Share

Kabanata 1

"Happy new year, Chase. I love you, love..."

Nagising si Chase nang marinig sa kanyang panaginip ang hindi kilalang boses. Bumangon siya at sinandal ang likod sa ulunan ng kama habang naghahabol ng hininga. Pinunasan niya ang namuong pawis sa kanyang noo gamit ang suot na t-shirt. Nang tumama ito sa parte ng kanyang bibig ay agad siyang napangiwi. Dahan-dahan niyang kinapa ang gilid ng kanyang labi na mabilis nagbigay ng kirot dahil sa natamaang sugat.

"Chase.." Tinapunan ni Chase ng tingin ang nakasaradong pinto. Bumukas iyon hanggang sa tumambad sa kanya ang mommy niyang si Amanda. Naka-business attire ito at handa na pumasok sa opisina. "Can I come in?"

Hindi umimik si Chase kaya pumasok na lang si Amanda. Puno ng awa ang mga mata niya nang makalapit sa anak.

"I'm sorry for what happened last night. Mahal ka ng daddy mo at gusto kong malaman mo na nag-alala lang siya sa 'yo kaya niya nagawa 'yon," aniya habang nakatingin sa sugat at pasa sa gilid ng bibig ng kanyang anak.

Nagsalubong ang kilay ni Chase. Nagmistulang malaking puzzle sa isip niya ang narinig mula sa kanyang mommy.

"I know galit ka pa rin, but please, give him a chance," tinig muli ni Amanda.

Hindi na nakapagtimpi si Chase. Tumayo siya sa kama at mariing tiningnan ang kanyang mommy mula ulo hanggang paa. Sunod ay pinagmasdan niya ang paligid ng kanyang kuwarto ngunit wala namang nag-iba.

"Hey, are you alright?" pag-agaw ni Amanda sa atensyon ng anak nang mapansin na para bang hindi ito mapakali.

"What happened last night? What are you talking about, Mom?" naguguluhang tanong ni Chase.

Kumunot ang noo ni Amanda dahil sa narinig. Mabilis niyang hinawakan ang magkabilang braso ng anak at marahan itong pinaupo muli sa gilid ng kama. "What are you talking about, honey?"

Hinawi ni Chase ang kamay ni Amanda dahil litong-lito siya sa nangyayari. "Mom, ano'ng nangyari kagabi? Wala akong maalala. Am I really drunk last night?"

Mabigat na buntong-hininga ang pinakawalan ni Amanda bago tumango. Napapikit na lang sa pagkadismaya si Chase habang hinihimas ang kanyang ulo.

"Yes, you're really drunk last night. Nakipag-away ka sa bar then nakulong ka for almost 5 hours. Mabuti na lang at nakagawa agad ang daddy mo ng paraan para makaalis ka ro'n."

Nanlaki ang mata ni Chase sa narinig. Muli siyang napatayo at bahagyang lumayo sa kanyang mommy.

"Nakulong ako? Bakit hindi ko maalala na nangyari 'yon?" tanong ni Chase na hindi niya magawang bigkasin.

"Chase, promise me na hindi mo na uulitin 'yon, ha. Sobrang nag-alala kami sa 'yo," sambit pa ni Amanda.

Walang maalala at maintindihan si Chase sa nangyayari kaya tumango na lang siya at tinanggap ang pangaral ng kanyang mommy.

"Sige na, aalis na ako. Sabay tayong kumain mamayang gabi kaya umuwi ka agad pagkatapos ng school," bilin pa ni Amanda bago humalik sa pisngi ni Chase. "Bye, honey."

Pag-alis ni Amanda'y isang mabigat na buntong-hininga ang pinakawalan ni Chase. Umupo siya muli sa kama at inisip nang maigi ang mga sinabi ng mommy niya.

"Nakulong ako kagabi? Paano nangyari 'yon? Nananaginip ba ako?"

Ilang sandali pa'y napatingin siya sa cellphone niyang nakapatong sa side table. Naabutan niya itong umiilaw kaya agad niya itong dinampot at binasa ang message.

From: Hillary

Hey, babe. Where are you? Susunduin mo pa ba ako o mauuna na ako sa school?

Mabilis na nabitawan ni Chase ang kanyang cellphone ngunit hindi natanggal ang tingin niya sa message na nakabukas.

"Babe? Teka, break na kami ni Hillary, ah."

Natigilan siya nang marinig ang pag-ring ng kanyang cellphone. Tumatawag si Hillary kaya wala siyang nagawa kundi sagutin ang tawag.

"Hello?"

"Chase, where are you? Kanina pa ako naghihintay sa 'yo rito sa coffee shop. Ano? Susunduin mo ba ako or mauuna na ako sa 'yo?" inis na sambit ni Hillary sa kabilang linya.

"T-Teka, bakit mo 'ko hinihintay riyan?" naguguluhang tanong ni Chase.

"Oh, gosh! Don't tell me na nakalimutan mo ang usapan natin kagabi?"

Mas lalong naguluhan ang mukha ni Chase sa narinig. Kahit isa, wala siyang matandaan na nagkaroon sila ng pag-uusap ni Hillary.

"You don't take this relationship seriously, do you?"

Nataranta si Chase kaya agad siyang naglakad papunta sa bintana upang lumanghap ng sariwang hangin. "I-I'm sorry, Hillary. S-Something happened last night that's why I can't come to you right now. B-Babawi ako sa 'yo, promise. J-Just give me time, okay?"

Narinig ni Chase ang mabigat na buntong-hininga ni Hillary sa kabilang linya. "Fine. Just promise me na you really mean what you said last night."

Napapikit si Chase sa pagkadismaya. "Yes.."

Pagbaba ng tawag, sinara niya ang kurtina at muling umupo sa gilid ng kama, gulong-gulo ang isip at hindi mapakali. Pinagsalikop niya ang kanyang kamay hanggang sa mapansin ang relong suot niya.

"What is this?"

Ilang segundo niya itong pinagmasdan hanggang sa nanlaki ang mata niya nang biglang maalala ang babaeng nasagasaan niya pati ang matandang lalaki na nagbigay sa kanya ng relo.

"W-What the..." hindi makapaniwalang wika niya habang inaalala ang pangyayari sa simbahan.

"Bibigyan kita ng pagkakataong maibalik ang oras at panahon upang itama ang pagkakamali mo."

Mas lalong nagising ang diwa ni Chase sa alaalang pumasok sa isipan niya.

"Teka. Kaya ba wala akong maalala at parang may kakaiba sa nangyayari ay dahil... nangyari ang sinabi ng matanda?"

Umiling si Chase sa naisip at mapaklang tumawa. Isang kahibangan para sa kanya ang konklusyong nabuo sa isipan. Hindi puwedeng mangyari ang sinabi ng matanda at kahit kailan, hindi mangyayari 'yon.

Tinanggal ni Chase ang relo sa kanyang kamay at mabilis itong tinapon sa basurahan. Huminga siya nang malalim bago nagtungo sa cabinet at naligo. Kailangan niyang pumasok sa school at kalimutan ang lahat ng weird na nangyari ngayong umaga.

Pagkatapos magbihis at mag-ayos ay lumabas na siya ng bahay at dumiretso sa garahe upang puntahan ang kanyang sasakyan. Pagdating sa garahe'y laking gulat niya nang makita ang dati niyang sasakyan no'ng hindi pa siya nireregaluhan ng daddy niya.

Mabilis na napakapit si Chase sa pader upang humingi ng alalay dahil sa nanghihina niyang tuhod. Ang daming tanong na nabuo sa utak niya na alam niyang isang kahibangan lamang.

"Ito ang tutulong sa 'yo upang maitama ang pagkakamaling nagawa mo."

"Mahiwaga ang bagay na ito, hijo. Magagawa nitong maibalik ka sa oras upang maituwid mo ang maling nagawa mo. Ngunit tandaan mo, may hangganan din ang kapangyarihan ng bagay na ito. Kusang babalik sa normal ang lahat sa oras na sumapit ang araw at petsa kung kailan ko binigay 'to sa 'yo."

"May rason kung bakit nangyayari ang lahat ng ito. Huwag kang mag-alala, ang relong ito ang magbibigay ng daan upang mag tagumpay ka sa iyong misyon. Mayroon kang labindalawa (12) na alaala at katotohanan na makikita at malalaman sa gitna ng iyong paglalakbay. Ang kailangan mo lang gawin ay talasan ang iyong isipan."

Umalingawngaw lahat sa isipan niya ang sinabi ng matanda habang iniisip ang relong tinapon niya kanina. Tumindig ang balahibo niya nang muling sumagi sa alaala niya ang babaeng nakahandusay sa sahig.

Dahil sa matinding takot, agad siyang tumakbo pabalik sa kuwarto upang pulutin ang relo.

"Totoo ba ang bagay na ito? If yes, how?!"

Pumasok ang malakas na ihip ng hangin sa kuwarto mula sa bintanang nakabukas. Natangay ang nakasabit na kurtina pati na rin ang papel na kalendaryo na nakasabit sa likod ng pinto ng kuwarto. Bumilis ang tibok ng kanyang puso habang nakatitig at humahakbang palapit sa kalendaryo.

December 1, 2018.

Nanlaki ang mata niya nang makumpirmang umandar nga ang oras pabalik sa nakaraan.

"N-Nananaginip ba ako?"

"Sir?" Muntik na mapatalon si Chase sa gulat nang biglang pumasok ang kasambahay. "May bisita po kayo sa labas."

Agad na sinuot ni Chase ang relo bago lumabas ng kuwarto. Pagdating niya sa labas ng bahay ay nanlaki ang mata niya nang makita si Hillary.

"W-What are you doing here?" tanong niya nang makaharap ang dalaga.

"Let's break-up, Chase."

Natigilan siya. Hindi niya inasahan ang sinabi ng dalaga dahil sa pagkakatanda niya, hindi December 1, 2018 nakipag-break si Hillary sa kanya.

"I'm tired and you know it. Hindi na ako masaya, Chase. Let's end this and keep yourself busy with your friends like what you always do."

Alam ni Chase na ayaw ni Hillary na sumasama ito sa kanyang mga kaibigan dahil lagi lamang sila nalalagay sa kapahamakan. Ngunit hindi maintindihan ni Hillary na hindi lang sa kanya umiikot ang mundo ni Chase dahil bukod sa girlfriend, kailangan niya rin ng mga kaibigan na iintindi sa kalokohan at ugali niya. Ito ang madalas na pinag-aawayan nila sa loob ng isang taon—ang mga kaibigan ni Chase na sina Bryan at Cody.

Sa totoo lang ay walang pakialam si Chase kung gustuhin man ni Hillary na makipag-break sa kanya. Ngunit hindi niya magawang sumang-ayon sa pakikipaghiwalay ng dalaga ngayon dahil naguguluhan pa rin siya sa takbo ng oras. Hindi niya maintindihan kung bakit hindi sakto sa araw at oras ang pangyayaring ito sa tunay na pangyayari.

"A-Are you sure?"

Inis na tumawa si Hillary. "That's it! You're not serious, Chase. It's so easy for you to give-up our relationship. Mas mahal mo nga ang mga kaibigan mo kaysa sa akin and you didn't really mean what you said about your feelings towards me. Pinaniwala mo ako, Chase. Pinaniwala mo ako na mas pinipili mo ang relasyon natin kaysa sa mga kaibigan mong pinahahamak ka lang."

Hindi na nakapagsalita si Chase nang mapagtanto ang pangyayaring tinutukoy ni Hillary. Isang alaala ang pumasok sa kanyang isipan na labis niyang kinabigla.

December 1, 2018

Maagang nagising si Chase upang puntahan si Hillary sa coffee shop na pinag-usapan nila. Gusto niyang ipakita at iparamdam sa dalaga ang tunay na nararamdaman.

To: Hillary

Good morning, babe. See you later.

Pagkatapos mag-send ng text message ay nagmadali siyang mag-ayos at maglinis ng sarili. Maingat nga lang niyang hinilamusan ang mukha dahil sa hapdi na gawa ng suntok ng kanyang daddy.

Nang matapos mag-ayos ay mabilis siyang lumabas ng kuwarto. Nakasalubong niya ang mommy niya na papunta pa lang sa kuwarto niya.

"Hey, honey.."

Napawi ang ngiti sa labi ni Chase. "I have to go. Bye, Mom."

Habang nagmamaneho'y pilit pa rin kinalilimutan ni Chase ang nangyari kagabi—nakulong siya at marahas na sinuntok ng kanyang daddy dahil sa gulong nangyari sa bar. Hindi niya inasahan na wala manlang nagawa ang mommy niya kundi manood sa pag-aaway nila.

"They don't care about me. Oh, that's sweet," nanunuya niyang sinabi habang nakatitig sa daan.

Hininto niya ang sasakyan sa tapat ng coffee shop. Nauna siyang makarating kaysa kay Hillary. Paglipas ng tatlumpung minuto'y dumadating na ang pinakahihintay niya. Nawala ang lungkot sa mukha ni Chase nang makita ang girlfriend na nakangiti at palapit sa kanyang puwesto.

"Matagal ka bang naghintay? Sorry, babe," sambit ni Hillary nang makaupo ito sa tapat ng binata.

Umiling si Chase at ngumiti. "No, babe. It's okay. Order na tayo?"

Napangiti si Hillary. "Thank you for choosing me, Chase."

"I have to go. Good bye, Chase."

Nagising ang diwa ni Chase nang marinig ang boses ni Hillary. Hindi na niya nagawa pang habulin ang dalaga dahil masyado siyang naguguluhan sa mga nangyayari.

Ilang sandali pa'y napatingin siya sa kanyang palapulsuhan nang maramdaman ang lamig mula sa suot na relo. Nanlaki ang mata niya nang makitang unti-unting nabubura ang numerong 1.

"Mukhang nagamit ko na ang unang alaala sa labindalawa na tinutukoy ng matanda."

Tumingala siya sa kalangitan bago nagtungo sa garahe at pumasok sa loob ng sasakyan. Pinihit niya ang susi upang paandarin ang makina.

"December 1, 2018 has changed. Kung nagbago ang unang araw ko, siguradong nagbago na rin ang mga susunod na araw. I need to find the key to stop this rewind time."

Inaalala niya muli ang mukha ng babaeng nakahandusay sa sahig. "Paano kita makikita? Paano kita maliligtas?"

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status