Share

RED ROSE II

Chapter 2

KALILA MADISON RAMIREZ

UNANG ARAW pa lang pero pakiramdam ko parang isang linggo na ang lumipas. Kasi naman, ang mga teachers dito, pumapasok lahat. Present sila at bawat isa ay may kani-kaniya nang pinapagawa sa amin.

Akala ko, katulad sa eskwelahan namin dati na kapag nagpapakilala kaming lahat, nauubos na ang buong oras para sa subject. Dito kasi, hindi halos lalagpas ng limang minuto at natapos na kami kaya medyo naninibago ako. Marahil ay dahil ito sa kakaunti lang ang bilang namin dito sa loob. Ang seksyon kasi namin ay may dalawampu't limang studyante lang. Medyo hindi ako sanay sa ganitong kakaunting tao sa loob ng silid.

"Class dismiss," narinig kong sabi ng Physics teacher namin. Lumiwanag ang mukha ko.

Tamang-tama, tanghalian na. Gutom na rin kasi ako. Nakakalungkot lamang dahil wala akong kasamang kumain sapagkat wala pa naman akong naging kaibigan dito. May nakakausap naman ako pero masyado lang talaga akong mapili pagdating sa kaibigan. Hindi naman pwedeng basta-basta na lang ako magtiwala sa kanila. At isa pa, hindi ako ang unang nakikipag-usap. Naghihintay ako kung sino ang unang lumapit sa akin bago ko sila kakausapin.

Kaniya-kaniyang nagsilabasan ang mga estudyante habang ako, nagliligpit pa sa aking mga gamit. Akmang aalis na sana ako nang matapos, ngunit napalingon ako sa gawing kanan. Bahagya akong nagtaka dahil hindi pa rin gumagalaw ang katabi kong si Lorelei. Nakaupo pa rin siya sa upuan niya habang nakatingin sa sahig. Natatakpan na naman tuloy sa mahahaba't bagsak niyang buhok ang mukha niya.

Hindi ba siya kakain ng tanghalian?

"Uhm... Lorelei," pagtawag ko sa pangalan niya. Ngunit kagaya kanina, wala na naman itong kibo.

"Lorelei, wala ka bang balak kumain? Gusto mo sabay tayong kumain?" masiglang tanong ko na sinabayan ko pa ng malaking ngiti.

Medyo naaawa ako sa kaniya kasi wala siyang kasama rito sa room kung aalis na ako rito. Nagtataka tuloy ako kung kagaya ko ba siya na transferee rin dahil napansin kong wala siyang kaibigan. Wala pa kasi akong nakikitang estudyante o kaklase namin na lumalapit sa kaniya.

"Iyan ay kung ayos lang sa'yo. Wala rin kasi akong kasabay kumain," nahihiyang dugtong ko. Napakamot ako sa ulo.

Pansin niya sigurong panay ang pagsasalita ko at marahil naiisip niya na kaming dalawa lang ang tao dito–at malamang siya ang kausap ko–kaya umangat siya ng tingin.

"Why are you talking to me?" mahina ngunit may diin na pagkakasabi niya. Ganunpaman, wala akong nakitang kahit anong emosyon sa mukha niya.

Gusto ko lang namang maging friendly. Sa eskwelahang 'to, tingin ko, hindi magandang basta-basta ka na lang magtiwala sa mga tao rito kaya iyong mga kaklase ko kaninang nagyaya sa akin na sumama sa kanila, tinanggihan ko lahat. Ewan ko ba! Hindi naman lingid sa kaalaman ko na parang may pagka-weirdo itong si Lorelei ngunit iyong sarili ko, hindi ko mapigilan. Kating-kati na talaga akong kaibiganin siya. May kung ano sa kanya na gusto kong tukuyin.

Bukod pa riyan, parang hindi ko ramdam na makipaghalubilo sa iba. Dahil siguro sa ugali nila. Pero hindi naman ibig sabihin nito ay nanghihinayang na ako sa pagpunta dito sa Gatewood. Hayaan na, unang araw pa lang naman. Baka masasanay din ako.

Napatigil ako sa pag-iisip nang tumayo na siya. Tinalikuran niya ako at akmang hahakbang na sana nang pinigilan ko ito.

"Sandali!" pagpipigil ko kay Lorelei. Napatigil siya pero hindi pa rin lumilingon. "Gusto sana kitang maging kaibigan!" lakas loob kong dugtong. Dahil dito, napalingon siya sakin.

"What?" Ang napakainosente't walang emosyon nitong mukha ay nabakasan ng kaunting gulat. Mukhang gusto niyang ulitin ko pa.

"I want you to be my friend," pag-uulit ko sa lingguwaheng ingles. Baka kasi hindi siya nakakaintindi ng tagalog at talagang english-speaking 'to.

Hindi ko na siya hinintay na sumagot pa at lumapit na agad ako sa kanya. Hinawakan ko ang kamay niya at naglakad na palabas ng silid. Hindi naman siya nagpupumiglas. Naglakad lang din si Lorelei saka nagpatianod sa paghila ko sa kanya.

Pagkarating namin ng canteen, sakto namang may bakanteng table pa sa bandang sulok. Doon kami umupo.

"So, anong gusto mo? Treat ko na. Don't worry, para sa'kin friend na kita!" magiliw kong sabi. Pero si Lorelei, wala pa ring kibo. Nanatili lang itong nakatingin sa lamesa. Parang ang lalim ng iniisip niya.

"Sige na," pangungulit ko pa. "Anong gusto mo Lorelei?"

Ilang segundo ang dumaan bago ko siya narinig na sumagot.

"Spaghetti," mahina't tipid nitong sagot.

'Yun lang ba gusto niya?

"How about drinks?" suhestyon ko.

Hindi na siya sumagot. Mukhang ako na ang pipili ng maiinom namin. Umalis na ako sa table namin para bumili ng makakain. Habang naglalakad, kapansin-pansin ang titig ng mga estudyante dito sa akin. Para bang nagtataka sila. Hindi ko na lamang ito pinansin.

Bumalik na ako sa table namin matapos bumili. Inilapag ko na ang mga pagkain namin at binigay kay Lorelei ang spaghetti at drinks niya. Nagsimula na akong kumain subalit hindi pa rin ginagalaw ni Lorelei ang kanyang pagkain. Ramdam ko rin na parang may tumititig sa amin. Sa ngayon, tiningnan ko na ang paligid.

Bahagya akong nagulat nang makitang kadalasan sa mga studyanteng kumakain dito ay nakatingin pala sa amin. Nagbulong-bulongan pa sila.

Anong meron?

"Don't mind them." Nagitla ako nang magsalita si Lorelei. Kumakain na rin pala ito. Hindi ko man lang napansin.

Ang dating pagtataka ay napalitan ng pagkamangha dahil sa nakita. Hindi ko maiwasang hindi ito ipakita. Paano ba naman, ang hinhin niyang kumain pero may poise siya habang sumusubo ng spaghetti. Kung kumain siya, para bang isa siyang prinsesa sa sobrang pormal. Iyon nga lang, tumatabon pa rin ng kaunti sa mukha niya ang kaniyang buhok.

Dahil sa pagkamangha, nakalimutan ko nang hindi pala ako komportableng kumain dahil sa mga titig ng mga tao dito. At gaya ng sinabi niya, hindi ko na lamang sila pinansin. Nagpatuloy kaming kumain. Habang sumusubo, bigla akong may naalala.

"Transferee ka rin ba rito?" paninimula ko ng usapan. Nakapagtataka lamang kasing wala siyang kasa-kasama kaya nagtanong na ako. At saka, gusto ko ring makilala siya ng lubos.

Tumigil muna siya sa pagsubo saka tumitig sa mga mata ko. Wala na namang kahit anong bahid ng emosyon ang mga mata nito. Bahagya siyang umiling.

"Hindi ka transferee?" nagtataka kong tanong.

Naalala ko iyong pagkikita namin kanina. 'Yung tinanong ko siya kung saan ang fourth year building at alam niya kung nasaan ito. Dahil dito, napagtanto ko na hindi nga siya transferee.

"So, matagal ka na palang student dito?" tanong ko pa. Hindi niya ulit ako sinagot kaya napasampal ako ng noo sa isipan. Tinignan niya lang ako tapos bumalik na sa pagkain niya.

Ang tahimik niya masyado. Kaya siguro wala akong makitang mukhang kaibigan niya dahil masyado siyang tahimik. Siguro walang nakakatiis sa kaniya kaya hindi sila lumalapit o nakikipagkaibigan dito.

Iwinakli ko muna ang iniisip saka nagpatuloy na lamang sa pagkain. Habang sumusubo, nabaling ang atensyon ko sa dumating na grupo ng mga babae.

Sina Cassidy iyon, kasama ang mga kaibigan niyang kaklase ko rin. Papunta sila sa lamesa na nasa kabilang sulok kung saan nakaupo mag-isa ang isang babaeng nakasuot ng makapal na salamin. Hindi nakaligtas sa paningin ko ang bahagyang takot sa mukha niya nang makita ang grupo nina Cassidy.

"Hi there, nerd!" narinig kong sabi ni Cassidy.

Umupo siya sa kaharap na upuan ng babae. Iyong tatlong kasama niya na sina Jazz, Alyssa at Stephanie ay nakatayo lang. Nakahalukipkip, nakapamewang at nilaro-laro ang buhok–iyan ang pustora't ginagawa nila.

Akmang tatayo na sana ang babaeng tinutukoy ni Cassidy na nerd pero pinigilan niya ito.

"Hep hep! Saan ka pupunta? Tatalikuran mo na ba ako, dukha?" mataray nitong sabi.

Marahas na binawi ng babae ang kamay niya na hinawakan ni Cassidy. Eksaheradang nagulat si Jazz. "Oh my! Lumalaban na siya Cass oh."

'Yung mga estudyante, napapatingin na rin sa kanila katulad ko. Ngunit base sa mga reaksyon nila, parang matagal na silang sanay sa nakikita. May iba ngang nagkibit balikat na lang at bumalik sa pagkain.

Nanlaki ang mga mata ko nang itinulak ni Cassidy ang babae. Nawalan ito ng balanse kaya sumubsob sa sahig.

"Ano ba!" sigaw ng babae. "Pwede ba, tigilan mo na ako Cassidy! Wala naman akong ginawa sa'yo, ah?!" Iritable na ito.

"Ngayon sumasagot ka nang dukha ka? Akala mo kung sinong mayaman. You're just a scholar here! Without the help of my Dad, you won't be able to enter this school. You gold digger!" singhal ni Cassidy habang dinuro-duro ang babaeng inaalipusta.

"Hindi ako gold digger. At alam kong alam mo 'yan," sabi nito. Nanatili pa rin siyang nasa sahig.

"Really, huh?" Inayos muna ni Cassidy ang blonde nitong buhok bago nagsalita. "You know why I hate you Ericka. You're not my sister nor my relative. We're not even blood related pero paborito ka ni Dad? Anak ka lang naman ng katulong namin, which is gold digger din."

"Yeah. Like mother, like daughter," sabat naman ni Stephanie. Nagtawanan ang dalawa pang kasama.

Kinuha ni Cassidy ang juice na nasa lamesa saka ito dahan-dahang binuhos sa ulo ng babae na nagngangalang Ericka. Lalong lumakas ang tawanan ng mga kaibigan niya.

Gusto kong tumayo at puntahan ang babae pero huli na dahil tumakbo na ito papalayo. Nakita ko pang lumuluha ito dahil siguro sa hiya na natamo.

Nanggigigil ako.

Hindi ko gusto ang eksenang nakita ko. Unang araw pa lang ng pasukan, pero may ganito nang pangyayari? Ngayon, alam ko na palang ganiyan ang ugali ni Cassidy. Alam kong hindi magandang husgahan ko siya pero hindi naman siguro tama ang ginawa niya sa babae kanina. Mabuti na lang pala't hindi ko tinanggap ang alok niya sakin kanina na makipagkaibigan. Baka mahawa lang ako sa ugali nila.

"That nerd. She's really kadiri," sabi pa ng kasama niyang si Alyssa.

"Whatever. Let's go girls," anyaya ni Cassidy sa mga kasama.

Naglakad na sila papunta sa bakanteng lamesa na nasa gitna, na parang walang nangyari.

Bumalik ang atensyon ko kay Lorelei nang makita kong tumayo na siya. Dali-dali naman akong tumayo at itinapon ang mga basura ko sa malapit na basurahan.

"Sandali lang Lorelei," sabi ko nang lumalayo na siya mula sa direksyon ko. Mabilis ang mga hakbang niya habang nakatungo pa rin. Sinundan ko siya hanggang sa makarating kami sa classroom namin.

Anong nangyayari sa kaniya?

TO BE CONTINUED

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status