Share

Chapter 2

ISA

LUMIPAS ang maraming buwan, palaki na nang palaki ang tiyan ko hanggang dumating ako sa punto na nahihirapan na akong maglakad o maski ang tumayo.

Nakakulong pa rin ako sa bodega, nakahiga sa banig at dinadalhan lang ng pagkain ng mga katulong ni Senyora Celestia. Paminsan-minsan ay dinadalaw niya ako kasama ang family doctor nila para matingnan ang kalagayan ko. Katulad ngayon.

"Senyora, maawa na kayo sa akin. Paalisin n'yo na ako dito. Mababaliw na po ako rito."

"Tonta! Ngayon ka pa magrereklamo? Isang buwan na lang, manganganak ka na!"

"Hindi po ako magsusumbong sa mga pulis. Hayaan n'yo lang akong makaalis kasama ang anak ko! Maawa na kayo, senyora!"

Umiiyak na ako sa puntong ito, nakaluhod sa lupa at nagmamakaawa sa kaniya. Pero para siyang walang naririnig. Parang hangin lang ang pagmamakaawa ko sa kaniya.

"Kahit magsumbong ka pa sa mga pulis, sinong maniniwala sa iyo? Kumpara sa akin na kilala sa lipunan, sino ang maniniwala sa isang katulong lang?"

Mariin akong pumikit pagkatapos ng mga narinig. Marahan kong hinaplos ang tiyan ko. Anong gagawin ko para makatakas dito?

Muling nag-iwan ng mga bitamina ang doctor na tumingin sa akin bago nila ako iniwan.

Pilit akong tumayo at lumapit sa kahoy na pader. Hinatid ko sila ng tingin hanggang sa mawala sila sa paningin ko. Binalingan ko naman ang mansion na tanaw ko mula rito.

"Uno... "

Ano bang nagawa kong kasalanan para danasin ito? Nagmahal lang ako. Minahal ko ang anak ng amo ko, pero bakit ganito ang nangyayari?

Parusa ko ba ito dahil ang katulad kong dukha ay naghangad ng isang langit?

Lumipas pa ang maraming araw, dumating ang isang gabing maulan. Nakabuka ang mga hita ko at mahigpit na nakakapit ang dalawa kong kamay sa aking unan.

"Sige pa! Ere pa!"

Umiiyak akong umiling. "Ang sakit! H-hindi ko na po kaya!"

Basang-basa na ang damit ko sa pawis. Mahigit isang oras na akong umeere pero hanggang ngayon, hindi pa rin lumalabas ang bata.

"Dalhin n'yo na po ako sa hospital! Maawa kayo!"

Hindi ako binigyan pansin ng nurse na nagpapaanak sa akin. Kahit ang lalaking nakatayo sa tapat ng pinto at nagbabantay ay walang pakialam.

"Kailangan mong tatagan ang loob mo! Mamamatay ang anak mo kung ngayon ka pa susuko!"

Mariin akong pumikit nang magsimulang manlabo ang mga mata ko. Nilagyan ng nurse nang makapal na tela ang bibig ko at muli akong pinaere.

Diyos na maawain, tulungan mo po ako!

"Ere pa!"

"Agghhh!"

"Ayan! Nakikita ko na ang ulo ng bata!"

Marahas akong umiling. "Hindi ko na kaya! Maawa kayo!"

"Isa, kaunting ere na lang! Sige pa!"

Humugot ako ng malalim na hangin habang nakatingin sa kisame. Sumigaw ako at muling umere.

"Ayan na! Isa, malapit nang lumabas ang anak mo! Isang ere pa!"

Buong lakas akong muling umere kahit parang malalagutan na ako ng hininga. "Ahhhh!"

Maya-maya lang ay sumabog na ang ingay ng iyak ng bata sa buong paligid. Nilalamon ang munting pagtangis nito ng malakas na kulog at ulan sa labas pero malinaw kong naririnig ang kaniyang boses.

"A-ang anak ko."

Umangat ang kamay ko para abutin ito, pero natigilan ako at lalong nanghina nang makitang nilapitan ito ng lalaking nagbabantay sa akin at sapilitang kinuha.

"Sandali lang! Hayaan mong mahagkan muna niya ang anak niya!"

"Bitiwan mo!" malakas na bulyaw nito sa nurse na may karga sa anak ko.

Walang nagawa ang nurse kundi hayaan itong makuha ang anak kong sanggol pa lamang.

"Anak... "

Sinubukan kong bumangon pero hindi ko magawa. Hinang-hina ako. Pakiramdam ko ay nasa hukay na ang kalahati ng katawan ko.

Nang hindi ko makayanan ang tumayo, gumapang ako sa lupa. Buong lakas akong gumapang para lang humabol sa lalaking may dala sa aking anak.

"Ibalik mo siya... ibalik mo ang anak ko!"

Ngunit wala akong nagawa nang suungin ng lalaki ang malakas na ulan at patakbong umalis kasama ang aking sanggol.

"Anak ko! Ibalik n'yo sa akin ang anak ko! Mga hayop kayo!"

Nasa lupa pa rin ako, nakaharap sa bukas na pintuan. Ang kamay ay nasa ere at panay tawag sa anak kong hindi ko man lang nayakap o n*******n.

"Senyora! Maawa na kayo! Ibalik n'yo ang anak ko—"

Mabilis akong natigilan nang makaramdam ng matinding pananakit ng tiyan.

"Oh, Diyos ko! Isa, may isa pa!" Pinatihaya ako ng nurse at muling ibinuka ang aking mga hita.

"A-anak ko... "

"Ere, Isa! Umere ka!"

Sinunod ko ang inuutos ng nurse. Buong lakas akong umere habang nakakuyom nang mahigpit ang mga kamay.

"Ere, Isa! Nakikita ko na ang bata!"

Sa huling ere ko bago ako tumingala at tuluyang sumara ang mga mata, narinig ko ang malakas na iyak ng bata.

"Babae ang isang ito, lalaki ang kanina! Kambal ang anak mo, Isa!"

Comments (5)
goodnovel comment avatar
Adora miano
Wow tuloy Ang Buhay ng bida
goodnovel comment avatar
Cristy Acevedo
grabii ka walang puso naman ng ama at lola ang bata ang sama ng mag ina may karma din kayo
goodnovel comment avatar
Emily Resente
Sana may twist ung story..sobrang awa aq ky Isa, hndi biro ung pinagdaanan nia...
VIEW ALL COMMENTS

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status