Share

RED ROSE III

Chapter 3

KALILA MADISON RAMIREZ

NASA BAHAY AKO ngayon at nagfi-facebook sa laptop. Nang makauwi ako kanina, agad akong nagbihis at heto't dumiretso sa pagla-laptop. Kahit pumasok lahat ng subject teachers, wala pa naman silang pinapagawa sa amin kaya malaya akong sinusulit ang maluluwag na oras.

Wala pa si Mommy sa bahay dahil alas siete pa naman ang uwi niya. Walang sumasaway sa akin para mag-advance study.

Nang mapagod ako sa aking ginagawa, tumayo na ako. Napagdesisyonan kong pumunta sa baba. Nakaramdam kasi ako ng gutom. Dumiretso na ako sa kusina at naabutan ko roon si Nanay Belinda na nagluluto ng ulam.

"Anong niluluto mo Nay?" tanong ko rito. Nakahawak ako sa mga balikat habang nakatayo sa likod niya. Sinisilip ko kung anong pinagkaabalahan niya.

"Tinolang manok, hija," sagot niya naman habang tinitikman ang niluluto.

"Patikim din po," malambing kong sambit. Itinapat niya naman sa akin ang sandok saka ko tinikman ang sabaw.

Matagal na naming kasama si Nanay Belinda dito. Mahigit sampung taon na siguro. Napakabait nito at simula nang dumating siya, itinuring na namin siyang parte ng pamilya. Wala na itong ibang kamag-anak dahil namatay ang kaisa-isa nitong anak at matagal na siyang iniwan ng dati niyang asawa. Limangpu't apat na taong gulang na rin kasi ito. Ang saya lang at nakakagatal siya sa amin. Para ko na rin kasi siyang lola kaya kapag susubukan niyang umalis sa amin, siguradong iiyak talaga ako.

"Hija, tumawag pala ang Mommy mo kanina. Mauna ka na raw'ng kumain dahil matatagalan pa siya sa trabaho niya," aniya.

"Ganun ba, Nay? Sige, tayo na lang po muna ang maunang kumain," sagot ko naman.

Madalas din pala naming kasabay kumain si Nanay. Kapag wala si Mommy, silang dalawa ni Kuya Henry ang kasama ko sa hapag. Kaninang umaga nga lang ay hindi ko sila nakasabay. Na-busy kasi sa trabaho.

Naglapag na ako ng mga kubyertos para sa amin. Tinawag na rin namin si Kuya Henry. Kalaunan, masaya kaming kumakain at tinatanong nila ang mga ginagawa namin sa eskwelahan kanina.

Matapos kumain, nagligpit na kami. Dumiretso ako sa sala para manood ng TV. Palipat-lipat ako ng channel dahil balita ang kadalasang palabas.

Napatigil lang ako sandali sa channel na may balita tungkol sa karumal-dumal na pagpatay sa dalaga pagkatapos itong ma-rape. Iling lang ang nagawa ko habang nanonood. Napapaisip kasi ako kung bakit isinisi pa sa biktima ang nangyari porke't nakasuot daw ito ng hindi kaaya-ayang damit. Nadala lang daw ang suspek kaya niya ni-rape ito.

Tama ba iyon? Sino ang dapat panigan ng mga tao? Makaturangan kaya ang rason ng suspek?

"Well, wala akong magagawa diyan," sabi ko at inilipat na naman ang channel.

Wala na talagang matinong tao ngayon, ano? Lahat na lang ay mali. Ang hirap pa makamtan ng hustisya lalong-lalo na kapag mahirap ka lang.

Nang wala akong makitang magandang palabas ay pumunta na lamang ako sa kwarto para ihanda ang mga gamit ko para bukas. Pagkatapos, tuluyan na akong nakatulog.

***

KASALUKUYAN akong nakikinig kay Mrs. Gutierrez. May ipapagawa raw kasi itong adviser namin sa amin.

"We will start our baking lesson tommorow. As of now, I just want you to find a pair. And this pair of yours will be your partner for our class baking competition this coming friday."

Nagkaroon ng ingay sa classroom namin dahil sa sinabi ng guro.

"Pero bago 'yan, kailangan makapasa muna kayo ng sarili niyong recipe bukas. Pag-usapan ninyo ng partner nyo kung ano ang ibi-bake niyo. Tomorrow is our practice. The recipe that you have to pass must be the one you'll going to make during our class competition," dagdag niya saka inayos ang salamin sa mata gamit ang gitnang daliri. Napangiti naman ako.

Home Economics. Isa sa mga paborito kong subjects. Baking ang una naming lesson kaya naman naeexcite ako ngayon. Supposedly, hindi na kasali ang subject na ito kung sa ibang eskwelahan pero dahil sa pribado at unibersidad ito, maaaring dumagdag ng ibang asignatura na wala sa pampubliko o ordinaryong paaralan.

"Now choose your partner. I'll give you the remaining time to discuss with them. Goodbye class," sabi ni Ma'am Gutierrez at dali-daling lumabas. May meeting kasi sila ngayon.

Nagsitayuan na ang mga kaklase ko at pinuntahan ang mga pinili nilang partner. Lahat sila may kaniya-kaniya nang kapares. Naalala kong dalawampu't lima pala kami rito kaya siguradong may isang walang kapares.

Tinapunan ko ng tingin ang katabi ko sa kaliwa at sa kanan na parehas na nakaupo ng tahimik. Si Vaughn, tinaasan lamang ako ng kilay habang si Lorelei ay may sinusulat sa kwaderno. Tumingin ako sa iba na nagsisimula nang magplano. Kaming tatlo na lamang pala ang natitira. Wala bang balak ang dalawang 'to?

Biglang bumalik ang guro namin kaya napatahimik ulit ang mga kaklase ko.

"Before I forgot, since you are not even, the person who does not have a partner shall join to another pair. So, there will be eleven pairs and a group of three students." Iyon lang at lumabas muli. Nagmamadali. Binalingan ko ulit ang mga katabi.

Kaming magkakatabi lang naman ang walang kapares kaya ibig sabihin, kami iyong grupo na may tatlo. Tiningnan ko silang dalawa ng pabalik-balik.

Mukhang ako na lamang talaga ang maunang kumausap sa mga 'to. Wala sigurong balak. Magmumukha lang akong tanga kung maghihintay pa.

Una kong binalingan si Lorelei. "Tayong tatlo na lang ang magkakasama. So ano? Plano na tayo?" nakangiting ani ko. Bahagya pang nanginig ang labi ko dahil sa ngalay sapagkat ang tagal nilang sumagot.

Ilang sandali pa at tumigil siya sa pagsusulat saka inilagay ang kulay pulang kwaderno sa kyut niyang sling bag. Si Vaughn naman ang sunod kong kinausap.

"Plano na raw tayo," kiming sabi ko. Tinitigan niya lang ako pagkatapos ay inusog ang upuan para magkaharap-harap na kaming tatlo.

Wala munang nagsasalita sa amin. Tila ba nagkaroon kami ng patimpalak kung sino ang pinakatahimik. Panigurado namang talo na ako rito. Hindi ko kayang lamangan ang katahimikan nilang dalawa. Ngunit sa kabilang banda, natutuwa naman ako dahil napapaligiran ako ng maganda't gwapo subalit mga tahimik at misteryosong tao.

"What now?" Binasag ni Vaughn ang katahimikan. Akala ko talaga ako na lang ang magsasalita rito.

"Ah... Ano, napag-isipan ko na mamaya, doon tayo sa bahay namin magfa-finalize ng plano para sa recipe?" patanong kong sabi habang kinakamot ang baba.

Nakakailang kausap ang isang 'to ah. Kung makatingin kasi, parang sinusuri ang kabuuhan ng mukha ko. Ang buong pagkatao ko. Ngayon lang ako nakatagpo ng ganitong klaseng mga tao.

"Uhm, o-okay lang ba sa inyo?" nauutal kong tanong sa kanila. Paano ba naman, para na akong matutunaw dahil sa mga mata nila.

May malamig bang titig na nakakatunaw ng tao?

Ilang sandali pa ay hindi ko na nakayanan ang mga titig niya kaya doon ako tumingin kay Lorelei.

"I'm afraid I won't be able to. May lakad ako mamaya," narinig kong sabi ni Vaughn. Ang mukha nito ay walang pakialam. Parang pinapahiwatig niya na gawin ko ang lahat ng gusto ko.

"Ikaw Lorelei?" baling ko naman sa isa pang kasama. Ngunit gaya ng inaasahan ko, matagal bago siya sumagot.

"Okay," ang tanging salita na lumabas sa kaniyang bibig. Siguro sasanayin ko na lang ang sarili ko dito sa bago kong kaibigan.

Iyon lang ang nagawa namin at bumalik na sila sa kanilang mga pwesto. Si Vaughn, nakinig ng music sa kanyang earphones at si Lorelei naman, lumabas ng classroom.

***

SA WAKAS at natapos  rin ang lahat ng klase. Sa araw na ito, wala masyadong stress sapagkat tatlong subject ang walang teacher dahil sa meeting na naganap.

Dumiretso na kami ni Lorelei sa parking lot. Nandoon naman na si Kuya Henry, naghihintay habang nagbabasa ng dyaryo. Nagtaka pa siya kung bakit may kasama ako pero ibinulong ko sa kaniya na may gagawin kaming proyekto sa bahay. Sumang-ayon lang siya. Sumabay na si Lorelei sa amin para doon kami makapagplano sa bahay.

Maya-maya pa ay nakarating na kami sa subdivision namin. Pumasok agad kami sa loob ng bahay. Pansin kong panay ang linga ni Lorelei nang makapasok kami sa loob ng bahay. Hindi pala ito nakatungo at nagsusuri lang sa kabuuhan ng sala.

"Pasensya ka na. Hindi kasinglaki ng mga bahay ng kaklase natin ang bahay namin," nahihiya kong sambit. Alam ko naman kasing mga mansyon ang tinitirhan nila.

Napatingin naman siya sa'kin.

"I like it," maikling sabi niya. Bakas sa mata nito ang kaunting pagkamangha.

Pinaupo ko muna siya sa couch. Sakto namang dumaan si Nanay Belinda kaya tinawag ko na ito.

"Oh hija, andyan ka na pala!" Napadako ang tingin ni Nanay kay Lorelei. "May bisita ka pala."

Lumingon naman si Lorelei sa amin at saka tumayo.

"Si Lorelei po, 'Nay. Kaklase ko. Lorelei, siya si Nanay Belinda," pagpapakilala ko sa kanila.

"Kay gandang dilag naman pala nitong kaklase mo Kalila." Nakangiting sambit ni Nanay. Matipid na nginitian lamang siya ni Lorelei.

"Sa kwarto lang po kami. May gagawin kaming project." paalam ko kay Nanay.

"Sige. Dadalhan ko na lamang kayo ng meryenda sa taas mamaya," aniya.

Tumango ako at hinila na si Lorelei papunta sa kwarto. Nauna akong pumasok sa loob, sumunod si Lorelei. Hinawi ko naman ang kurtina ng aking bintana dahilan upang makita ang bahay nina Passy na katabi lang ng sa amin. Mas lalong nagliwanag ang kwarto ko dahil dito. Inayos ko ang study table ko at inihanda ang laptop. Pinaupo ko na muna si Lorelei sa aking kama.

Sa kalagitnaan ng pagkakalikot ng laptop ay napatigil ako nang magsalita siya. "Sino siya?" malamig na sambit niya kaya napalingon ako.

Bahagya pa akong nagulat nang malamang nagtatagalog pala si Lolelei. Hindi ko alam kung sino ang tinutukoy niya kaya naman nilingon ko siya.

Nasa tapat na siya ng bintana at nakatingin sa labas. Hindi ko alam kung anong ibig niyang sabihin kaya lumapit ako para makita kung saan siya nakatingin.

Umangat ang dalawang kilay ko.

Si Passy ang tinutukoy ni Lorelei na nasa bakuran nila at may kausap sa cellphone. Hindi ko maintindihan ang reaksyon niya. Para siyang nagagalit na nalulungkot habang nakikipag-usap sa kabilang linya. Umiiyak pa ito. Kaya siguro siya nagtanong.

"Ah siya ba? Si Pacita 'yan. Kaklase ko dati. Maglilimang taon na rin kaming kapitbahay," kwento ko. "Bakit?"

Umalis ako sa tabi niya. Bumalik ulit ako sa ginagawa ko kanina. Hindi na ako umaasang may isasagot pa siya kaya hinayaan ko na lang.

Patuloy lamang siyang nakatingin sa gawi ni Passy. Wala naman akong mabasang emosyon sa mukha niya. Pagkatapos ng ilang minuto, lumapit na siya sa akin nang saktong tapos na sa ginagawa.

"Start na tayo?" tanong ko rito.

Hindi ulit siya sumagot. Sa halip, kumuha siya ng papel at ballpen.

TO BE CONTINUED

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status