo, humanap ka ng paraan para makakuha ng alahas sa kanya. Kahit relos lang, malaking halaga na iyon kapag sinangla. Siguro piso lang naman sa kanila iyong isang butil ng gold kaya ano ba naman iyong katiting na nanakawin mo."

Humugot ako ng malalim na hinga. Masyadong mabigat ang nais niya pero mabigat din naman ang pinanghahawakan kong pangako niya. Once na makakuha ako ng kahit isang ginto lang, aahon na kami sa hirap. Hindi ko na kailangan mag-apply sa iba't ibang fastfood chain; hindi ko na kailangan magkatulong. Apakahirap maging trabahador. Gusto ko ng sumuko minsan, hindi ko lang maiwan-iwan si Carlos.

"Kapag nahuli ako ng pulis, anong gagawin mo?" tanong ko, alanganin pa rin sa plano.

"Hindi ka mahuhuli kung hindi ka tatanga-tanga. Ano ba iyan, Shan? Ayaw mo bang gawin? Sige wag na. Umalis ka na sa mansyon na iyan at bumalik ka na rito sa maliit nating apartment. Pagtiyagaan mo na lang ulit iyong mga ipis at daga na pagapang-gapang sa sahig.

Mariin akong pumikit nang maalala ang lagay nh tinitirhan namin. Sa buong buhay ko, hindi ko inakalang masusubukan kong tumira sa masikip, mabaho, at maduming apartment. Kung hindi ko talaga mahal si Carlos, hindi ako sasama sa kanya.

Nilibot ko ang paningin sa maliit kong silid sa mansyon ni sir Vlad; mas okay na ito kaysa sa apartment ni Carlos. Malamok lang pero kaysa naman ipis ang gumapang sa akin. Mas kaya ko 'tong pagtiyagaan, aircon lang talaga ang kulang. Bwiset na mayordoma iyon, may bakante pa namang maid's room na may aircon, ta's dito ako nilagay sa pabulok ng silid.

"Hindi ako aalis dito. Oo na, gagawin ko na iyong plano." Nilunok ko lahat ng tinik sa lalamunan ko. Tumusok ang mga bato sa dibdib ko. Ayoko talaga, kumokontra ang dibdib ko pero kung para sa ikakaahon namin ni Carlos, susubukan ko.

Alas-dos na ng gabi, hindi pa rin ako makatulog. Naglakad-lakad muna 'ko sa mansyon, pinag-iisipan kung paano makakapagnakaw sa amo ko.

Dahan-dahan akong umakyat sa second floor, himas ang glass handle ng hagdan. Dimlight na lang ang nakabukas sa buong bahay; ang tahimik, pakiramdam ko'y isang ingay ko lang ay dinig na ang kaluskos ko. Para tuloy akong birhen kung maglakad, lagot ako kay mayordoma 'pag nahuli niya 'ko.

Sa sobrang lawak ng maski ng second floor, kamuntikan pa 'kong maligaw. Ang dami kong nadaanang pinto; ano kaya ang na sa likod ng iba't ibang silid? Isa lang naman ang amo namin at wala pa siyang pamilya. Balita ko'y na sa ibang bansa ang mga magulang niya kaya siya ang bantay sa hacienda nila.

Maski sa second floor ay may sala sila, huminto ako sa harapan ng malaking frame. Awang ang labi ko habang nakatitig sa larawan ng tatlong nagtataasang nilalang. Si don Valtazar at doña Daniella, sa gitna nila ay ang aking amo na si don Vladimir.

Bumuntong hininga ako, sa dinami-dami ng panahon na pwede kaming magtagpo muli ni Vlad, talagang sa panahon pa na katulong niya ako. Siguro hindi niya na 'ko kilala. Isang gabing pagtatagpo lang naman iyon at tatlong taon na ang nakalipas. Samantalang ako, tandang-tanda ko pa rin ang awra at amoy niya.

"Kaya ko kayang nakawan ang lalakeng 'to?" tanong ko habang nakatitig sa larawan ni don Vlad. Naka-fierce siya kasama ang kanyang mga magulang. Mas gwapo siguro siya kapag nakangiti.

Naglakad-lakad ulit ako hanggang sa marating ko ang harapan master's bedroom. Tinuro sa 'kin ni mayordoma ang silid ni don Vlad at binilin niyang bawal na bawal akong pumasok sa silid na iyon.

Tinitigan ko ang pindutan ng lock code sa pintuan niya. Iyon ang kailangan kong malaman, ang code ng silid ni don Vlad. Paniguradong sa silid niya nakatago ang yaman niya.

Napakamot ako sa ulo. "Paano naman ako makakapasok dito kung isa sa pinakabinilin ng masungit na mayordoma ay bawal pasukin ang silid ni Vlad. Isa pa, paano ko malalaman ang code nang hindi ko tinatanong sa amo ko." Bumuga ako sa hangin. Napaka-risky ng nais ni Carlos. Bwiset na lalakeng iyon, kung hindi ko lang talaga siya mahal ay iniwan ko na siya sa ere.

Ilang minuto akong nakatayo sa harapan ng master's bedroom, inisip kung anong posibleng code ng kwarto. Napakamot ako sa ulo; ang hirap talaga ng plano ni Carlos.

"Who the hell are you?!"

"Ay fuck!" Napaatras ako, parang may machine gun sa dibdib ko't sunod-sunod ang tibok nito.

Nang harapin ko ang lalakeng sumigaw sa likuran ko, halos himatayin ako nang tumama ang mga mata ko kay Vlad, este don Vlad. Napalunok ako; ang tangkad, ang tikas ng mga balikat, ang angas ng magulo niyang buhok at nakakatakot ang tingin. Napakasungit ng mga mata niyang gulat at nagtataka. Nakilala niya kaya ako?

"Who the fuck are you?!" ulit niya nang hindi ako nakakibo.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status