Share

The Forbidden Desires 03

"Hayaan mo na siya sa itaas, Kuya! Kasi wala nga siyang ibang gagamitin na kwarto!"

Tiningnan ako ni Laura pero na kay Silas ang tingin ko. Binubuksan niya ang mga kwarto at iniinspeksyon ng mabuti kung pwede niya bang magawan ng paraan ang isa roon para mailipat ako ng kwarto.

Ang kwarto ko na katabi ng kwarto niya ay malinis at kumportable. Kaya hindi ko maintindihan kung bakit ayaw niya ako roon.

"That floor is mine-"

"Sayo iyon dati. Solo mo kasi wala naman tayong ibang kasama sa bahay. Sila Lolo at Lola mas gusto rito sa second floor para hindi mahirapan mag-akyat baba at ganoon din kami ni Gineth. Wala kang kasama sa itaas kaya si Athena na lang."

Iritado niyang sinuklay pataas ang buhok niya at nilingon ako. Napaatras ako at bahagyang itinago ang sarili sa hamba ng pinto. Nasa loob siya at si Laura ng kwarto na marumi at maalikabok. Pati ang pintura nito sa dingding ay kailangan ayusin. Nag-iwas ako ng tingin at nasalo ng door knob na sira ang mga mata ko.

"Aayusin ko ito at ililipat ko siya rito pagkatapos! Ayokong may kasama sa itaas!" Naglakad siya palapit sa pinto at nilagpasan ako.

Nanatili sa door knob ang tingin ko pagkaraan niya. Hindi ko kayang salubungin ang kanyang mga mata na palaging madilim at masungit kahit wala pa naman akong ginagawa.

"Pagpasensyahan mo na si Kuya, ha?"

"Ginagamit niya ba ang lahat ng kwarto sa itaas?" Nagtataka na tanong ko kasi sobra ang pagtutol niya na doon ako matulog.

"Oo ginagamit niya ang iba pero 'yung tinutulugan mo walang gumagamit."

Nag-aalangan niya ako na tiningnan. Tinitigan niya ako na naninimbang kung dadagdagan pa ba ang sasabihin niya.

Ang dami ng kwarto sa itaas. Tinutulugan niya ba lahat 'yon? Baka naman tambakan niya o taguan ng mga importante na gamit?

"Okay," sagot ko na lang at ayoko naman din na magtanong pa.

Inipit ko sa ilalim ng aking tainga ang buhok na kumawala at humarang sa pisngi ko. Nakatitig siya pero hindi naman nagsalita. Kumurap ako at tipid na ngumiti. Handa na akong bumalik sa itaas nang hawakan niya ako sa braso at pigilan sa pagtalikod sa kanya.

"Kung sakali na may marinig ka huwag mo na lang pansinin..."

Seryoso ang mga mata niya. Marinig saan? Ngumiti siya kaya maliit din ako na ngumiti at tumango kahit hindi ko naintindihan ang ibig niyang sabihin.

Marahan ang hakbang ko sa hagdan paakyat at iniisip na magagalit siya kung mag-iingay ako. Sandali akong tumigil nang nadaanan ko ang kwarto niya. Bakit kaya ayaw niya na narito ako sa tabi niya? Siguro nasanay siya na mag-isa sa floor na ito? At ano naman ang sinabi ni Laura na maririnig ko rito?

Tiningnan ko ang mga ibang kwarto. Apat ang kwarto rito. Ang dalawa'y gamit namin. Ang isa'y katapat ng kwarto namin at ang isa pa ay nasa dulo ng pasilyo na medyo malayo sa tatlong kwarto.

Pumasok ako sa sariling kwarto at nahihiwagaan sa sinabi ni Laura at sa akto ni Silas nang makita ako.

Kinabukasan maaga akong nagising dahil nasanay sa probinsiya na maaga pa lang ay nasa labas na at nangangabayo o kaya ay nanunuod sa mga nagpapaanak sa baka.

Malungkot akong nagbuntong hininga habang nakatanaw sa hagdan pababa. Nami-miss ko na ang hacienda. Nasanay ako sa amoy ng probinsya at ang malamig na hangin na sinasalubong ako sa tuwing mabilis ang patakbo ko kay Avery. Isa siyang babaeng breed na Arabian horse. Kulay puti at sa akin lang maamo. Isang araw pa lang ako rito'y nakakaramdam na ako ng pangungulila. Dapat siguro pinilit ko talaga si Lolo na doon na lang ako maghihintay sa kanya.

Sa kakaisip ko, hindi ko napansin na nasa huling baitang na ako. Kamuntikan na akong matapilok sa huling baitang kung hindi lang ako napakapit sa leeg ng lalaki na nasa harapan ko. Napapikit ako ng mariin dahil nalula ako sa huling baitang na hindi ko naapakan.

Ang mainit na hininga nang kayakap ko ay tumatama sa aking leeg. Ang braso niya'y nasa bewang ko at mukhang napahawak din sa akin para pigilan ang pagtumba ko.

Nanlaki ang mga mata ko pagkadilat nang makita na wala siyang suot na damit pang-itaas. Mabilis akong lumayo para lang bumalandra si Silas na salubong ang kilay.

"Watch your step next time," he said, annoyed.

Napalabi ako. "Sorry."

Bumaba ang iritado na tingin niya sa labi ko. Ang kamay ko'y nanatili sa leeg niya at ang braso niya ay nakapaikot pa rin sa bewang ko papunta sa aking likod.

Natulala siya sandali. Kumurap siya at umiwas bago niysa ako mabilis na binitiwan para umakyat sa itaas. Sinundan ko siya ng tingin dahil sa bigat ng mga paa niya. Sa una ay humahakbang lang siya pero nang muli niya akong lingunin at makita na nakatingin ako, tumakbo siya paakyat.

"Hija? Nandiyan ka pala!"

"Good morning po," bati ko sa lola nila at tuluyan nang bumaba sa hagdan.

"Tawagin mo na lang kami na Lolo at Lola dahil apo ka na rin naman namin. Si Gineth at Laura ay Tita mo. Si Silas naman ay Tito mo pero halos mga magkakaedaran lang naman kayo kaya kahit Ate at Kuya na lang ang itawag mo sa kanila."

"Okay po Lola," magalang na sagot ko.

Nginitian niya ako at isinama sa hapag na mayroon nang nakahain na mga pagkain. Ang aga rin pala nila mag-ayos dito. Nakakahiyang hindi man lang ako nakatulong.

"Pupuntahan niyo po ba ang rest house ni Tita Sena?"

Pagkalapit ko sa hapag narinig ko na nagtanong ni Gineth. Ngumiti si Laura sa akin at itinuro ang pwesto kung saan ako uupo.

"Babalik kami. Magtatagal kasi si Mr. Miller at ang anak niya na babae," sagot ng Lola niya.

Hindi ko alam ang pinag-uusapan nila pero sa ayos ng dalawang matanda mukhang aalis sila.

"Pupuntahan din yata ni kuya si Elle. May training sila sa likod," si Laura.

Muntik na ako mapasinghap nang mapasulyap kay Silas na kauupo lang sa tabi ko. Hindi ko siya narinig na bumaba sa hagdan kahit ang paglapit niya sa hapag kainan hindi ko naramdaman. Nahihiwagaan ako na napatitig sa kanya, para siyang hangin lang na dumaan.

"Pupuntahan mo si Elle, Kuya? Sasama ako!"

Malaki ang ngiti ni Neth at nagpapacute kay Silas para isama siya. Nakatitig ako sa kanya at naghihintay din sa isasagot niya sa kanyang kapatid. Habang nasa kanya ang tingin, napapaisip ako. Pwede rin kaya akong sumama?

Siguro naramdaman niya na nakatitig ako. Tumikhim siya at nilingon ako. Hindi ako nag-iwas ng tingin at ngumiti pa sa kanya. Gusto ko sana sumama kaya lang ang suplado ng mga mata niya kaya hindi ako makapagsalita.

"Kuya, sasama ako!" Pangungulit ni Gineth.

Hindi ako kumuha ng pagkain kaagad. Hinarap ko muna si Silas nang nakangiti at nagbabaka-sakali na isama niya kami ni Neth.

"Kung sasama si, Gineth, pwede rin ba ako sumama?"

Nabitin sa pagsubo si Silas. Salubong ang kilay niya at masungit. Pati ang mga labi mariin ang pagkakasara. Napakurap ako at nagtataka kung bakit ang lamig niyang makitungo sa akin. Sa pananalita at tingin niya'y parang iniiwasan niya ako o ayaw niya na narito ako. Pagilid niya akong binalingan.

"Hindi mo kami tauhan. Hindi lahat ng gusto mo masusunod sa pamamahay ko."

Napasinghap ako. Namilog ang mga mata ko at napaiwas ng tingin dahil napahiya. Hindi ko naman siya inutusan, nagtanong lang ako kung pwede akong sumama.

"Apo, huwag mo pagsalitaan si Athena ng ganyan," marahan na saway ng Lola niya.

Hindi ako nag-angat ng tingin sa kanila. Sa halip ay nagsimula na lang akong kumuha ng mga pagkain kahit sumama ang loob ko sa paratang niya. Narinig ko si Neth na gustong sumama kaya nagtanong lang ako. Pwede niya naman sabihin na hindi pwede. Hindi naman ako magpupumilit kung aayaw siya.

"Dapat lang para malaman niya na ako ang masusunod dahil sa akin siya pinagkatiwala ng Lolo niya."

Dumiin ang hawak ko sa mga kubyertos. Tama nga ako na masama ang ugali niya. Dapat talaga nagpumilit ako kay Lolo na ayoko sumama kay Silas.

Natahimik silang lahat. Sa nakikita ko, siya ang nasusunod dito sa lahat ng bagay at lahat ng desisyon niya'y nirerespeto ng mga tao rito kahit nang dalawang matanda. Naunang tumayo ang Lolo't Lola nila at nagpaalam na mauuna nang umalis.

Tinulungan ko si Laura na magligpit ng mga pinggan. Hindi ako nakatulong sa pagluluto kanina kaya ngayon sa paglilinis ng pinggan na lang ako tutulong. Nakaupo pa si Silas kahit tapos na siyang kumain. Nagkatinginan kami nang kinuha ko sa lamesa ang pinggan niya na wala nang laman. Ang baso'y hawak niya. Umiinom siya habang nakatingin sa akin. Palaging madilim ang mata. Nag-iwas ako at nagmadali na lang na dinala ang mga pinggan sa lababo.

"Kaya ko na 'to!" Si Laura na nakangiti at inaawat ang kamay ko.

"Tulungan na kita. Hindi ko kasi alam na maaga kayo'ng nagluluto kaya hindi ako nakatulong kanina."

"Ang ganda ng mga kamay mo. Baka masugatan ka sa pagsasabon."

Napalabi ako at nai-angat ang aking dalawang palad. Sobrang puti ng mga balat ko kaya nakikita ang mga maliliit na ugat at parang ang sensitibo kong tingnan. Pero ang totoo sanay ako sa mga gawain.

"Nagluluto ako at naghuhugas ng pinag-kainan sa hacienda. Tumutulong ako sa gawaing bahay."

Napangiti si Laura at naging interesado sa mga sinasabi ko. Sinulyapan niya si Silas at nakangisi na ibinalik sa akin ang tingin.

"Kung ganoon hindi ka palautos sa tauhan ninyo?" Malakas na tanong niya na parang pinaparinggan ang kapatid.

Hindi pa umaalis si Silas kaya medyo natakot ako. Kapatid niya ang nagpaparinig pero ramdam kong sa akin siya galit na nakatingin. Umiling ako at inabot na ang gagamitin na sabon sa paglilinis.

"Kapag kaya ko ako na ang gumagawa. Naglilinis din ako ng kwadra at nagpapaligo ng kabayo. Tinuturuan din ako na magpaanak ng mga baka."

Nanlaki ang mga mata niya't tiningnan ako mula ulo hanggang paa. Parang namamangha sa mga narinig.

"Hindi halata sayo! Kung titingnan ka kasi para kang prinsesa sa isang malayong kaharian! Na hindi kailangan kumilos dahil maraming taga-silbi!"

Natawa ako sa sinabi niya. Marami na ang nakapagsabi sa akin ng ganyan. Kagaya ng sinabi niya'y iyan din ang unang sinabi sa akin ng mga tauhan sa hacienda. Na hindi raw ako dapat hinahayaan sa mga mabibigat na gawain pero nasanay na sila sa pangungulit ko at lahat sila'y naging kaibigan ko na rin. Para na lang kaming pantay pantay at hindi ako ang apo na magmamana sa buong hacienda. Kahit ganoon, hindi na mawawala sa kanila ang paggalang sa akin kaya may limitasyon kapag kasama ko sila.

Pagkaakyat sa kwarto ko'y tumanaw ako sa bintana. Malamig ang simoy ng hangin na pumapasok pero iba pa rin ang hangin ng hacienda. Pumikit ako at hinayaan ko na tangayin ng hangin ang aking mahabang buhok. Itim na itim ang aking buhok at kulot ang bandang dulo. Gumuhit ang ngiti sa mapupulang labi ko na kakulay ng pulang rosas nang makiliti ang pisngi ko dahilan ng mahahaba kong pilikmata. Makapal din ang itim na kilay ko at ang mga mata ko ay kakulay ng gabi. Dahil sa sobrang puti ng aking balat at ang ilan sa mga katangian ko ay madalas akong maihalintulad sa isang karakter ng prinsesa sa libro.

Hindi mo kami tauhan. Hindi lahat ng gusto mo masusunod sa pamamahay ko.

Naging mababaw ang ngiti ko nang maalala ang galit at malamig na mga salita ni Silas. Bakit siya pumayag sa kagustuhan ni Grandpa na sa kanya ako tumira pansamantala gayong nakikita ko sa kanya na hindi niya ako gusto?

Unang araw pa lang ramdam na ramdam ko na ang pagka-ayaw niya sa akin. Bumuntong-hininga ako. Marahan akong dumilat at napatingin sa ibaba. Naroon siya at nakatingala na pinagmamasdan ako. Mayroon hawak na sigarilyo at nakasandal sa bato na dingding ng bakuran nila. Mariin ang tingin niya sa akin habang ibinubuga niya ang puting usok sa mapulang labi niya.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status