Share

Chapter 4

Zeph Pov

Ingay ng mga naglalabasang estudyante ang nagpabalik sa aking malay. Agad akong napabangon sa kinahihigaan kong upuan. Naalala ko na muntikan na akong mahulog kanina habang pilit kong inaabot ang panyo na ipinagamit ng lalaking hindi ko nakita ang mukha. Kung hindi sa taong nagmamay-ari ng malalakas na bisig ay baka tuluyan nga akong nahulog. Ngunit hindi man lang ako nakapagpasalamat sa ginawang pagliligtas niya sa akin dahil bigla na akong hinimatay. Hindi ko rin naman siya nagisnan nang pagbalikan na ako ng aking malay. Kaya kung sino man siya na may mabuting kalooban na nagligtas sa akin ay labis akong nagpapasalamat sa kanya.

Dahil sa nangyari sa akin ay saka ko na-realized kung gaano ko pala kamahal ang buhay ko. Akala ko ay mas mabuting mamatay na lang ako kaysa palaging binubully at minamata ng aking mga kalahi ngunit nagkamali ako. Kahit ganito ang buhay ko ay mahal ko rin pala ang aking sarili. 

Pagkatapos kong iayos ng mabuti ang mga paso ay nagmamadali na akong bumaba sa rooftop garden para umuwi na sa bahay nina Hillary. Natitiyak ko na nakapagsumbong na ngayon si Hillary sa kanyang ama at malamang ay puro kasinungalingan na naman ang mga pinagsasasabi niya tungkol sa akin. Kaya inaasahan ko nang makakatanggap ako ng parusa mula kay Sir Keiver. At ang parusa niya sa akin ay sampung beses na paglatigo sa aking likuran. 

Ang galit na mukha ni Sir Keiver ang sumalubong sa akin pagdating ko sa bahay nila. Nakahanda na rin ang itim na latigo sa kanyang kanang kamay. 

"Bakit ba lagi mong pinapasakit ang ulo ko, Zeph? Kinakaladkad mo sa kahihiyan ang aking pangalan!" galit na kausap niya sa akin pagkapasok na pagkapasok ko sa sala ng bahay nila.

"Sir Keiver, wala po akong ginagawang masama. Wala po akong kasalanan sa nangyari. Ako nga po ang biktima rito. Tingnan niyo po ang aking hitsura. Natuyo na nga ang mga itlog sa aking katawan," pagtatanggol ko sa aking sarili.

"At ano ang ibig mong sabihin, Zeph? Na nagsinungaling sa akin ang anak ko? Na lahat ng mga isinumbong niya sa akin tungkol sa hindi magagandang pinagsasabi mo sa kanya ay pawang kasinungalingan lamang?" galit na singhal sa akin ni Sir Keiver. Hindi na lamang ako kumibo dahil tiyak na hindi naman niya paniniwalaan ang mga sasabihin ko sa kanya. Mas magiging malala lamang ang galit niya sa akin. "Alam mo kung ano ang naghihintay na kaparusahan mo, Zeph."

Napapikit ako at huminga ng malalim bago inilapag ko sa sofa ang aking bag at pagkatapos ay tumayo sa harapan niya ng patalikod. Hindi pa man lumalapat sa balat ko ang latigo napapangiwi na ang aking bibig. Ilang araw na naman akong magtitiis na mahapdi ang aking likuran kapag maliligo ako. Mariing nakagat ko ang aking pang-ibabang labi nang lumapat sa  aking likuran ang unang hataw ng latigo. Pakiramdam ko ay hinihiwa ng matalas na bagay ang aking balat. Kahit na ilang beses na akong nakatanggap ng ganitong parusa mula pagkabata hanggang ngayon ay hindi pa rin ako nai-immune sa hapdi ng latay mula sa latigo. 

Bigla akong napaupo sa sahig nang tatlong magkakasunod na paglatigo ang ginawa ni Sir Keiver sa katawan ko. Gusto kong humiyaw sa sakit ngunit  idinaan ko na lamang sa pagkagat sa aking mga labi. Kapag humiyaw kasi ako ay mas lalo lamang lalakasan ni Sir Keiver ang ginagawa niyang paglatigo sa katawan ko. Naudlot ang ginagawa niya nang biglang lapitan siya ni Darla at kinakabahang kinausap. 

"S-Sir Keiver, nandito po si Alpha Hunter," pagbabalita ni Darla kay Sir Keiver. Si Darla ay isang maid ngunit isa siyang neutral werewolf. Ibig sabihin ay wala silang rank ngunit may mayayaman at makapangyarihan sa kanila at puwede rin namang may mahirap at mahina katulad ni Darla. Ngunit hindi sila katulad ko na isang omega na siyang pinakamababang rank sa aming lahi.

"Hunter! Bakitka nandito? Dinadalaw mo ba ako?" tanong ni Hillary kay Alpha Hunter pagpasok nito sa may sala ng bahay. Nakahinga naman ako ng maluwag. Kahit paano ay natigil ang ginagawang paghagupit ni Sir Keiver sa katawan ko kaya nakapagpahinga ako mula sa sakit ng latigo. 

Good afternoon, Keiver," bati ni Alpha Hunter kay Sir Keiver. Hindi pinansin ni Alpha Hunter ang ginawang pagbati sa kanya ni Hillary kaya natitiyak kong nakasimangot ngayon ang babae.

Pamilyar sa akin ang boses ni Alpha Hunter kaya gusto ko sana siyang lingunin para makita ko ang kanyang mukha ngunit alam ko na kapag lumingon ako sa kanya ay madaragdagan lamang ang bilang ng paghahagupit ni Sir Keiver sa katawan ko kaya nanatili na lamang akong nakayuko habang nakasalampak sa sahig.

Bumati rin ang mga kasama niAlpha Hunter nang may paggalang sa kanilang boses dahil mas mataas ang rank ni Sir Keiver sa kanilang tatllo. Sina Asher, Sami at Ruyi, ang matalik na kaibigan ni Alpha Hunter. Kilala ko sila dahil ilang beses ko na silang nakita sa school. At saka sikat silang tatlo sa school namin lalo na si Alpha Hunter. Lagi silang pinag-uusapan dahil sa taglay nilang kakisigan at tapang. 

"Good afternoon din, Alpha Hunter at pati na rin sa inyong tatlo. Pasensiya na kayo at ganito ang naabutan ninyong eksena sa bahay ko. Binibigyan ko lamang ng parusa itong aking alipin para magtanda na hindi na ulitin pa ang ginawa niyang pagkakamali," paumanhin ni Sir Keiver sa mga bagong dating. "Ano na nga pala ang maipaglilingkod ko sa'yo?"

"Hindi naman masyadong mahalaga. Kukunin ko lang naman ang isang bagay na aking pag-aari na nasa kamay ng iyong alipin," sagot ni Alpha Hunter kay Sir Keiver. 

Bagay na kanyang pag-aari na nasa akin? Ano iyon? Hindi ko mapigilan ang mapaisip kung anong bagay na pag-aari ng aming alpha ang nasa akin?

"At ano naman ang ninakaw mula sa'yo ng aking alipin, Alpha Hunter? Sabihin mo lang at puputulin ko ang mga kamay ni Zeph para hindi na siya magnakaw ulit," tanong ni Sir Keiver sa tonong galit ngunit hindi para sa alpha na kaharap niya kundi para sa akin. Bigla naman akong kinabahan. Paano kung totohanin nga ni Sir Keiver ang sinabi niya na puputulin niya ang mga kamay ko? Wala naman akong ninakaw mula sa aming alpha. Hindi malakas ang loob ko para magnakaw sa alpha namin at higit sa lahat ay hindi ko kayang magnakaw sa kahit kanino.

"Hindi lang pala masama ang ugali mo kundi magnanakaw ka rin pala, Zeph," nang-iinsulto ang tono na wika ni Hillary sa akin pagkatapos ay binalingan ang kanyang ama. "Sig, Dad. Putulin mo ang isang kamay ni Zeph para hindi na siya makapagnakaw ulit. Masisira ang pangalan mo nang dahil sa kanya." 

"Oh, no. Don't misunderstood. Ang bagay na kukuhanin ko lang naman sa kanya ay ang aking panyo. Naiwan ko kasi sa rooftop ang panyo ko at may nakapagsabi sa akin na si Zeph daw ng nakapulot niyon kaya pinuntahan ko siya rito para kuhanin ang panyo ko."

Nasa akin ang panyo ni Alpha Hunter? Wala naman akong napulot na panyo mula sa rooftop kanina maliban sa panyo na ibinigay sa akin ng lalaking hindi ko nakita ang mukha. Ibinigay niya iyon sa akin para gawing pamunas sa aking mga luha at hindi pinulot. Biglang nanlaki ang aking mga mata nang maisip ko na ang lalaking nagbigay ng panyo sa akin kanina sa rooftop ay walang iba kundi si Alpha Hunter. Sa isiping iyon ay nag-angat ako ng ulo at lumingon. Nakasalubong ng aking mga mata ang malalim at kulay gintong mga mata ng aming alpha. Tama nga ang sinasabi ng lahat na sobrang kisig ng aming alpha. Dahil ngayong nakita ko na ang mukha niya ay masasabi kong napaka-perpekto ng mukha niya mula sa makakapal na kilay, magandang mga mata, matangosna ilong at mapupulang mga labi. Hindi ko akalain na makakakita ako ng taong- lobo na perpekto ang anyo.

"Nasa sa'yo raw ang panyo ni Alpha Hunter, Zeph. Ibalik mo sa kanya ngayon din," utos sa akin ni Hillary na matalim ang pagkakatingin sa akin. Naudlot tuloy ang ginagawa kong pagtitig sa mukha ni Alpha Hunter nang magsalita si Hillary. Nagmamadali namang kinuha ko ang panyo sa loob ng aking bag para ipakita sa aming alpha. Saglit akong natigilan nang maalala kong hindi ko nga pala nakuha ang panyo dahil muntikan na akong mahulog at hinimatay pa ako. Ngunit nagtaka ako nang makita ko ang panyo sa loob ng aking bag. Bakit nasa loob ng bag ko ang panyong ito? Ipinilig ko ang mahina ang aking ulo. Hindi na mahalaga kung bakit napunta sa loob ng bag ko ang panyo dahil ang mas mahalaga ay maibalik ko ito sa may-ari.

"Ito ang panyo na nasa akin at hindi ko alam kung sino ang may-ari nito," kausap ko kay Alpha Hunter sabay pakita sa panyong hawak ko. Hindi ako sigurado kung siya at ang lalaking nagbigay sa akin ng panyo ay iisa dahil hindi ko pa naman nakikita ang mukha niya at hindi ko rin nakita ang mukha ng may-ari ng panyong hawak ko.

Lumapit sa akin si Alpha Hunter pagkatapos ay inabot ang panyo. "Ito nga ang aking panyo," sagot niya habang nakatitig ng deretso sa aking mga mata.

Biglang bumilis ang tibok ng aking puso nang makumpirma kong si Alpha Hunter at ang lalaking nagbigay sa akin ng panyo ay iisa. Pero bakit niya ipinahiram sa akin ang kanyang panyo? Ako na isang aliping omega? At hindi nga ba't sinabihan niya akong "losers" nang dumaan siya sa tapat ko kanina? 

Bab terkait

Bab terbaru

DMCA.com Protection Status