Share

Chapter 2

Hinding-hindi ko malilimutan ang unang lalaking bumihag sa aking puso. Ipinaramdam niya sa akin kung paano lilipad at sasabay sa saliw ng dagundong na namumutawi sa aking puso.

Napaka-memorable ng una kong pag-ibig sapagkat dito ko rin naramdaman kung paano kiligin nang wagas. Sa mga munting bagay na ginagawa niya para mapasaya ako, rehistradong-rehistrado iyon sa utak ko. 

Pinatunayan niya rin sa akin na hindi kailangan ng mga materyal na bagay para mapasaya mo ang isang tao. Sakto lang din naman ang antas ng kaniyang pamilya sa buhay, hindi mahirap at hindi mayaman. 

Sa kabila ng lahat ng sayang itinanim niya sa pinakamatabang bahagi ng aking puso, ay siya ring pait sa pagkakapunla upang ito'y dumugo.

---

"Babe, akalain mo 'yon, tatagal tayo ng tatlong buwan..." bungad ko kay Martin habang nakasakay kami sa ferris wheel. 

Madilim ang kalangitan ngunit laganap at kumukutikutitap ang mga bituin. Ang sarap pagmasdan ng mga ito, para bang kay sarap abutin sa tuwing napupunta kami sa pinakatuktok.

"Kaya nga, babe. Parang kailan lang e ayaw na ayaw mo sa akin lalo na kapag kinukulit kita. Hindi naman ako kaguwapuhan katulad ng mga lalaking pinagpapantasyahan mo, pero sa huli, sa akin din bumagsak ang pinakamatamis mong oo," aniya habang nakatitig sa aking mga mata.

Hindi ko mapigilang hindi mapangiti dahil totoo naman ang sinabi niya. First year hanggang third year high school, kaklase ko na siya pero hindi ko siya pinagtutuonan ng pansin sapagkat wala akong gusto sa kaniya.

---

Pareho kaming nasa first section. Sa totoo niyan, kami ang madalas na magkalaban sa klase pagdating sa paghahakot ng mga award. Nang dahil do'n, para kaming aso't pusa na nagbabangayan madalas kapag magkasama kami. Nang lumaon, unti-unti kaming naging magkaibigan.

Noong mga panahong iyon, baliw na baliw ako kay Miguel na kaibigan niya. S'yempre, hindi ko ipinapaalam iyon kay Martin kasi baka tuksuhin niya lang ako. Bilang babae, nahuhumaling din naman ako sa mga lalaki lalo na kapag g'wapo at maganda ang hubog ng pangangatawan. 

Kahit na akala ng iba na aral at bahay lang ako noon, hindi nila alam na stalker mode rin ako kapag nasa bahay. Iyon ang pampalipas oras ko kapag wala akong ginagawa o 'di kaya'y tapos ko na ang mga gawain ko. Wala naman akong kaibigan kaya kapag kinikilig ako o may bago akong crush, ako lang din ang nakakaalam at sa bahay ako nagtatatalon kapag kinikilig.

Dumating 'yung pagkakataon na nalaman ni Martin na may gusto ako sa kaibigan niya. Matapos iyon, dinala niya ako sa likod ng aming paaralan.

"Bakit ba gusto mo si Miguel? Dahil ba g'wapo siya?" bungad sa akin ni Martin. Kita ko ang galit na namumutawi sa kaniyang mga mata kaya hindi ko alam ang sasabihin ko.

"Kapag sinabi ko bang oo, ano ang gagawin mo?" kinakabahan kong tanong. Nanginginig ang aking mga kamay dahil hindi ko alam kung ano ang itutugon niya.

"E 'di aamin na 'ko sa iyo," malumanay niyang sambit habang nangungusap ang kaniyang mga mata.

"Ha? Ano ang ibig mong sabihin?" nagugulumihanan kong tanong. 

"Matagal na akong may lihim na pagtingin sa iyo. Nakakatawa nga, e. Alam ko namang hindi ka magkakagusto sa akin kasi hindi naman ako ang iyong tipo. Pero wala, e. Natalo ako. Nahulog ako sa iyo," pahayag niya habang nakatalikod sa akin. 

"Bakit mo ba sinasabi sa akin iyan?" Hindi ko alam ang gagawin ko dahil parang tambol na dumadagundong sa aking tainga ang bawat katagang binibitiwan niya. Gusto kong tumakbo at iwan na lang siya rito pero hindi ko magawa. Nais ko pang malaman ang lahat ng kaniyang sasabihin.

Mayamaya, bigla siyang humarap sa akin. Nagulat ako nang makita ko ang nangingilid niyang luha sa kaniyang mga mata. Mistulang kahit anong segundo ay raragasa na ang mga ito.

"Kasi, mahal kita. Nasasaktan ako kapag nakapokus ka sa ibang tao. Nagseselos ako kahit alam kong hindi naman tayo. Pero okay lang iyon, alam ko namang napapasaya kita kapag magkasama tayo. Ngayong nasabi ko na ang mga 'to, siguro naman e gagaan na ang pakiramdam ko," saad niya. 

Sa bawat salitang binibitiwan niya, para bang sinasaksak ako ng isang daang palaso. Para bang guilty ako na ewan, hindi ko siya kayang makitang luhaan sa harapan ko. Ibang-iba siya sa Martin na nakilala ko noon na masiyahin lang at puro kalokohan ang alam.

Akmang aalis na siya at iiwan ako rito na mag-isa. Kamukatmukat, bigla akong tumakbo para pigilan siya.

"Sorry kung nasaktan kita. Sorry kasi ngayon ko lang napagtanto na kaya ka laging nakaagapay sa akin kasi ayaw mong mag-isa lang ako. Sorry kasi hindi ko napansin ang bugso ng iyong damdamin sapagkat sa iba nakatuon ang aking pansin. Ikaw lang ang kaibigan ko, ang laging nandiyan sa tuwing kailangan ko ng kasama o karamay. Hindi ko maaatim kung mawawala ka," litaniya ko habang nakapatong ang aking kanang kamay sa kaliwa niyang balikat.

Hindi ko alam kung ano ang reaksyon niya sa mga sinabi ko. Puro hikbi lamang ang aking naririnig no'ng mga oras na iyon. Ilang saglit pa, bigla siyang humarap sa akin at niyakap ako nang mahigpit.

"Salamat dahil itinuring mo akong kaibigan. Hanggang dito na nga lang siguro tayo," mahina niyang sambit. Ramdam ko ang mabilis na pagkabog ng kaniyang d****b habang nakayakap kami sa isa't isa.

"Hindi ko naman isinasara ang pinto para sa ating dalawa," bulong ko.

"Ano ang nais mong ipahiwatig?" tanong niya pagkatapos kumalas ng yakap sa akin.

"Mabuti kang tao, Martin. Gusto pa kitang makilala nang lubos..." sambit ko.

"Ibig sabihin ba nito, may pag-asa pa para sa ating dalawa?" nakangiti niyang tanong. Hinawakan niyang bigla ang aking kamay nang dahil sa tuwa. Tumango lamang ako bilang pagsagot.

"Matapos ang pighati, saya naman ngayon ang mamumutawi. Salamat, Juness!" saad niya sabay buhat sa akin.

Iyon ang simula para kilalanin pa namin ang isa't isa. Hindi ko alam kung bakit ayaw ko siyang mawala kaya binigyan ko siya ng pagkakataon.

Makalipas lang ang isang buwan, ibinigay ko na sa kaniya ang matamis kong oo. Walang mapagsadlakan ang saya sa aming mga puso dahil may label na ngayon ang aming relasyon.

---

Hindi naman pala dapat pagbasehan ang itsura para mahalin mo ang isang tao. Higit na importante ay ang pagkakaroon niya ng mabuting kalooban. Isa iyon sa aking napatunayan, bonus na lang talaga ang itsura.

"Sa taglay mong ganda, hindi pa rin talaga ako makapaniwalang nagoyo kita," turan ni Martin habang patuloy sa pag-ikot ang ferris wheel na sinasakyan namin.

"Ano ka ba, hindi ako maganda 'no. Sakto lang din kaya match tayo," pambobola ko sabay sandig ng aking ulo sa kaniyang balikat.

"Asus, pa-humble ka pa. Marami kayang nagkakagusto sa iyo rito sa school, hindi mo lang alam. Hindi mo na kailangan ng kolorete sa mukha para masabihan ng maganda. Idagdag mo pa ang pagiging matalino mo kaya masuwerte ako sa iyo," aniya.

"Huwag ka ngang ganiyan," pabebe kong tugon sabay palo sa kaniyang braso. 

Ilang saglit pa, bigla kaming huminto sa pinakatuktok dahil nagbababa na ng mga sakay.

"Lagi mong tatandaan, mahal na mahal kita," sambit niya habang pinagtututop ang aming mga kamay.

"Mahal din kita," tugon ko.

Unti-unting naglapit ang aming mga mukha hanggang sa naglapat ang aming mga labi. Saksi ang mga bituin sa mga oras na iyon at isa sa pinaka-memorable para sa akin kaya hindi ko iyon malilimutan.

Matapos iyon, hinatid pa niya ako sa amin pero ayaw ko sana kaso mapilit. Gabi na nga kasi kaya ayaw niya akong umuwi nang mag-isa. Pumayag naman akong magpahatid hanggang sa kanto dahil parehong hindi alam ng mga magulang namin na mayroon na kaming karelasyon. Pareho ang mga magulang namin na tutol pa sa pakikipagrelasyon. At dahil do'n, lihim lang din ang aming pagmamahalan, kaming dalawa lang ang nakakaalam.

Kinabukasan, nagtataka ako dahil hindi pumasok si Martin. Hindi naman iyon lumiliban sa klase. Hindi ko alam pero nakaramdam ako bigla ng pagkabahala. Pagkatapos ng una naming klase, agad ko siyang tinawagan pero cannot be reach siya. Lumaon ang isang linggo, wala pa rin siyang paramdam kaya lubos na akong nabahala.

Gayon na lamang ang pagkagulat ko nang malamang nag-drop out na siya sa school ayon sa adviser namin. Marami ang nalungkot pero ako, para akong pinagbagsakan ng langit at lupa.

Nawalan ako ng gana sa pag-aaral dahil iniwan ako ni Martin nang biglaan. Wala man lang siyang paabiso o paramdam man lang kung bakit niya ako ginanito.

Nang dahil do'n, napabayaan ko na ang pag-aaral ko. Wala naman akong bagsak pero wala na ako sa top students.

Nagloko na 'ko at nalaman iyon ng mga magulang ko. Nalaman din nila na nagka-boyfriend ako dahil feeling ko no'n, wala na akong pag-asa at gumuho na ang mundo ko. Sa kabila no'n, hindi naman nila ako pinabayaan. Tinulungan nila ako para unti-unting makabangon muli.

Sa pagtungtong ko sa fourth year, nasa ikatlong section na lamang ako. Matagal din akong na-depress bago makakita muli ng panibagong pag-asa. Maraming nanligaw sa aking mga lalaki at karamihan sa kanila ay binigyan ko ng pagkakataon sa pagbabaka sakaling mapalitan nila si Martin dito sa puso ko.

Sa kasamaang palad, walang tumagal ni isa sa kanila sapagkat katawan ko lang naman ang kanilang gusto, hindi ang puso ko. Nakakapagod din palang hanapin si Mr. Right kaya tumigil na muna ulit ako. Nagpokus na lang ako sa pag-aaral. Nagsikap akong muli para makaahon sa lusak na kinasadlakan ko.

Sa bandang huli, hindi ko man naabot ang pinakamataas na parangal, masaya pa rin akong inialay sa aking mga magulang ang aking diploma nang ako'y makapagtapos.

---

Hindi ko alam kung bakit nakita nila Rosanna at Gela si Martin gayong ang huling balita ko sa kaniya ay nakatira na sila sa ibang bansa. Bakit ba siya nagbalik muli rito? Naka-move on na ako sa kaniya pero bakit tila ba bumabalik ang sakit?

"Ano ang gagawin mo kapag nagkita kayong muli?" tanong ng aking konsensya.

Niyugyog ko ang aking ulo dahil kung anu-ano na naman ang pumapasok sa isipan ko. Sa ngayon, hindi ko pa alam kung ano ang aking gagawin kapag nagtagpo ang aming mga landas.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status