Share

CHAPTER 6

ALIYA'S POV

"Ayan, mas maganda na itong kuwarto," nakangiting wika ko nang mailagay na sa isang maliit na mesa sa tapat ng sofa ang flower vase. "Mas maganda na ang aking umaga gayong makakakita ako ng puting rosas sa oras na magising ako."

Pagkatapos nito ay naligo na muna ako dahil sa tingin ko ay iba na ang amoy ko. Malaki ang banyo na may shower na at palikuran. Mayroon ding bathtub. Nagsimula na nga akong maghubad. Nang mahubad na lahat ng aking kasuotan ay sisimulan ko na ang pagligo.

Nilibot ko ang aking paningin dahil hinahanap ang pambukas ng shower. Ngayon ko lang napagtanto na hindi pala ako marunong magbukas ng shower. Nasanay ba naman ang isang tulad ko sa balde o 'di kaya'y planggana.

Naisipan kong baka puwede ako makahingi ng tulong kay Jacobe sa pagbubukas ng shower. Oo, tama, si Jacobe nga ang kailangan ko ngayon. Sana ay nandiyan lang siya sa tabi-tabi. Akma na akong lalabas nang maalalang wala pala akong saplot. Naku po! Agad na kinuha ko ang tuwalya at itinapis sa aking katawan. Hindi ko na inabala pa ang sarili na magsuot ulit ng damit.

Tinungo ko ang pinto ng kuwarto at binuksan ng kaunti lang. Sinilip ko ang labas pero wala akong makitang Jacobe. Ni anino niya wala. Nilibot ko lang ang aking paningin hanggang sa...

"What are you doing?" biglang tanong nito sa akin.

Agad na tinuwid ko ang aking tayo at hinarap siya. Nasa kalahati na ang bukas ng pinto kaya klarong-klaro sa akin ang buo niyang katawan.

"Hinahanap ko si Jacobe," nahihiyang sagot ko sa kaniya. "Nakita mo ba siya?" tanong ko kay sungit.

Tiningnan niya muna ako mula ulo hanggang paa bago sumagot. Ngumisi pa ito.

"Hinahanap mo si Jacobe sa ganiyang sitwasiyon?" tanong niya.

Napagtanto ko ang ibig niyang sabihin. Mabilis na hinawakan ko ang aking tuwalya sa bandang dibdib at yumuko.

"M-Mali ang iniisip mo," sambit ko.

"Oh! Really?"

"Oo. Kung anuman iyang iniisip mo ay maling-mali talaga. Hinahanap ko lang naman siya dahil ipabubukas ko sa kaniya ang shower. Hindi ko kasi alam kung paano buksan. Hihingi lang naman kasi sana ako ng tulong," paliwanag ko. Nakaramdam ako ng hiya. Napatingala ako nang bigla itong pumasok sa aking kuwarto. "A-Ano, B-Bakit? Bakit ka pumasok?" tanong ko sa kaniya. Medyo nag-panic pa ako dahil nagulat sa ginawa niya.

"What? Humihingi ka ng tulong para mabuksan ang shower, 'di ba? Here I am. Ako na ang tutulong sa 'yo," tugon niya.

Para mawala na ang dumi sa isip niya ay pumayag na ako. Pumasok kaming pareho sa banyo at doon itinuro niya sa akin kung paano buksan ang shower. Itinuro na niya rin kung paano gamitin ang bathtub at ang iba pang mga kagamitan sa loob. Hindi ko lang talaga mapigilang mailang dahil tanging tuwalya lang ang bumabalot sa aking buong katawan.

"Okay na ba ang lahat? Alam mo na kung paano buksan at isarado ulit?" tanong niya sa akin habang nasa labas na kami ng banyo.

"Oo, maraming salamat," tugon ko.

Tiningnan niya ulit ako mula ulo hanggang paa.

"Next time, mag-ingat ka sa paghingi mo ng tulong. Look at you, nakatuwalya ka lang tapos hihingi ka ng tulong mula sa lalaki. Better keep in your mind na halos kami rito ay mga lalaki kaya maging maingat ka sa mga hakbang mo. Pero remind ko lang din sa 'yo, safe na safe ka rito kaya sisiguraduhin kong walang gagawa sa iyo ng masama habang nakatira ka sa pamamahay ko," wika niya.

"Oo, hinding-hindi ko makalilimutan iyang mga paalala mo sa akin," sabi ko. Tumalikod na nga siya at papalabas na nang magsalita ako ulit. "Salamat ulit, sir." At tuluyan na nga siyang lumabas.

Ngayon ay mas komportable na akong kasama siya. Sa mga salita pa lang niya kanina, alam kong may sinseridad ang mga ito. Sa pagpapaalala niya sa akin na ligtas ako rito ay malaking bagay na sa akin. Nararamdaman ko talagang ligtas nga ako.

Nang matapos akong maligo ay nakaramdam naman ako ngayon ng gutom. Siguro dahil tanghali na. Bumaba na ako nang makaamoy ng mabangong luto mula sa kusina. Pumunta ako roon at nakita ang tatlong babae. Ang dalawa ay mukhang nasa trenta na ang mga edad habang ang isa ay may edad na rin. Sila 'yong naghain sa amin ng mga pagkain kanina. Tulong-tulong sila sa mga gawain.

"Hmmm! Ang bango naman po niyan, ma'am," wika ko nang medyo makalapit na sa isa sa kanila.

"Hello po, ma'am. Saglit na lang po ito," tugon ng isa sa kanila.

"Ay hindi po, ma'am. Take your time po. Pumunta lang po ako rito nang makaamoy ako ng mabango," sambit ko.

"Huwag niyo na po kaming tawaging ma'am, puwede namang ate na lang," turan ng isa sa kanila.

"Sige po, dito na po muna ako," paalam ko sa kanila. Aalis na lang ako dahil baka makaistorbo pa ako.

Maraming kuwarto pala ang bahay na ito. Sa dami ng kuwarto ay dalawa pa lang ang napapasukan ko; ang kuwarto na tinutulugan ko at ang opisina ni sungit na mabait naman pala. Hindi ko alam kung saan banda ang kuwarto niya kaya nahihiwagaan ako. Pero syempre hindi ko susubukang pumasok sa kahit na saang kuwarto dahil isa iyon sa mga rules. Mahirap na.

Nang matapos na ngang maluto ay nagsimula na kaming kumain. Magtatanong pa sana ako kung sasabay sa amin si sungit pero hindi ko na lang ginawa. Naalala ko kasing hindi raw siya sumasabay sa kahit na sino kaya hinayaan ko na lang.

Natakam ako dahil sa bango ng mga putahe at mukhang masasarap pa. Tinikman ko na ang putaheng pinakamalapit sa akin at ako'y literal na nanlaki ang mga mata. Napakasarap naman kasi ng isang ito. Tumango-tango pa ako. Kahit ang ibang putahe ay masasarap din kaya naparami ang pagkain ko. Busog na busog na nga ako.

Nang matapos kaming kumain ay iniligpit na ng mga kasambahay ang aming pinagkainan. May apat na babaeng kasambahay ang bahay na ito. Tatlo pa lang ngayon ang nakikita ko dahil umuwi raw ng probinsiya ang isa. May tinitirhan kasi silang bahay, pero nasa likod na bahagi ng malaking bahay na ito lang makikita. Doon sila namamalagi. Doon nila nagagawa ang mga gusto nila at doon na rin sila kumakain. Ang mga putahe kasing niluluto sa loob ng malaking bahay na ito ay para sa lahat kaya kung anuman ang kainin ng kanilang amo ay gano'n din ang kanilang kakainin. Isa iyon sa nagpahanga sa akin. May puso naman pala talaga ang lalaking iyon.

Lahat ng impormasyon na iyon ay galing kay Jacobe nang mag-usap kami.

Ngayon habang nakatitig sa mga makukulay at magagandang bulaklak ay napaisip ako.

Ano kaya ang trabaho ni sungit? Siguro ay napakalaki ng suweldo nito dahil makikita mo pa lang sa kaniyang malaking bahay. Andami pa niyang kasambahay. Meron din siyang mga bantay na nasa paligid-ligid lang. O 'di kaya'y napakayaman talaga ng pamilya nila na kayang-kayang ibigay ang mga kagustuhan niya sa buhay. Nasaan kaya ang kaniyang mga magulang? May asawa na kaya siya? O girlfriend? Aba'y naisip ko pa talaga iyon.

Nang gumabi ay hindi muna ako nakatulog agad. Lumabas ako ng kuwarto at bumaba. Lumabas ako ng bahay at tinungo ang fountain. Umupo ako sa sementadong pabilog at masayang tinitigan ang makintab at malinaw na tubig. Mukha rin itong lumiliwanag dahil sa repleksiyon ng mga ilaw sa paligid. Sinubukan kong hawakan ang tubig pero nabigla nang maramdaman ang lamig nito. Pero kahit na malamig ay hinawakan ko pa rin ito. Nagmukha akong bata dahil sa ginawa.

"Enjoying, huh?" isang pamilyar na boses ang aking narinig na kinalingon ko.

"Ah oo. Hindi naman kasi ako araw-araw nakakakita nito noong wala pa ako rito," nakangiting tugon ko. Umupo ito sa tabi ko.

"Hindi ka ba nilalamig?" tanong niya sa akin.

"H-Hindi naman, b-bakit?" tugon ko. Talagang nabubulol ako ah. Pinapahamak ako ng aking dila.

"Just asking. Ako kasi nilalamig eh," aniya.

Agad na nilingon ko siya. Nakasuot na ito ng makapal na jacket pero nilalamig pa rin. Dahil dito ay nilapitan ko siya at kinapa ang kaniyang noo.

"Nilalagnat ka," mahinahong wika ko.

"Alam ko," kaswal na sagot niya.

"Kung gano'n ay dapat nagpapahinga ka sa loob. Malamig dito kaya pumasok ka na lang muna," sambit ko.

"Mamaya na. Dito na muna ako," tugon niya. Kung gano'n ang gusto niya ay may magagawa pa ba ako?

Tahimik na nakaupo lang kami habang nakatalikod sa tubig sa fountain. Dahil sa nakabibinging katahimikan ay ako na ang nagbasag. Mukhang wala kasi siyang balak na magsalita kaya uunahan ko na.

"Siyanga pala, maaari ko bang malaman ang pangalan mo?" tanong ko sa kaniya. Nagsalubong ang aming mga tingin at blangkong ekspresiyon ang ibinigay niya sa akin. "Kung ayaw mo eh may magagawa ba ako? Okay lang sa akin kung hindi mo maibibigay. Wala naman--"

"Dean. Dean ang pangalan ko," sagot niya.

"Dean? Parang dean's office gano'n? Parang dean's lister?" tanong ko sa kaniya.

"Oo," maikling sagot niya.

"Dean lang ba? Wala nang iba?" tanong ko ulit. Kinabahan ako nang tingnan niya ako habang may seryosong mukha.

"Gavin. Dean Gavin Velasquez," sagot niya. "Masaya ka na?"

"Oo," nakangiting sagot ko habang tumango-tango pa. "Dean Gavin Velasquez. Ang ganda ng pangalan mo ah. Sino nagpangalan sa 'yo? Mukhang pinag-isipan talaga nang maigi ah," dugtong ko pa.

"My mom," sagot niya.

"Aliya Siblos nga pala," nakangiting wika ko sabay abot ng aking kamay sa kaniya. Kinabahan pa ako dahil akala ko hindi niya tatanggapin.

"Hi, Aliya. Nice meeting you," sambit niya sabay kinamayan ako. Medyo mainit ang kamay niya dahil sa nilalagnat nga siya.

Napangiti ako dahil akala ko talaga napakacold niyang tao pero mukhang hindi naman. Komportable pa akong kausap siya ngayon.

"Sa tingin ko ay kailangan mo na talagang pumasok at nang makapagpahinga na," wika ko.

Tumayo siya sabay harap sa akin.

"Hindi ka pa ba papasok?" tanong niya sa akin.

Medyo nakakaramdam na rin ako ng lamig kaya papasok na siguro ako. Nakakaramdam na rin kasi ako ng antok.

Tumayo na rin ako.

"Papasok na rin," sagot ko.

Ngayon ay nakatingala na ako sa kaniya. Matangkad kasi siya at ako naman ay hanggang leeg niya lang. Siya naman ay nakayukong nakatingin sa akin.

Saglit din kaming nagkatitigan. Nararamdaman ko naman ngayon ang puso kong bumibilis ang tibok. Ito ang unang beses na tumibok ng ganito kabilis ang puso ko. Hindi ito kaba. Hindi rin takot. Tila ako ay nahuhulog na sa lalaking kaharap ko.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status