Share

CHAPTER 5

"NANDITO NA tayo, Malaya." Napukaw ang aking atensyon nang magsalita si Ate Nila kasabay ng pagbaba sa tricycle. "Iyan ang bahay ng mga Stevenson," imporma niya. 

Nang sandaling bumaba ako ay agad na nilukob ang aking puso ng kaba at sakit. Agad ang marahas na pagkalabog ng aking puso nang sandaling makita ang bahay na nasa aking harapan. Lumunok ako, tila naging tuod ang aking mga paa sa sementong aking kinatatayuan. 

"Huminahon ka, Malaya. Baka nagkakamali ka lang. Hindi naman siguro. Baka iba na ang nakatira riyan. Ilang tao na ang nakalilipas, baka hindi na sila ang may ari niya. Pero..." Nanlaki ang aking mga mata nang tingnan si Ate Nila na awang ang bibig na nakatingin sa akin! "A-ano nga ulit, Ate? Kaninong bahay po ito?" Nangatal ang aking mga labi.

"Stevenson. Bahay ng mga Stevenson." Marahan niyang sinabi at para iyong musikang paulit-ulit na nag-play sa utak ko. "Bakit? Ayaw mo? Pwede naman, naghanap ka ng ibang trabaho. Ngunit sinasabi ko sa iyo, Malaya, may makita ka mang trabaho ngunit kakapiranggot rin lamang ang sahod. Mabubuhay ba niyon ang pamilya mo?" 

Umiling ako. Magkahalong disgusto at pagkagusto. Hindi, hindi maaaring magkita kaming muli. Hindi ako maaaring mapunta rito ulit pero... Paano ang pamilya ko? Saan ako makakahanap ng trabaho na malaki ang sahod? Ayaw ko na ring bumalik pa sa ibang bansa. 

"Tanggapin mo na. Kung ano man iyang mga naalala mo, kalimutan mo. Baka nakalilimutan mong ibang tao ang ipakikilala mo sa kanila?" Pinaningkitan ako ng mata ni Ate Nila. 

Lumunok ako. Oo nga, ibang tao ako. Hindi ako ang taong kilala nila noon.

Kahit hirap na hirap ay pinilit kong iangat ang aking mga paa palapit sa bahay na iyon kahit pa kasabay ng aking paghakbang ay ang mapait na ala-alang aking naranasan nang mga sandaling... Ipinilig ko ang aking ulo upang sa ganoon ay maiwaglit ko ang isipang iyon. Wala na, dapat ko na iyong pigilan. Baka naman... Kamag-anak nila ang babantayan ko. 

Nag-doorbell si Ate Nila. Nang sandaling bumukas ang napakalaking puting gate ay inihanda ko ang aking sarili. Napahugot ako ng malalim na buntong hininga at saka iyon marahas na ibinuga, hindi ako ito noon. Ibang-iba na ako ngayon. Hindi nila ako makikilala sapagkat ibang tao na ako ngayon. Kaya ko 'to, kakayanin ko. Para sa pampagamot ni Mama. 

Kinausap lang saglit ni Ate Nila ang guwardiyang nagbukas sa kanya at pinapasok na ako sa loob. Nagtaka ako dahil akala ko ay papasok rin siya ngunit mahina niyang ibinulong na 'sa oras na makalabas ka rito sa pamamahay na ito ay wala ka ng karapatan pang bumalik.' Magtatanong pa sana ako pero may nakaputing uniporme ng sumalubong sa akin. 

Nagpakilala lamang siya saglit saka ako iginiya kung saan kahit alam ko na naman. Sumunod naman din ako. 

"Ikaw ang bagong magiging tagapag-alaga ng kambal sa pamamahay na ito?" Anang naka-uniporme ng dark blue. 

"Opo, ako po si Malaya... Malaya S-Ruiz po. Pinsan po ako ni Nila Ruiz ako po ang hahalili sa kanya." Tiningnan ko sa mata ang ginang at saka ngumiti. 

Ininsayo ko ito kanina nang bumalik ako ng bahay para kumuha ng iilang gamit dahil ura-orada raw akong magsisimula. Akala ko ay makalilimutan ko ito kanina ngunit mabuti at hindi naman.

"Ilang taon ka na?" Taas kilay niyang tanong habang hindi ako tinatatantanang suyurin ng tingin na para bang isang making kilos ko, sebak na ako agad. 

"25 years old po." Sagot ko. 

"May boyfriend?" Natigilan ako sa tanong na iyon. 

"Wala po—" 

"Mainam! Nang sa ganoon ay wala kang ibang kababaliwan para malingat sa mga bata!" Ibinuka niya ang kanyang pamaypay at malakas iyong ipinaypay sa sarili. "Sumunod ka sa akin," utos niyang agad ko namang sinunod. "Naipaalam na ba ng pinsan mo ang mga bawal at hindi bawal sa pamamahay na ito?" Tumigil siya dahilan upang mapatigil din ako. "Aba kung oo, uulitin ko!" Nagulat ako sa lakas ng boses niya. "Unang-una! Dapat ay hindi nalilingat sa mga bata! Bawal ang cellphone tuwing nagtatrabaho! Bawal mag-selfie selfie kasama ang mga bata o kung kahit anong sulok ng bahay na ito! Ultimo gate, bawal! Pangalawa, bawal pumasok nang kwarto nang may kwarto! Kung saan ka nakatoka ay roon ka lang! Ikaw, dahil sa mga bata ka ay nasa second floor ang kanilang kwartong dalawa! Magkatabi iyan silang natutulog! Kaya ikaw, ang kwartong papasukan mo lamang ay ang playroom ng mga bata at ang kanilang mismong kwarto! Wala ng iba! Bawal ring natutuyuan ng pawis ang mga bata! Bawal magalusan dahil lagot ka sa kanilang lola! Dapat palagi kang malinis para hindi nahahawaan ang mga bata dahil kapag nagkasakit ang mga iyan, walang mag-aalaga! Hindi nagpapaalaga kaya siguraduhin mong hindi magkakasakit ni isa sa kanila! Naiintindihan mo?!" Bigla na naman siyang humarap sa akin dahilan ng pagtalon ko! 

"Opo! Naiintindihan ko po!" Dali-dali kong naitikom ang aking bibig nang napalakas ang aking boses! "Sorry po, nadala lang ng emosyon." Nag-peace sign ako pero inirapan at tinalikuran lang ako! 

Aba, may attitude rin. Mga matatanda nga naman. 

"May sinasabi ka?" Aatakehin yata ako sa puso sa babaeng ito! 

"Wala naman po, naisip ko lang po na ganoon na talaga ang mga matatanda, mabilis uminit ng ulo kaya... Sabi ko po, iintindihin ko na lang." Awkward akong ngumiti sa kanya. 

"Aba sinasabi mo bang matanda na ako?!" Nanlisik ang mata niya sa akin. 

"Uhm... Opo?" Nakangiwi kong sinabi. 

Ay, bakit? Hindi ba? Mukha naman talaga siyang matanda, eh! 

"Heh! Ang pinaka-ayaw ko rito ay mga pakialamera! Pwedeng-pwede kitang mapalayas dito kung gugustuhin ko!" Mayabang niyang sinabi na para bang ang kawalan ng trabaho ng kanyang kasamahan ay ang kanyang katuwaan. 

Patago na lang ako umirap at inalakbay na lang ang mata sa paligid. Ilang taon na rin ang lumipad, maraming ipinagbago ang bahay. Ngunit ang ala-ala rito ay kailanman hindi magbabago. 

"Rito ang maid's quarter." Imporma niya. "Dito kayo magbibihis, lahat ng damit ninyo lalo ka na ay puti. Dapat palaging malinis nang sa ganoon ay hindi magkakasakit ang mga bata. Alagay mo ang mga gamit mo riyan." Utos niyang agad kong sinunod. 

Nakita ko ang mga nakahanger na puting scrub suits at hindi ko maiwasang mapahagikhik. Taray, nurse? Saan ang injection at i-injection-an ko sa mata ang mga may-ari ng bahay na ito? 

"Tayo na, bilisan mo at ipakikilala kita sa kambal." Aniya na agad kong ikina-alerto. "English speaking ang mga iyon, hindi ka naman siguro bobo para hindi marunong mag-English, ano?" Nakaka-insulto niya akong tiningnan. 

"Marunong naman po." Sinabi ko na lang para wala na siyang masabi pa at baka abutan kami ng madaling araw sa dami niyang sinasabi. 

Nasa ground floor ang maid's quarter at ngayon ay umaakyat na kami sa ikalawang palapag. Nang makarating kami sa second floor ay tumungo siya sa ikalawang pintuan at kumatok muna siya ng tatlong beses bago niya pinihit pabukas ang pinto. 

"Good morning, children. I am here today to let you two know that you're going to have a new babysitter." Imporma niya pero wala akong narinig na nagsalita. Kaya bahagya akong sumilip pero ganoon din ang paglingon niya kaya tumama ang siko niya sa noo ko. "Ayan, tatanga-tanga." Aniya at muntik pa akong hampasin ng hawak na pamaypay. "She's here now, by the way. Meet your new babysitter, Malaya Ruiz, Malaya, ang kambal na aalagaan mo. Irie at Isaac." Iminuwestra niya ako sa loob. 

Nakakurap-kurap ako. Kinusot ko pa ang aking mata at pinanlaki iyon. Ang dalawang pares ng berdeng mata ay nakatingin sa akin. Sumeryoso ako at nakipagtitigan sa kanila, ganoon na lamang ang kalabog ng aking puso nang makilala ang batang lalaki. Siya iyong niligtas ko noong nakaraan. 

"Hello, nice meeting you both..." Garalgal ang boses kong sinabi ngunit kailangan kong pigilan ang aking sarili. 

How time flies so fast, yeah? Ang lalaki na nila. Nice meeting you for the first time in years, my babies...

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status