Share

Chapter 2

Chapter 2

Simula ng umalis si Ma’am Marta tumayo lang ako sa tabi ng Senorito na nasa fountain pa rin ang tingin. Bulag ba talaga ito e parang nakakakita naman sya at parang nag-eenjoy pa nga siya sa fountain e, wala sigurong fountain sa kanila. Wag syang mag-alala dahil hindi sya nag-iisa.

Pero kasi e… Nababagot na ako! Kailan ba siya magsasawa kakatingin sa fountain? Kanina pa siya nakatayo dyan e hindi ba siya nangangalay?

Ano ba ang dapat kong gawin? Sabi naman kasi ni Ma’am Marta na bantayan ko sya para walang masamang mangyari sa kanya. Ang kaso nababagot na talaga ako. Nabuburo na ang laway ko. Baka mapanis to at pagmulan pa ng airpollution saka ako pa sisihin ng atmosphere dahil nabutas na talaga sya.

“Ahh… Señorito,”panimula ko. Hindi na talaga ako makatiis, kailangan kong magsalita. “Gusto nyo bang ipasyal ko kayo sa palibot?” Please, magsalita ka o kahit isang tango lang para malaman ko naman na nagkakaintindihan tayo. Pero, wala talaga e, umasa lang ako. “Haay!”

Pero hindi ako susuko! Ako yata si Remelia Alvarez, ang babaeng gagawin ang lahat para magawa lang ang gusto. Okay! Fighting!

“Ahem! Ahem!” pagtawag pansin ko sa kanya kahit walang effect. “Alam mo may alam sana akong lugar dito sa mansion, doon sa may likod, mayroon doong fishpond na sobrang ganda at may kubo pa doon sa gitna.” Pinasigla ko pa ang boses ko pero wala talaga e. “It’s so beautiful, you know?” Haay! Napapa-English na ako. 

Pero nakuha ko ang atensyon nya dahil nilingon nya ako. “Woah! Englishero sya oh! You speak English! Ha! Ha! Ha!” masaya kong sabi habang tumatalon-talon at may kasamang palakpak. Sa wakas naman. Kaya pala hindi nya ako pinapansin dahil nya naman ako maintindihan. “Okay! Kaya mo to, Reme! Ano lang ang silbi ng 89 na grade mo sa English kung hindi mo magagamit.” Okay, ito na ang chance ko para maisalba ang laway ko. Fighting! Para kay Mother Earth!

“Señorito,” iniisip ko palang na English ang sasabihin ko parang puputok lahat ng ugat ng utak ko. “I know… a place… here in the Mansion…. It is so beautiful… I want… to take you… there.” Unti-unti kong sabi dahil hindi naman ako magaling talaga magsalita ng tuloy-tuloy na English. Nakatingin pa rin sya sa akin na parang tinitimbang ang mga sinabi ko. Pero masaya pa rin ako dahil napansin na nya ako. “Come!” hinawakan ko ang kamay nya para akayin sya, bulag nga sya di ba kaya kailangan nyang akayin. Pero iniwas nya ang kamay nya. “Why?” may mali ba sa ginawa ko? “Did… I do wrong?” Paano ko naman kasi malalaman kung ano ang problema e hindi naman kasi siya nagsasalita. Kaya hindi ko alam kung anong dapat kong gawin. “What is wrong…. tell me?”

Hindi pa rin siya nagsasalita pero halata sa mukha niya ang gulat at takot. Ano bang nagyayari sa kanya? Bakit ganyan ang hitsura nya? Kinakabahan na rin ako. Bakit ba sya nagkkakaganito?

“You okay?” tanong ko sa kanya at ipinatong ang kamay ko sa balikat nya. “Señorito?” Pero ako naman ngayon ang nagulat dahil napasinghap at napalupasay sya. “A-Anong nangyayayri sayo?” kinakabahan na talaga ako dahil nahihirapan na siyang huminga at grabe ang kapit niya sa damit niya sa may bandang dibdib. “N-Naku po!” Bakit ba sya nahihirapang huminga? May hika ba nya? Napagod ba sya kakatayo sa harap ng fountain? “A-Anong gagawin ko?” Natataranta na rin ako at parang maiiyak. Lagot talaga ako kay Ma’am Marta.

Lumuhod ako para mapantayan sya. “Dadalhin kita sa loob, ha.” Hinawakan ko sya sa balikat para sana alalayan siyang tumayo at makalakad pero itinulak nya ako palayo. “Please!... Please naman!” naiiyak na ako. Halata na kasing nahihirapan syang huminga at tagaktak na ang pawis nya sa noo. Hindi ko talaga alam ang gagawin ko. Tulong!

“Ano bang nangyari, Reme?” tanong ni Ate Rosa habang hinahagod ang likod ko. Umiiyak pa rin kasi ako kaya sinusubukan nyang patahanin ako. Hindi ko kasi talaga makalimutan ang mukha ni Senorito na nahihirapan at nasasaktan. Hindi ko naman kasi sinasadya ang nangyari e, hindi ko talaga sinasadya. 

“Tama na muna yan, Rosa,” saway ni Ma’am Marta. Nandito kami ngayon sa kusina at nakaupo, katabi ko si Ate Rosa at kaharap namin si Ma’am Rosa na umiinum ng mainit na tsaa. Isang oras na ang nakalipas mula ng mangyari yong nasa harap ng fountain pero hanggang ngayon iyak pa rin ako ng iyak.

“K-Kamusta… na… po sya?” tanong ko habang humihikbi pa rin. Sumigaw lang ako ng tulong kanina dahil natatakot rin akong iwan doon si Señorito, buti na nga lang napadaan si Kuya Martin. Siya ang bumuhat kay Señorito papunta sa kwarto nito. Tumawag na rin sila ng doctor para matingnan ang Señorito.

“Ayos na sya, sabi ng doctor, baka bukas pa nga sya magising,” paliwanag ni Ma’am. Salamat naman!

“Ano na po ang magyayari sa akin?” natatakot pa rin ako.

“Ha? Ano bang sinasabi mong bata ka?” nagtatakang tanong ni Ate.

“Ng- Ng dahil sa akin… kaya nangyari iyon… kay Señorito… kaya magagalit sa akin sina Señor at Señora.” Naiiyak na naman ako. “Paano na lang po… kung hingan nila kami ng malaking… pera o baka… ipakulong nila ako dahil sa nangyari?”

“Shh! Wag ka nang umiyak, Reme. Hindi yun magagawa ng mag-asawa. Alam naman nilang hindi mo kasalanan ang nangyari. Kaya tahan na.” sabi ni Ma’am Marta.

“Natatakot po ako.” Pag-aamin ko. “Paano na lang po kung magalit sila?”

“Hindi yun.” Pag-aalo ni Ma’am.

“Talaga po ba?” paninigurado ko. 

“Oo naman. Hindi talaga sila magagalit sayo,”sabi ni Ma’am at tumayo na saka dinala ang tasang ginamit nya at hinugasan. “O, sya! Ipapahatid na lang kita kay Martin hanggang sa inyo. Ayos ba?” tumango naman ako. “Good! Kung gusto mong bumalik bukas pumunta ka lang, ha.” Pinatay nya muna ang gripo saka lumingon uli sa amin.

Talaga bang pwedi akong bumalik? “Pwedi pa po ba akong bumalik?” di ko maiwasang itanong.

“Ano ka ba naman, syempre ano! Marami kaya kaming gagawin ngayon at hindi yon natatapos kapag wala ka.” Sabi ni Ate Rosa.

“Talaga po?” Di ako makapaniwala na may silbi pa pala ako para sa kanila.

“Oo,” sabi ni Ate habang tumatango-tango naman si Ma’am.

Paniniwalaan ko ang mga sinabi nila na hindi magagalit sa akin ang mag-asawang Marquez at ang sinabi nila na pwedi pa akong makapagtrabaho sa mansion. Ang ikinakatakot ko lang naman ay may mangyaring masama sa Señorito nang dahil sa akin, hindi talaga ako makakatulog kapag ganoon. Sana talaga nasa maayos na ang lagay ng Señorito.

“Nandito na tayo, Reme.” Nabalik lang ang isip ko dahil sa sinabi ni Kuya Martin. Hindi ko man lang namalayan na nakarating na ako sa amin. 

“Salamat po.” pasalamat ko kay kuya. Ang babait talaga nila kaya nga gusto ko ng trabaho sa mansion.

“’Wag mo ng isipin ‘yon, maayos na ang lagay ng Señorito. ‘Wag ka nang mag-alala.” Pampagaang loob na sabi ni kuya Martin. Salamat sa sinabi ni Kuya dahil gumaan kahit kaunti ang pakiramdam ko. Ginulo pa niya ang buhok ko bago siya umalis.

Pumasok na ako sa kubo namin at nadatnan ko ang tahimik na tahanan. Wala pa si Tatay dahil mag-aalas dos pa lang ng hapon. Kadalasan kasi na alasingko y medya ng hapon ang uwi ni Tatay sa bahay. Dumeritso na lang ako sa kwarto at humiga sabay yakap sa isa kong unan.

Inisip ko ang mga nangyari kanina at di ko maiwasang umiyak uli. Halata talaga sa mukha kanina ni Señorito na nahihirapan siya at may masakit sa kanya. Bakit kaya? Ano ba ang mali kong ginawa para maramdaman niya ang ganoon? Gusto ko lang naman sanang makatulong para hindi siya mainip pero mali pala ako. Sana hindi na lang ako nagsalita. Sana kung hindi ko sya pinilit na sumama sa fish pond. Sana tiniis ko na lang na maburo ang laway ko. Sana hindi nangyari ang ganito kung hindi dahil sa akin.

Tatay, umuwi na po kayo. Hindi ko po alam kung anong gagawin ko. Bilisan nyo na pong umuwi paara masabi nyo sa akin na magiging ayos din ang lahat. Tatay!

Dahil sa kakaiyak ko hindi ko na namalayan na nakatulog na pala ako at madilim na ang paligid nang magising ako. Bumangon ako at lumabas ng kwarto saka dumeritso sa kusina.

“Oh! Buti naman at gising ka na. Nakapagluto na ako ng hapunan. Kumain na tayo.” Kakapasok ko lang ng kusina ng mapansin ako ni Tatay. Nakahain nya sya ng hapunan, hindi ko man lang sya natulungan sa paghahanda ng pagkain namin ngayong gabi.

“Tatay,” tawag ko sa kanya. Nakatayo pa rin ako sa may pintuan papasok ng kusina.

“Oh? Bakit? Kumain ka na ba galing doon sa mansion?”tanong niya. 

“Tatay,” mangiyak-ngiyak kong tawag sa kanya. Hindi ko na talaga mapigilan ang sarili ko, gusto ko ng magsumbong sa tatay ko.

“Bakit?” napahinto rin siya sa paghahanda at lumapit sa akin. “May umaway ba sayo? Sabihin mo. Hindi ako papayag na may aaway sa prinsesa ko.” Hinawakan nya ako sa magkabilang balikat at sinuri ang kabuuan ko.

“Tatay,” naiyak na talaga ako saka siya niyakap siya ng mahigpit.

“Anong nangyari? Sabihin mo lahat kay Tatay.” Tanong niya at hinagod ang likod ko. Nang matapos na akong umiyak sa bisig nya inakay nya ako palapit sa lamesa. Magkatabi kaming naupo at doon ko sinabi kay tatay lahat-lahat ng nangyari sa akin ngayong araw. Nakinig lang siya at matamang nakatingin sa mga mata ko.

“Ano po ang gagawin ko?” tanong ko sa kanya matapos kong magkwento.

“Aksidente lang naman ang nangyari, anak.”

“Pero ako pa rin po ang may kasalanan.”

“Hindi mo kasi alam ang dapat at hindi mo dapat gawin kapag kasama mo ang Señorito. Bukas, pumunta ka sa mansion at magsorry ka kina Señor Marquez dahil alam kong nag-alala rin sila sa iyo at sa Señorito. Pwedi mo ring alamin ang pwedi mong gawin para hindi maulit pa ang nangyari. Ayos ba?” mahabang sabi ni Tatay.

“Paano kung hingan nila tayo ng pera o ipakulong nila ako?” natatakot kong tanong.

“Paano kung hindi naman nila yun gagawin?” balik tanong ni tatay.

“Paano ko po yun malalaman?”

“Itanong mo sa kanila.”

Kinabukasan, maaga akong bumalik sa mansion at ang una kong pinuntahan ay ang mag-asawang Marquez. Nandoon sila sa dining habang nakaupo at nag-aagahan.

“G-Good morning po.” Mahihiya kong sabi at yumuko pa.

“Oh! Ang cute pala naming si Reme. Buti bumalik ka. Halika dito.” Magiliw na bati ni Señora. Hindi ba sila galit sa akin dahil sa nangyari sa apo nila? Pero lumapit ako sa matanda at hindi ko inaasahan na yayakapin nya ako. Pagkatapos nyang kumalas sa yakap ay hinawakan nya ako sa magkabilang balikat at iniharap sa kanya. “Nakapag-almusal ka na ba?” 

“Opo!” sagot ko at tumango. “Ahm… Señor, Señora, g-gusto ko pong magsorry.” Kinakabahan kong sabi.

“Bakit ka naman nagsosorry, hija?” si Señor naman ngayon ang nagsalita. Nakaupo siya sa nag-iisang upuan sa gitna. Napahinto rin siya sa pagkain at napatingin sa gawi ko.

“P-Pinag-alala ko po kayo ka-kahapon. S-Sorry po.” Paumanhin ko. Hindi ko sila kayang tingnan kaya napayoko na lang uli ako.

Ipinatong ni Señora ang kamay niya sa ulo ko saka bumaba ito sa pisngi ko at ang kanyang kamay ay pilit na iniangat ang mukha ko kaya naiangat ko rin ang tingin ko sa kanya.

“Salamat sa pagbabantay sa apo ko, siguradong natakot ka sa nangyari. Gusto mo ba syang makita?” sabi ni Señora.

Tumango ako bago nagsalita, “Pwedi po?”

“Oo naman, pwedi mo syang dalhan ng almusal sa kwarto nya.” Suhestiyon ni Señora.

At iyon nga ang ginawa ko. Sinamahan ako ni Ma’am Marta sa paghahatid ng almusal at siya na rin ang nagdala ng tray, baka matapon pa daw ang pagkain. Kaya ko naman yun e.

“Ma’am Marta,” tawag pansin ko sa babaeng kasama ko. Mayroon lang naman akong gustong malaman.

“Bakit?” usisa ni Ma’am habang nasa elevator pa rin ang pansin. Sasakay kasi kami para makarating kami sa taas para makarating sa kwarto ni Señorito na nasa 3rd floor.

“May itatanong lang po ako…” lakasan mo ang loob mo, Reme. “tungkol po sa Señorito.” Nahihiya ako pero kailangan kong magtanong.

“Ano ‘yon?” Pumasok na kami ni Ma’am Marta sa loob saka niya pinindot ang number 3 botton bago sumarado ang pinto ng elevator.

“A-Ano po ba talaga ang nangyari… bakit po ganoon na lang siya katakot e wala naman po akong ginawang masama sa kanya?” kinakabahan kong tanong. Natatakot akong malaman ang totoo at malamang may mali nga akong nagawa.

Hindi kaagad nakasagot si Ma’am Marta sa tanong ko na para bang nag-iisip pa ng sasabihin sa akin. Hanggang sa bumukas na ang pinto ng elevator at nakalabas na kami.

Bumuntong-hininga muna si Ma’am bago nagsalita, “Nawalan lang siya ng tiwala sa mga tao sa paligid niya.” Tuloy pa rin ang paglalakad naming sa koridor. Ano? Paano yun nangyari?

“Bakit po?” usisa ko.

Hindi ko na pinansin ang design na nasa paligid dahil busy ako sa pakikinig sa kwento ni Ma’am.

 “Ang tatay ni Señorito ay hindi kasing bait ng Señor at Señora kaya maraming galit sa kanya. Para makapaghiganti sila kay Sir, dinukot nila si Senorito at sinaktan. Ang masama pa doon ay kasama sa planong iyon ang malapit niyang butler,” kwento ni Ma’am.

Kaya naman pala, nakakalungkot naman ang mga naranasan niya. 

“Iyon rin po ba ang dahilan kaya siya nabulag?” usisa ko. Nagtataka lang talaga ako at gusto ko rin namang malaman ang dahilan ng pagkabulag niya. Hindi daw kasi ito inborn.

Tipid lang na ngiti ang binigay ni Ma’am Marta kaya alam ko na ang ibig sabihin nun.

Nasasaktan ako para sa kanya. Sinaktan siya ng taong pinagkakatiwalaan niya at dahilan pa iyon kaya nawalan siya ng paningin. Napakasaklap ng naranasan niya. Gusto ko syang tulungan kahit sa anumang paraan pero hindi ko lang alam kung paano.

“Paano ko po sya matutulungan?” bigla kong tanong nang nasa harap na kami ng pintuan ng isang kwarto. Ito na siguro ang kwarto ng Señorito.

Tiningnan ko uli si Ma’am at nakatingin din pala siya sa akin. Ngumiti siya ng masaya bago nagsalita, “lagi ka lang nandyan para sa kanya, ayos na ‘yon. Siguradong masaya na sya.”

Laging nandyan para sa kanya? Anong ibig sabihin nun? Para bang bodyguard na laging nakabuntot sa amo? O baka naman e parang babysitter na laging inaasikaso ang alaga? Paano ko kaya gagawin yun?

“Ituring mo lang syang kaibigan,” dugtong pa ni Ma’am, napansin nya sigurong pinag-iisipan ko ang sinabi niya.

“Kaibigan?” kaya ko bang maging kaibigan niya? Pero amo ko sya.

“Good morning, Señorito,” bati ni Ma’am Marta nang makapasok siya sa kwarto. Di ko man lang namalayan na pumasok na pala siya kaya sumunod na lang ako. “Reme, brought breakfast for you and she’s here with me.” Ang galing naman ni Ma’am Marta na magsalita ng English. Kahit na wala akong naintindihan e Lodi ko pa rin siya.

“Reme?” nagtatakang sambit ni Senorito. Tama! Hindi nga pala kami nagpakilala sa isa’t isa. 

“Good morning, nice to meet you, Senorito. My name is Reme….” 

“I don’t know you,” malamig niyang sabi. Ni hindi nya man lang pinatapos ang sasabihin ko. Galit ba sya dahil sa nangyari kahapon?

“You sure? She was with you yesterday. You know, the girl who causes you to faint.” Sabi ni Ma’am Marta na para bang tinutukso ang Señorito pero hindi ko masabayan dahil mabilis siyang mag-English.

“S-She’s that girl?” halatang gulat na tanong ni Señorito at namilog pa ang mata saka namula ang mukha. Galit pa ba sya dahil sa ginawa ko?

“I-I’m so sorry!” paumanhin ko. Hindi nya ba talaga ako mapapatawad? Ganoon ba talaga kalaki ang kasalanan ko sa kanya? Di ko naman sinasadya e.

“She just wants to apologize because she thinks that it’s her responsibility for what happened to you. Don’t you feel sorry for her? She also brought breakfast because she’s worried about you. You should thank her and also apologize for your rude behavior. Also, she cried hard, you scared her.” Tuloy-tuloy na sabi ni Ma’am pero hindi ko naman maintindihan. Pero nakanganga ako ngayon dahil sa pagkamangha. Ang galing talaga ni Ma’am pero pwedi ba na speak slowly lang.

“She cried?” di makapaniwalang sabi ni Senorito at nabaling ang pansin sa amin. Nakita ko na naman ang kulay green nyang mata. Ang ganda talagang tingnan ng mga mata nya.

“Yeah! A lot!”

Hindi na umimik si Senorito at iniwas pa ang pansin sa amin. Ayaw nya sigurong nandito ako.

“Paano ba yan, maiwan ko muna kayo, Reme. Marami pa kasi akong gagawin.” Paalam ni Ma’am.

“Pero Ma’am,” pigil ko sa kanya. “Paano na lang kung maulit ang kagaya kahapon?” kinakabahan ako e. Ayaw ko na talagang maulit pa yun.

“Kung masama ang pakiramdam nya at hindi mo alam kung ano ang dapat mong gawin pindutin mo lang yon.” Itinuro niya ang kulay pulang botton sa itaas ng headboard. “Darating agad kami.”

“Talaga?”

“Oo, so maiwan ko na kayo?” Kaya ko ba? Hindi pa ako nakaget-over sa nangyari kahapon e. “May sweldo ka sa pagbabantay lang sa kanya at kapag nagustuhan ka ni Señor at ni Señora baka pag-aralin ka nila.”

“Talaga po?”

“Oo, payag ka na?” tango lang ang sagot ko. Okay, aayusin ko na ang trabaho ko. Para sa future.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status