Share

CHAPTER 7

DEAN GAVIN'S POV

Ano itong aking nararamdaman? Bakit bumibilis ang tibok ng aking puso? Nakatitig lang naman ako sa mga mata niya pero bakit ganito?

Dahil kanina pa kami nakatitig sa isa't-isa ay ako na ang pumutol ng titigang iyon.

"I am going back inside. Pumasok ka na rin at magpahinga," wika ko at siya'y tinalikuran na.

Kahit na medyo nanghihina ang aking katawan ay pinilit kong bilisan ang aking lakad. I don't like this feeling. I don't want to feel this feeling again. Kailangan kong hindi maglalapit-lapit sa kaniya. Kailangan kong iwasan siya para sa ikabubuti naming dalawa.

ALIYA'S POV

Sampung araw na akong nananatili sa malaking bahay na ito. Ang tanging ginagawa ko lang sa araw-araw ay kumain, matulog sa malambot na kama, ang maligo sa malamig na shower, ang libutin ang malawak na hardin, manood ng palabas sa telebisyon at titigan ang magandang water fountain. Masasabi kong napakaganda talaga ng aking buhay rito. Akala ko ay puro kamalasan ang dala ko sa buhay pero hindi pala. Medyo sinuwerte ako ngayon.

Si Gavin naman ay pansin kong umiiwas sa akin. Hindi ko alam kung bakit. Wala naman akong nagawang masama sa kaniya. Nagsimula ang pag-iwas niya sa akin nang mag-usap kami rito sa water fountain. Noong gabing may sakit siya. Gavin na lang din ang tawag ko sa kaniya dahil Sir Dean ang tawag ng iba rito sa kaniya. Ang iba naman ay Boss Dean. Gusto ko lang maiba sa kanila.

PAPASOK ako ng bahay dahil kagagaling ko lang sa hardin nang nakasalubong ko si Gavin sa hagdan. Paakyat ako at siya naman ay pababa. Nagtama ang aming mga mata. Seryoso lang itong nakipagtitigan sa akin hanggang sa siya na ang pumutol. Ewan ko ba pero nalulungkot ako kapag iniiwasan niya ako.

Diretso lang ang lakad niya pababa atsaka nilampasan ako. Ako naman ay dali-daling umakyat nang tuluyan na siyang makababa. Maliligo kasi ako dahil maagang-maaga pa akong nagising kanina. Nauna pa yata akong magising kesa sa kanila.

Nang matapos akong maligo ay bumaba na ulit ako. Nasalubong ko sa sala si Jacobe na napangiti nang makita ako. Napangiti na rin ako.

"Aalis ka?" tanong ko sa kaniya nang makitang nakaporma ito.

"Oo, kailangan kong samahan si Sir Dean. May aasikasuhin lang kami," sagot niya.

"Hindi ako puwedeng sumama?" tanong ko ulit sa kaniya.

Parang gusto ko kasing mamasyal at makalabas man lang muna rito.

"Hindi puwede. Masyadong istrikto si Sir Dean sa kaligtasan mo kaya hinding-hindi siya papayag na sumama ka," tugon ni Jacobe. "Dito ka na lang muna. Hayaan mo, dadalhan na lang kita ng pasalubong. Pagkain, damit, ano ba ang gusto mo?"

"Jacobe, hinahanap ka na ni Boss," wika ni Kuya Miko, isa sa mga kasamahan nila rito. Sa ilang araw ba naman na kasama ko sila eh namemorize ko na ang mga pangalan nila.

"Sige, susunod na ako," tugon ni Jacobe.

"Sige na, Jacobe, baka magalit pa si sungit--ay este si Gavin. Tsaka na ang pasalubong mo kapag may maisip na ako," nakangiting sambit ko.

"Sige, mag-iingat ka," saad niya.

"Kayo ang mag-iingat, kayo itong aalis," natatawang wika ko.

"Ah oo nga pala. Sige, Liya." Bahagya pa itong natawa.

Nagpaalam na nga si Jacobe at ako'y tinalikuran na.

Buti pa talaga itong si Jacobe, palagi akong pinapansin. Sobrang bait pa.

Dahil hindi ako puwedeng isama nila Jacobe ay nagpalibot-libot na lang ulit ako sa buong bahay. Pagsapit ng hapon naman ay nasa harapan ako ng telebisyon dahil may inaabangan akong teleserye.

Nang sumapit ang gabi ay nalaman kong hindi makauuwi sila Jacobe. Nagtext kasi ito sa isa sa mga kasamahan niya at ako naman itong si tsismosa ay nagtanong kaya nalaman ko. Kaya ayon, kami lang ang magkakasalo sa hapag-kainan. Hindi naman ako naiilang pero nasanay kasi akong katabi si Jacobe.

Nang hindi makatulog ay bumaba ako at lumabas ng bahay. Umupo ako sa isa sa mga bench sa hardin. Hindi naman ako nakaramdam ng takot dahil may mga tao naman sa paligid na nagbabantay at maliwanag naman ang kapaligiran. Napatingala ako sa kalangitan. Mukhang uulan dahil walang mga bituin sa kalangitan. Iyon kasi ang sabi ng iba, na kapag daw walang mga bituin sa kalangitan ay may posibilidad na umulan.

Pero kahit walang mga bituin ay nandiyan naman ang buwan. Kahit nag-iisa lang ay nanatili ito. Buti pa itong buwan, laging nandiyan sa pagsapit ng gabi. Nagbibigay ng liwanag sa madilim na gabi. Habang pinagmamasdan ang buwan ay naramdaman ko na lang na may mga butil ng luhang kumawala sa aking mga mata. Agad na pinunasan ko ito pero agos pa rin nang agos ang mga luha ko. Heto na naman ako, naiisip ko na naman na nag-iisa lang ako.

Sa tuwing pinagmamasdan ko kasi ang buwan ay talagang umaabot ako sa puntong naiisip kong mag-isa lang ako sa buhay. Na iniwan na ng mga magulang. Na walang nagpapahalagang mga kamag-anak. Na walang nagtatagal na kaibigan. Magiging mag-isa na lang ba ako habang buhay? Gusto ko namang makaramdam ng pagmamahal mula sa ibang tao. Tipong nandiyan kapag may problema ako. Na may masasandalan ako sa tuwing ako'y umiiyak o nalulungkot. Na nandiyan para handa akong tulungan.

Napayuko na lang ako dahil ayaw talagang tumigil ng mga luha ko. Mahigpit na hinawakan ko ang aking pajamas at mahinang napahikbi. Nakakahiya naman kasi dahil may mga taong nasa paligid lang. Ayaw ko namang makita nila akong nasa ganitong sitwasiyon. Nang medyo napapalakas ang aking pag-iyak ay idinikit ko na ang aking kamay sa aking bibig.

Nasa kalagitnaan ako ng aking pag-iyak nang isang pamilyar na boses ang aking narinig.

"Bad timing," mahinahong wika nito. Tiningala ko ito at tinitigan kahit na medyo malabo ang aking paningin. "Did someone hurt you while I was gone?" tanong niya. Umiling ako. "So, what's with the drama?"

"Mukha ba akong nagdadrama rito?" sabi ko sabay alis ng aking tingin sa kaniya. "Atsaka, bakit ka ba nandito? Nagtext si Jacobe na hindi raw kayo makakauwi ngayong gabi."

"Siya ang hindi makakauwi dahil may kailangan pa siyang tapusin. I chose to go home dahil ayokong manatili roon," sagot niya. "Atsaka, pipili ka pa ng lugar na iiyakan ay dito pa. You can cry in your room, pero mas pinili mo rito," sambit niya.

May tama naman siya pero malay ko bang may kadramahan pala ako ngayong gabi.

Dahil masunurin ako ay tumayo na ako.

"Sige, kung 'yan ang gusto mo," sabi ko.

Tinalikuran ko na ito pero nakakaisang hakbang pa lang ako nang hawakan niya ako sa aking pulsuhan at hinila papalapit sa kaniya. Bigla niya akong niyakap nang mahigpit at bumulong.

"Cry all you want. Hindi kita pipigilan," bulong niya. "Don't worry dahil tayo lang ang nandito. Pinaalis ko na muna sila."

Dahil sa sinabi niya ay bigla na namang tumulo ang aking mga luha. Mas hinigpitan niya naman ang pagkakayakap sa akin.

Hindi ko alam kung ilang minuto akong umiyak nang umiyak habang magkayakap kami. Sa ilang taon ay ngayon lang ulit may yumakap sa akin habang ako'y umiiyak. Sa kabila ng aking kalungkutan ngayong gabi ay may katumbas naman na kasiyahan.

DEAN GAVIN'S POV

"Sigurado ka bang hindi ka mananatili rito ngayong gabi, sir?" tanong sa akin ni Albert, isa sa mga tauhan ko.

"Hindi na. Si Jacobe na ang bahala sa mga gawaing hindi ko natapos," tugon ko rito. Lumingon naman si Jacobe nang banggitin ko ang kaniyang pangalan pero hindi na ito nagsalita pa.

"Sige po, sir. Mag-iingat po kayo sa pag-uwi," wika ni Albert.

Tumango na lang ako at tinalikuran na sila. Sumakay na ako sa aking sasakyan at ito'y pinaandar na.

Hindi ko alam pero kanina ko pa gustong umuwi. Para bang may humihila sa akin na gusto akong pauwiin. Simula nang manirahan siya sa aking bahay ay gusto ko nang umuwi rito araw-araw, hindi kagaya noong wala pa siya. Gusto ko siyang makita. Sinubukan ko na nga siyang iwasan pero hinahanap-hanap ko talaga siya. Posible kayang...

NANG makabalik na sa bahay ay agad na bumaba ako ng aking sasakyan. Pumasok na ako at nagtanong kung nasaan si Aliya.

"Nasa hardin po, boss," sagot ng isa sa mga tauhan ko. Agad na tinungo ko ang hardin at doon nakita ko siyang nakaupo habang nakayuko.

"Is she crying?" mahinang tanong ko nang makita ito.

Dahil mukha nga itong umiiyak, nilapitan ko ang mga bantay sa paligid at inutusang magsipasok muna sila. Na huwag lalabas hangga't hindi ko sinasabi. Agad naman silang sumunod sa inutos ko. Sinulyapan kong muli si Aliya at doon ay lumapit na ako sa kaniya.

HABANG yakap-yakap siya ay nakaramdam din ako ng kalungkutan. Parang pinipiga ang puso ko habang naririnig siyang umiiyak. Hindi ko alam kung anuman iyang nararamdaman mo, pero sisiguraduhin kong ngayong gabi ay nasa tabi mo ako.

Kumalas na siya sa pagkakayakap mula sa akin kaya wala na akong nagawa kundi ang pakawalan siya. Pinunasan niya ang kaniyang mga luha gamit ang suot niyang jacket.

"Feeling better now?" I asked her. She nodded pero hindi pa rin ako panatag.

The way she cried, sigurado akong sobrang bigat ng pinagdadaanan niya.

"Sorry," mahinang wika niya.

"Sorry for what?" I asked her.

"Sorry dahil nadamay ka pa sa kadramahan ko ngayong gabi. Sorry dahil nabasa ng mga luha ko ang mamahalin mong damit," sagot niya.

Bahagya akong napangisi.

"You don't have to. Sobrang okay lang sa akin kaya hindi ka dapat humihingi ng pasensiya," sambit ko. "Sa totoo lang, ako nga dapat ang humingi sa iyo ng tawad. Kung hindi dahil sa akin, hindi sana nalagay sa peligro ang buhay mo. Kung hindi dahil sa akin, hindi sana nahadlangan ang pakikipagtanan mo."

"Hindi ako nakikipagtanan nang mga oras na iyon 'no!" bulalas niya.

"Hindi ba? Mukha ka kasing makikipagtanan," sabi ko. Gusto kong matawa dahil sa reaksiyon niya pero pinigilan ko.

"Hindi kaya," pagtutol niya.

"Okay okay relax. Hindi na, kaya relax ka lang," wika ko.

"Ako nga eh, akala ko masungit ka pero hindi pala. Noong una lang pala pero habang tumatagal ay nalaman kong mabait ka pala. Pero masungit pa rin pala dahil iniiwasan mo ako nitong nakaraang araw. Alam kong wala akong karapatan na magalit sa 'yo dahil doon pero kasi naman, naiinis talaga ako," sambit niya.

Gusto kong sabihin sa kaniya ang totoong dahilan kung bakit ko siya iniiwasan. Na ayaw kong tuluyang mahulog sa kaniya dahil natatakot ako. Pero tinamaan na ata ng lintik dahil nandito ako ngayon sa harapan niya, kausap siya at hindi mapigilang mapangiti habang nakatitig sa kaniya.

"Hindi ka pa ba inaantok?" tanong ko sa kaniya para maiba ang usapan.

"Medyo inaantok na rin. Ikaw ba? Inaantok ka na?" balik na tanong niya sa akin.

"Well, medyo rin," sagot ko.

"Kung gano'n ay matulog na tayo. Anong oras na rin oh," sambit niya sabay tingin sa kaniyang pulsuhan na animo'y nakatingin sa oras. "Ay! Wala pala akong relo," natatawang saad niya. Kahit ako ay mahinang natawa dahil sa ginawa niya.

"You're funny and cute at the same time," I said unintentionally.

Agad na nanlaki ang aking mga mata dahil sa aking sinabi. Inilayo ko naman ang aking tingin dahil sa nangyari.

"Ano 'ng sinabi mo? Sorry, hindi ko kasi narinig," sambit ni Aliya.

Nakahinga ako nang maluwag nang malamang hindi niya pala narinig.

"Ang sabi ko, matulog na tayo. Oo, 'yon nga," pagsisinungaling ko.

"Tama ka. Tara, matulog na tayo. Gusto mo tabi tayo?" seryoso ang mukha niya habang nakatingin sa akin. Biglang bumilis ang tibok ng aking puso dahil sa sinabi niyang iyon. "Syempre joke lang," ngumiti siya sabay talikod sa akin at tumakbo. Ang bilis magbago ng mood niya. Parang kani-kanina lang ay umiiyak siya.

"Hey! Ano ang sinabi mo? Aliya," tawag ko sa pangalan niya pero hindi siya lumingon. Narinig at naintindihan ko naman ang sinabi niya kaya lang gusto kong marinig ulit. Sinimulan ko na ring tumakbo para mahabol siya. "Aliya. Kapag ako nahabol ka. Aliya."

"Joke lang naman 'yon," malakas na wika niya habang tumatakbo pa rin. Paakyat na siya ng hagdan pero ako nasa baba pa rin.

"Aliya," tawag ko ulit sa pangalan niya pero tuluyan na siyang nakapasok sa kaniyang kuwarto.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status