Share

Shadowed Visions (Visionary, #1)
Shadowed Visions (Visionary, #1)
Author: Airi Snow

Prologue

Hindi ito ang unang beses na pumatay siya ng tao, pero kung ikukumpara sa iba-- sa mga normal at pangkaraniwan, sa mga ordinaryong tao-- ang pumatay siguro ng isa ay marami na.

Ang pumatay… Hindi ito madali, pero hindi rin naman gano'n kahirap na tulad ng sa una niyang inaasahan.

Sa simula, noong wala pa siyang karanasan, ay masyadong kumplikado ang proseso. 

At madugo. 

Kahit na pinag-aralan pa niyang mabuti ang tungkol sa anatomiya ng tao batay sa mga impormasyong kanyang nakalap ay hindi pa rin naging madali ang lahat. 

Ang ilang suson na meron sa pagitan ng balat at buto, ang eksaktong mga posisyon ng lamang-loob at ang pagkakaayos nito, pati na rin ang lokasyon at sistema ng ugat at ng sirkulasyon ng dugo sa iba’t-ibang bahagi katawan-- lahat ‘yon ay inaral niyang mabuti bilang paghahanda. 

Hindi na niya mabilang kung ilang libro ang kanyang binasa para lang malaman kung paano ito gagawing mas malinis, pero nang subukan na niya ay nangapa pa rin siya. Lumabas ang kanyang pagkabaguhan, at hindi man sadya ay nagkalat siya talaga, lalo pa at makalat talaga ang napili niyang paraan para gawin ito.

Iba pa rin ang karunungang dala ng tunay na karanasan, ibang-iba kaysa sa pagpatay sa mga mumunting hayop na kanyang unang pinagpraktisan.

Walang katulad ang karanasang iyon. 

Ipinaramdam nito sa kanya ang katotohanang siya ay napili.

Maraming paraan para pumatay ng tao. Sa sobrang dami, doon niya napagtanto at napatunayan ang taglay na karupukan ng isang katawang lupa; marupok sa parehong literal at metaporikong kahulugan nito.

Noon nabuo ang hangarin niyang ito ay talikdan, ang maging higit kaysa sa limitasyon at hangganang mayroon ang isang tao.

Hindi niya nais na manatiling tao lang.

Maingat ang ginawa niyang pagpili sa naging una niya. You remember your first and he wanted it to be a great memory, kaya sinigurado niyang napunan nito lahat ng mga katangiang hinahanap niya. 

Ilang buhay na ang nagdaan at nawala sa mga kamay niya ngunit ang unang beses ay isa sa mga pinaka-espesyal na alaalang kanyang pinakaiingatan sa kaibuturan ng kanyang puso… kung meron nga siyang puso.

Nang siya ay makilala niya, alam niyang ito na ang itinakdang maging kanyang una. Hindi niya alam kung paano niya nalaman iyon subalit sa simula pa lang ay alam na niya. Walang duda sa kanyang isipan na sadyang pinagtagpo sila ng tadhana. 

Ang kanilang unang pagkikita ay nakaukit na sa kanilang mga kapalaran, at ang papel na ginampanan niya sa buhay nito... sa katapusan ng buhay nito, ay ang siyang pinakamalalim na uka sa linya ng maikli nitong kasaysayan sa mundo.

Nang dumating ang tamang oras, hindi naman siya gaanong nahirapan para makuha ito at madala sa kinalalagyang pabor sa kanya. Madaling malinlang ng panlabas na kaanyuan ang karamihan. Ilang beses niya itong napatunayan.

Wala pag-aalinlangan sa kanyang isipan nang isagawa niya ang mga sumunod na hakbang, ang kanyang simula at ang wakas naman para sa kanya

Tandang-tanda niya ang panginginig ng kanyang mga kamay dala ng nerbiyos, ang nakabibinging pintig ng kanyang puso sa loob ng kanyang dibdib, ngunit walang atubili sa kanyang isipan nang isinagawa niya ang paunang hiwa sa malambot na balat ng kanyang hirang.

The euphoria of that first cut, it was so… addictive. Hindi niya napigilan ang kanyang kamay nang ulitin nito ang aksiyon na iyon. Kumalat ang mga linya ng pula, kasama ang sangsang ng dugo.

Dugo. Napakaraming dugo. Sampung porsyento ng bigat ng isang tao ay binubuo nito. Kung gaano karami ay malalaman mo kapag pinanood mo ang pagsirit nito hanggang sa ito ay kumalat nang kumalat hanggang sa masaid ito sa huling patak.

Ang matingkad na pulang kulay ay kaakit-akit at walang katulad sa kanyang paningin. 

At ang amoy…

Nanunuot sa kanyang ilong ang metalikong lansa. Noong una ay halos bumaliktad ang sikmura niya dahil sa napakatapang nitong amoy pero ngayon ay nasanay na siya. 

Sa pakiwari niya ay alam na niya ang eksaktong amoy at pagkakaiba ng dugong galing sa hayop sa dugong galing sa tao, pati na rin ng dugong galing sa sariwang sugat, dugong galing sa blood transfusion, maging ang dugo na galing sa regla ng isang babae. 

Isa o dalawang beses na rin niyang natikman ang bawat isa sa mga ito. Higit sa lahat, ang lasa talaga ang hinahanap-hanap na niya. Meron sa mga ito na kanyang paborito at hindi malilimutan.

Sa dami ng klaseng natikman niya ay p'wede na siyang maging isang blood connoisseur. Sayang nga lang at wala siyang mapagbabahagian ng talento niyang iyon. Sayang talaga.

Hindi maiwasang manginig ng kanyang bawat kalamnan dala ng kasabikang malasap iyong muli.

Ngayon ay naririto na siya sa puntong ito ng buhay niya. Handa na siyang harapin kung sino siyang talaga. Handa na siyang harapin ang mabigat na responsibilidad na iniatang sa kanyang mga balikat. Hindi lahat ay makakaunawa sa kanyang layunin ngunit sa huli ay alam niyang maiintindihan din nila na para sa nakabubuti ng nakararami ang kanyang gagawin.

Huminga siya nang malalim, pilit na kinakalma ang sarili. Hindi pa tapos ang kanyang trabaho. Marami pa siyang kailangang gawin.

Tila umaawit ang lahat ng kanyang mga pandama sa muli na namang pagdanak ng dugo sa kanyang harapan.

Isang kakaibang thrill ang hatid sa kanya kapag pumapatay siya ng tao. Nakakaadik. Nakakahayok.

Habang pinagmamasdan niya ang unti-unting pagkawala ng liwanag sa kanilang mga mata, at ang paglamig ng kanilang dating mainit na katawan, ay ang siya namang pagdaloy ng mahihinang kuryente ng pagnanasa, ng pananabik sa kanyang mga ugat.

Ilan pa ang dumaan at nawala sa kanyang mga kamay. Ang bawat isa sa mga iyon ay nagpataas sa kanyang ekspektasyon para sa susunod na daranas nito.

Bumaling ang kanyang atensyon sa kanyang panibagong hirang.

Ang walang buhay na katawan ng isang dalagita na nakahiga sa kama ay tila isang mamahaling manikang porselana na hinubaran ng magarbo nitong kasuotan. Ang maputing kutis at mga malakristal na mga mata nito ay may kakaibang kinang sa ilalim ng malamlam na liwanag ng ilaw na bumbilyang nakasabit sa taas nila. Ang mapupulang mga labi nito ay gaya sa isang matamis na mansanas na parang kay sarap kagatin.

Hindi niya maiwasang mabighani. Bawat isa sa kanyang mga hirang ay sadyang katangi-tangi.

Isinawsaw niya ang isang hintuturo sa isang maliit na kopita ng dugo nito at inihatid sa kanyang sariling labi at saka ito dinilaan.

Isa ang dugo nito sa pinakamasarap na natikman niya. Manamis-namis, nakalalasing, at nakapagpapabuhay sa kanyang buong pagkatao.

Nakaramdam siya ng panghihinayang na patay na ito.

Mas gusto niya kasi ang lasa ng dugo kapag ito ay sariwa pa, kapag buhay pa ang pinagkukunan niya, kapag ito ay nagkakakawag at pumapalag pa, habang may mga impit na hiyaw na nagmumula sa may busal nitong bibig.

Kung sana ay hindi ito isa sa mga napili, makakasama pa sana niya ito ng mas matagal.

Nakakapanghinayang talaga. Naisip tuloy niyang manguleksyon ng mga paborito niyang lasa ng dugo. Pero saka na. Kapag natapos na niya ang lahat ng kinakailangan niyang gawin ay magsisimula siyang mangolekta.

Bumuntong-hininga siya at dinampot ang isa sa mga itinuturing niyang importanteng tool-of-the-trade na nasa steel table sa tabi niya. Isa lamang ito sa mga espesyal niyang kagamitan na inilaan talaga niya para sa trabahong iyon.

 Ang nag-iisang ilaw sa madilim na silid na iyon ay tila isang spotlight na nakatutok sa kanila.

Ininspeksyon niya ang hawak na scalpel. Inilapit niya ang hintuturo sa talim nito at saka bahagyang idiniin nang hindi sinusugatan ang sarili. Sapat na ito para maramdaman niya kung gaano ito katalas, kung gaano ito nakamamatay.

Napangiti siya. Ibinaba niya ang hawak at kumuha ng surgical gloves at isinuot iyon.

Bumalik ang kanyang atensyon sa dalagitang nasa kama. Banayad niyang hinaplos ang noo nito, ang malambot nitong pisngi, at ang nakaawang nitong malambot na labi.

Napakaganda talaga...

Kahit sa kamatayan ay sadyang kabigha-bighani ang mga babaeng dalisay at walang bahid ng dungis na tulad nito. Kaya sila ang nahirang. Hindi sa mundong makasalanan sila nababagay kundi sa isang paraiso.

Siya ang maghahatid sa kanila sa pinakamagandang paraiso. Sigurado siyang pasasalamatan siya ng mga ito.

Huwag kang papatay. Isa ito sa sampung utos ng Diyos.

Buti na lang hindi siya Kristiyano. Malinis ang kanyang konsensya.

*******

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status