Share

Chapter 1

ISA

"Anak!" Pabalikwas akong bumangon mula sa pagkakahiga.

Nagising akong pawis na pawis dahil sa masamang panaginip. Nasa sementeryo raw ako at naghuhukay ng libingan para sa sarili kong anak.

"Sa wakas at gising ka na."

Namilog bigla ang mga mata ko nang makita kung kanino nanggaling ang boses na iyon. Tumayo ito mula sa pagkakaupo sofa at lumapit sa kamang kinahihigaan ko—si Senyora Celestia, ang ina ni Uno.

Bakit nandito siya? At ako... nasaan ako? Ginala ko ang paningin ko sa buong kuwarto. Isang tingin lang sa paligid, alam ko na agad na nasa hospital ako.

"How are you feeling, hija?"

"M-medyo maayos na po ang pakiramdam ko, senyora Celestia. K-kailan pa po kayo nakabalik mula sa business trip n'yo?"

"Kanina lang, at nalaman ko ang lahat mula kay Linda."

Si Linda ang isa sa maraming katulong sa mansion ng mga Cavallaro. Ito lang ang pinagkakatiwalaan ni Senyora Celestia sa aming lahat. Sinusumbong kasi nito ang mga nangyayari sa mansion kapag wala si Senyora.

"Alam ko na rin ang tungkol dyan." Bumaba ang paningin niya sa tiyan ko.

Umagos ang luha sa pisngi ko dahil sa sinabi niya. Ibig lang sabihin, hindi ako nakunan sa pagkahulog ko sa mataas na hagdan. Nandito pa rin ang anak ko.

"Senyora, maawa na ho kayo sa akin at sa walang muwang na batang dinadala ko."

Lumambot ang mukha niya sa narinig. Lalo pa siyang lumapit sa akin at hinawakan ako sa kamay. "Ako ang bahala sa iyo. Uuwi tayo sa mansion at doon ka magpapagaling. Maaalagaan ka roon."

"H-hindi kayo galit sa akin, senyora?"

Sa totoo lang, inaasahan ko nang magagalit siya sa akin. Matataas na tao sa lipunan ang pamilyang Cavallaro. Sa kadahilanang ito, ayaw na ayaw ni Senyora Celestia ang nadidikit ang pangalan nila sa mga katulad kong hampas-lupa.

Galit si Senyora sa mga mahihirap at hindi nila kapareho ng antas sa buhay. Pero taliwas sa inaasahan ko ang ipinapakita niya ngayon.

"Bakit ako magagalit? Apo ko ang nasa sinapupunan mo."

Hindi ko napigilan ang humagulgol. "Maraming salamat ho! Napakabuti n'yo, senyora! Ang buong akala ko, kamumuhian n'yo ako dahil isa lang akong hamak na katulong."

Ngumiti siya. "Magpahinga ka na. Mamaya ay babalik na tayo sa mansion."

***

Nakangiti akong bumaba mula sa magarang sasakyan ni Senyora Celestia. Sabik na sabik akong makita si Uno. Siguro naman ngayon, matatanggap na niya ako dahil kakampi ko na ang kaniyang ina.

"Dalhin n'yo na iyan."

Natigilan ako nang lumapit sa akin ang dalawang bodyguards ni Senyora Celestia. Pilit akong dinadala ng mga ito sa likuran ng mansion.

"Ano'ng ibig sabihin nito? Bitiwan n'yo ako!"

Nagpumiglas ako at buong lakas na sumigaw pero parang walang naririnig ang dalawang lalaki.

"Senyora, ano'ng ibig sabihin nito? Maawa ka sa amin ng anak ko! Senyora Celestia!"

Hindi kalayuan mula sa mansion, nakatayo ang isang luma at gawa sa kahoy na bodega kung saan nakatambak ang lahat ng mga kagamitan para sa pagtatanim. Dito nila ako dinala.

Itinulak ako ng dalawang lalaki sa loob at pagkatapos ay sinara ang pinto. Nang subukan ko itong buksan, laking gulat ko nang malamang nakakandado ito mula sa labas.

"Senyora! Maawa na kayo sa akin! Pakawalan ninyo ako!"

Nangilid ang maraming luha sa pisngi ko habang malakas na pinaghahampas ng kamay ang pinto. Namaos na lang ang boses ko pero hindi pa rin ako pinapakawalan ni Senyora Celestia. Tuluyan nila akong iniwan dito!

***

Nakahiga ako sa lupa at yakap ang sarili ko nang marinig ang ingay sa labas. Mabilis akong bumangon at makitang bumukas ang pinto ng bodega.

Walang ilaw sa loob pero sa tulong ng liwanag ng buwan, nagawa kong makita ang mga mukha ni Senyora Celestia at ng dalawang bodyguards na nakasunod sa kaniya.

"Senyora, bakit n'yo ako ikinulong dito? Hindi ito ang ipinangako n'yo sa akin sa hospital!"

"Bakit? Kapag sinabi ko bang ikukulong kita, sasama ka? Tonta!"

"Maawa kayo sa akin! Buntis po ako at apo n'yo ang dinadala ko!"

"Wala akong pakialam kung apo ko o hindi ang batang iyan! Hindi puwedeng malaman ng ibang tao na pinatulan ka ng anak ko! Masisira ang pangalan namin!"

Pinitik niya ang mga daliri niya. Pumasok sa loob ng bodega ang dalawang katulong dala ang isang banig, isang unan, at ang lumang bag na dala ko nang pumasok akong katulong dito.

"Anong ibig sabihin nito?"

"Hindi ka puwedeng lumabas ng bodegang ito hangga't hindi ka nanganganak!"

Pinanlakihan ako ng mga mata sa narinig. Mabilis na binalot ng takot ang dibdib ko. "Anong ibig mong sabihin? Senyora, hindi mo puwedeng gawin sa akin ito!"

"Alan!"

Lumapit sa akin ang bodyguard niyang si Alan at sapilitan akong hinatak palapit kay Senyora Celestia. May ibinigay sila sa akin na isang kasulatan.

Elementary lang ang natapos ko pero nakakabasa ako at kahit papaano ay nakakaintindi ng Ingles. At hindi ko nagugustuhan ang mga nababasa ko.

"Senyora, ano ito? Kukunin n'yo sa akin ang anak ko?"

"Pagkatapos mong manganak, iiwan mo sa amin ang bata. Aalis ka at hindi na muling magpapakita!"

"Pero senyora, anak ko ito! Hindi n'yo siya puwedeng kunin sa akin!"

Nang-iinsulto niya akong tinawanan. "Kabisado ko na ang mga taong katulad mo! Gusto mo lang naman ng pera, di ba? Huwag kang mag-alala! Makakatanggap ka nang 100,000 pesos kapalit ng batang iluluwal mo!"

"Ayoko! Senyora, hindi bagay o damit na puwedeng ipagbili ang anak ko! Akin siya! Pakawalan mo ako rito!"

Sinubukan kong kumawala sa pagkakahawak sa akin ni Alan, pero mahigpit akong hinawakan ng dalawang lalaki. Hindi nila ako hinayaang makalapit man lang sa pinto.

"Mamili ka, tatanggapin mo ang alok ko o iinumin mo ito!" Naglabas siya ng maliit na bote.

"Ano iyan?"

"Pampalaglag ng bata! Kapag naubos mo ito, mamamatay agad ang bata sa sinapupunan mo!"

Mabilis na nag-init ang ulo ko sa kaniyang sinabi. Anong binabalak niya? Papatayin niya ang anak ko?

"Hindi ko iinumin iyan!"

Nginisian ako ni Senyora Celestia. "Hawakan n'yo iyan!"

Nagsimula akong sumigaw at mas lalong nagpumiglas nang makitang binubuksan na niya ang bote. Hinawakan niya ako sa panga at muling pinakita sa akin ang bote ng gamot.

"Pipirmahan mo ba ang kasulatang ito o mawawalan ka ng anak ngayong gabi?"

Kahit gaano ko kagustong tumanggi, wala akong nagawa kundi pumayag sa gusto niya. Ayaw kong mamatay ang anak ko.

Iyak ako nang iyak habang pinipirmahan ang kasulatan kung saan nakasaad na pumapayag akong ipamigay ang anak ko... kapalit ng malaking halaga ng pera.

Mga Comments (6)
goodnovel comment avatar
Adora miano
kapaa it diay mag pa maid no kung ingon ani lang ,,hay story tale pa more
goodnovel comment avatar
Jekk Tan
haysss.. kawawa naman
goodnovel comment avatar
MJ Romero Decio Onatis
nabasa ko na 2 sa dream ba un,
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status