Share

Chapter 8

Electra POV

“Mang-aagaw.”

Naibaba ko ang s********p na milktea sa bibig ko. Binalikan ko siya ng tingin. Obvious naman nagpaparinig siya.

Nasa hallway ako papunta sa kwarto ko nang makasalubong ko siya. Hindi ko siya pinansin nang magkalapit kami, sinabi niya ito sa mismong tenga ko. Kunwaring dumura pa sa daraanan ko.

Hinarap ko siyang nakangisi sa akin. “What?” Nakataas na kilay na tanong niya. Pinaikot-ikot ang kulot niyang buhok.

“Anong what?” balik tanong ko. Tinignan ang dala niyang malaking bag.

“Oo nga pala hindi ka nakakaintindi ng basic English. Ang sabi ko ba—” pinutol ko ang sasabihin niya.

“Ano na naman bang problema mo, Tricia?” Pinanliitan ko siya ng tingin. Sumasabay siya sa mga problema ko. Dinadagdagan pa nga.

“It’s Orion. Don’t call me by my name. Hindi tayo close.” Mataray na aniya.

Tumaas ang kilay ko sa kanya. “Orion, tutal nandito ka na. . . gusto ko lang sabihin sa ‘yo na pwede ba, tama na mga pinaggagawa mo. Bakit hindi mo na lang tanggapin na sa ganitong trabaho na ‘tin, madaling magsawa ang mga costumer. . .”

“Are you saying that I am a laos? And you are now the star here? Huh! Ang kapal mo din pala, ano?” Hindi makapaniwalang pinag-crossed niya ang mga braso sa ilalim ng malulusog niyang dibdib.

“Tri— Orion, ayaw ko ng gulo.” Umiling ako. Hininaan ang boses ko para hindi maka-istorbo sa ibang mga matutulog. “Ang gusto ko lang mairaos ko ang isang gabi ng tahimik, okay. Pagod ako at gusto ko magpahinga. So, please. . .  aalis na ako.”

Gaya ng mga dati naming pag-uusap, mauuwi lang ‘to sa away. Hindi niya rin ako maiintindihan. Sarado at puno ng lock ang isip niya sa mga bagay-bagay.

“Teka! Nag-uusap pa tayo. Huwag kang bastos!” Hinablot niya ang strap ng dala kong bag kaya napaharap ako muli sa kanya. “Ikaw pa may lakas ng loob magmalaki d’yan. Ano ipinagmamalaki mo? Mga inagaw mong costumer sa akin? Mang-aagaw ka. Ingit na ingit ka sa akin. . .”

“Bitawan mo nga ako. Hindi ako inggit sa ‘yo. Nagta-trabaho ako ng patas dito. Ikaw ‘tong naninira d’yan.” Madahas kong inalis ang kamay niya sa bag ko. “At wala akong inaagaw sa ‘yo. Sila ang nagbo-booked sa akin. Sila ang nagre-request sa akin.”

Sa ilang buwan ko na dito, ito lagi ang sikmat niya sa akin. Na kesyo inaagawan ko raw siya, sinisiraan ko siya. Binabaliktad niya lahat! At iyon ang hindi niya matanggap.

“Kasi inaakit mo sila!” sigaw niya. Sinipa ang dalang bag sa sahig. Napalingon sa amin ang isang kalalabas lang na babae sa kanyang kwarto. Magulo ang buhok at mukhang kagigising lang.

“Magpatulog kayo! Ang iingay niyo.” Sigaw niya pabalik. Sinamaan kami ng tingin.

“Trabaho na ‘tin ‘yon.” Pagpapaalala ako sa kanya. Nahihiya na nakakagawa na kami ng eksena dito. Sa trabaho namin, tulog kami sa araw.

“Tsk! Sa akin sila mula noon. Lalo na si Senator.” Nanggigigil niyang sinabi.

“Wala na ako doon kung ako ang bino-booked nila. Gusto ko ba ‘to? Hindi! Kung hindi mo matanggap na nagsasawa na sila sa ‘yo— e, ‘di agawin mo sila! Mamayang gabi, nandito ulit ‘yon.”

Wala naman sa akin kung iwan o magsawa sa akin ang lalaking ‘yon. Wala akong pake. Nakakainis na nga. Laging nakabantay. Hinaharangan ako sa mga ibang costumer na pwede ko magamit.

Tumalikod ako sa kanya at naglakad na papunta sa kwarto ko. Ngunit, napa-ungol ako sa sakit nang hablutin niya ang buhok ko. “A-ano ba?” sigaw ko. Binitawan ang dalang milktea na agad tumapon sa sahig. Sinabunutan niya ako, minumura ako. Sa gigil niya, nagtatalsikan na ang mga laway niya sa mukha ko.

Nagigising na ang mga ibang kasamahan namin dahil sa nalilikha naming ingay. Magkakatapat ang bawat kwarto dito at manipis lang ang pader. May mga gustong umawat pero pinipigilan sila ni Tricia. Pinagbabantaan.

“Bitawan mo nga ako. Ano ba!” sigaw ko. Hawak ang kamay niyang nakapunggos sa buhok ko. Sumasakit na ang anit ko sa kakahila niya. Sumusunod ang katawan ko sa lakas noon.

“Salot ka talaga simula nang dumating ka dito. Mang-aagaw ka! Malandi ka!”

Tinulak ko siya. Sinangga ang kamay niyang hahablutin muli ang buok ko.

“Ano ba kayo! Magsitigil nga kayo! Ang aga niyo nagpapatayan.” Sigaw na pag-awat mula sa isang nakabukas na pinto.

“Ano ba ‘yan? Ang ingay!” ani naman ng isa pa sa tapat ng pintuan kung nasaan kami.

Pinagpapalo ko siya na patuloy na hinahablot ang buhok ko. Isinandal ko siya sa pader. Natumba kami kalaunan hawak niya ang buhok ko. Nasa ibabaw ko siya. Sabunot at sampat ang natatamo ko.

Walang nagtangkang lumapit sa amin. Puro lang sila sigaw at mga buyo.

Ang iba, kampi sa akin. Ang iba, kay Tricia. May nahahagip pa akong kumukuha ng video namin. Nagpupustahan.

“Hoy! Oy!” Sa vision ko, hinawakan siya ni Marga sa kanyang balikat. Itinatayo mula sa ibabaw ko.

“Huwag kang makikialam.” Saad pa ng isang boses malapit sa amin.

Nagpa-ikot-ikot kami ni Tricia. Naabot ko ang isang basahan sa harap ng isang pinto. Itinapat ko iyon sa mukha niya. Tinakpan siya ngunit agad niya ito naalis. Hindi pa man ako nakakatayo mula sa ibabaw niya. Malakas niyang pinagpalit ang posisyon namin. Tumama ang ulo ko sa isang shoe rack. Napaigit ako. Inabot ko ang mga sapatos na nandoon at ibinato sa kanya.

“Tigil!” sigaw ng isang malakas na boses. “At kailan pa naging sabungan ang lugar na ‘tin?”

May mga umawat na mga lalaki sa amin. Itinayo nila si Tricia sa ibabaw ko. Nagpupumiglas pa siya. Nagsisigaw na parang isang baliw. Pinaghihiwalay nila kami ng pilit. Itinutulak ko ang isang nakayakap sa akin.  Namumula pa ang mga mata ng mga ito sa antok. Halatang ginising lang. Nakatayo sa gilid si Bebang na boses lalaki. Malakas siyang sumigaw. Tinatawag ang mga pangalan namin. Napalingon ako sa gilid, nandoon si Marga at si Aira, masamang nagtitigan. Kapwa magugulo ang mga buhok.

Lumapit ako sa kanya. Hinawakan ang balikat niya. “Anong nangyari sa ‘yo?” nagtatakang tanong ko.

Ako ang nakikipag-away, ah. Bakit nandito siya?

“Alas-nuwebe pa lang ng umaga. Ang iba kakatulog lang, maawa naman kayo sa mga kasamahan ninyo. P****k tayo! Hindi tayo taga-palengke para ganito kaaga magsisigaw.”

“Kasi itong alaga mo, peste sa buhay ko. Nating lahat!” tinuro ako ni Tricia. Hinawi ang buhok niyang magulo. Napatingin ako sa balikat niyang may mga namumulang guhit. Kitang-kita iyon sa suot niyang sando.

Nakaramdam ako ng guilt. Ang dami niyang kalmot mula sa mga kuko kong bagong ayos kahapon lang ng tinawag ni Bebeng na taga-spa.

“Shut up, Tricia! Sinong nagsimula nito?” tanong ni Bebang, pinaglipat-lipat sa amin ang mga tingin. “Gosh— look at your skins . . . para kayong mga kinalmot ng mga pusa. Ang mga buhok niyo. Ang mamahal niyan. . .” muling bumalik sa pagkabinabae ang boses niya.

Tahimik kami ni Marga’ng nakatayo, nakikipagsukatan ng titig sa mga katabing babae. Inaalo nila si Tricia. Ang isa, nginisihan pa si Marga kaya, bumitaw ito at muli sanang susugurin ang babaeng mala-Tricia rin ang ugali.

“Tama na ‘yan! Makakarating ito kay boss. Kaya kung ayaw ninyo masuspende, sabihin niyo na kung sino nagsimula.” Nagpamaywang siya. Stress na stress sa amin.

“Nakita kong dumating si Danie, siniko niya si Tricia. Nagsisigawan sila dito sa hallway.” Paliwanag ng babaeng naunang lumabas at binawal kami. Allie ang pagkakaalam kong pangalan niya.

“Tototo ba ‘to Danie?” tanong sa akin ni Bebeng. Napaawang ang bibig ko.

“Sinasabi niya kung ano lang ang nadatnang nakita.” Sikmat ko.

“Natural! Alangan namin na sabihin ko ‘yung hindi ko nakita.” Balik ni Allie sa akin. Tumaas ang kilay niya.

Narinig ko ang mga ngisi nila Tricia. “Kararating ko lang, sinugod ako ni Tricia at kung ano-ano pinagsasabi.” pagpapaliwanag ko. Sinamaan ng tingin si Tricia na nakangisi.

“Sinugod? Sinabi ko lang naman na malandi at mang-aagaw ka. Nagalit ka na agad. Huwag ka ngang sinungaling d’yan.”

Ah, talagang. . .

“Ikaw ‘tong mahilig gumawa ng kasinungalingan. . . at ilan beses ko bang sasabihin, hindi kita inagawan!”

“Magsitigil na kayong dalawa. At kayo, Marga? Bakit nandito ka rin?”

“Narinig ko mga sigawan. Paglabas ko, nakita ko si Tricia nasa ibabaw niya, sinasampal si Danie. Alam mo naman sino bitch dito, malamang siya nag-umpisa. Inggit, e.” Pagpaparinig niya.

Sinugod siya ni Tricia, tinamaan, e. Tinawanan lang ni Marga ito at umilag. “Look at her. She’s an ugly bitch.” Napailing na lang ako. Hinila si Marga at inilayo kay Tricia at sa mga kaibigan niyang galit na galit rin gaya ng amo nila.

“Tama na! Magsipasok na nga kayo sa kwarto ninyo at magpahinga na.” Pagusuko ni Bebang. Alam niyang walang mangyayari kahit na anong gawin niya. Hindi kami makakapagpahinga lahat.

“At kayong mga tsismosang puyat?” Nagsitalima ang mga nakikiusyoso na mga kasamahan namin. Nagkanya-kanya silang pasok sa kani-kanilang mga kwarto.

“Akala ko pa naman may happy ending ang shoot na ‘to.” biro ng isang bouncer. Tumawa sila.

“Aba, mga kuyang putok ang mga bicep, huwag naman tsismoso, ano.” Baling niya sa tatlong bouncer na umaawat sa amin kanina.

“Kayong apat! Makakarating ‘to kay boss Z. Matulog na kayo at mag-beauty rest. Kaloka kayo! Sayang mga sabon, gluta at mga rebonded n’yong mga buhok. Tsk! Lalaki eyebags ko nito, my god!” Napailing ako, hinila si Marga na inuuyam pa rin ang kasama ni Tricia.

Pagkarating sa kwarto namin, naupo ako at humarap sa salaming nakadikit sa pader. Ang gulo ng buhok ko, namumula ang magkabilang pisngi ko. Ang lipstick ko, kumalat sa buong baba ko.  . . “Aray naman!” Inilayo ko ang mukha sa pagkakahawak ni Marga. Bigla na lang siyang humarang sa harap ko at hinawakan ako sa baba ko.

“Ang lakas ng loob makipag-away.” Aniya.

“May muta ka pa. Nakikipag-away ka na.” biro ko naman.

“Kararating ko lang din. Wala pa nga ako isang oras na naghihilik. Ano bang nangyari kasi at na pag-abot kayo ng hitad na ‘yon?” Sinipat niya ang panga ko. Dahan-dahan ko inililingon ang ulo ko para makita niya ang magkabilang sides. “Kailangan na ‘tin ng yelo d’yan.”

Huminga ako ng malalim. “Matutulog na lang ako.” sagot ko. Nakaramdam ng double-ng pagod at pinaghalong sakit ng buong katawan.

“Bakit mo ba kasi pinatulan ang babaeng ‘yon? Ayan tuloy.” Kinuha niya ang wipes at dinampi sa labi ko. Napa-aray ako sa hapdi noon.

“Wala naman ako balak. Siya ang nauna. Tinutulak ko siya at umiiwas ako pero ayaw niya kaya pinagbigyan ko na lang. Nakakapagod pala. 1st time ko.”

“E, ‘di virgin ka sa sampal at sabunot.” Hinawakan niya ng bahagya ang baba ko. Inabot ko naman ang salaming maliit sa tabi ng mga make-up. Tinignan ang sarili. May putok nga ang labi ko.

“Hindi naman. Dati na akong sinasaktan ni tatay. Wala pa nga ‘to sa mga ‘yon. 1st time ko lang makipagsabunutan.”

Tinignan ko ang mukha niya. Magulo ang buhok niyang naka-tirintas pa.

“Minsan, tawagin mo din ako.” Napangiti ako sa sinabi niya. Napawi kahit papaano ang lungkot ko nang maalala si tatay.

Nasaan na kaya siya? Madami pa rin kaya siyang utang?

Nakakain naman siguro siya ng tama.

“May galus ka rin.” Hinaplos ko ang pisngi niyang nagsisimula nang mamula. Doon ko lang napansin na nasira ang fake nails ko. Sayang naman. Mahal din binayad ko dito. Sana sinama ko na lang sa ipon ko.

Pinapatuyo ko na lang ang buhok ko gamit ang twalya. Nakaharap ako sa salamin. Dahan-dahan ako kumikilos para hindi makalikha ng ingay. Hindi ko na ginamit ang blower dahil natutulog na si Marga sa kanyang higaan.

Napahinto ako sa naalalang mga nangyari kagabi lalo na nang makita ko sa aking leeg ang bagong gold necklace na binigay sa akin ni Senator bago ako ipahatid sa driver niya kanina.

Hinawakan ko ang pendant niyang may desenyong star. Sa mga sulok nito, may maliit na diyamante. Kumikinang. Mamahalin. Totoong ginto.

Star daw niya ako sa buhay niya sabi niya. Hindi daw nabubuo ang araw niya kung hindi ako nakakasama. Ang ganda daw ng pangalan ko, bagay sa akin. . . powerful. . . parang lahat kaya kong gawin. Kakaiba, kahit sino magagandahan sa tunog nito.

Electra. . .

Tsk!

Isang maliwanag na bituin sa kalangitan. Nangingibabaw sa lahat ng uri nito sa konstelasyon.

Hindi ko alam na may mga uri pala ng bituin. Nagandahan ako nang ibigay nila sa akin ito. Sabi nila, tama daw na ito ang naibigay nilang codename sa akin. Bagay na bagay.

Pero kahit na anong ganda nito— siya namang panget ng dahilan kung bakit ito ang pangalan ko ngayon.

P****k. Kaladkarin. Mababang lipad. Sawsawan. Libangan. Bayaran.

Ano pa ba?

Malandi. Madumi— Oo, naghuhubad ako. Pinagsasawa ng mga lalaki ang sarili nila sa akin. Pumapayag ako, hanggang sa gusto nila. Pinapasaya ko sila, ‘yon daw kasi papel ko.

Pinapauwi ko ang tigang nilang katawan.

Tinitigan ko ang sarili ko sa kwadradong salamin. May basag ito sa bandang gilid. Maliit man, kita pa rin iyon at bahagyang sumakop sa parte ng mukha ko. May bahid. Tsk! May lamat.

Huminga ako ng malalim. Duming-dumi sa sarili ko. Hinayaan ko ang luha kong mag-unahan sa pagpatak.

Ang hina ko. . .  ang hina ko. . . wala akong nagawa.

Para saan pa ang planong pagtakas kung, wala na.  . . Wala na akong maipagmamalaki. Wala na ang buhay ko. Kailan ko ba huling naranasan mabuhay? Noong may pangarap pa ako? Kailan ko huling naisip iyon? Noong nasa probinsya pa ako at pilit kumakayod para mabuhay.

Tsk! Magkadugtong pala iyon, buhay at pangarap.

Ngayon, pareho nang wala sa akin.

Ang saklap naman ng iniwan mong buhay sa akin, Nanay.

Yumuko ako. Tinitigan ang lababo. Gusto kong isipin na, pagsubok lang lahat ng ito at someday, may darating na liwanag sa madlim kong buhay. . . pero para saan pa?

Nang gabing iyon, natapos ang lahat ng pangarap kong mabuhay. Nagising akong, nakahiga sa sofa, walang damit at tadtad ng mga pulang marka sa katawan.

Nagmakaawa naman ako, ‘di ba? Humingi ng tulong. Nakiusap. Tinawag ko siya. Ang araw-gabi kong inuunang kausapin sa araw-araw, pero wala siya. Wala siyang ginawa. Hinayaan niya ako mahulog sa dilim. Nilunod niya ako sa sarili kong mga luha.

Wala akong nagawa. Ramdam ko ginagawa nila. Pero wala akong magawa. Wala akong masabi. Tanging patak lang ng luha ang kaya kong ilabas.

Wala akong nagawa!

Umiyak ako nang umiyak ng tahimik. Naupong niyakap ang sariling mga tuhod sa malamig na sahig ng banyo. Gusto kong sumigaw. Gusto kong ilabas lahat ng hinanakit ko sa mundo.

Ito ba ang gusto ni Tricia na sinasabing kinuha ko sa kanya?

Napatawa ako sa isip ko. Sa kanya na pwede?

Kahit kunin niya na lahat-lahat. Huwag na siyang magtira.

“Yee— ikaw na talaga, Electra!” pinalo niya ang braso ko. Natatawang inirapan ko siya.

“Sa ‘yo na kung gutso mo.”

“Sa apat na taon ko dito, never pa ako paburan ng mga nagiging costumers ko. Binabayaran naman nila ako, may tips pa pero hindi gaya mo, ni Lyrae at ni Orion— na napupuno ng mga mamahaling regalo ang mga kwarto niyo.” Nakangusong saad ni Cindy. Kinakain ang chocolate na padala daw ng hindi ko matandaan na pangalan.

Nakasuot na siya ng sexy niyang uniform. Naka-make-up na rin. Yakap niya sa kanyang kandungan ang kumpol ng mga magkakaibang kulay ng bulaklak.

Hindi ko siya sinagot. Ito lang ba ang gusto nila? Mamahaling gamit, pera, makaangat sa gaya din nila. Hindi ba nila nakikita na ang ganitong klase ng buhay ay masama?

Isinusumpa.

“Cindy, masaya ka ba na ganito lang ang buhay mo araw-araw?” tanong ko sa kanya na ikinahinto niya sa pagnguya. Nilunok ito at tinignan ako.

“Dati hindi. Pero ngayon, tanggap ko na. Dahil ang mga gaya nating Magdalena. . . wala nang pag-asa pang sumaya bukod sa magpaligaya ng iba. Sa kama.”

Kumain muli siya.  Kumurap-kurap ako. Nilipat ang tingin sa malaking salamin na may mga ilaw sa gilid. Maybe, tama siya. Hanggang dito na lang talaga.

IamNellah

Nakaka-sad naman update na 'to. Sa tingin po n'yo?

| Like

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status