Share

CHAPTER 3: Inez Isabelle

||FOUR YEARS LATER|| 

"Inez!" Malakas kong tawag sa kanya. "Bumalik ka ritong bata ka!" Nakapameywang kong sinabi. 

"Hindi! Yoko uwi! Hindi kita lab!" Aniya at malditang pinagkrus ang maliliit na braso sa dibdib. Masama ang kanyang tingin sa akin. "Hanapin ko papa ko! Alis ako! Iwan kita! Di kita lab!" 

Tumalikod siya at hirap na hirap na isinabit sa maliit na balikat ang shoulder bag. Ano naman kaya ang laman niyan bakit parang bigat na bigat siya? Nasampal ko ang aking noo nang makita siyang madapa matapos matisod ng bato. Ngunit bilang siya ay isang strong and independent malditang Inez Isabelle, tumayo siya at parang walang nangyaring lumakad ulit. Napa-iling akong sinundan siya. 

"Sige, aalis ka? May pamasahe ka ba?" Nanliit ang mata ko nang mapatigil siya. "Paano mo hahanapin ang tatay mo kung wala kang pamasahe? Hindi ka naman pwedeng maglakad dahil aabutin ka ng limang taon. Sige ka, baka may mga masasamang loob makakita sa'yo sa daan tapos gawin kang vetsin, paano mo pa makikita ang tatay mo kung naging vetsin ka na?" 

Tuluyan na siyang humarap sa akin. Malditang ipinagkrus ang mga braso sa dibdib. 

"Bigyan mo 'ko pamasahe, Sandra." Ma-awtoridad niyang utos. Nanlilisik ang matang nakatingin sa akin. 

"Hindi, ayoko." Pagmamatigas ko at matapang din siyang tinitigan. "Umuwi ka muna at hinahanap ka na ni Nanay. Nagluto pa naman ng pancit at fried chicken 'yon."

Nakita ko kung paanong nanlaki ang kanyang bilugang mata at pumormang bilog ang manipis na mga labi. Akala ko ay mapapayag ko na ulit siya nang biglang sinaniban na naman ng kanyang devil guardian angel. 

"Hindi! Yoko! Hanapin ko Papa ko!" Inirapan niya ako. "Hmp! Hindi mo ako lab, Sandra." Ipinadyak pa niya ang kanyang kanang paa. Namumula na ang tungki ng kanyang ilong at sa wari ko'y ilang kalabit na lang ay aatungal na ito. "Hindi tayo bati, Sandra. Nisasakit puso ko kasi bad ka. Hindi na kita ilalab. Sungaling ka sakin. Akala ko ba bad 'yun? Ba't mo nigagawa?" Kumibot ang kanyang maninipis na nguso hanggang sa tuluyan na ngang umatungal ang malditang bata. 

Nagbuntong-hininga ako at nilapitan siya. Iwinaksi pa niya ako at ayaw magpahawak. Nakagat ko ang loob ng aking pisngi at naupo na lamang sa damuhan. 

Sa isang tatlong taong gulang, napakahusay na niyang sumagot-sagot. Hindi puwedeng walang side comments sa lahat ng sasabihin mo. Sobrang liit din niya kumpara sa isang karaniwang tatlong taong gulang. Premature baby kasi siya kaya siya ganito. Matakaw naman pero hindi pa rin tumataba nang husto. 

"Halika, mag-uusap tayo." Mahinahon kong sinabi. "Maupo ka, Inez Isabelle." Seryoso kong sinabi, nagpapakita na ng awtoridad. 

Sumunod naman siya pero masama pa rin ang tingin sa akin.  

Tinanaw ko ang bilog na buwan na nagsilbing liwanag namin sa gabing ito. Alas otso na kanina nang manggaling kami ng bahay. Kagagaling ko lang sa duty at nang dumating ako nagulat na lang ako dahil sinabi ng nanay na lumayas daw itong maliit na batang ito. May dalang bag daw. Hahabulin na sana niya kaso nagpresenta ako. 

"Bakit ka lumayas?" Mahinahon kong tanong nang makaupo na siya. "Alam mo bang delikadong magpagala-gala sa gabi?" Nakatingala lamang ako sa buwan. 

"Alis kasi ako, Sandra. Hanapin ko papa ko. Kasi, sabi ni Roda hindi daw ako anak ni Nanay. Anak mo ako daw." Maliit ang boses niyang sinabi. 

Nang tingnan ko siya ay halos madurog ang puso ko nang makita ang inosente niyang mukha. Anak ko 'to, sa akin nanggaling. Ako ang nagbuntis, ako ang nagluwal. Ngunit nang magka-isip ay mas pinili kong huwag niya akong kilalaning ina. Si Nanay ang kinagisnan niyang nanay. Iyon ang napag-usapan namin ni Nanay at Tatay dahil ayaw kong lumaki siyang walang makagisnang kumpletong pamilya. Ayaw kong kutyain siya ng mga kalaro niyang bata dahil wala siyang tatay. Ayaw kong masabihan siya ng pakawala ang nanay niya kung sino na lang ang kasama. 

Ngayong alam na niya ang katotohanan, wala na akong dahilan pa para huwag sabihin sa kanya. 

"A-Ayaw mo bang maging m-mama ako?" May kung anong bumara sa aking lalamunan. 

Sa isiping ayaw niya sa akin ay tuluyang magpapadurog sa puso ko. Hindi ako naging ina sa kanya noong mga panahong nakakaunawa na siya. Kaya hindi ko na aasahang magugustuhan niya ako bilang ina niya. Maiintindihan ko siya, karapatan niyang magkaroon ng sama ng loob sa akin dahil masama naman talaga ako. 

"Bakit kita naging mama, Sandra?" Ang inosenteng tanong na iyon ay tumagos sa aking dibdib. "Bakit mo sabi si Nanay Consie nanay natin? Di ba, Sandra, nisasabi mo sa akin lagi na bad mag lie? Bakit ni-lie ka sa akin?" Ngumuso siya, kumibot ang kanyang labi. 

Tila ay nawalan ako ng abilidad magsalita. Bigla ay nawalan ako ng lakas. Hindi ko alam kung anong sasabihin ko. Nawalan ako ng boses. 

Humugot ako ng malalim na hininga at saka iyon dahan-dahang ibinuga. 

"K-kasi... May mga bagay akong dapat gawin para sa'yo," pagsasabi ko ng katotohanan. Tuluyan ko siyang hinarap at hinawakan ang maliit niyang mukha. "Kasi, ayaw kitang lumaking walang Papa. Natatakot ako, Inez, natatakot akong kutyain ka ng mga kalaro mo. Ayaw ko ng ganoon, masasaktan ako." Tinuro ko ang aking puso, tuluyan ng tumulo ang aking luha. "Kasi, kapag sinabi kong ako ang mama mo, maghahanap ka ng papa." 

"Eh, asan po ba papa ko?" Kuryoso niyang tanong. 

"H-hindi ko alam, eh." Pagsisinungaling ko. 

"E, 'di, hanapin natin, Sandra! Hanapin natin papa ko! Gusto ko siya makita!" Ang kanyang lumuluhang mukha ay nagliwanag. 

Nakagat ko ang aking pang-ibabang labi. Tinitigan ko siya, punong-puno ng pag-asa ang kayang mga mata. 

"S-sige," sambit ko kahit hindi na ako sigurado sa sinasabi ko. "Pero kasi, wala akong pera, eh. Wala tayong pamasahe, malayo ang Maynila." 

"Ay..." Bumagsak ang kanyang balikat. "Mag-iipon tayo, Sandra!" Nagulat ako nang bigla siyang magsalita. "Pwede 'yon, diba? Ipon tayo!" 

Pinakatitigan ko siya, bakas ang determinasyon sa kanyang mga mata. Gustong-gusto niya talagang makita ang ama niya. Hindi ko alam kung paano siyang ipakikilala rito. Ni hindi ko nga alam kung interesado ba iyon na makilala siya ngayong mas hindi ko na siya maabot sa tagumpay na tinatamasa niya? 

At may long time girlfriend siya. Balita ko nga ay magpapakasal na sila. Engagement party na nga lang ang kulang para sa pormalidad. Ilang buwan o taon siguro ang lilipas ay magpapakasal din ang mga iyon. Matanggap kaya ng mapapangasawa niya ang Inez Isabelle ko? Matatanggap kaya niya ang kasalanan ng magiging asawa niya?

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status