Share

CHAPTER 4: Maynila

"Siguro ka ba riyan sa desisyon mo, Sandra, anak?" Si Mama pagkatapos kong sabihin na gusto kong pumuntang Maynila para ipakilala si Inez sa tatay niya. "Paano kung hindi tanggapin ang apo ko? Paano kung ipagtabuyan siya? O kaya naman, baka may pamilya na iyon at ayaw ng kasamang magkaroon ng bastarda?" Punong-puno ng pag-aalala niyang sinabi. 

Nagbuntong-hininga ako. 

Hanggang ngayon ay wala pa ring kaalam-alam si Mama na ang tinutukoy ko rito ay walang iba kundi ang iniidolo niyang si Elias Damian Villacaza. Ewan ko na lang talaga kapag nalaman niya. 

On the other hand. Kinakabahan ako, ayaw kong itakwil niya ang anak niya sa akin ngunit ayaw ko namang ipagkait kay Inez ang karapatan niyang makilala ang ama niya. Kahit anong mangyari, tatanggapin ko pa rin ang anak ko. Kung ayaw niya rito, edi huwag. Ako ang nagpapakahirap mabuhay 'yan kaya sa akin pa rin siya. Ako lang ang magmamahal sa kanya. 

"Talaga ba, Sandra? Punta tayo sa Papa ko?" Anang maliit at matinis na boses.

Nakatingala siya sa akin at amber niyang mga mata ay kumikislap at mas lalong nadidipina ang kulay nito sa tuwing nasisinagan ng ilaw. Manang-mana talaga sa pinagmanahan! 

Naupo ako sa kanyang tabi, kinuha ko ang suklay at sinuklay ang hanggang balikat niyang makapal na buhok. Itim na itim at straight na straight. Sa katunayan, iyon lang ang nakuha niya sa akin. 

Sobrang unfair. Ilang buwan akong naghirap tapos iyong bakulaw lang na 'yon ang magiging kamukha?! Ibalik ko kaya sa matres ko 'to baka nagkamali lang si Lord nang hulmahin niya 'to? Pati ugali, namana, eh! 

"Oo, Inez Isabelle, pupunta tayong Maynila para makita at makilala mo ang tatay mo..." Marahan kong hinaplos ang kanyang buhok. I know that she is only three years old but I know her capability. Kahit sa ganitong edad ay hindi namin siya kinakausap na parang bata talaga kaya matabil ang dila. "Pero... Hindi ako sigurado kung tatanggapin ka, eh..." Pagsasabi ko ng totoo, napansin ko agad ang paninigas niya sa kanyang kinauupuan. "Kasi baka may pamilya na siya o may jowa, tapos baka hindi ka no'n magustuhan." 

Bagama't dire-diretso ko iyong nasasabi ngunit parang dinudurog ang puso ko. Ayaw kong umasa ang anak ko, mas mabuti ng malaman niya mula sa akin kaysa masaksihan na lamang niya na ganoon. 

Mula sa kanyang likod ay lumipat ako sa harap upang makita ang hitsura niya. Mas lalong nadurog ang aking puso nang makita ang pamumula ng kanyang ilong at mata, namamalisbis ang kanyang luha roon. Kumibot ang kanyang labi, batid kong pinipigilan niyang umiyak ngunit nang haplusin ko ang kanyang baba ay doon na siya humikbi. 

"Batit ayaw niya sa'kin, Sandra? Bait naman ako, eh. Indi na ako magtitirador ng mga ibon. Indi na ako susuntok kapag may aaway sa'kin, indi na rin ako sakay sa baboy nila Aling Jelay..." Hikbi niya. 

Niyakap ko ang anak. Wow, Sandra, anak? Parang kailan lang, kapatid mo ito, ah. 

"Love na love ka pa rin naman namin kahit gawin mo ang lahat ng iyon, eh..." Medyo nangiwi ko pang sinabi lalo na nang maalala ang kapasawayan ng batang maliit. "Hindi mo kailangan magbago para lang magustuhan niya, Inez Isabelle. Kung ayaw niya sa'yo, hindi natin ipipilit, ha? Nandito naman ako, si Nanay, si Tatay, mga alagang kambing ni Tatay at mga alaga mong pusa, 'di ba?" 

Suminghot-singhot ang bata, tumango-tango siya at pinahid ang magkahalong sipon at luha gamit ang likod ng kanyang palad patungo sa kanyang tainga. 

Halos mapakamot ako sa aking ulo. Kinuha ko ang basang face towel at iyon ang ipinunas sa mukha niya. Katatapos lang magpunas heto at bulinggit na naman. 

"Oo, Sandra, hindi ko pipilit saliri ko sa kanya," buong yabang niyang sinabi sabay upo ng tuwid at diretso ang tingin sa kung saan. "Uwi tayo agad Sandra ha kapag ayaw sa'kin tapos bili mo 'kong mikmik," humagikhik siya sa huli. 

Ngumisi ako at sinakop ng aking dalawang palad ang kanyang maliit na mukha saka siya hinalikan sa noo. 

"Tandaan mo palagi na mahal na mahal ka ni Sandra, ha? Kapatid man kita o anak, walang magbabago sa pagmamahal ko sa'yo, imbes ay mas lalo pa kitang minamahal araw-araw. Tandaan mo 'yan, ha?" Mariin kong sinabi. 

"Talaga, Sandra?" Bahagya pa niyang itinagilid ang kanyang ulo at naniningkit ang matang tiningnan ako. 

Tumango ako at ngumiti para ipakitang totoo ang sinasabi ko. 

Inayos ko na ang pagkakahiga niya at saka siya tinabihan hanggang sa makatulog. Nang masiguradong naghihilik na ang malditang maliit, bumangon ako. Alas siete na ng gabi, ganitong oras ay madalas tulog na ako. 

Ngunit iba yata talaga ngayon. Kahit anong subok kong ipikit ang mga mata ko, hindi ako makatulog. Nagliliwaliw pa ang aking diwa. 

Sa paglabas ko ay nagulat ako nang matagpuan si Tatay sa lamesa, umiinom ng tubig at nakatulala sa harap ng pitcher. Mukhang malalim ang iniisip. 

"Tatay?" Napaangat ang kanyang puwetan sa upuan nang magsalita ako. 

"Ikaw bata ka! Bakit ka nanggugulat!" Muntik pa niya akong hampasin ng pitcher. 

Tumawa ako at niyakap ang matandang ama. 

"Oh? Tulog na ba ang aking makulit na apo?" Aniya, tiningnan pa ang aming kwarto. "Balita ko ay tumakas daw iyon kanina?" Natatawa siyang napa-iling dahil kilalang-kilala niya ang apo. "Iyang batang iyon talaga, napakulit!" Humalakhak siya. "Manang-mana sa iyo noong ganyang edad ka!"

Nanlaki ang mata ko! 

"Luh, hindi naman po yata ako ganyan noon, Tatay!" Kontra ko, ayaw maniwalang namana ng anak ko ang sariling kakulitan. 

Naningkit ang mata ng tatay at saka ako kiniliti, tawa naman ako nang tawa. 

"Talagang ganyan ka noon! Kahit nasa sakahan kami ng nanay mo ay sumasama ka at nagdadala ng tirador upang manirador ng mga ibon!" 

Napakamot na lang ako sa sariling ulo. Sige na nga, hindi lahat ay namana niya sa kanyang ama. 

"Tatay, pupunta po kaming Maynila ni Inez sa susunod na linggo." Imporma ko. 

Natahimik siya. Humugot ako ng malalim na buntong hininga at bahagyang hinigpitan ang yakap sa kanyang leeg. 

"Tatay, alam na po ni Inez ang totoo. Na hindi po niya ako kapatid. Hindi niya po ako ate, na Mama niya po ako." Nagtubig ang aking mata habang sinasabi iyon sa aking ama. "Masayang-masaya po ako tatay, kasi alam ni'yo 'yon, mula nang matuto siyang magsalita, Ate na lagi ang tawag niya sa akin. Ate ang pagkakakilanlan niya sa akin. Ngunit ngayong alam na niya ang totoo, sobrang saya po ng puso ko." 

Hinaplos ni Tatay ang braso kong nayakap sa kanya. 

"Dahil galing siya sa iyo, anak. Kahit anong mangyari, kahit sino pa man ang magpapalaki sa kanya, ikaw pa rin ang nanay. Ikaw pa rin ang nagluwal sa kanya." Aniya. "Maaaring kapatid nga ang pagkakakilanlan niya sa iyo ngunit ang pagmamahal na pinapadama mo sa kanya ay higit pa doon. Hindi ka nagkulang anak ko, pagkakakilanlan lamang ang iba ngunit ang pag-aalaga, pag-aaruga at pagmamahal mo sa kanya, iyon ay ikaw, bilang nanay niya." 

"Tatay..." Humikbi ako. 

Ngumiti ang Tatay at marahan niyang tinapik ang aking kamay. 

"Masaya rin ako Sandra, anak. Sa wakas, nalaman niya na rin ang totoo. Sa wakas ay buo na rin ang kanyang pagkatao. Maaaring pinupuno namin siya ng pagmamahal ng nanay mo ngunit hindi siya magiging buo dahil alam niya sa kanyang puso na may kulang. Salamat at pinunan mo na ang kahungkagang iyon, anak." Hinaplos ng tatay ang ulo ko. 

Suminghot-singhot ako. "Masama po ba akong ina, tatay?" Kapagkuwan ay tanong ko. 

Matunog na tumawa ang tatay at umiling. "Hindi, anak. Inisip mo lamang kung anong sa tingin mong makabubuti sa anak mo, at iyon ay ang katangian ng isang mabuting ina. Ganoon ka, anak." 

"P-Pero... Gusto niya pong makita ang ama niya..." Mababa ang boses kong sambit. 

May kung anong boses sa loob ko na huwag na lang siyang ipakilala rito at sabihin na lang na matagal na itong patay o kaya naman ay hindi siya tanggap nito. Ngunit alam ko rin sa sarili kong hindi ko iyon magagawa kay Inez. 

"Gusto mo ba?" Tanong ni Tatay. "Gusto mo bang makilala niya ang kanyang ama? Handa ka na ba sa mga mangyayari kung sakali?" 

Natahimik ako. Humiwalay ako mula sa pagkakayakap sa kanya at saka humugot ng sariling upuan at saka idinukdok ang mukha sa lamesa. 

"Hindi ko po alam, tatay... Basta ang alam ko, karapatan ni Inez Isabelle na makilala ang tatay niya. Kung ayaw man niya sa anak ko, hindi ko ipipilit." Napaangat ako ng tingin ay tumitig sa kawalan. "Gaano ko man kagustong isarili na lang ang anak ko ay hindi pwede, alam kong karapatan din niyang makilala ang ama niya." 

Ngumiti ang tatay. 

"Sundin mo kung anong sa tingin mong tama para sa anak mo, para sa apo ko. Narito lamang kami, umuwi kayo ng maayos at buo kung ano man ang kahihinatnan ng mga gagawin mo doon." Tumayo si Tatay at tinapik ako sa likod. "Mag-iingat kayo roon. At parang awa mo na, huwag ka sanang bumalik na may sumisipa na namang tiyanak sa tiyan mo." Biro pa niya dahilan upang matawa rin ako. 

"Hindi na po, tatay."

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status