Share

Lover 4

"Uhm…"

Wala sa loob na hinila ko ang kumot nang makaramdam ako ng matinding lamig na nanunuot sa buto ko. Wala naman kaming aircon pero ang lamig, sobra.

Nakapikit na hinagilap ko ang kumot. Nang maabot ko iyon at maisaklob sa katawan ay saka ko iminulat ang mga mata ko. Kalahati lang iyon dahil antok na antok pa talaga ako. Medyo mabigat pa ang talukap dahil siguro sa kakaiyak ko din kagabi. Kung bakit ba naman kusang bumukas ang mga mata ko at natuon sa kulay puting bagay na tila ba nangingibabaw sa paligid na siyang bumungad sa harapan ko. Napatitig pa ako doon saglit dahil naglo-loading pa ang utak ko sa kung anong bagay ba sa kwarto ko ang pwedeng magliwanag na kulay puti. Medyo nangingibabaw pa ang kulay noon kaya't nakakasiguro akong may kadiliman pa rin sa labas.

At dahil sa kalahating tulog at kalahating gising pa ang utak ko ay binalewala ko na lamang iyon at bumalik na sa pagtulog. Muli akong hinila ng antok ngunit bago pa man ako makabalik sa pagtulog ay nakaramdam ulit ako ng nakakapangaligsig na lamig na siyang nagpamulat bigla sa mga mata ko.

Bagay na gusto ko agad pagsisihan dahil sa nakakasindak na tanawing bumungad sa akin. Agad na nagbalik sa utak ko ang ala-ala at takot ng nangyari kagabi. Para tuloy nakalimutan ko na rin yatang huminga at wala na akong nagawa pa kundi ang pumikit ng mariin habang nangingilid ang luha sa mga mata ko. Hindi ko na sinubukan pang tignan ang bagay na iyon at sa halip ay mas pinili kong magdasal.

Agad kong naramdaman ang panginginig ng mga kamay ko na pilit kong ikinilos para kapain at gisingin si ate Erza na inaasahan kong nasa tabi ko. Ngunit lalong tumindi ang takot at panginginig ko ng hindi ko makapa ang katabi ko.

"A-at-t-te," nangangatal ko pang tawag dito na hindi na din mapakali. "Huu, a-ate!" Kumabog ng malakas ang dibdib ko at napahikbi nalang sa kawalan ng pag-asang may kasama pa ako sa kwarto. Pumasok sa isip ko ang tumakbo palabas ng kwarto pero sa tingin ko sa estado ng katawan ko ay hindi ko kakayanin. Baka nga bumababa palang ako ng kama ay nasa harap ko na ang multong ito.

Kaya imbes na magtatakbo ay marahas ko nalang hinablot ang kumot at isinaklob sa katawan ko saka ako nagkayungkot na nagsumiksik sa headboard ng kama. Atubili ko pang dinapot ang mga unan ko saka ko ipinaligid sa akin.

"O-our fa-father i-i-in he-heaven, ho-holy-- Ahh!" Hindi ko na naituloy ang pagdadasal at napasigaw na ng tuluyan nang maramdaman kong lumundo ang kama. Napahagulgol akong lalo at mas nagsumiksik pa sa kinauupuan.

"Tulungan mo ako."

Napadilat bigla ang mga mata ko kasabay ng pagdaloy ng kilabot sa katawan ko pagkarinig sa baritonong boses na tila ba nag-e-echo sa paligid na nasisiguro kong galing sa multong iyon. "Ahh! Ayoko! Layuan mo ko, layuan mo ko!?" Mangiyak-ngiyak kong sigaw habang madiing tinatakpan ang tainga ko para hindi makarinig ng kahit ano.

"Kailangan ko ng tulong mo."

"Lalalala! Wala akong naririnig. Wala akong naririnig. Lalalalala!" Malakas kong sabi na tila ba nililibang ang sarili para walang marinig na kung ano man. "Hindi totoo ito. Hindi totoo ang nakita mo Ino Salve. Gumising ka sa katotohanan. Hindi siya totoo. Nananaginip ka lang. Imposible ang nakita mo," pangungumbinsi ko pa sa sarili ko.

"Totoo ako, Ino. At kailangan ko ng tulong mo!"

"Ahh! Huhu! Lord, wag naman pong ganito. Parents ko lang po ang gusto kong makita hindi kung sino-sinong galang multo." Siguro ay kung may makakakita sa akin ay aakalaing para akong baliw na nagngunguyngoy sa isang sulok at bubulong-bulong.

"Ahhh! Ahhhh!" Parang kulang nalang ay lumabas ang tonsils ko sa pagsigaw nang biglang mawala ang kumot na nakasaklob sa akin. "Wag kang lalapit! Layuan mo na ako masamang ispiritu. Wala akong maitutulong sayo!"

"Unang-una sa lahat, hindi ako masamang ispiritu. Pangalawa, I have no choice but to ask for help from you. And lastly, sa gwapo kong ito, I wonder kung sa akin ka ba talaga natatakot. Mas nakakatakot pa nga iyang mukha mo," anito na may iritasyon sa tinig.

Napamaang ako sa narinig at agad na tinubuan ng inis. Natabunan ng pagtataka at kuryosidad takot at pag-iyak ko na siyang nagpatigil sakin. Para kasing gusto kong ulinigin ulit ang sinabi nito o sadyang iniinsulto lang niya ako para harapin ko siya. Talaga bang tama ang pagkakarinig ko na nilait ng multong ito ang pagmumukha ko?

Unti-unti kong iminulat ang mga mata at dahan-dahang inangat ang tingin. Kasabay noon ay ang malakas na paglagabog ng dibdib ko na para bang isang gong na walang humpay na tinatambol. Iyon na lang ang tanging naririnig ko sa mga oras na ito at pagkatapos ay parang nag-slow motion na ang paligid lalo na ng makarating ang mata ko sa kung saan ito nakatayo. Napapalunok pa ako sa pinaghalong takot, kaba at antisipasyon habang umaangat ang tingin ko sa mukha ng multong iyon.

Sinadya kong kalahati lang ang pagkakadilat ng mga mata ko dahil ayokong makita ng buo ang mukha nito kung sakali mang niloloko lang ako ng multong ito. Sa pagkakaalam ko kasi ay kung ano ang itsura ng tao noong mamatay sila ay iyon din ang magiging itsura nila pag naging multo na. Paano nalang kung nasagasaan pala itong lalaking ito? Edi puro dugo ang mukha nya, much worst kung warak tapos puro dugo. Mariin kong naipikit ang mata ng may sumagi sa isip kong itsura ng multong nakita ko sa t.v.

"Oh, come on! As if I look that gross!" Tila nauubusan ng pasensyang reklamo nito.

Muli kong iminulat ang mata at ibinalik sa kung saan iyon nahinto kanina. Kung sabagay, ni wala ngang bahid ng dugo sa damit nito kaya baka hindi naman ganun ka-morbid ang itsura nito.

Tila nagkaroon ng kakaibang ritmo ang kalabog ng dibdib ko nang tuluyan kong mabistahan ang mukha nito. Napatulala pa ako saglit sa mga mata nitong diretchong nakatitig sa akin. Hindi nga nagsisinungaling ang g*go. Pero mukhang may pagka-antipako.

"Edi natulala ka pa ngayon?" Anitong bahagya pang nakataas ang kilay. Parang hindi lang pagka-antipatiko ang meron sa kanya, kapreskuhan din.

Well, may maipagmamayabang naman siya. Mukha pa nga siyang artistahin. Multo nga lang. Kasing itim ng uling ang buhok niya na medyo magulo pa. May kakapalan naman ang kilay na sa para sa akin ay malakas ang appeal. O sadyang mahilig lang talaga ako sa mga lalaking makakapal ang kilay? Para kasing malakas makagwapo iyon.

Kahit naman medyo transparent siya dahil nga isa siyang multo ay mukha pa rin siyang foreigner dahil may pagka abuhin ang mga mata niya. Matangos din ang ilong at manipis na may pagka-pinkish ang kulay. O talaga lang maputla siya? Matangkad din ito at maganda ang tindig. All in all, totoo ngang gwapo siya. Siguro ay may mayaman din itong multo na ito noong nabubuhay pa. Para kasing may pagka-finesse sya kumilos. Isa pa ay panay ang english. Multo nalang, english pa ng english, e.

"Cat got your tongue?" Anito na biglang sumulpot sa harapan ko. Bahagya pa itong yumuko na siyang ikinanlaki ng mata ko. Lalo ko rin tuloy natitigan ng malapitan ang mukha nito. Akala yata ng lalaking ito na porket gwapo siya ay hindi na siya nakakatakot. Aba, kahit na makalaglag panty ang kagwapuhan nya, multo pa rin siya.

"W-wag ka ngang lumapit sa akin," singhal ko dito saka mabilis na lumayo. Napapalunok pa ako habang nakatitig sa mga mata nito. Kung bakit parang hindi ko maalis ang tingin sa kanya. Hinihipnotismo na yata niya ako.

"So, kailan tayo magsisimula?" Tanong ulit nito sabay upo sa gilid ng kama.

Umangat ng kusa ang kilay ko. "Saan? May sinabi ba akong tutulungan kita?"

"Wala kang choice. You have to help me or else I will stay beside you, whenever and wherever you go"

Unti-unting nanlaki ang mga mata ko habang nagsi-sink in sa utak ko ang bawat salitang binibitawan niya. Ito na nga ba ang kinatatakutan ko e. Baka pati sa banyo ay sundan pa niya ako. Nahindik ako nang ma-imagine ko iyon.

"Bakit ako?" Nanggigilalas na tanong ko dito. "Napakaraming dumadaan sa kalsada na'yon bakit sa akin ka pa sumama?"

"Cause I have no choice!" singhal din nito sa akin. Bigla namang lumamig sa paligid kaya nayakap ko ang sarili ko. "D'you think I'll follow you here if there's someone who's willing to help me?"

"E-edi lumapit ka sa mga espiritista o kung sino man dun sa labas, wag na ako please."

"No! You will help me whether you like it or not," pinal na salita nito saka tumayo.

"Ayoko!?" Madiing sigaw ko dito kasabay noon ay ang pabagsak na pagbukas ng pinto. Iniluwa naman noon ang humahangos na si ate Erza. Bahagya pang nanlalaki ang mga mata niya na para bang gulat na gulat. Iginala ko naman ang tingin sa paligid para hanapin ang multong iyon pero hindi ko na siya makita.

"That's final, Ino Salve," mahinang bulong ng lalaking iyon sa tainga ko. Nahigit ko naman ang hininga kasabay ng paggapang ng malamig na hangin mula sa batok ko pababa sa guluhod hanggang sa hita. Napailing naman ako saka bahagyang nayakap ang sarili.

"Ino," untag ni ate Erza na siyang ikinagulat ko dahil hindi ko napansin ang paglapit niya. Hinawakan pa niya ako sa magkabilang braso saka tinitigan sa mata. "Anong nangyari? Bakit ka sumisigaw?" Nag-aalalang tanong niya. Lumingap-lingap pa siya sa paligid. Iniisip siguro niya na nakita ko ulit ang bagay na iyon.

Well, hindi naman siya nagkakamali. Yun nga lang ay hindi na niya naabutan dahil kakaalis lang. Mukhang wala siyang balak magpakita sa mga kasama ko dito kundi sa akin lang. Malamang kasi na makita din siya ni ate Erza kung hindi siya aalis. Tutal ay nakakakita rin ng ganoon ang lalaki na iyon.

Napabuntong-hininga ako bago umiling kay ate. Nagdadalawang-isip ako kung dasabihin ko ba kay ate o saka nalang pag hindi na talaga namin siya napaalis. Ang sabi ni ate Erza ay tutulungan nya akong itaboy iyon.

Nagdududang tinitigan ako nito. "Talaga?"

Pero siguro mas maganda kung sasabihin ko na din. "Actually, kakaalis lang nya," nag-aalangang sagot ko sa di malamang kadahilanan.

"Bakit hindi ka sumigaw agad? Dapat pala hindi ako umalis agad sa tabi mo. Nag-ayos kasi ako sa kusina. "

"Okay lang ate, wala naman na sya. Pero babalik daw sya."

"Kailangan na nating makahanap agad ng espiritista," determinadong turan ni ate. Tumango naman ako. "Sige na. Matulog ka pa. Maaga pa. Dito nalang muna ko hanggang sa magliwanag. Nakapagluto naman na ako."

Tumango ako at sinamsam ang kumot kong nasa paanan na dahil hinila ng damuhong multo na iyon kanina. Inayos ko na rin ang mga unan saka nahiga. Naramdaman ko ang pag-ayos ni ate sa tabi ko. Ngayon ko lang din napansing madilim pa nga sa labas kaya agad akong tumingin sa alarm clock kong nakapatong sa bedside table. Mag-aalas tres palang pala.

Sana bago pa man bumalik ang gwapong multo na iyon ay nakahanap na si ate Erza ng espiritistang magtataboy doon.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status