Share

Chapter 1

"Lola sa palagay mo po ba masaya si Mama at Papa ngayon doon sa langit?"

Malungkot kong tanong kay Lola. Hindi ko na kasi nakita ng mukha ni Mama. Namatay siya ng pinanganak ako. Sumunod na man si Papa sa kanya dahil hindi nito nakayanan ang nangyari kay Mama kaya naiwan ako kay Lola.

Sabi ni Lola kung gusto kong makita si Mama at Papa tumingala lamang ako dahil andun sila, isa sa mga bituin na nakatingin sa amin.

Simula maliit pa ako ganito ang ginagawa namin ni Lola sa tuwing nalulungkot ako. Sinasamahan niya akong manood sa mga bituin. Kahit papano pakiramdam ko abot kamay ko lang ang mga magulang ko. Naiibsan ang pananabik ko sa kanila. 

"Oo apo. Sigurado akong masaya ang mama at papa mo dahil mabait kang bata. Lumaki kang may paggalang at pagmamahal sa kapwa."

Hinaplos haplos ni Lola ang buhok ko. Paano kaya kami ngayon kung hindi namatay si Mama? Siguro sobrang saya ko. Pero sa tuwing iniisip ko naman na andyan si Lola nawawala din naman ang lungkot ko. 

Ni minsan hindi niya ako pinabayaan. Hindi niya pinaramdam sa akin na nag-iisa ako. Nakakalungkot nga lang na medyo sakitin na si Lola ngayon. Halata na rin ang kulubot sa kanyang mga balat pero nagtatrabaho pa rin ito. 

Katulong si Lola sa mansion ng mga Guerrero. Doon na ito nagtatrabaho simula maliit pa ako. Gusto ko na nga sana siyang pagpahingahin sa pagtatrabaho dahil sa Marso  magtatapos na ako ng high school. Isang buwan na lang mula ngayon.

Hindi muna ako magko-kolehiyo, sa susunod na lang kapag nakapag-ipon na ako. Maghahanap ako ng trabaho para makapagpahinga na si Lola, naawa na rin kasi ako sa kanya,

Minsan natatakot akong sa tuwing inaatake si Lola ng hika niya dahil natatakot akong baka...baka pati siya iiwan ako. Natatakot akong mag-isa. Hindi ko alam kung kakayanin ko ba. Si Lola  na lang ang tanging nagbibigay lakas sa akin kaya hindi ko alam kung anong mangyayari sa akin kung darating ang panahon na iiwan niya na ako.

"Lola kapag nakatapos ako ng pag-aaral, ipapasyal ko po kayo sa buong mundo. Lilibutin ko ito Lola at syempre gusto ko kasama kita kaya dapat palagi kang malakas ha."

Hinawakan ko ang magkabilang pisngi ni Lola at nakita kong naiiyak ito. Ganito ka emosyonal si Lola sa tuwing sinasabi ko sa kanya ang aking mga pangarap.

Si Lola ang tanging best friend ko. Hindi ako nahihiya magsabi sa kanya kahit pa tungkol sa mga crush kong artista. Alam niya ang lahat tungkol sa akin.

Alam niya kapag nalulungkot ako. Kapag nasasaktan ako o kung may umaway sa akin. Wala akong sekreto sa kanya. Kaya talagang nalulungkot sa isiping tumatanda na talaga si Lola.

"Tara na apo, gabing-gabi na baka mahamugan ka pa."

Inayos ko ang balabal ni Lola tsaka inalalayan siyang tumayo. Nakahawak siya sa braso ko habang naglalakad kami papasok ng kubo kung saan kami nakatira. 

Itong kubo lang ang tangin naiwan ni papa sa amin kaya simula bata pa ako kailangan ko ng tumulong kay Lola sa paghahanap buhay. Luma na din ito at sira-sira na pero wala na man kaming ibang mapuntahan ni Lola. 

Mahirap ang buhay kung mahirap ka, pero pilit naming kinakaya ni Lola. Wala din naman kasi kaming maasahan sa mga kamag-anak namin. Ngayong malaki na ako narealize kong kapag pala mahirap ka walang gustong magpakilalang kamag-anak. Parang lahat sila diring-diring mapalapit sa amin. 

Para kaming may sakit ni Lola na kung ayawan nila ganun na lang. Nung isang beses nga inatake si Lola at walang -wala kami sinubukan kong lumapit sa mga kamag-anak niya pero ni isa walang nagbigay ng tulong. Mas mabuti pa yong hindi namin kamag-anak nag-abot pa ng tulong. 

Kaya simula noon pinangako ko sa aking sarili na magsisikap ako para sa amin ni Lola. Sisikapin kong iahon ang buhay namin sa hirap.

"Lola tawagin mo lang ako kung may kailangan ka ha."

Siniguro ko munang may lamang tubig ang pityel niya para hindi na siya lalabas ng silid para uminom sakaling mauuhaw siya sa hating gabi.

 Magkahiwalay kami ng silid ni Lola. Gusto ko sana siyang tabihan sa pagtulog pero malaki na ako at hindi na kami kakasya sa maliit niyang higaan na kawayan. Ayaw niya namang sa sahig ako mahiga.

Dati naglalatag lang ako ng banig sa sahig pero  pinagawan ako ni Lola ng higaan na kawayan pero tumutunog na rin ito bawat galaw ko dala ng kalumaan. 

Grade 6 palang ako, kung ano-anong trabaho na ang aking pinasok. Andyan yong naglalako ako ng mga gulay, isda, karne at kung ano-ano sa palengke. Minsan naging taga linis din ako ng bahay. Naging labandera na rin ako, naging tindera at naging tagabantay/yaya ng bata. Basta trabahong marangal at alam kong makakatulong sa amin ni Lola pinapasok ko. 

Sanay ako sa mga gawaing bahay. Ang sabi nga ni Lola kung ayaw ko daw munang mag-aral ng kolehiyo kausapan niya ang amo niya sa mansion kung pwede ba akong pumasok bilang katulong o labandera nila.

Meron din akong tanim na mga gulay sa likod bahay. Dagdag kita din ang mga benta ko sa ani nito.

Sana darating ang araw na hindi na kami maghihirap. Sana matikman ko rin ang mabuhay na hindi mag-iisip kung may kakainin kami kinabukasan o kung may ipambili pa ba kami ng gamot ni Lola.

Hindi ko namalayan na nakatulugan ko na pala ang pag-iisip kong paano kami aahon sa kahirapan. 

Kinabukasan maaga akong nagising dahil kailangan kung idaan ang mga gulay na inani ko sa tanim namin ni Lola na binebenta ko sa suki namin sa palengke bago ako pumasok. Sayang din ang kikitain ko kung hindi ko ito maidaan ngayon.

"La mauna na po ako. May tortang talong at nilagang itlog akong niluto para sa agahan mo. Kumain ka muna La bago ka pumasok sa trabaho ha." bilin ko kay Lola habang inaayos ang mga gulay sa dalawang basket na bibitbitin ko ngayon. Siniguro ko ring maayos ang pagkalagay ng mga mani at yema sa bag ko.

Kung tutuusin malaki na man sana ang sahod ni Lola yong nga lang nabaon kami sa utang nung sunod-sunod ang pagkakasakit niya. Kaya kailangan ko talagang dobleng kayod ngayon para may pangtustos kami sa araw-araw.

"Mag-ingat ka apo. Wag kang magpapagabi mamaya ha."

Nagmano muna ako kay Lola bago umalis. Bitbit ko ang dalawang basket na puno ng mga gulay. Isinukbit ko rin sa likod ko ang back pack kong may lamang ni repack na mani tsaka yema na binenbenta ko sa mga kaklase ko pati na rin sa ibang seksyon.

"Am, sabay na tayo." Si Jonas ang aking kababatang bakla. Pero sekreto lang namin dahil tiyak gugulpihin siya ng tatay niyang pulis.

"Tulungan mo ako bakla, ang bigat nitong dala ko." 

Magrereklamo pa sana  ito pero agad kong binigay sa kanya ang isang basket ng gulay.

Medyo matangkad ako sa edad kong disesyete yon nga lang hindi gaano kalakihan ang katawan ko. Hindi ko masasabing mataba pero hindi din naman ganun ka payat, kumbaga sakto lang. May kabigatan nga lang itong dala kong basket ngayon dahil medyo madami ang bunga ng talong namin.

"Kung makabakla ka naman Amethyst wagas! Baka marinig ka ng mga tsismosang kapitbahay d'yan tiyak lagot ako kay Tatay." nakangusong sabi nito. Feel na feel talaga ni Bakla na babae siya eh. Nagkalat pa yong pulbo sa pisngi niya. 

"Alam mo Baks, gwapo ka sana eh, magpakalalaki ka na lang kaya?" sabi ko sa kanya.

Hindi ako lumingon sa kanya dahil alam kung nanlalaki na naman ang mga mata nito. Naiinis kasi ito sa tuwing pinipilit ko siyang magpakalalaki. Kinukulit ko lang naman, tanggap ko naman na bakla siya. 

Matangkad si Jonas at malaking bulas. Hindi halata na may pusong babae ito dahil lalaking lalaki ito kumilos. Wag mo lang marinig na nakikipag-usap sa akin dahil may kasamang pitik at pilantik ang boses at galaw nito.

"Shut up Amethyst." singhal niya sa akin.

"Ay sosyal si Bakla, lakas maka shut up ah!" biro ko sa kanya.Kahit minsan napipikon na ito alam kong hindi niya rin ako matitiis. Sunod kay Lola, si Jonas ang pinagkakatiwalaan ko. Saksi si bakla sa lahat ng mga hirap na pinagdaanan namin ni Lola. Minsan pati baon niya inaabot niya pa sa akin.

"...Nga pala Baks, tulungan mo akong ibenta itong mani ko sa kabilang section doon sa crush mo." Hindi ko paman natapos ang iba kong sasabihin natigil na ako dahil sa naging reaksyon niya. 

Nagtataka akong tumingin sa kanya dahil nanlalaki ang mga mata niyang tumingin sa akin na parang gulat na gulat sa sinabi ko.

"Hoy Amethyst wala ka na bang ibang maibenta at yang mani mo na ang ibebenta mo? Maghunos-dili ka girl, bata pa tayo, bawal pa pitasin yang mani mo. " pasinghal niyang sagot sa akin sabay hila pa sa buhok ko.

Doon ko na realize na ibang mani pala ang nasa utak ni Bakla kaya kinaltukan ko din siya. Minsan may pagka slow na nga ang dumi pang mag-isip. 

"Hoy gago! Mani as in peanut...peanut bakla...peanut! Hindi yong...alam mo ikaw napaka bastos mong mag-isip. Siguro nagkakagusto ka na sa mani noh kaya yon ang pumasok sa utak mo?"

Napa sign of the cross pa ang bakla. "Sa talong na lang ako girl kesa d'yan sa mani mo." nakatikwas pa ang isang kilay niya. 

"Wow as if naman bakla na papatol din ako sayo noh. Tsaka yang bunganga mo napaka bastos. Ano kaya kung isumbong kita sa tatay mo? Sigurado hindi lang talong ang ipapakain nun sayo Baks. Baka yong dulo ng baril niya pa."

"Maryusep ka girl, you're so morbid kung mag-isip. Isali mo ba naman ang baril ni Tatay, nakakatakot kaya yon. I'm scared to death girl."

Napairap ako kay bakla. Panay english-english  feeling sosyalin.

Hindi namin namalayan na malapit na pala kami sa palengke at kapag ganitong malapit na kami umaayos na ng tayo si Bakla. Pinapalaki niya na rin ang boses niya para magmukhang lalaki talaga.

Sumimangot pa si bakla dahil inutusan siya ni Aling Susan. Siya ang nagbuhat sa dalawang basket para ipasok sa loob ng maliit nitong pwesto.

Pagkatapos mag-abot ni Aling Susan ng bayad niya para sa mga gulay, diritso na kami sa paaralan. Parehas kaming graduating ni Jonas at magkaklase kami simula elementary hanggang high school.

"Am, alam mo ba yong si Nikko may crush daw sayo? Narinig kong usapan nila Cindy sa likod kahapon. Ang sabi pa girl magtatapat daw sayo bago tayo grumaduate."

Kunot noo akong tumingin sa kanya. Dahil hindi ko naman nahalatang may gusto sa akin si Nikko. Oo pinapakyaw nito ang mga mani na benta ko pero hindi naman ito nagpapalipad hangin sa akin. 

May malaking tindahan sila Nikko sa palengke tsaka seaman yong papa niya kaya medyo nakaka-angat sila sa buhay. Ang nanay niya yong nagbigay ng tulong sa amin ng magkasakit si Lola. Mabait at palakaibigan ito sa lahat kaya hindi ako naniniwalang may gusto siya sa akin.

"Alam mo ikaw chismoso ka din. Wag niyo ngang bigyan ng malisya ang pakikipag-kaibigan ni Nikko sa akin. Ke bata-bata pa ang lalandi na."

Gwapo din naman si Nikko pero wala pa sa isip ko ang mga ganyang bagay. Gusto ko pang makapagtapos ng pag-aaral. Lilibutin pa namin ni Lola ang buong mundo bago ako magbo-boyfriend. Kahit suntok sa buwan ang pangarap ko magsisikap parin ako para matupad ito. Kaya kahit totoo man ang sinasabi ni Jonas wala pa rin itong mapapala sa akin.

"Bahala ka kung ayaw mong maniwala. Basta sinabihan na kita." nagkibit balikat pa ito. "Iwan muna kita dyan gurl sisilipin ko lang doon sa basketball court yong crush ko. Alam mo na, huling buwan na natin to dito. Next year, goodbye Carlo na ako." pumilantik pa ang kamay niya. 

Ang arte!

"Wag kang magtagal doon, Baks. May announcement daw mamaya ng honors kung sino yong mga pumasok sa list. Kailangan andun daw lahat." pahabol ko sa kanya. 

Hindi ko na inaasahang mapasok pa ako sa honor list ngayong taon. Madami akong absent at minsan late ako sa submission ng mga project namin. Kailangan ko kasing unahin ang mga gamot ni Lola. Pero ayos lang naman sa akin. Ang mahalaga makapagtapos ako ng high school.

Naghiwalay kami ng daan ni Jonas, diretso ako sa room at siya naman pumuntang gym. Andun kasi yong basketball player na crush niya. Ka year level lang din namin pero sa ibang section naman ito.

Hindi ako sumasabay kay bakla kung saan siya gumagala dahil kailangan kong ibenta ang mga mani at yema. Pandagdag ko mamaya sa bigas na bibilhin ko para sa linggong ito.

Wala na akong problema sa Toga na gagamitin ko dahil nabayaran ko na ito nung nakaraan. Ayos pa din naman ang sapatos at uniporme ko kahit medyo kupas na ito at may kalumaan na. Nakapagbayad na din ako sa yearbook namin kaya kung ano man ang kikitain ko sa mga binibenta ko para na yon sa pangkain namin ni Lola.

"Guys sabi ni Miss Cruz punta na daw tayo lahat sa hall, mag-aanounce na daw ng honors." Anunsyo ni Toni ang nangunguna sa klase namin. "...but please we need to behave kasi may bisita tayo. Andito ang sponsor ng bagong ginagawang building."

Napanguso ako, paano hindi pa ubos ang benta kong mani. Ang yema kasi pinakyaw ng grupo ni Laarni kanina. Di bale magbebenta na lang ako ng pasekreto sa hall mamaya, kailangan talagang maubos to eh. Sabado na bukas, walang pasok sa susunod na dalawang araw. Baka mabulok na tong mani ko.

Mag-isa akong naglakad papuntang hall kasi hanggang ngayo hindi pa rin bumabalik si Bakla. Paanong pagpapansin kaya ang ginagawa niya gayong takot naman siyang malaman na pusong babae siya?

Halos lahat ng graduating students ay nasa hall na. Iba-ibang kumpulan. Ang iingay at nagtatawanan ang bawat grupo. 

Wala akong masyadong close sa kanila. Friendship friendship lang para may benta ang mga paninda ko. 

Pumwesto ako sa likuran para mas madali kong maiabot kung may bibili ng mga mani ko. Madami-dami pa rin ito at kailangan ko talagang dumiskarte.

"Hoy Mico, gusto niyo bang mani?" alok ko sa dating kong kaklase nung third year pero biglang nawala ang ngiti ko ng magtawanan ang mga ito kaya nabaling ang tingin ng ibang seksyon sa amin.

"Potek ka Amy, binigla mo naman kami dyan sa pa-mani mo." si Ton-ton na barkada ni Mico ang sumagot sa akin. Siya yong pinaka maangas sa grupo nila pero hindi ko na lang pinansin. May pagka mayabang kasi ito, palibhasa anak ng negosyante dito sa lugar namin. 

"...fresh ba yang mani mo Am, baka nangangamoy na yan ha." dagdag niya pa at muli na namang nagtatawanan ang mga kaibigan niya.

Gusto kong mapikon dahil parang iba ang pagkahulugan  nila sa sinasabi ni Ton-ton pero pinigilan ko ang aking sarili. Si Ton-ton naman ay nagmamayabang na tumingin sa akin.Para makaiwas lumipat na lang ako sa kabilang grupo pero dinig ko pa ring tinatawag ni Ton-ton ang pangalan ko.

"Amy, akin na yang mani mo kakainin ko." 

Ang kaninang maingay na hall biglang tumahimik. Sa lakas ba naman ng boses ni Ton-ton malamang dinig nilang lahat. Okay lang naman sana pero alam kong iba ang iniisip nila, hindi ang mani na paninda ko kundi ang pagkababae ko.

Iba't ibang bulungan ang aking narinig. Halos lahat sila hinusgahan agad ako. Ni hindi man lang nila inalam kung ano ba talaga ang binebenta ko.

"Wag ka ng umiyak Amy, akong bahala sayo. Siguraduhin mo lang na hindi pa bulok yang mani mo tsaka mabango. Nga pala maning hubad ba yan?"

Di ko alam na nag-uunahan na pala ang aking mga luha. Hiyang-hiya ako at gusto ko na lang lumabas ng hall. Mabilis kong pinalis ang aking mga luha at kinuha ang bag ko. Di bale ng hindi ko mabenta lahat ng to, wag lang nila akong ipahiya. 

Mabilis akong tumakbo bitbit ang supot ng mani habang nakayuko papalabas sa exit ngunit napatigil ako ng may biglang bumunggo sa akin. Nahulog ang ang supot ng mani at nagkalat ito sa sahig.

Isa-isa ko itong pinulot kahit na nanlalabo ang aking paningin. Kung para sa kanila balewala lang ang kikitain ko dito para sa akin malaking bagay na ang magiging benta ko sana dito. Pangkain namin ni Lola to eh, pero paano ko pa ito pagkakakitaan kong ang iba nagkalat na?

Hindi ko pinansin ang pagkatahimik nilang lahat, patuloy lang ako sa pagpulot ng mga hindi sira ang balot. Kita ko pa yong mga luha kong nababagsakan sa sahig, Natigil lang ako ng mapansin ang dalwang pares ng sapatos sa aking tapat.

Wala akong lakas na tumingala kung sino ang may-ari nito. Gusto kong itago ang aking mukha na punong-puno ng mga luha at gusto ko nang umalis dito.

Mabilis akong tumayo ngunit hindi pa rin nakatingin sa kanilang lahat. Masama ang loob ko sa kanila. Tatakbo na sana ako ngunit biglang may humawak sa akin. Hindi paman ako nakalingon ng magsalita ito.

"Give me the peanuts, I will buy that." 

Mga Comments (2)
goodnovel comment avatar
Jekk Tan
Marakit c Amy.. Mani kau jan hehe
goodnovel comment avatar
Anna Mernilo
ayeeehhhh,, kinilig ung Mani ko miss.A..mapa sa all k n lng talaga hayyyttzzz Ang galing mo magpakilig Ng Mani ............thank u po
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status