Share

Chapter 3

Chapter 3

    SA NANGYARI kay Lia noong namalengke siya, ni ang lumabas ng bahay ay hindi niya muna ginawa. Akala niya, hindi siya apektado nang pagtangkaan siya ng mga lasing na iyon. Ngunit noong nauwi lang siya, doon parang bumagsak ang lahat kay Lia. 

Doon siya nakaramdam ng takot. Ang tapang pa nilang magkakaibigan na sigaw-sigawan ang mga lalaking iyon subalit ngayong bumabalik sa utak niya ang sitwasyon nila noon, napapalunok siya sa pangamba. 

Paano pala kung walang tumulong sa kanila? Nagawan na kaya sila nang masama ng mga taong iyon? Hindi niya alam. Kaya malaki ang pasalamat ni Lia sa lalaking umaksyon at nakipagtuos sa bastôs na mga lalaking iyon. 

Alam naman niya na kahit hindi ito umeksena, darating din si Lance at ipagtatanggol sila ngunit alam ni Lia na nakahálik na siguro ang siraulong lalaki sa kanya bago pa dumating ang kanyang asawa. O baka mas malala pa. 

Sa naisip, kinilabutan ang buong katawan ni Lia at nanindig ang mga balahibo na napayakap siya sa sarili. Nandidiri siya sa pumasok sa isip. Mabuti na lang talaga at hindi natuloy ang binabalak sa kanya. 

Mabuti rin at dumating din si Lance at napakalma siya sa nararamdamang takot. Natiyempo pala na nautusan si Lance ng amo na bumili ng gamit sa kabayanan at sakto na narinig siya nitong humihingi ng saklolo noong nadaan ito sa eskinita. 

At dahil sa nangyari, inuwi siya ng asawa tulad ng kahilingan niya. Hindi na ito bumalik sa trabaho at siya ang inuna ni Lance na bahagya siyang inusig ng konsensya. Ngunit anito, siya ang una sa lahat ng bagay; mas mahalaga siya kaya hindi ito magdadalawang-isip na iwan ang lahat para sa kanya. 

Sa sinabi nga ni Lance sa kanya, kahit alam niyang hindi angkop sa sitwasyon, kilig na kilig siya. Ang swerte niya sa asawa, hindi ba? Mahal na mahal talaga nila ang isa't-isa. 

"Lia?" Isang yakap mula sa likod ang naramdaman niya at ang pagsiksik ng ulo ni Lance sa pagitan ng ulo at leeg niya. 

Bahagya niyang tiningnan ang asawa at hinaplos ang ulo nito. "Hmm?"

"Patawad kung nahuli akong dumating. Sana kung mas maaga ako, ako sana ang nagligtas—"

Inalis niya ang pagkakayakap sa kanya nito at pinihit ang katawan para tingalain ang asawa. Siya ngayon ang yumakap kay Lance at ito naman, nilagay ang dalawang kamay sa beywang niya. 

Pinatong niya ang ulo sa dibdíb ni Lance at ipinikit ang mga mata bago niya binuka ang bibig. 

"Mahal ko, hindi mo kasalanan na nahuli kang saklolohan ako. May trabaho ka, 'di ba? At hindi mo alam ang nangyayari sa akin kaya hindi mo dapat sisihin ang sarili mo. Maayos naman ako, asawa ko." Binuksan niya ang mga mata, tiningala niya ito at nginitian ang asawa. 

"...At dumating ka pa rin naman, hindi ba? Ni hindi mo nga sigurado kung guni-guni lang ba ang sigaw ko pero pinuntahan mo pa rin ako, iyon ang mahalaga. At saka, makita lang kita, kalmado na ako."

Kumurba pa ang mga mata ni Lia habang sinasabi iyon. Titig na titig naman si Lance sa kanya at unti-unting tumaas ang magkabilang sulok ng labi nito tanda ng kasiyahan. 

Nakahinga naman nang maluwag si Lia. Ayaw na ayaw niyang nakikitang malungkot si Lance lalo kung sinisisi nito ang sarili na hindi nito nagampanan ang tungkulin sa kanya bilang asawa, dahil para kay Lia, sobra-sobra ang ginagawa ni Lance. Halos sa kanya na nga umikot ang buhay nito na minsan, pakiramdam nga niya, hindi na siya karapat-dapat. Kaya nga pilit niya ring sinusuklian ang ginagawa nito. 

Alam niyang sa buhay mag-asawa, wala dapat bilangan na nangyayari, wala dapat tinginan ng nagagawa para sa isa't-isa, pero hindi niya iyon maiwasan lalo't ramdam niyang iba ang pagmamahal ng asawa sa kanya: nakakalunod. Ngunit ayaw kumawala ni Lia dahil mahal na mahal niya rin ito. 

Nanlaki ang mga mata ni Lia noong pinatakan ni Lance ng hálik sa noo. Bumalik ang atensyon niya sa asawa at nang matitigan niya ang mga mata nito, nababasa ni Lia na siya lang ang nakikita nito, sa kanya umiikot ang mundo ni Lance. 

"Lance—"

Naputol ang sinasabi niya noong tawirin ni Lance ang maliit na pagitan nilang dalawa. Marahang kinuyumos ng labi ni Lance ang labi niya na walang nagawa si Lia kundi buksan ang bibig sa nang-iimbentang panauhin. Pinaglaro ni Lance ang mga dila nilang dalawa bago nito mas pinalalim ang hálik. Mas hinapit din siya ng lalaki at humigpit ang pagkakakapit sa kanyang maliit na beywang. Ikinawit niya ang dalawang kamay sa leeg nito. 

Naipikit ni Lia ang mga mata at hinayaang tangayin ng sensasyong pinararamdam sa kanya ng asawa. Bawat himaymay yata ng katawan niya, ito ang tinatawag. 

Siya na rin mismo ang nagdikit ng sarili kay Lance. Dahil nakadildil ang dibdíb niya sa lalaki, ramdam niya rin ang malakas na tibok ng puso ni Lance sa dibdíb nito.

Subalit noong mas lumalalim na ang namamagitan sa kanilang dalawa, biglang bumitiw si Lance at ilang uli na nagpakawala ng mga malalalim na hininga. Hinapit siya ng lalaki palapit dito at mariin ang pagkakayakap sa kanya. 

"Lia..." namamaos ang boses na tawag nito sa kanya. 

Maging si Lia, hinahabol ang hininga at kumapit din kay Lance. Noong bumalik sa normal ang paghinga, tiningala niya ang asawa at sinimangutan. 

"Lagi mong pinuputol kapag naroon na, Lance. Ayaw mo ba sa akin?" reklamo niya. 

Kasi naman, kapag nadadarang na siya sa mga hálik at haplos ng asawa, bigla na lang itong hihinto na napapatanong siya kung ano ang problema. Wala naman sa kanya kung gawin na iyon, tutal ay mag-asawa naman silang dalawa. Pero bakit si Lance pa itong bigla ay parang napapasong lalayo sa kanya? 

Mahinang halakhak ang narinig ni Lia kaya umismid siya sa asawa. Mas lalong lumakas ang halakhak ni Lance at niyakap siyang mahigpit noong sinubukan niyang kumawala. Tinaas nito ang isang kamay at sinapo ang mukha niya. 

"Hindi mo alam kung ano ang epekto mo sa akin, Lia. Pero sa susunod na natin gawin iyon. Gusto kong sa espesyal na lugar kita dadalhin bago may mamagitan sa atin."

"Pangako?"

Mas lumawak ang ngisi ni Lance at kita sa mga mata nito ang tuwa. "Pangako, Lia."

Impit na napangiti si Lia ngunit umalpas pa rin ang ngisi sa labi niya, natutuwa rin sa sinabi ng asawa. 

Ngunit nang may maalala, humiwalay siya kay Lance at inikot ng tingin ang sala kung saan sila naroon. Saka niya naalala na wala silang pagkain ngayon ni Lance! 

Dahil sa hiya, niregalo ni Lia ang mga pinamili kay Marietta at Josie. Nadamay kasi ang dalawa sa gulo niya kaya para makabawi, nagpaalam siya kay Lance na ibibigay ang mga pinamili. Wala namang naging kaso iyon kay Lance subalit may nakalimutan si Lia, ang magtira ng para sa kanila! Ang kinain nila kahapon ay iyong natira pang grocery noong huling punta sa bayan. Ngayong araw na ito, wala na talaga silang lulutuin! 

"May problema ba, Lia?"

"Hala, Lance, wala tayong pagkain! Naibigay ko lahat kina Josie."

Napatingin sa kanya si Lance at umawang ang bibig nito. Ngumiwi naman si Lia at napakamot sa ulo. 

"Anong kakainin natin?"

Napailing na lang si Lance at kinuha ang kamay niya para igiya palabas ng bahay. 

"Saan tayo pupunta?" takang tanong niya. 

"Mangingisda ako. Hintayin mo ako sa dalampasigan, Lia."

Nagpatangay si Lia sa asawa at halos pumalakpak ang tainga niya sa narinig. Mangingisda sila! 

    TINATANAW ni Lia ang asawa habang nakasakay ito sa bangkang pinalaot. Hubad baro si Lance at kahit may kalayuan, kitang-kita ang mga muscle ni Lance na nasisinagan ng araw dahil sa basa ito ng tubig-dagat. 

Hindi niya pinahintulutan si Lance na lumayo talaga kaya sa malapit lang ito nangisda. Aniya, kahit maliit na isda o hipon ang mahuli, tiya-tiyagain niya basta ba hindi mawala sa paningin ang asawa. Wala siyang tiwala sa dagat. 

Hindi malaman ni Lia kung bakit nakakaramdam siya ng takot sa dagat ngunit lumusong pa lang siya, bigla na lang siyang natitigilan at umuurong ang tapang niya. Ayaw niya talaga sa dagat. 

Mabuti na lang, hindi siya kinuwestiyon ni Lance at para matahimik ang loob niya, sinunod din siya ng asawa. Halos sa pampang lang nito sinaboy ang lambat na dala at maya'tmayang hinuhugot ang mga nahuli. 

Bumalik nga si Lance at nakakalahating timba ito ng mga huling laman-dagat. Tumayo si Lia at sinalubong si Lance. 

"Ang daming maliliit na isda! Masarap i-pangat iyan, iyong maraming kamatis. Gusto mo ba iyon, Lance?"

Tumango si Lance sa kanya. Napansin ni Lia na pawis ang asawa kaya kinuha niya ang bimpo na nasa may balikat at ipinunas iyon kay Lance. 

"Ang sipag talaga ng asawa ko. Pupunasan kita, ha?"

Nakangiting napapailing na lang si Lance sa kanya at nang matapos siya sa ginagawa, bitbit ang timba gamit ang isang kamay, hinanap ng bakanteng kamay ni Lance ang kamay ni Lia at pinaghugpong iyon. Naglakad sila pabalik sa bahay. 

Sa daan, naraanan nila ang mga tao na may pinagbubulungan. Hindi klaro kay Lia kung ano iyon ngunit parang may natagpuan daw na patay. Kuryoso siya ngunit dahil kasama si Lance, pinigil ni Lia na mangharang at magtanong. Baka isipin pa ni Lance na tsismosa siya. Nakakahiya. 

Ngunit kahit pala hindi na siya magtanong, ang balita mismo ang lalapit sa kanya. Malapit na sila sa bahay noong makita niyang humahangos si Josie papunta sa direksyon nilang mag-asawa. 

"Lia! Jusko, Lia! Hindi ka maniniwala sa sasabihin ko!"

Kumunot ang noo ni Lia at nagtatakang tumingin sa kaibigan. "Ano iyon?"

"Naalala mo iyong mga bumastos sa atin kahapon? Iyong apat na lalaki? Pátay na silang lahat! Natagpuan daw sa tapunan ng basura. Puno raw ng bugbog at pasa na halos hindi makilala. Grabe!"

Namilog ang mga mata ni Lia. "Seryoso ka sa sinasabi mo?"

"Aba'y oo naman! Kay Karlito ko nalaman 'yan! Balak kasing hanapin ng asawa ko ang mga iyon para bigyan ng leksyon pero ayan ang naulinigan niya. Alam mo ba, masama man, tingin ko bagay lang sa kanila iyon. Mga manyakis, e."

Sa hindi malamang dahilan, dinagsa ng kaba ang dibdíb ni Lia. Wala naman siyang kinalaman sa nangyari ngunit nakaramdam siya ng takot. Umalis din kaagad si Josie pagkatapos ibahagi ang balita ngunit magulo pa rin ang utak ni Lia. 

Napansin iyon ni Lance kaya kinulong siya nito sa yakap. Sinulyapan niya ang asawa ngunit wala siyang masabi. 

"Huwag kang aalis ng bahay na mag-isa, Lia. Kung maaari sana, kasama mo ako sa lahat ng pupuntahan mo. Hindi na ligtas ang mundo ngayon. Ayokong mapahamak ka."

Nababanaag ang pag-aalala sa mukha ni Lance at para ipanatag ang loob nito, tumango-tango si Lia. 

"Hindi talaga ako muna lalabas. Nakakatakot lalo't parang may killer pala na pagala-gala. Tingin mo, sino ang pumatay sa kanila, Lance?"

Pilit tinago ni Lance ang pagkabalisa sa naging tanong ni Lia at pilit ding ngumiti sa babae. 

"Tingin mo ba, masama ang pumatay sa kanila?"

Nag-isip si Lia at mahinang tumango ngunit umiling din pagkatapos. "H-Hindi ko alam. Pero mabuti na rin na nawala na ang mga katulad nilang mga tao. Baka may mabiktima pa silang iba at mas malala ang gawin nila sa susunod."

Dinungaw ni Lia ang ekspresyon ni Lance ngunit blangko lang ito na nakatingin sa kanya ngunit noong mapansin nitong nakamasid siya, lumambot ang ekspresyon ni Lance. Ngumiti si Lia. 

"Uwi na tayo?" aya niya. 

Inakay niya pauwi si Lance at pilit na winaksi ni Lia ang kakaibang naramdaman kanina noong makita ang blangkong tingin ni Lance. 

Dahil sa kawalan ng ekspresyon sa mukha, parang nabalutan ng yelo ang buong pagkatao nito na bahagya niyang kinatakot. 

Pero hindi naman dapat siya matakot kay Lance, hindi ba? Asawa niya ito. 

Sa naisip, gumaan ang loob ni Lia. Hindi niya dapat maramdaman ang takot kay Lance dahil sa kaibuturan ng puso niya, alam niyang mas mauuna pang saktan ni Lance ang sarili bago siya nito saktan. 

Ngumiti si Lia at bumalik ang sigla. 

    "THEY'RE starting to look for her, Boss."

He clenched the phone he's holding and he nearly throw it away but he stopped himself for the last second. 

He muttered a string of curses and the person on the other line kept silent, letting him expel his anger out. 

"Make sure to block them, Uno. Never let them find Amelia or else I'm going to punish everyone of you. Make Duí falsify some news about Amelia to confuse those fúcking people. Also, let Tri help you with these arrangements."

"I will do what you ordered, Boss."

"Good."

He will never let them get Amelia from him again. Bago pa mangyari iyon, dadaan muna sila sa kanya. And he will do everything to protect Amelia; like once he promised to her. 

But he was cut off from his trance from a sudden voice and almost cursed aloud.

"Lance? Sinong kausap mo?" 

It's his treasure calling his name. He looked back at her and turned off his phone. 

"Wala, Lia."

×××××

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status