Share

5 - Damit Ng Isang Reyna

Kinabukasan maagang nagising si Adira, pero ang oras ng flight niya ay tanghali pa. Napagtanto din niya na hindi pa siya naliligo.

Habang nilalakbay niya ang pasilyo palabas ay nakita niya ang prinsipe na nakatingin lang sa malayo. "Ang aga rin pala nilang nagigising."

Lumapit siya sa likod ng prinsipe. "Magandang umaga, Prince Dylan!"

Nabigla naman ito at bahagyang nagulat ng biglang kumunot ang noo nito. "Bakit narito ka pa, 'di ba dapat ay umalis ka na sa palasyo ko?"

"Palasyo ng ama mo, prinsipe ka pa lang hindi pa hari, kaya hindi mo pa pagmamay-ari ang palasyo ni King Stephen."

Tumalikod na lang ito sa kanya at hindi na nagsalita nasaktan ata sa sinabi niya. Tiningnan niya ang sapatos nitong makinis pa sa sapatos niyang suot na may putik pa, ang pants nitong parang ilang beses dinaanan ng plantsa, ang pang itaas nitong pang prinsipe talaga na may mga nakasabit sa gawing balikat at sa harapan na may tela na nakatahi mismo sa pang itaas na suot nito. Umangat ang paningin niya sa ulo nito na may isang matigas na sumbrero na bagay para sa isang prinsipe, pero bigla itong lumingon kaya tinaasan niya ito ng kilay.

"Puwede bang layuan mo ako. Hindi tayo magkaibigan para tumayo ka diyan ng matagal."

Kumunot naman ang noo niya. "Sino ba may sabing magkaibigan tayo, ikaw lang naman ang assuming sa ating dalawa."

Galit itong humarap sa kanya. "Bakit pati pagsasalita mo ay ibang-iba sa pagsasalita namin rito, hindi mo ba alam na kasalanan 'yang mga sinasabi mo na walang galang?!"

Lumakad siya at lumapit ng konti sa mukha nito. Ilang inches lang naman ang layo ng height nilang dalawa. Nabigla naman ito sa ginawa niya. "Sabi mo nga magkaiba, kaya wala kang karapatan na kailangan kong baguhin ang ugali kong dala mula sa bansa ko dahil isa kang prinsipe. Tandaan mo, ako ang masusunod sa atin sa oras ng pagsasanay, kaya hindi ka makakakuha ng special treatment mula sa akin. " Napa-atras naman ito ng ilang hakbang.

"Hindi ko batid kung bakit pinili ka ng aking ama. Sa sinabi mo kanina tungkol sa gangster ay parang hindi ka mapagkakatiwalaan."

Napangisi siya. "Magtiwala ka, mas magiging kakampi mo ako sa kahit sino man sa mundo kahit galing ako sa mundo ng gangster. Sa oras na makitaan kita ng isang ugali na gusto ko ay baka pagsilbihan pa kita buong buhay ko."

"Kahit huwag na lang, kahit hindi para sa akin ang palaso ay ihaharang ko ang katawan ko huwag ka lang makasama ng matagal."

Napailing siya sa ugali ng prinsipe. "Ang arte mo naman kung ganon. Ikaw pa talaga ang tumanggi, hindi mo ba alam sa aking bansa ay handa silang magbayad ng malaki para sa serbisyo ko, pero ikaw may makita lang akong ugali na gusto ko mula sayo ay handa akong ibuwis ang buhay ko maligtas ka lang."

Hindi na sumagot si Prince Dylan. "May tanong nga pala ako. Ang ingay mo, kaya ngayon ko lang ulit naalala."

Sa isip naman ni Prince Dylan ay, "Hindi na maganda ang pag-iisip ng binibini na 'to. Ako pa talaga ang sinisi gayong siya nga ang madaming sinasabi."

"May damit ba kayo na puwede sa akin? Bago ako umalis ay maliligo muna ako."

"Anong klaseng damit?"

"Mga tshirt, pants ganon."

"Wala akong kasuotan na sinabi mo."

Napakunot naman ang noo niya. "Huwag mong sabihin na ganyan lagi ang suot mo?" Sabay turo niya sa suot nito ngayon.

"Tama ka ganito lagi ang suot ko."

Napatampal naman siya sa noo. "Grabe ang inet ganyan pa rin ang suot mo. Paano pagnatutulog?"

"Isang kasuotan na pang tulog lang, bakit?"

Napailing siya. "Sa tingin ko mahihirapan kang magsanay pag ganyan lagi ang suot mo. Kailangan ay mga magagaan na kasuotan muna ang suot mo para malaya kang makagalaw pansamantala."

Tiningnan siya nito na parang nanghuhusga. "Bakit pati ang kasuotan ko ay gusto mong pakialaman? Bakit hindi na lang rin ikaw ang maging prinsesa ko—" Natigilan naman si Prince Dylan sa sinabi niya.

"Ayokong magsuot ng gown at maglagay ng kolorete sa mukha, kaya salamat na lang sa alok mo, pero hindi mangyayari 'yon." Napapikit na lang ang prinsipe. "Sa katulong niyo rito sa palasyo, baka puwede akong humiram?"

"Hindi puwede, iilan lang ang kasuotan nilang dala rito sa palasyo, tapos susubukan mo pang hiramin sa kanila."

"Puwede ko naman ibalik o kaya papalitan ko."

Mukhang sagad na ang pasensya ni Dylan sa kanya. "Sumama ka sa akin ng hindi mo na ako ginugulo." Lumakad ito at sumunod naman siya, pero pumasok lang ito sa opisina ng ama ng prinsipe at naiwan siya sa labas.

Pamaya-maya ay lumabas ulit ito. "Sumunod ka."

Naglakad na naman ito at huminto sila sa isang malaking pinto na kulay pula. Si Dylan na rin ang nagbukas dahil walang kawal na nakabantay sa pintuan na 'yon. Pagpasok nila sa kwarto ay isa pala itong dressing room na puno ng damit na pang babae.

"Nag-iisang anak ka lang 'di ba, bakit may mga ganitong damit dito? Ginagamit mo rin ang mga 'to?" Isang masamang tingin naman ang binigay nito sa kanya.

"Sa aking ina ang mga ito, nagpa-alam ako kay ama na baka puwede kang magsuot ng isa sa damit ng reyna at pumayag naman siya."

"Nasaan nga pala ang iyong ina? Hindi ko siya nakita sa loob ng palasyo kahit noong unang araw kong narito."

Tumahimik si Dylan ng ilang segundo. "Wala na siya, kaya bilisan mo na diyan!" Masungit nitong saad.

Ayaw niya na ring magtanong pa dahil mukhang alam niya na ang ibig sabihin ng sinabi nito, kaya pumili na lang siya sa damit na simpleng-simple lang, pero lahat ay social kahit walang design. "Ang sosyal naman ng damit na 'to pati ata pang araw-araw parang pupunta na ng party," bulong niya.

Nakakita siya ng jacket na mahaba na kulay itim, isang panloob na hindi naman masasabing t-shirt at isang kulay itim rin na pants. "Sa wakas may simple rin akong nakita." Kinuha niya ito at pinakita kay Dylan. "Ito ang napili ko."

Tumingin lang ito sa damit niyang napili at tumango, pagkatapos ay lumabas na sila, hindi na rin naman ito nagsalita kaya nagpaalam na siya. Diretso na siya sa kwarto na nakalaan sa kanya at naligo.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status