Share

RED ROSE I

CHAPTER 1

KALILA MADISON RAMIREZ

LUNES NA NG UMAGA. Unang araw ng klase ngayon kaya naman, todo handa ako sa mga gamit ko pang-eskwela kahapon. Maaga akong nagising ngayong araw kahit dati naman, lagi akong late gumigising at pumapasok sa paaralan. Nakasanayan ko na ang bagay na ito, kaya't nakapagtatakang ngayon ay maaga ako. Masyado lang siguro akong excited.

Matapos kong tupiin at ayusin ang kumot at unan, dumiretso na ako sa banyo para maligo. Pakanta-kanta pa ako habang nagsasabon.

Iba ang pakiramdam ko ngayong araw ng pasukan. Masyado akong kinakabahan at excited dahil sa kauna-unahang pagkakataon, makakapag-aral na ako sa pinapangarap kong paaralan. Ang Gatewood University. Isa sa pinakasikat at prestihiyosong paaralan sa bansa. Kadalasang nag-aaral doon ay mga anak ng mga pinakamayamang negosyante sa bansa. Hindi man ganoon kayaman ang mga magulang ko kagaya ng mga magulang ng estudyante na nandoon, nagawa parin akong i-transfer nila Mommy kahit huling taon na lamang ito at ga-graduate na ako.

Kakatapos ko lang maligo at magbihis nang marinig ko si Mommy na tinatawag ako para bumaba na. "Kalila, bumaba ka na't kumain! Baka malate ka!"

"Sandali na lang, My!" sigaw ko. Dali-dali akong nagsuklay sa medyo kulot kong buhok at pagkatapos ay tumingin sa malaking salamin para suriin kung maayos na ba akong tingnan.

Napangiti ako sa nakita.

Sakto lang naman sa akin ang aking bagong uniporme na sa itaas ay puting longsleeve na may mahabang asul na kurbata at asul din na above-the-knee naman na palda. May puting linya sa dulo nito.

Umikot ako upang tignan kung hindi ba nagusot ang likod nito. Pagkatapos, napadako naman ang tingin ko sa aking mahahabang medyas at sa aking bagong sapatos. Wala namang problema. Sinuri ko na rin ang aking mukha at maayos naman akong tignan. Nang makontento, lumabas na ako ng kwarto dala-dala ang aking bag.

"Oh, kumain ka na," sabi ni Mommy pagkaupo ko.

Nilapag ko muna ang bag ko sa katabi kong upuan at nagsimula na kaming kumain ni Mommy.

Wala si Daddy dahil nag-out-of-town ito. Isa kasi itong doktor samantalang si Mommy naman ay writer. Mabuti nga ngayon at nakasabay si Mommy sa akin sa pagkain. Minsan kasi ay ang katulong namin na si Nanay Belinda ang nakakasabay ko dahil abala ito sa trabaho.

"Handa na ba lahat ng gamit mo?" tanong ni Mommy. Bakas sa mukha nito ang pagkagalak kagaya ko. Tumango lamang ako kasi puno pa ng pagkain ang aking bibig.

"Mabuti naman."

Tahimik lang kaming kumakain. Ilang minuto pa at natapos na ako lahat. Sinuot ko na ang bag ko.

"Bye My," paalam ko sabay mano at halik sa pisngi.

"Take care, baby." Kumaway si Mommy sa akin.

"Si Mommy talaga oh... Di na ako baby!" saway ko sa tawag niya sa akin.

Nginitian niya lamang ako. Nagtungo na ako sa kotse namin na nakapark na sa labas ng gate. Papasok na sana ako nang makarinig ako ng tawag sa aking pangalan. Nilingon ko ito at nakita kong si Pacita pala. Kapitbahay namin na kaklase ko rin sa dati kong paaralan.

Mukhang wala pa siyang balak pumasok dahil sa nakikita kong suot niya na spaghetti top at napakaliit na denim shorts. May tuwalya pa ito sa ulo.

"Oh Kalila! Bagong uniform ah. Ibang school ka na?" tanong nito sa'kin.

"Ah... Oo eh." Napakamot ako sa ulo. "Sa Gatewood na ako mag-aaral," nahihiya kong sagot.

"Bongga! Ang taray! Gatewood na si ateng!" Ikinumpas niya sa ere ang mga kamay. Ilang sandali lang ay nawala ang ngiti sa kaniyang labi. "Mabuti ka pa..." Ang may galak nitong boses ay agad napalitan ng lungkot.

Alam ko naman ang dahilan. Pangarap niya rin kasing makapag-aral doon.

"Ano, wala ka pang balak pumunta sa school?" pag-iiba ko ng usapan. Baka kasi mas lalo pa siyang malungkot.

"Mamaya pa. May binili lang kasi ako,” aniya.

Tumingin ako sa relo at nakitang 7:05 am na. Agad akong nataranta nang mapagtantong malapit na akong mahuli sa klase.

Walanghiya! Ang aga kong nagising kanina pero late pa rin ako? Saan ba ako nagkulang?

"Ay naku! Paano ba 'yan, mauna na ako Passy, ha?" hindi mapakaling sabi ko. Tumango lang siya at pumasok na sa gate nila. Ako naman, sa loob ng kotse. Nakita kong nakabusangot ang driver naming si Kuya Henry.

"Pasensya ka na Kuya. Tara na?"

***

PALINGA-LINGA ako ngayon kasi hindi ko naman naisip kanina na napakalaki't napakalawak pala rito kaya hindi ko nagawang makita ang classroom ko. Kanina pa ako pero hindi ko talaga matunton ang building ng mga 4th year. Kung sana lamang ay nag-tour muna ako bago nagpasukan, edi sana hindi ako magiging ganito kagulo.

Bakit ngayon ko lang 'to naisip? Mukhang wala akong ibang pagpipilian kung hindi ay magtanong na lamang.

Nakakita ako ng babae na nakatayo malapit sa may hagdanan. Nilapitan ko ito, nagbabakasakaling alam niya kung saan ang building na hinahanap ko. Mukhang matino naman itong tanungan kaysa sa iba. Masyado kasing abala ang ibang mga estudyante sa kani-kanilang mamahaling mga gamit o kaya naman sa pakikipagchikahan sa mga kaibigan nila.

"Excuse me Miss," pagtawag ko rito

Hindi ko masyadong makita ang mukha niya dahil nakatungo siya at natatabunan ito ng mahaba't bagsak niyang buhok. Wala siyang kibo.

Kahit kakaiba ang awra niya, nilapitan ko pa rin ito at tinawag ulit.

"Uhm... Excuse me." Akmang kakalabitin ko na sana siya ngunit nabigla ako nang umatras ito at tiningnan ako.

"Don't touch me," mahinang sabi niya. Imbes na mainis dahil sa inaasta nito ay napanganga pa ako sa mangha nang makita ko ng malinaw ang mukha niya.

Ang ganda niya!

Para siyang anghel. Napakaputi nito at ang kinis ng balat. Halatang sobrang alaga. Bagay naman sa mukha niya ang kaniyang maiitim na buhok. Mahahaba ang pilik sa 'di kalakihang mata nito. Manipis at matangos ang ilong samantalang natural na napakapula ang kanyang labi. Tila isa siyang manika na nagkaroon ng buhay.

"Sorry," paghihingi ko ng paumanhin. Mukhang nagulat ko kasi. "Itatanong ko lang sana kung alam mo ba asan ang building ng mga fourth year?" nahihiyang tanong ko rito.

Hindi siya nagsalita. Subalit nakatitig lamang siya sa akin. Parang sinasaulo ang kabuohan ng aking mukha ngunit wala naman akong makitang kahit isang emosyon sa kaniyang mga mata. Tila wala siyang balak sagutin ako kaya napag-isipan kong magtatanong na lang siguro ako sa iba.

"Ah... Thank you. Sa iba nalang—" Hindi ko nagawang tapusin ang sasabihin dahil iniangat niya ang kaniyang kamay saka itinuro ang building sa gawing kanan.

"Salamat," nakangiting ani ko sa kaniya. Tinalikuran ko siya at tinungo ang building na kani-kanina lang ay itinuro niya.

Ngunit habang naglalakad ako, bigla akong napaisip.

Ang ganda sana nung babae pero mukhang weirdo. Noong itinuro nya kasi kanina ang building, sa akin pa rin siya nakatingin. Hindi ako sigurado kung anong iniisip niya habang nakatitig sa akin. O baka naman, ganoon lang talaga siya? Pero hindi talaga maitatangging napakaganda niya. Napakainosente pa ng mukha nito.

Ilang sandali pa ay narating ko na ang tapat ng building. Nagtanong ulit ako sa iba kung tama ba talagang ito ang building na hinahanap ko. Mukha namang hindi nagsisinungaling 'yung magandang babae kanina dahil sinabihan ako ng iba na sakto ang building na tinunguhan ko.

Naglakad pa ako hanggang sa ikatlong palapag dahil nandoon ang aking clasroom. Saktong pagkarating ko, marami-rami na ang mga studyante. Nasa loob sila at batid kong maaring sila'y mga bagong kaklase ko.

Nakayuko akong pumasok sa loob ng silid. Nakakailang dahil tinititigan nila ako. Makahulugang tingin ang ipinupukol nila sa akin. Ang iba'y nagtataka. Sa isip ko, malamang ay dahil iyan sa ngayon lang nila ako nakita.

Malapit lamang sa pinto, may nakita akong dalawang bakanteng upuan. Iyong sa kanan na malapit talaga sa pinto, ay may nakalagay na sling bag ngunit wala namang tao. Iyong katabi nito sa kaliwa ay siguradong bakante kaya doon ako umupo.

"Who's she?"

"She's not familiar."

"I guess she's a transferee."

"New classmate siguro."

Ilan lang 'yan sa mga naririnig ko. Madalas doon sa grupo ng mga babae na nasa gitna. Hindi ko na lang sila pinansin kasi naasiwa ako.

Ilang minuto pa at unti-unti nang dumami ang mga tao. Bandang alas otso dumating 'yung adviser namin at gaya ng nakagawian, nagsimula kami sa pagpapakilala.

"I'm Cassidy de la Vega. That's all," sabi ng babaeng nasa pinakaunahan. Siya 'yung nagmiminstulang leader ng grupo ng mga babae sa gitna kanina. Blonde ang buhok nito at may kakaunting kolorete sa mukha. Sa tindig niya, nakakasiguro akong spoiled brat ito. Hindi na ako magtataka kung tatagurian siyang Queen bee.

Umupo na si Cassidy at sumunod namang magpakilala ang katabi nito.

"Penelope Shane Montefalco," pakilala naman ng babaeng nakasuot ng makapal na salamin at may maikling buhok. Maliit ang kaniyang mukha, hindi rin siya katangkaran kagaya namin. Para rin siyang si Vilma sa Scooby Doo ngunit maitim nga lang ang buhok.

Pagkatapos niya, sumunod ulit ang katabi nito hanggang sa umabot na sa katabi ko ang turno. Nagtaka naman ako sa inasal ng mga babae rito sa loob. Panay ang ngiti ng iba at may mga parang gusto nang tumili.

Hanggang sa tumayo itong katabi kong lalaki. Doon na ako napasang-ayon ng kaunti sa inasta ng mga babae.

Sabagay... gwapo pala ito kaya ganoon na lamang makangiti ang mga kaklase ko. Matangkad pa. Ang kinis at maputi. Hindi sya patpatin kung hindi parang pang athlete ang katawan nito. Hindi masyadong malaki, hindi rin payat. Matangos din ang ilong at manipis ang mga labi.

Napansin kong napatitig pala ako ng matagal sa mukha niya kaya kinaswalan ko ang aking reaksyon.

"Vaughn Leighton Gatewood," malamig na aniya. Napatigil naman ako sa narinig.

Ano kamo? Gatewood?

Kaya pala ganoon na lamang maka-react ang mga kaklase ko. Bukod sa hitsura ay baka siya nga itong nabalitaan kong anak ng may-ari. Hindi na nakapagtataka kung araw-araw siyang makakatanggap ng ganitong atensyon.

Umupo na rin si Vaughn. Nang mapagtanto kong ako na pala ang susunod ay biglaan ang pagbilis ng takbo ng puso ko. Nanlalamig din ang aking pakiramdam. Nanginginig man ang tuhod, tumayo na lamang ako saka bahagyang suminghap upang pakalmahan ang sarili.

"Chill," rinig kong sabi ni Vaughn. Siguro napansin niya ang pagkakabalisa ko.

Binalingan ko siya ngunit nakatingin na siya sa pisara. Aaminin kong napanatag ako ng kaunti dahil lamang sa isang salita na sinabi niya.

"I'm K-Kalila Madison Ramirez. N-Nice meeting you," nauutal ko pang sambit. Kumawala ulit ako ng maliit na buntong hininga pagka-upo ko.

Putek, ang simple lang ng pagbigkas ng pangalan ko, kinabahan na ako ng husto! isip isip ko.

Huli na pala itong katabi ko pero hindi ko pa nakita ang mukha niya dahil masyadong nakatuon ang atensyon ko sa aking mga kaklase kanina. Hindi ko nga napansin na dumating na pala siya.

Tumingin ako sa gawing kanan para malaman kung sino itong katabi ko. Ngunit, ganoon na lamang ang panlalaki ng aking mga mata nang makita ang nakatayong babae sa gilid ko.

Siya iyong magandang weirdo na pinagtanungan ko kanina. Kaklase pala kami! At siya pala 'yung may-ari ng cute na sling bag!

Matagal bago siya magsalita. Bawat estudyante ay naghihintay sa pagbigkas niya ng pangalan kagaya ko.

"Lorelei Jefferson." Ang hina ng pagkakasabi niya na para na lamang itong bulong. Bahagyang nakatungo ang ulo niya. Ganunpaman, hindi ko pa rin maiwasang mamangha sa pangalawang pagkakataon.

Napaka-sweet talaga ng boses at napakamala-anghel ng mukha niya...

Hindi ko alam, pero gusto ko tuloy siyang maging kaibigan. Ewan ko kung bakit ako naging interesado sa kaniya. Basta, may kung ano sa kaniya na gusto kong tukuyin. Hindi lang dahil sa nagagandahan ako, kung hindi ay may iba pang rason. Kailangan ko lamang matukoy kung ano ito.

Lorelei Jefferson...

Mamaya, aalukin ko siyang maging kaibigan at tiyak kong magiging maganda ang samahan namin kahit pa medyo may pagka-weirdo siya. Sisiguraduhin ko iyan.

TO BE CONTINUED

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status