Share

Lover 3

Pabagsak kong isinara ang pinto nang tuluyan akong makapasok sa loob ng bahay. Wala na akong pakialam kung marinig man ni tita Hilde iyon o magalit siya, ang mahalaga ay nasa loob na ako ng bahay. May mga poon si tita ng mga santo kaya siguradong hindi na ako susundan noon dito. 

Halos hindi ako magkandatuto kanina sa kung ano ang gagawin nang makita ko ang multong yun. Basta tumakbo nalang ako ng tumakbo. Hindi ko na nga namalayan kung paano ako nakauwi basta ang alam ko lang, hindi na ako masusundan noon dito dahil bawal ang masamang espiritu dito. May mga poong magtataboy sa kanila. Hindi man kasing laki ng tao basta ang mahalaga, may bantay ang bahay namin sa mga ganoong bagay. Sana lang.

“Ikaw na ba yan, Ino Salve?” Narinig kong sigaw ng tita ko mula sa kwarto niya. Hindi naman na ako nag-abalang sumagot sa halip ay lumakad ako palapit sa tinted na bintana at unti-unting hinahawi ang makapal na kurtina noon habang walang patid ang pagdadasal ko. Pero sa totoo lang ay kanina pa talaga walang patid ang panalangin ko. Halo-halo na rin ang nararamdaman ko na parang gusto ko ng magngangalngal. 

Oo, aaminin ko na nananalangin ako noon na sana makakita ako ng mga bagay na hindi basta-basta nakikita ng mata pero noon lamang iyon noong panahong miss na miss ko na ang nga magulang ko. At kung gusto ko mang makakita hanggang sa ngayon, mga magulang ko lang iyon at hindi iyong kung sino-sino lang sa tabi-tabi at pagala-gala.

Dahan-dahan kong hinawi ang kurtina at saka unti-unting sumilip sa labas. Naramdaman ko ang pag-agos ng mga luha sa pisngi ko. Hindi ko na nakayanan pang i-contain ang takot na nararamdaman nang makita ko ang bagay na iyon na nakatayo sa mismong harap ko at diretchong nakatingin sa akin. Para akong itinulos na noon sa kinatatayuan at tuluyan ng hindi nakagalaw. Wala na yatang mas ilalaki ang mga mata ko habang gumagapang ang matinding kilabot sa kaibuturan ko. Napapahikbi pa ako habang hindi ko maialis ang tingin duon. 

"Anong bang sinisilip mo diyan?"

Literal na lumuwa ang mga mata ko at hindi ko na napigilan ang sarili ko nang magpakawala ng isang mahaba at malakas na sigaw. "Ahhhh!" 

Wala na akong pakialam kung napaupo na ako o sumadlak man ang pwet ko sa tiles na lapag dahil sa pangangatog ng tuhod. Basta mailabas lang ang lahat ng nararamdaman ko. Noon ko na din ibinuhos ang mala-ulang luha na kanina lang ay parang ambon na paunti-unti sa pagbagsak.

"Hoy! Hoy! Hoy! Ino Salve! Hoy!" 

Hindi ko na alam ang mga nangyayari ngunit isang malutong at nakakabinging sampal ang siyang nagpabalik sa akin sa huwisyo. Napahawak agad ako sa pisngi ng makaramdam ako ng pamamanhid noon kasabay ng matinis na tunog na umalingawngaw sa tainga ko. Pakiramdam ko ay mangangamatis ang pisngi ko bukas dahil ramdam na ramdam ko ang init ng palad ni tita Hilde doon na akala mo ay naiwan ang kamay niya. Malakas ang kutob kong maglalatay iyon. Biniyayaan kasi ako ng maputing balat kaya kahit konting hampas lang ay naglalatay na. 

"Anong nangyari?" Natatarantang tanong ni ate Erza na siyang bukod tanging naging kasambahay ni tita mula ng mapalaki ang bahay. Halos kasing edad na rin siya ni tita kaya parang ganoon na rin ang turing ko sa kanya. Sumusugod siyang lumapit sa amin at nang makita ako ay agad akong dinaluhan sa lapag. Magaan pang hinaplos ni ate Erza ang nasaktan kong pisngi.

"Ano ba kasalanan ate at sinampal mo?" Nang-uusig na baling nito kay tita. Ako naman ay hindi maialis ang tingin sa bintanang iyon kahit hilam na hilam na ang mga mata ko sa luha. Ramdam ko ang panginginig ng buo kong katawan na tila naramdaman naman ni ate Erza.

"Ewan ko ba sa batang iyan. Naabutan kong nakasilip sa bintana habang namumutla at umiiyak. Abe, akala mo nakakita ng multo at bigla nalang nagsisigaw ng nilapitan ko," narinig kong paliwanag ni tita. 

"Baka naman ate…" ani ng katabi ko saka ako pilit ipinaharap sa kaniya. Hindi ko naman magawang maibaling sa kanya ang tingin dahil natatakot ako na baka bigla nalang dumungaw iyon sa bintana. "Ino! Ino!"

Para akong wala sa sarili at hindi magawang lumingon. Naramdaman ko nalang na hinawakan ni ate ang magkabilang pisngi ko at ipinaharap sa kanya. Kitang-kita ko ang pag-aalala at takot na rumehistro sa mukha niya. 

"M-May nakita ka ba? Ha?" Nag-aalangang tanong niya na tila ba alam na niya ang isasagot ko ngunit naghihintay pa rin siya ng kasiguraduhan.

Nag-aalangan pa ako sa pagsagot dahil ayaw sumunod ang katawan ko at isa pa ay hindi ko alam kung maniniwala ba sila sa akin pero kalaunan ay sinubukan ko pa rin at unti-unting tumango. Agad na rumehistro ang panghihilakbot sa mukha niya. Hindi rin siya agad na nakasagot at natigilan saka tumingin din sa bintanang tinitignan ko kanina.

Narinig kong umingos si tita Hilde sa amin. "Tsk! Ano ba yang pinagsasabi niyo? Hindi totoo ang multo!" Singhal ni tita sa amin. 

Hindi pa man din kami nakakasagot ay biglang lumakad si tita patungo sa pinto. Naalarma ako sa balak niyang gawin kaya mabilis ako tumayo kahit nanlalambot pa ang mga tuhod ko para pigilan siya. Halos magkandarapa ako para mapigilan lang siya kahit alam kong hindi siya magpapapigil.

"Tita, wag!" Pasigaw kong pigil dito pero bago pa man ako makalapit ay nagawa na niyang buksan ang pinto. Parang malalaglag yata ang puso ko sa pinaghalo-halong takot at pag-aalala sa maaaring mangyayari kay tita oras na makasalubong niya ang multong iyon. 

Hindi ko din siya naabutan dahil dire-diretcho siyang lumabas habang palinga-linga. Ako naman ay napasalampak nalang sa malamig na sahig at nakatulala sa bukas na pinto. Nahihindik na inaabangan ang malakas na pagsigaw ni tita habang nakatulala sa pintong nilabasan niya. Lumipas ang ilang minuto ay wala man lang akong ingay na narinig. Pakiramdam ko ay nag-slow motion ang paligid at kasabay kong nag-aabang duon si ate Erza.

Kulang nalang ay mapasigaw ako sa gulat ng muli ng biglang sumungaw sa pinto ang ulo ni tita na tila ba sinasadya kaming takutin. Saka siya iniihit ng tawang pumasok ulit sa loob at isinara na ang pinto. 

"Hahaha! Kung nakita niyo lang ang mga itsura nyo," anitong napapahawak pa siya sa tiyan habang maluha-luha katatawa na akala mo ay wala ng bukas. "Para kayong mga tanga. Wala namang kung ano sa labas, e. Mga tinatakot nyo lang sarili nyo. Mabuti pa magpahinga ka na Ino Salve at baka pagod ka lang."

Hindi makapaniwalang napatingin ako sa may bintana. Nagdadalawang-isip pa ako kung sisilip ba ako doon para masiguro ang sinasabi ni tita o hindi nalang dahil baka hindi lang talaga niya nakikita. Hindi na rin ako nag-abalang sumagot pa kay tita sa halip ay sinubukan ko nalang tumayo kahit ramdam ko pa rin ang panginginig ng tuhod at kalamnan ko. Agad naman akong inalalayan ni ate Erza. Siguro ay naramdaman niyang nanginginig pa rin ako. Para namang naka-glue ang mga mata ko sa bintana na kahit gusto ko ng ibaling sa iba ay hindi ko maialis dahil sa takot. Takot na baka bigla nalang iyong hawiin at sumilip.

"Hoy, Ino Salve!?" 

Nagulantang na napalingon ako kay tita Hilde nang bigla siyang sumigaw. Ang kaninang tila wala ng bukas na pagtawa ni tita ngayon ay napalitan na ng galit at inis na hindi ko malaman kung bakit. Saka ko lang nakumpirma ang dahilan nang muli siyang magsalita.

"Ano bang nangyayari sa iyo, Ino Salve?" Singhal pa muli nito. Hindi naman ako makakibo kaya nakatingin nalang ako sa kanya. "Kanina pa ako salita ng salita dito hindi ka man lang sumasagot! Erza, ipanik mo na nga iyang si Ino Salve ng makapagpahinga na. Mukha ng napapraning sa kung anong di naman nakikita," naiiritang dagdag nito saka tumalikod na at nagtungo sa sariling kwarto. 

"Halika na, Ino," yakag ni ate Erza nang tuluyan ng mawala si tita sa paningin namin. Tumango naman ako at agad niyang inakay paakyat ngunit habang papalayo kami ay hindi ko maiwasang hindi mapalingon sa bintana.

Pagkapanik ay agad na binuksan ni ate ang ilaw sa kulay pink kong kwarto. Nang maliwanagan ang paligid ay agad akong ipinasok ni ate saka iniupo sa kama kong nakukulayan din ng pink. Hindi kalakihan ang kwarto ko pero punong-puno iyon ng mga dekorasyon ng mga paborito kong anime figurines at iba't ibang mga fiction books. Sinadya ko talaga iyon para sana pampaalis ng stress at bad vibes sa mga nararanasan ko sa araw-araw pero mukha yatang hindi iyon eepekto sa pagkakataong ito. Laking luwag ng loob ko nang manatili si ate Erza sa tabi ko nang makatapos akong makabihis at mahiga. 

"Totoo bang may nakita ka kanina, Ino?" untag ni ate Erza habang umaayos ng higa sa tabi ko. Bagay na lagi niyang ginagawa mula pa noon sa tuwing natatakot ako kaya madaling napapanatag ang kalooban ko. Kung bakit ngayon ay hindi pa rin ako mapakali na parang may nakamasid sa akin. Hindi ko tuloy mapigilang ilibot ang tingin. Mukha namang napansin agad iyon ni ate. Malakas din kasing makiramdam ito ng mga bagay-bagay.

"Nararamdaman mo pa rin ba?" Tumango naman ako. "Wala na iyun. Ipanatag mo na ang loob mo. May poon tayo dito hindi ka na nun masusundan dito sa loob. Gusto ko sanang tanungin ang tungkol sa nakita mo kaso ay bukas nalang. Pag medyo kalmado ka na."

"Nakakakita ka ba ate?" Baling ko sa kanya. Hindi ko na masyadong in-elaborate kung ano man ang tinitukoy ko dahil natatakot pa din ako. Isa pa ay nakakasiguro naman akong gets na sya ang gusto kong ipahiwatig.

"Ay, oo naman. Iyon ngang namatay kong lola, nakita ko pa bago ilibing, e," tila balewalang kwento nito na parang hindi man lang makitaan ng takot.

"Hindi ka takot?"

"Hindi na. Sa dami ba naman ng nakikita ko, di yata matakot pa ako. Haha."

She was always been this jolly and strong. Namangha naman ako sa lakas ng loob niya. Kung sana lang ay ganoon din ako. Pero kung tutuusin ay ngayon palang naman ako nakakita, kumpara sa kanya na ilang beses na kaya hindi na rin maiaalis sa akin na matakot ng sobra. Lalo na ng sundan pa ako.

"N-Na-experience mo na ba, ate, n-na sundan?" Nag-aalangang tanong ko pa sa kanya. Ayoko sanang tanungin iyon para bukas nalang namin mapag-usapan kaso nga lang ay bigla nalang lumabas sa bibig ko. Hindi ko na napigilan. Napalitan naman ng kaseryosohan ang itsura ni ate. Hinarap pa niya ako kaya agad akong kinabahan na para bang gusto niyang ipahiwatig na masama ang mangyayari kung ganoon.

"Sinundan ka ba?" Kunot-noong tanong pa niya sa akin. 

Napatango naman ako. "Nakita ko yun sa may Balite street tapos bigla akong tumakbo. Pagsakay ko ng bus nakita ko din yun kaya humahangos ako kanina ng dumating," kwento ko habang nangingilid na naman ang luha. 

"Nakita mo ba yun kanina nung sabi ni ate Hilde na nakasilip ka sa bintana?"

Tumango ako ulit at noon na nalaglag ang mga luha ko. "P-pagsilip ko, n-nakatayo siya s-sa harap ko t-tapos n-nakatingin sa akin ng d-diretcho," nangangatal na kwento ko sa kanya habang na-i-imagine ko ulit ang nangyari kanina. Naramdaman ko namang hinihimas ni ate ang likod ko.

"Wag mo munang isipin iyon. Magpahinga ka na muna at bukas nalang natin pag-usapan. Dito nalang din ako matutulog para mapanatag ka," pag-aalo niya sa akin. Bahagya naman humupa ang mga luha ko. Pero hindi talaga mapakali ang isip ko.

"Pero talaga bang sumusunod ang mga multo?" 

"Ee, sa pagkakaalam ko, sumusunod lang sila kapag gusto nilang humingi ng tulong," anito na siyang ikinalaki ng mga mata ko. 

Nagsimula na namang kumabog ang dibdib ko sa takot habang naiisip iyon. Humihingi ng tulong? Kung ganoon ay hindi ako tatantanan noon hanggat hindi ko siya natutulungan? At hanggat hindi ko siya tinutulungan ay hindi rin siya matatahimik.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status