Share

Chapter 2: Meet Talitha

[Talitha P.O.V]

"Ate, nagugutom na ako," sabi sa akin ng bunso kong kapatid. Hindi pa kasi kami nag-aalmusal at kaunti lang ang nakain namin kagabi dahil pinagkasya lang namin ang kapuranggot na kanin at ulam na binili ni tatay.

Naaawa ako sa kapatid ko dahil wala akong maibigay na pagkain sa kaniya sa mga oras na 'to. Hanggang ngayon kasi ay wala pa rin si tatay galing trabaho. Mayroon lang kaming tutung na kanin na tira namin kagabi pa. 

"Samuel, hintayin lang natin si tatay, ha. Parating na rin siya." Binigyan ko na muna siya nang maligamgam na tubig.

Napakabigat sa loob ko para makita ang bunso kong kapatid na ganitong paraan.Sa edad na walo nararanasan na niya ang ganitong hirap ng buhay. Wala man akong magawa para sa kaniya kundi umasa rin sa tatay ko na hindi sumasapat ang sweldo sa pang-araw-araw namin. Ang nanay kasi namin ay iniwan kami at naghanap nang ibang pamamangasawa dahil nagsawa na sa tatay namin. Nagsawa na sa mga pangako niyang hindi natutupad.

"Ang hapdi na ate ng sikmura ko," naluluhang sabi sa akin ni Samuel. Hindi ko na tuloy napigilan ang sariling hindi mag-alala. Sobrang sakit sa loob kong nasa ganito kaming sitwasyon. 

Mabilis kong hinaplos sa tiyan niya ang efficacient oil na isang tungga na lang ay ubos na rin. Ganito lang palagi ang nangyayari sa amin kapag humahapdi ang sikmura namin. Efficacient oil lang hanggang sa makatulog.

At hindi nga ako nagkamali. Iniyak lang ni Samuel ang sakit ng sikmura niya hanggang sa makatulog na siya. Kahit ako ay nararamdaman ko na rin ang pagkurog ng aking tiyan pati ang paghapdi nang aking sikmura.

Ang hirap maging mahirap.

Habang natutulog ang kapatid ko ay nagbakasali akong maghanap ng mga kaibigan na pwedeng mahiraman ng pera. Susubukan ko rin manghiram sa mga kamag-anak namin. Sana lang talaga maawa sila ulit sa akin kahit na sandamakmak na ang mga utang namin sa kanila. 

Habang naglalakad ako ay hindi ko maiwasang hindi kausapin si God sa isip ko. Paulit-ulit kong hinihiling sa kaniya na sana makahanap ako ng pagkain namin dahil si Samuel ay gutom na gutom na. Mabilis kong pinupunasan ang mga luhang mabilis na nakakatakas sa aking mga mata habang naglalakad papunta sa isang kamag-anak namin.

Mabilis kong pinunasan ang aking mukha dahil sa mga luhang hindi nakatiis sa pagtakas atsaka ako huminga nang malalim at naglakas-loob na sumilip sa tindahan ni Tita Dal.

"Tita Dal, baka pwede po ako maka-utang ulit ng kahit isang pack lang po ng toyo?" pakiusap ko rito sa pinsan ni tatay na may sariling sari-sari store. 

Napakamot naman siya agad ng ulo nang mapagtanto kung sino ang nagsasalita. "Alam niyo, Talitha, ang dami niyo ng utang sa akin. Ni isa sa mga 'yon ay wala pa kayong binabayaran," inis na sambit niya sa akin. Napayuko na lang ako agad dahil alam kong hindi niya na ako papautangin.

"Pero dahil mabait ka naman bata at alam ko ang sitwasyon niyo, sige ito. Dalhin mo na itong isang kilong bigas, atsaka isang sardinas, ulam niyo. Baka gutom na rin si Samuel." 

Inabot agad sa akin ni Tita Dal ang mga ayudang binibigay niya sa akin. Umiiyak ko naman itong kinuha mula sa kaniya. 

"Huwag ka na umiyak diyan, Talitha. Kasalanan 'yan ng mga magulang niyo kung bakit kayo nagkakaganyan. Hindi sila nagsumikap noon. Kaya dapat ikaw, magsumikap ka mag-aral, ha. Para yumaman kayo at makahanap agad ng trabaho, ikaw ang magbigay ng magandang buhay sa pamilya mo," payo sa akin ni Tita Dal. 

Umiiyak naman akong tumatango sa kaniya. "S-salamat po, Tita D-Dal." Atsaka na ako tumakbo pabalik sa aming tahanan.

Pagkarating ko sa bahay ay tulog pa rin si Samuel at wala pa rin ang tatay kaya agad-agad ay  sinaing ko na ang isang kilong bigas na binigay ni Tita Dal. Kasyang-kasya na ito sa amin hanggang mamayang gabi. 

Habang hinihintay ko tuloy maluto ang kanin namin ay hindi ko magawang magpasalamat agad-agad kay God kasi agad-agad din dininig niya ang dasal ko. Sobra-sobra pa ang binigay sa akin.

Nang maluto ito ay masaya kong ginising si Samuel sa pagkakatulog at nakangiti siyang sinalubong ng yakap. "Samuel, kain na," aya ko.

Naguguluhan naman aniya kong pinagmamasdan.

"May pagkain na tayo," dagdag ko.

Pagkasabing-pagkasabi ko no'n ay mabilis siyang tumayo at agad na pumunta sa lamesa na may mga nakahapag na kanin at sardinas na nakalagay sa maliit na mangkok.

"Sardinas!" masayang sabi ni Samuel. Iyan kasi ang paborito niyang ulam.

"Oo, bigay sa atin ni Tita Dal. Kaya kapag napadaan ka sa kaniya, magpa-thank you ka rin, ha."

"Opo, ate!"

Masaya kaming kumain ni Samuel ng tanghalian. Nagtira pa kami ng kaunting ulam para pagdating ng gabi may ulam pa rin kami. Idadagdag na lang namin ang dala-dala ni tatay mamaya.

Nagpaalam muna ako kay Samuel na may pupuntahan kaya naman kasalukuyan akong nasa kalsada ngayon at nagbabakasali na makahanap ng trabaho sa murang edad. Labing-pitong gulang pa lang ako pero kailangan ko na magtrabaho imbis na mag-aral.

Palinga-linga ako sa mga tindahan na naghahanap ng mga tindera kahit sales lady lang sana. Pati na rin sa mga karinderia kahit tagahugas lang ng pinggan kaso dumating ang dapot-hapon ay wala akong nahanap na maaaring maging trabaho ko. 

Kaya naman nagbalak ako agad pumunta sa Blessed Sacrament sa isang cathedral dito sa bayan namin para lubos na magpasalamat sa Diyos sa natanggap namin biyaya. Masaya kong hinubad ang aking tsinelas at tahimik na lumuhod sa luhuran at payapang nagpapasalamat sa harap ng Holy Eucharist. Maya-maya lang ay nakaramdam ako na tila may nakatingin sa gawi ko kaya agad kong binuksan ang aking mga mata at nakita ko sa tabi ko ang isang napakagwapong nilalang. 

Hindi naalis sa akin ang kaniyang paningin kaya naman naglakas-loob na akong tanungin siya.

"Bakit po?"

Mukhang doon lang siya agad natauhan. "N-nothing," nauutal na sabi niya sa akin.

Napangiti pa ako sa kaniya dahil sa linis ng mukha niya. Mukha siyang galing sa mayaman na pamilya. Nakita ko pa na ginaya niya ang pagkalapat ng aking mga kamay at sabay pumikit tsaka tahimik na nagdasal. 

Mga ilang minuto pa ako nagstay sa loob ng Blessed Sacrament at napansin kong nananatili pa rin ang gwapong nilalang sa kaniyang pagdarasal. Hindi ko tuloy maiwasang pagmasdan siya at iniisip kung ano rin ang kaniyang kinukwento sa Diyos, Kaya naman nang maramdaman kong kailangan ko na umalis ay mabilis din akong lumabas at nagpatuloy sa paghahanap ng trabaho.

Dumating ang gabi ay wala talaga akong nahanap na trabaho. Umupo ako sa isang bench na gawa sa semento. Pagkaupo ko nahagip agad ng mata ko ang isang eskwelahan na noon pa lang ay hinahangaan ko na, Ang University of Pampanga.

Kaso iniisip ko pa lang na gusto ko mag-aral dito ay napapailing na lang ako dahil mukhang hindi ko kakayanin ang tuition lalo na ay para lang ito sa mga mayayaman. Napabuntong hininga na lamang ako.

"Gusto ko mag-aral dito," wala sa sariling sabi ko habang pinagmamasdan ang aratula ng paaralan. Ang taas ng main gate niya. Napakaganda ng bakod niya na gawa sa mga kakaibang mga bato. Naiiyak ako kasi hanggang pangarap na lang ako. 

Tatayo na sana ako nang may dumaan na isang matandang lalaki sa harapan ko at nahulog ang kaniyang wallet. Nagulat pa ako kung ano ang dapat kong unang gawin. Pinulot ko naman ito agad. Wala akong balak buksan ang wallet pero awtomatikong gumalaw ang aking mga kamay dahilan para makita ko kung gaano kalaking pera ang laman nito.

Napatakip pa ako ng bibig. Unang pagkakataon kong makakita ng ganitong kakapal na pera. Nagpalingon-lingon pa ako sa paligid kung may ibang tao ang nakakita sa ginawa ko pero iilan lang naman ang mga dumaraan. Biglang nanginig ang mga kamay ko. Naguguluhan ang isip ko kung isasauli ko ba sa may-ari itong wallet na ito na maaaring magsalba sa amin sa gutom o itatakbo ko na lang ito at gagastusin para sa pangangailangan namin.

Sobrang laking halaga. Siguro ilang buwan na ang lumipas hindi pa namin ubos ang pera na ito, e. Pero sa huli ay pinili kong habulin ang may-ari ng wallet. Mabilis na takbo ang ginawa ko parang lang mahabol ang manong.

"Kuya!" tawag ko sa kaniya pero hindi niya ako naririnig. 

"Kuya!" sigaw ko ulit sa gitna nang pagtakbo ko. Hingal na hingal na ako pero hindi pa rin ako nililingunan no'ng manong kaya naman mas lalo kong binilisan ang takbo ko at pinigilan si manong sa kaniyang paglalakad.

Kaya pala hindi niya ako marinig. Naka-earphone pala siya.

"Mah-manong, wah-llet niyo po nah-hulog," hingal na hingal kong sabi habang inaabot sa kaniya ang wallet niya. Mabilis niyang kinalap ang kaniyang bulsa at gulat na mapagtanto na wala nga sa bulsa niya ang kaniyang wallet. 

"Oh my goodness!" wika sa akin ni manong nang makuha niya ang kaniyang wallet at makita ang pera na kumpleto pa rin.

"Thank you, iha!" maiyak-iyak na sambit ni manong.

"Wala po 'yon, ingat po sa pag-uwi." Atsaka na ako tumakbo palayo kay manong.

"Iha!" Pigil sa akin ni manong dahilan para lingunin ko siya ulit.

"Ikaw ba ay enroll na?"

Umiling naman ako agad.

"Magta-trabaho po ako," sabi ko nang ikagulat niya.

"Ilang taon ka na ba?"

"Seventeen po,"

"Sa edad mo dapat nag-aaral ka."

Umiling ako ulit. "Wala pong pang-aral sa akin ang tatay ko." Lumungkot naman ang mukha ni manong. 

Huminga siya nang malalim bago muling nagsalita. "Isa ako sa mga may-ari ng eskwelahan na 'yon." Nilingon ko naman agad kung saan siya nakaturo at laking gulat ko nang makitang ang eskwelahan na dati ko pa noon pinapangarap.

"Narinig kasi kita na gusto mo mag-aral diyan kaya naman hinulog ko ang sariling wallet ko para i-test ko ang character mo. Sabi ko kasi kapag sinauli mo sa akin ito, ako ang magpapa-aral sa'yo sa eskwelahan na 'yan through full scholarship," nakangiting sabi sa akin ni manong.

Ngayon ay nagtuloy-tuloy agad sa pagpatak ang aking mga luha. Seryoso ba itong naririnig ko? O baka nanaginip lang ako?

"Seryoso po ba 'yan?" Bagamat naguguluhan ay hindi ko maiwasang hindi mapaiyak. Tumango-tango naman ang manong. 

"Ibigay mo sa akin ang address mo, Iha. May papapuntahin ako sa mga tauhan ko para interview-hin ka sa mga personal details mo."

Hindi na maawat sa pagluha ang aking mga mata. Kaya habang umiiyak ay hindi maitatago ang sayang nararamdaman ko. 

"I am Sir Paul, iha. Ikaw ano pangalan mo?"

Mabilis naman akong sumagot, "Talitha po. Talitha Garcia."

Sabay kaming nag-shake-hands.

"Sa susunod na linggo siguro ay pwede ka na pumasok. Ipapaasikaso ko muna lahat ang mga papeles mo ngayong linggo," nakangiting sabi sa akin ni Sir Paul. "Kaya mag-aral ka ng mabuti. Malayo ang mararating mo." Ginulo muna ni Sir Paul ang buhok ko bago tumalikod sa akin at naglakad papalayo. 

Kaya naman umuwi ako ng bahay na maga ang aking mga mata. Nadatnan ko na rin doon si tatay at sabay na silang kumakain ni Samuel.

"Ate, sabay ka na sa amin ni tatay kumain," aya sa akin ni Samuel. 

Isa-isa kong pinagmamasdan sina tatay at Samuel habang sila ay kumakain. Ang dami kong naiisip na pangarap para sa kanila. Pinigilan kong huwag tumulo ang aking mga luha bago magdesisyon na sumabay sa kanila sa pagkain.

Ilang araw lang ang lumipas ay totoo ngang may pinapunta sa bahay namin si Sir Paul. Babae siya. Hindi katangkaran pero napaka-ingat niya sa bawat galaw niya. Professional na professional katulad ni Sir Paul. Isa raw siya sa mga Admission Staff ng school. Gulat akong pinapasok siya sa loob at nahihiya sa gulo ng bahay pero hindi niya ito alintana.  

"Hello po, I am Ms. Fuentes from admission office po ng University of Pampanga," pagpapakilala niya sa sarili sa amin bago siya makaupo sa upuan na hinanda namin sa kaniya.

Si tatay, hindi makapaniwala sa narinig nang malaman niya ang dahilan ng pagpunta ni Ms. Fuentes dito sa bahay. Hindi ko kasi agad sinabi kay tatay baka kasi mamaya prank lang pala 'yon kahit malakas ang pakiramdam ko na totoo ang inalok sa akin ni Sir Paul.

Naging abala kaming pare-pareho nang kuhanin niya ang mga personal details ko. Si tatay ay hindi na nagawang makapag-trabaho sa araw na ito dahil sa saya.

"Ganoon po kasi talaga si Sir Paul, naghahanap po talaga siya ng mga deserving na mga bata na pwede niyang tulungan sa edukasyon," nakangiting kwento niya nang matapos niya akong kuhanan ng mga impormasyon. "At napaka-swerte po ng anak niyo dahil isa siya sa mga natagpuan," masayang sabi niya sa tatay ko.

Kami naman ni tatay ay hindi na mawala ang ngiti sa aming mga mukha.  "Anak, makakapag-aral ka na rin ulit sa wakas," mangiyak-iyak na sabi ni tatay sa akin sabay halik niya sa noo ko.

"Ang kailangan mo lang gawin, Talitha. I-maintain mo lang ang mga grades mo. Hindi dapat bababa sa 85 ang grades bawat subjects. Tandaan mo, Talitha. Mahal na school ito kaya dapat ipakita mong worth it ang igagastos saiyo ni Sir Paul."

Nakaramdam ako nang takot at kaba. Takot baka madisappoint ko si Sir Paul pero pinilit ko na manguna sa akin ang pagiging positibo.

"Huwag po kayo mag-alala. Matalino po ang anak ko. Kung hindi lang siguro kami kapos sa pera ay baka lagi siyang may medalya," pagmamalaki sa akin ni tatay.

"Opo! Gagalingan ko po sa pag-aaral ko," desidido kong sabi na nagpangiti sa babeng nagpunta rito sa bahay. 

"Sige mauna na po ako, ang uniform, kami na rin po bahala magpatahi. Nakuha ko na rin naman ang size ng katawan mo, Talitha kaya hintayin mo na lang na ma-deliver dito sa bahay niyo."

"Opo!"

Pagkaalis na pagkaalis ng bahay ni Ms. Fuentes ay hindi na kami nahinto sa kakatalon ni tatay dahil sa saya. "Hindi talaga ako nagkamali sa pagpapalaki saiyo anak." Atsaka paulit-ulit na hinalikan ni tatay ang aking noo sabay yakap. Ganoon din ang ginawa ko sa kaniya. Nakita ko naman si Samuel na inosenteng nakangiti sa amin ni tatay.

"Salamat po, Panginoon. Salamat po."

to be continued...

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status