Share

Chapter 1

Chapter 1

“Hay naku!” bulalas ko saka tumayo ako at umunat-unat para maibsan ang pananakit ng batok ko. Sinuntok-suntok ko pa ang balikat ko para lang mabawasan ang pananakit. “Oh? May araw na pala.” Hindi ko man lang namalayan na maliwanag na ang sikat ng araw. Mukhang hindi ko namalayan dahil sa busy ako sa pagkopya ng aralin namin at pagsagot ng assignment. Inayos ko muna ang mga gamit ko sa eskwela at sinilid sa luma kong bag bago ko pinatay ang sinindihan at ginamit kong kandila. May kuryente naman kami kaso nga lang naisip ko na kandila na lamang ang gagamitin ko para makatipid sa bayarin at isa pa pinulot lang naman namin to sa sementeryo kapag pauwi na kami galing sa paaralan. Buti nga sinamahan ako nina Rayray at Isming sa pamumulot edi nakalibre. Walang gastos!

Lumabas na ako ng kwarto at naglakad papuntang kusina para makapaghanda ng agahan pero hindi na pala kailangan dahil naghahain na si tatay sa hapagkainan.

“Good morning, tay!” bati ko sa kanya at umupo na sa silya kalapit ng mesa.

“Good morning din, Reme. Papasok ka ngayon, di ba? Inihanda ko na ang baon mo,” masayang sabi ni Tatay at itinuro ang baunan na nakapatong sa kawayan naming lababo.

“Salamat po! The best talaga kayo,” masigla kong sabi at binigyan sya ng thumbs-up. Tumawa lamang siya sa sinabi ko bago lumapit na sa mesa bitbit ang dalawang tasa na sa palagay ko ay may lamang kape.

“Itong kape mo,” aniya sabay lapag ng tasa sa harap ko. Di ba tama ako, iyon lang kasi ang afford ng bulsa namin e. “Kumain ka na.”

“Salamat po. Kukuha lang ako ng plato.” Tumayo na ako at kumuha ng dalawang plato at dalawang kutsara saka inilapag sa lamesa; isa para kay Tatay at sa akin naman ang isa.

“Salamat,” pasalamat ni Tatay ng matanggap ang plato at kutsara na inabot ko.

“Saan po kayo kumuha ng perang pambili ng corn beef?” tanong ko. Paano ba naman e corn beef na tinurta sa itlog ang agahan namin e wala naman kaming pera ngayon. Ang mahal kaya ng cornbeef, 30 pesos isang lata na kasing laki ng sardinas.

“Nagbayad sa akin kahapon si Nonet.” Sagot ni Tatay. 

“Talaga?” Masaya kong sabi. Yes! Siguradong may pera na ako nito.

“Ibibigay ko na lang sayo mamaya ang sweldo mo. Kumain ka na muna baka dumating na ang mga kaibigan mong si Rayray at si Isming e hindi ka pa nakabihis,” paalala niya.

“Oo na po.” Sagot ko at nag-umpisa ng kumain.

Pero masaya pa rin ako dahil may pera na ako ngayon. Sumasama kasi ako kay Tatay kapag may trabaho sya sa palayan kaya sinuswelduhan din ako ng nagpapatrabaho, mabilis din kaya akong magtanim ng palay kagaya ni tatay. Gusto ko talagang magkapera para maipon ko kapag nagkoleheyo na ako. Di ba ngayon pa lang pag-iipunan ko na ang pangkolehiyo ko. Narinig ko kasi sa mga nagkolehiyo dito sa amin na nahirapan silang mag-aral dahil wala silang panggastos kaya ngayon pa lang nag-iipon na ako. Tama! Magtatapos ako at maghahanap ng trabaho na malaki ang sweldo para hindi na magkanda kuba si Tatay sa pagtatrabaho. Gagawin ko lahat ng ito para kay tatay. Fighting!

Ako nga pala si Reme, Remelia Alvarez. Twelve years old na at only girl and only life ni Tatay. Kapag sinabi kong ‘only’ e ako lang talaga dahil kaming dalawa lang naman talaga ni Tatay ang magkasama simula ng magkaisip ako. Wala akong kapatid at wala rin rito ang nanay ko. Hindi ko alam kung nasaan sya o kung buhay pa ba sya, kapag tinatanong ko kasi si Tatay tungkol kay nanay lagi nya na lang sinasabi na hindi niya alam kung nasaan ba ito. Baka malaki lang talaga ang pagkakamali ni Nanay sa kay Tatay.

“Reme!” tawag ni Tatay mula sa labas ng kwarto ko.

“Ano po yon?” pagkatapos ko kasing mag-almusal, naligo na ako at nagbihis.

“Nandito na ang mga kaibigan mo. Bilisan mong kumilos, maglalakad pa kayo.”

“Sandali lang po,” pabalik kong sagot kay tatay. Dali-dali kong kinuha ang bag ko at lumabas na ng bahay. Nakita ko sina Rayray at Isming sa labas ng bakod habang si Tatay naman ay nasa harap nila nagsasalita.

“Sabihin nyo sa akin kapag may manliligaw yung anak ko, ha. Sabihin nyo don sa lalaki na dumiretso dito sa bahay kung desidido talaga siya sa anak ko,” determinadong sabi ni tatay at may pasuntok-suntok pa ang isa niyang kamao sa isa niyang palad. Si tatay talaga may pagka-abnoy kung minsan.

Tawa nang tawa naman ang dalawang bruha sa sinabi ni Tatay.

“Ano bang pinagsasabi mo dyan, Tay? Manliligaw? Kahit na manligaw pa sya di ko pa rin sya sasagutin e ambata-bata ko pa nga e.” Reklamo ko kay tatay at hindi ko maiwasan na mamula. Bakit ba kasi ganito mag-isip ang mga matatanda? Hindi pa nga pumasok sa isip ko ang mga ganyan e. Nameywang ako sa harapan niya at inis na iniwas ang tingin. 

“Anak naman, gusto lang ni Tatay na makasiguradong sa matinong lalaki mapupunta ang maganda kong unicahija,”suyo naman ni tatay. Parang baliw talaga tong si Tatay, kung ano-anong sinasabi.

“Ewan ko po sa inyo! Alis na po kami.” Paalam ko kay Tatay at hinila na ang dalawa kong kaibigan saka kami nagsimulang maglakad sa maalikabok na daan.

“Alam mo, Reme, buti nga tatay mo lang ang ganyan sayo e, sa akin nga simula kay Tatay pagkatapos si Nanay at dumagdag pa si Kuya. Haay! Sumasakit ang ulo ko kapag manliligaw na ang pag-uusapan. Natatakot na nga akong dalhin na si Dustin sa bahay kapag may project baka totohanin nilang ipaakasal kami. Iniisip ko palang nasusuka na ako, si Dustin pa talaga e isang ihip nga lang ng hangin nun e bali na.” Reklamo ni Rayray. Haay! Talagang OA lang sila kung makapagreak. Graduating pa nga lang kami ng Grade 6 e manliligaw na ang nasa isip ng mga magulang namin. 

“Oo nga e.” pagsang-ayon ko at napabuntong-hininga na lang. “Wait! Natapos nyo ba ang assignment?” tanong ko para maiba na rin ang topic ng aming usapan, ayaw kong pag-usapan ang tungkol sa ligaw-ligaw. 

“Anong assignment?” gulat na tanong ni Rayray. Well, hindi na ako nagulat sa reaksyon ng isang ito.

“Oo, kagabi ko tinapos.” Sagot naman ng matahimik kong kaibigang si Isming.

“Ha? Anong assignment ba yun? Bakit hindi ko alam?” Kinakabahang tanong ni Rayray. Para na syang maiiyak na parang matatae, gusto kong pagtawanan ang hitsura nya pero pinigilan ko muna dahil talagang malaking problema tong pinasok nya.

“Yung assignment natin sa math.” Si Isming ang sumagot. Napakaseryoso talaga ng babaitang ito.

“H-Hindi ko nagawa, nakalimutan ko.” Nanghihina nyang sabi. Patay sya ngayon! Inuna nya yata ang pagbabasa ng E-book. Siguradong mako-confiscate ang cellphone nya ngayon kapag nalaman ito ng nanay nya. “Pakopya ako.” Sumamo nya sa amin.

“Okay lang naman. Pero paano mo makokopya e naglalakad tayo?”aniko. Mas lalo pang naging nanlumo ang hitsura nya dahil sa sinabi ko. Hindi kasi naming pweding bagalan ang paglalakad dahil malelate kami ‘pag nagkataon.

Tumabi muna kaming tatlo dahil narinig naming ang paparating na kuliglig. Ang kuliglig ay isang makina na ginagamit sa pag-aararo ng palayan at minsa e nilalagyan ito ng karo para magamit sa transportasyon lalo pa ng mga inani. Bumagal ang takbo nito at huminto sa harapan naming tatlo. Si Mang Karding pala ang nagmamaniho.

“Papasok na kayo? Sakay na!” wika ni Mang Karding na siyang nagdadala ng kuliglig.

“Talaga po?” di makapaniwalang tanong ni Rayray. Alam na this.

“Bakit? Gusto nyo bang maglakad na lang?” tukso naman ni Mang Karding. Mabagal lang kasi ang takbo ng kuliglig pero mas mabilis ito kumpara sa lakad naming at syempre hindi kami mapapagod kaagad kapag sumakay kami.

“Wala po kaming sinabing ganoon, Mang Karding. Tara, sakay na tayo!” yaya ni Rayray at nauna nang umakyat sa karo. Nang makapwesto na kami ay kaagad na inilahad ni Rayray ang kamay niya sa harap ko. Ah! Alam ko na. “Pakopyang assignment, Reme.” Bingo! Wala akong magawa kundi kunin ang notebook ko sa math at ibigay sa kanya. “Thanks!” kaagad nya namang kinopya iyon.

Napakatahimik naman. Walang halos nagsasalita at ang ingay lang ng makina ng kuliglig ang maririnig. Busy rin kasi sa pagngongopya ang maingay sa aming tatlo at hindi rin masyadong palakwento itong si Isming kapag may ibang tao sa paligid namin. Haay! Ayaw ko ng ganito.

“Saan po ba kayo papunta, Mang karding?” tanong ko.

“Ah? Ako ba? Sa Mansion.” ‘yon lang ang naging sagot ni Mang Karding pero alam ko na kung nasaan iyon. Nag-iisa lang naman ang may mansion sa lugar na ito, iyon ay ang mansion ng mga Marquez. Sila ang pinakamayamang pamilya sa lugar na ito at halos lahat ng mga tao e nagtatrabaho para sa kanila.

“Ahh… Ganoon po ba. Doon nyo po ba dadalhin ang mga gulay na ito?” muli kong tanong. Marami kasing kaing ng samo’t saring gulay ang nakakarga sa karo. Nagtatrabaho rin kasi ako sa mansion kapag walang pasok o kahit may pasok pa, basta’t trabaho hindi ko inaayawan.

“Oo, kailangan kasi nila ‘to doon. Magkakaroon kasi ng handaan dahil uuwi ang nag-iisang anak kasama ang apo ni Senor at ni Senora bukas.”sagot naman ni Mang Karding sa akin habang nasa daang maputik ang pansin. 

“Talaga?” Nakita ko lang sa picture ang anak nina Señor at Señora at mayroon na itong sariling pamilya. Ngayon ko lang kasi narinig na uuwi ang anak ng dalawang matanda kaya siguro maghahanda sila dahil matagal itong hindi nakauwi.

“Maraming trabaho ngayon doon, kung gusto mo pumunta ka bukas para mabigyan ka nila ng trabaho. Sayang din yun, Reme. Malaki kasi sila magpasahod at may kain pa,”suhestiyon ni Mang Karding. 

“Talaga po? Sana may mabigyan ako ni Ma’am Marta ng trabaho doon,” dalangin ko. Si Ma’am Marta ang mayordoma sa mansion na iyon at pwedi ka lang magtrabaho doon kapag sinabi niya. Sayang rin kasi ang kikitain ko doon.

“Siguradong meron yun, puntahan mo bukas at itanong mo doon.”

“Sige po. Pupunta talaga ako at kukulitin ko si Ma’am Marta na bigya ako ng magagawa.” Natawa naman si Mang Karding sa sinabi ko.

“Aabsent ka na naman?” biglang tanong ni Isming kaya nadako sa kanya ang pansin ko. “Pangalawang araw ka pa lang na pumasok ngayong linggo.”

“Wag kang mag-alala, Isming. Okay lang yon,” paninigurado ko sa kanya pero halatang hindi siya kombinsido.

“Pero malapit na tayong mag-graduate at di ba sabi ni Ma’am na kapag tuloy-tuloy ang pasok mo ngayong buwan baka makapasok ka sa top 10,” paliwanag niya. Oo, sinabi nga yun ni Ma’am, pero aanhin ko naman ang ribbon at medal kung wala naman akong panggastos sa pag-aaral ko. Okay lang naman na hindi ako makapasok sa top basta matalino.

“Okay lang yan, Isming, di naman ako umaabot na makapasok sa top 10 para magkaroon ng ribbon at medal e basta makatapos lang ayos na sa akin yun. Pakopya na lang ako ng notebook mo ha.”tumango lang sya at hindi na nagsalita. Nagkakwentuhan pa kami ni Mang Kading tungkol sa pagtatrabaho sa mansion at kung gaano kabait ang dalawang matanda sa lahat ng trabahadon sa mansion.

Pero kung papipiliin ako kung trabaho o pagpasok sa eskwelahan, mas pipiliin ko na magtrabaho para magkaroon ng pera panggastos sa eskwelahan. Kung hindi rin ako kakayod, hindi ako makakapag-aral. Kasya lang kasi sa pang-araw-araw na gastusin ang kita ni Tatay. Kaya wala akong choice kundi ang sumama sa kanya sa patanim o pagtulong sa mansion ng mga Marquez.

Ganito na lang parati ang buhay ko, walang pahinga at puro na lang trabaho. Pero wala akong choice e, pangarap kong makapagtapos ng pag-aaral para makahanap ng magandang trabaho at magkaroon ng maraming pera para hindi na magkanda-kuba si Tatay sa pagtatrabaho sa palayan. Gusto ko syang mabigyan ng maganda at maayos na buhay.

*************************************

Nandito na ako ngayon sa harap ng gate ng mansion. Grabe, gate pa nga lang e mapapanganga ka na sa ganda. Kahit ilang beses na akong nakapunta rito hindi ko pa rin maiwasang humanga. Sobrang taas at ang lapad pa. Kulay itim ang kulay nito at may design na mga dahon at bulaklak na kulay gold. Pagkatapos may kulay silver pa na pangalang sa gitna na ‘Marquez Villa’. Siguradong mahal ‘tong gate na ‘to. Mas mahal pa siguro to sa kubo at buo naming kabuhayan. Haay! Iba talaga basta’t may pera.

Pinindot ko na ang intercom sa may gilid ng gate na nakakonekta sa loob ng bahay. 

“Sino yan?” tanong nasa kabilang linya. Mukhang si Ate Rosa ang sumagot.

“Si Reme po ito, Ate. Pwedi po ba akong makatulong sa inyo?” magalang kong tanong.

“Ikaw pala. Kayo na lang ni Ma’am Marta ang mag-usap. Pero marami kaming ginagawa ngayon. Ipapasundo na lang kita kay Martin,” sabi ni Ate Rosa. Naghintay pa ako ng ilang minute bago dumating ang E-bike na sundo ko. Kailangan pa kasing sunduin mula sa gate papuntang mansion dahil aabutin ka ng ilang oras kung lalakarin lang. malawak kasing kakahuyan ang unang makikita pagkatapos e malawak na taniman ng gulay saka isang garden pagkatapos e mansion na.

Ito talaga ang gusto ko kapag pumupunta dito sa mansion e pangsosyalin ang mga ginagamit. Kahit nga sa motor hindi pa ako nakasakay, tanging kuliglig at tricycle lang, pero dito E-bike talaga ang service. Naks!

“Salamat po sa pagsundo, Kuya Martin,” pasalamat ko nang makababa na ako. Hinatid kasi ako ni Kuya hanggang sa likod para diretso na sa kusina. The best talaga si kuya!

“No problem, Reme. Pakurot nga ng cute mong pisngi,”aniya at yon nga ang ginawa nya, pinanggigilan ang pisngi ko. “Paano ba yan, aalis na ako. May gagawin pa kasi ako.” Paalam ni Kuya.

“Ang sakit nun, kuya,” reklamo ko sa kanya. 

Tinawanan nya lang ang pamamaktol ko sabay sabing, “Kasalanan mo yan, ang cute mo kasi.”

Tumalikod na lang ako at nagsimula nang maglakad, mahirap na baka mapangigilan uli. Masakit kaya makurot sa pisngi. Pero nang medyo makalayo ako sa kanya ay muli akong lumingon at nagpaalam, “pasensya na sa istorbo at salamat uli.” Kumaway ako sa kanya habang pinagmamasdan ang E-bike na umandar palayo. Sana kapag marami na akong pera makabili rin ako ng E-bike.

Pumasok na ako sa loob at dumiretso sa kusina. Mukha ngang busy silang lahat, may kanya-kanya silang ginagawa. Pinuntahan ko si Ate Rosa na naghihiwa ng labanos kasama ng iba pang maid.

“Good morning, Ate. Nasaan po si Ma’am Marta?” bati ko kay Ate.

“Oh! Nandito ka na pala. Nandoon si Ma’am sa garden at kasama nya si Señorito. Puntahan mo na lang sya doon. Alam naman nya na darating ka,” paliwanag ni ate habang tuloy pa rin sa ginagawa.

“Okay!” Iyon lang ang sinabi ko at naglakad na papuntang garden. Alam ko naman ang pasikot-sikot dito sa malaking bahay na ito. Pero hanggang ground floor lang dahil mga matatagal ng maids ang nakakaakyat sa ibang floor.

Bumalik uli ako sa pinasukan ko kanina at pumuntang garden. Hinanap ko kaagad si Ma’am Marta nang makatuntong ako sa garden. Pero, malilibot ko na ang buong garden ay hindi ko pa rin makita si Ma’am Marta. Naku! Nasaan na kaya si Ma’am?

“Ma’am Marta?” tawag ko pero sakto lang ang lakas para hindi ako makabulabog ng mga natutulog na dwende, este tao pala. “Ma’am Marta,” paulit-ulit kong tinawag si Ma’am hanggang sa mapunta ako sa pinakagitna ng garden na mayroong fountain. “Mukhang wala naman dito si Ma’am Marta.” Babalik na lang siguro ako sa loob o baka pwedi ring magtanong-tanong na lang ako.

Pero, bago pa man ako makapihit pabalik, nakita ko ang isang bata na halos kasing edad ko na nakatayo sa harap ng fountain. Nakatayo lang at nakatitig sa tubig sa magandang fountain. Lapitan ko kaya at tanungin, baka alam niya kung nasaan si Ma’am Marta.

“Hi! Nakita mo ba kung nasaan… si… Ma’am….?” gusto kong itanong pero unti-unting nawala ang boses ko. Woah! Ang gwapo nya! Hindi, ang ibig ko lang sabihin ay ngayon lang ako nakakita ng ganyan kagwapong hitsura. Mukhang hindi sya tagadito. Kakulay ng tanso ang magulo nyang buhok pero bagay naman sa kanya, kulay green ang mga mata niya na halatang malungkot at maganda ang kutis. Nahiya naman ang balat kong sunog sa arawan. Mukha syang anghel, pero malungkot na anghel nga lang. Bakit kaya sya malungkot?

“Nandito ka lang pala.”

“Ay! Baklang nanay!” napasigaw ako sa gulat. Paano ba naman e wala man lang pasabing ipinatong ang kamay sa balikat ko sabay salita. “Naku naman po, Ma’am Marta, akala ko kung sino na,” reklamo ko habang hinihilot ang dibdib kong nagwawala sa kaba. Feeling ko talaga lulusot sa eardrom ko ang heart ko sa lakas ng kabog nito.

Tumawa naman si Ma’am dahil sa naging reaksyon ko. “Sorry!” paumanhin niya pero natatawa pa rin. “Meron sana akong ipapagawa sayo,” sabi na niya nang matapos na niya akong pagtawanan.

“Talaga?” kuminang ang mga mata ko dahil sa sinabi niya. Ito na ang hinihintay kong pagkakataon para magkapera. “Ano po yun? Gagawin ko po kahit na ano basta may trabaho ako.”

“Nakung bata ka talaga, oo. Pakurot nga ng pisngi mo at ang cute cute mo.” Kagaya ng ginawa ni Kuya Martin ganoon din ang ginawa ni Ma’am Marta. Nang matapos nyang panggigilan ang magkabila kong pisngi ay ginulo nya ang buhok ko. Hinilot ko naman ang namamanhid kong mga pisngi. “Alam ko naman na gagawin mo kahit na anuman e.” nabaling ang pansin ni Ma’am sa lalaking nasa likod ko kaya napatingin din ako doon. Nabalik na ang pansin ng batang lalaki sa tubig sa fountain. “Siya nga pala ang apo nina Señor.” Ah… kaya pala gwapo at maganda ang kutis e anak mayaman pala. 

“Ano naman po pala ang trabaho ko?” balik kong tanong. Kailangan ko nang makapagsimula sa pagtatrabaho para kung sakali na magbago ang isip ni Ma’am Marta at baka hindi ako pagpatrabahohin. 

“Bantayan mo ang Señorito.”

“Po?”nagtataka kong tanong. Anong ibig sabihin noon?

“Ikaw na munang magbantay sa kanya dahil marami pa kasi kaming aasikasuhin sa ngayon. Bantayan mo lang na walang may mangyaring masama sa kanya. Kumbaga ikaw ang baby sitter niya ngayon,” paliwanag ni Ma’am.

“B-Bakit pa po kailangan syang bantayan at i-babysitter e malaki na po sya?” oo nga! Ako nga e wala nang babysitter nay an dahil una hindi naming afford at pangalawa e…. yun lang talaga ang rason, hindi namin afford.

“Hindi sya makakita dahil bulag sya.”sagot ni Ma’am sa tanong ko. Huh? Tama ba ang pagkakadinig ko?

“Dahil bulag sya! Dahil bulag sya! Dahil bulag sya! Dahil bulag sya! Dahil bulag sya!”

Ngapaulit-ulit sa isipan ko ang huling sinabi ni Ma’am Marta tungkol sa batang lalaki. Bulag ang magandang mga matang iyon? Ano…..?

Related chapter

Latest chapter

DMCA.com Protection Status