Share

Chapter 7. “Dealing and Teasing with the Prince”

Chapter 7. “Dealing and Teasing with the Prince”

Elyse’ POV

            Pasado alas-onse na ng gabi nang umakyat ako sa rooftop ng condo. Nakamasid lang ako sa buong syudad habang nilalasap ang malamig na simoy ng hangin. Nakasanayan ko na, na kapag may malalim akong iisipin o hindi naman kaya hindi ko na kayang magtago ng nararamdaman ay pumupunta ako dito sa rooftop.

            Habang pinagmamasdan ang nagkikislapang mga ilaw mula sa iba’t ibang gusali at sasakyan, muli ay sumagi sa isip ko ang mga nangyari kanina. Noong dumating si Venice at sirain niya ang sasakyan ko. Noong dumating si Yu-jun para iligtas ako kay Venice. Sa mga nangyaring ‘yon, muli kong naaalala ang malungkot na kahapon. Kung paano kami ipagtabuyan. Kung paano nagmakaawa si Mommy sa kanya. At kung paano niya kami iwanan. Maging ang pagkaaksidente namin ni Mommy.

            Hindi ko namalayan na tumutulo na pala ang luha ko habang nakatulala sa mga ilaw ng mga sasakyan. Pinunasan ko ito gamit ang palad ko at huminga ng malalim.

            “Wow! Mas maganda pala ang tanawin dito kesa sa silid mo!” Napapikit ako nang mga mata sa inis nang marinig ko ang isang pamilyar na boses. Sinisira niya ang drama moment ko! Inis ko siyang nilingon at doon ko siya nakita habang sabik na sabik at manghang-mangha sa kanyang nakikita. “Elyse, ang ba ang mga makukulay na ilaw na ‘yon?” Masigla niyang tanong sa akin.

            “Mga sasakyan ‘yan. Yung karuwahe na tinawag mo kanina.” Inis kong sagot saka siya inirapan. Nakita niya kaya akong umiiyak?

            “Ah, iyong sinira ng mga kutong lupa kanina?” muli niyang tanong. Tamad naman akong tumango-tango habang naniningkit ang mata na nakatingin sa kanya. Ngumiti lang siya sa akin at muling nagmasid sa tanawin mula dito sa rooftop. Habang tinitingnan ko naman siya bigla namang kumulog na may kasamang kidlat.

            “Hoy, uulan na. Baka mawala ka kapag nabasa ka.” Paalala ko sa kanya. Blanko ang mukha naman niya akong tiningnan.

            “Ayo slang itatapon mo naman din ako di ba?” sagot niya sabay tingin sa akin habang nakanguso at nagpapaawa pa ang mga mata. Napasinghap ako sa ginawa niya.

            “Ayos ang paawa effect mo? Sorry pero hindi ‘yan eepekto sa akin.” Natatawa kong sabi sa kanya. Nakita ko naman kung paano naningkit ang kanyang mata at ngumusu ang labi niya sa inis. “Pero may mas maganda akong gagawin sayo.” Sabi ko sa kanya.

            “Ano?” asar niyang tanong nang hindi ako tinitingnan.

            “Ibebenta kita!” Sabi ko saka humagalpak ng tawa. Tiningnan naman niya ng mas lalong pikon ang hitsura.

            “Ang sama ng ugali mo. Alam mo kung nasa panahon ko lang tayo at nasa kaharian kita, pinadakip na kita sa mga guwardiya at pinatapon sa kulungan.” Pikon niyang sabi habang ako ay patuloy lang sa pagtawa.

            Nang matigil ako sa pagtawa. Tiningnan ko siya. “Ano nga ulit ‘yong hiling mo sa akin kanina?” Lumingon naman siya sa akin.

            “Tutulungan mo na akong hanapin si Elizabeth?” galak niyang sabi. Tumango-tango naman ako.

            “At habang hinahanap natin siya, pwede ka muna sa bahay ko, plus may free foods ka pa.” Sabi ko.

            “Free foods?” nagtataka niyang tanong. Tumango-tango ako.

            “Oo, libreng pagkain.” Sabi ko saka siya nginisian. Napatalon naman siya sa saya dahil sa sinabi ko. “Pero…” napahinto siya at tumingin sa akin. “May kapalit.”

            Kinabukasan. Buong araw kong ginawa ang mga projects at lesson ko para bukas pagtapos ko magsimba kanina. Napatingin naman ako sa paper bag na nasa dining table ko at natawa dahil naalala ko ang mukha niya kagabi. Pumunta ako sa mall kanina para bumili ng damit pang lalaki para sa kanya at susuotin niya mamaya. Ano kayang hitsura niya kapag suot niya ‘yan.

Lee Yu-jun’s POV

            “Elyse, maaari mo ba akong tulungang hanapin si Elizabeth?” tanong ko sa kanya, ngunit hindi siya sumagot at iniwan lang akong mag-isa. Napabuntong-hininga ako. Paano ko siya hahanapin?

            Pagpasok ko sa kwarto niya ay wala siya roon. Maging sa kanyang kusina ay wala rin siya. Hinanap ko pa siya sa ibang parte ng kanyang bahay pero wala siya.

            “Saan naman kaya siya pumunta?”

            Hindi ko na siya hinanap at naupo na lamang sa mahaba at malambot na upuan. May nakita naman akong isang itim na bagay na maraming pindutan. Kinuha ko ito at halos mahulog ang puso ko sa gulat nang pagpindot dito ay isang malaking kahon ang umilaw. Ang mas kinabigla ko pa ay nang may mga tao sa loob ng kahon!

            “Mahika! Isang masamang mahika!” Sigaw ko at umakto pa ng pagsugod dito nang matigalan ako dahil hindi naman umatake sa akin ang mga tao sa loob ng kahon. Kinuha ko ulit ang itim na bagay at pinindot at doon ay nawala ang liwanag at ang mga tao sa loob ng kahon.

            Naupo ako at napaisip. Kakaiba talaga na talaga ang panahon ngayon, marami nang nagbago sa loob ng ilang daang taon pero ako ay ito at nabubuhay pa. Hindi ko naman akalain na sa pagligtas ni Soo-hyun sa aking buhay ay mapapalitan ito ng sumpa na mabuhay habang buhay. Naalala ko ang aking ina, iyon na rin yata ang huling beses na naglaro at naligo ako sa ulan. Ngunit ngayon, ulan na ang hindi ko maaaring hawakan.

            Tumingin pa ako ng ilang mga gamit sa bahay at manghang-mangha ako sa mga nakita at nadiskubre ko. Nang mapatingin ako sa orasan. Tinuruan ako ni Elizabeth na tumingin sa orasan sa modernong panahong ito.

            “Malalim na ang gabi, nasaan na kaya siya?” tanong ko sa sarili ko nang hindi pa bumabalik si Elyse mula sa pag-alis niya kanina.

            Ipinikit ko ang aking mata. Huminga ako ng malalim at inisip ang mukha ni Elyse maging ang kanyang tinig at presensya at sa isang iglap lang, pagmulat ng aking mga mata ay nabigla ako sa nakita ko. Ramdam na ramdam ko ang malamig na simoy ng hangin. Nasa mataas akong lugar at dito ay mas kitang-kita ko ang kabuuhan ng lugar maging ang makukulay at makikislap na ilaw ng buong lugar.

            Napaling naman ang tingin ko sa dulo ng lugar na ito at doon ko siya nakita. “El—“ hindi na natulog ang pagtawag ko sa kanya nang makita ko ang pagtaas at baba ng balikat niya. Narinig ko rin ang paghikbi niya. Umiiyak siya? Bakit siya umiiyak?

            Ilang minuto akong nagtago habang umiiyak siya. Nang huminto na siya sa pag-iyak ay lumapit ako sa tabi niya.

            Binabawi ko na ang pakiramdam na nakakaawa para sa kanya. Parang gusto ko na lang siyang umiyak ngayon sa harapan ko. Ang sama ng ugali niya. Pagkatapos naming mag-usap kanina sa taas tungkol sa gagawin niyang pagtulog sa akin upang hanapin si Elizabeth. Panay ang utos niya sa akin. 

            “Ayan ang kapalit ng gagawin kong pagtulong ko sayo at sa mga pagkain ko na kinain mo!” masaya niya pang sabi habang dala ko ang mga gamit niya na kinuha namin sa karuwahe niya. Para saan ba ang mga bagay na ito at ang bibigay?

            “Ano ba ang mga bagay na ito?” Tanong ko pagsakay namin sa silid na umaandar.

            “Mga gamit ko yan sa photography.” Sagot niya. Hindi ko naman naintindihan ang sinabi niya dahil isa lang ang alam ko, isa siyang delikadong nilalang.

            Pagdating pa sa bahay niya ay inutusan niya akong maglampaso ng sahig. Habang siya ay nakaupo lang ay umiinom ng tsaa at pinapanuod ako. Naniningkit ang mga mata ko habang masamang nakatingin sa kanya at hawak ang isang bagay na mahaba na gamit pang lampaso.

            “Ngayon ko lang ginawa ang mga bagay na ito sa buong buhay ko. Napakasama ng ugali mo, magaspang! Mas magaspang pa sa kahoy ng matandang puno. Ako na isang prinsepe ginagawa mong alila!” Inis kong litanya habang ginagawa ang utos niya.

            “Ayusin mo ‘yan, at bukas ng gabi may gagawin ka rin.” Sabi niya na kinabigla ko.

            “Ano?” Inis kong sabi sa kanya. Masungit naman niya akong tiningnan habang nakataas ang kilay. Ngumiti ako, isang pilit na ngiti. “Anong gagawin natin bukas ng gabi?” maayos kong tanong. Ngumisi naman siya sa akin at nagsalin ng tsaa sa tasa niya. Inis ko naman siyang inambahan. Ihataw ko sa kanya ‘tong pang lampaso e!

            “Basta bukas mo—“ Hindi niya natapos ang sasabihin nang mapatingin siya sa akin. “Wala ka na bang damit?” Nagtaka ako sa tanong niya at tiningnan ang suot kong damit.

            “Bakit? Ito ang suot ng prinsepe! Alam mo ba na sagrado ito at walang sino man ang maaaring magsuot kundi ang nalalang na prinsepa lamang.” Mayabang kong paliwanag sa kanya.

            “Pakialam ko? E hindi ka naman prinsepe dito, utusan nga lang kita e.” Aniya at mayabang na ngumisi at tumingin sa akin saka simimsim ng tsaa. Napasinghap na lamang ako sa inis at masama siyang tiningnan.

            Tumayo naman na siya at nagtungo sa silid niya. Sinundan ko lang siya ng tingin habang naniningkit ang mata, inambahan ko pa siyang hahatawin ng pang lampasong hawak ko nang lingunin niya ako.

            “Matutulog na ako, subukan mo lang ubusin ang pagkain ko sa ref at itatapon kita bukas na bukas pag gising ko.” Banta niya.

            “Madamot pa.” Inis kong sabi.

Elyse’ POV

            Natatawa na lang ako habang naaalala ang mukha niya kagabi habang naglalampaso. Pumasok na ako sa kwarto ko at tiningnan ang painting. Napatingin rin ako sa balcony at doon ko nakita ang naghahalong dilim at liwanag dahil sa paglubog ng araw. Pagabi na, at kapag gabi na, lalabas na ang loko-lokong prinsepe sa painting.

            Naupo ako sa kama ko katapat ng painting habang nakahalukipkip at hinihintay ang paglabas niya. Nakatingin ako sa labas ng balcony ko at inaabangan ang paglubog ng araw. Nagbilang pa ako.

            “Five…four…three…two…” sabi ko at sabay lingon sa painting. “One.” Sakto namang paglingon ko ay nasa harap ko na siya at malapit ang mukha niya sa akin habang naka-lean forward. Nakangisi ang mukha niya at malokong nakangiti.

            “Mukha yatang sabik na sabik kang makita ako.” May pang-aasar sa tono ng kanyang boses. Napasinghap naman ako at tinaasan siya ng kilay at pang-asar ding ngumiti.

            “Lumayo ka.” Sabi ko saka sinapo ang noo niya palayo sa akin at tumayo. “Umayos ka sa gagawin natin mamaya ah.” Sabi ko sa kanya. Nagtaka naman siya sa sinabi ko.

            “Hoy, baka may balak kang masama sa akin ah. Ibebenta mo ba ako?” Aniya. Natawa naman ako sa sinabi niya.

            “Oo, sa matandang matrona.” Natatawa kong sabi at saka lumabas ng kwarto ko. Sumunod naman siya sa akin. Kinuha ko ang paper bag na nasa dining table at hinagis sa kanya. Nagtaka naman siya sa paper bag na hawak niya.

            “Ano ang mga ito?” Tanong niya.

            “Damit ‘yan, hindi naman kita pwedeng isama na naka-costume ka ng ganyan.” Sagot ko.

            “Anong costume? Insulto ba ‘yon? Hindi ba sabi ko sayo, mahal ang damit na ito at sagrado!” Inis niyang sigaw sa akin. Sinamaan ko naman siya ng tingin.

            “Sige subukan mong lumabas na ganyan ang suot mo kung hindi ka lang nila dalhin sa mental.” Sigaw ko rin pabalik sa kanya at nagtungo na sa bathroom. Naligo na ako para sa trabaho ko ngayong gabi. May client ako ngayon, isang bachelor party sa QC.

            Pagtapos kong maligo ay pumasok na ako sa kwarto ko at pagpasok ko nabigla ako at pakiramdam ko ay bumagal ang oras habang palingon siya sa akin suot ang binili kong damit at sapatos sa kanya kanina. Bagay na bagay sa kanya at saktong sakto ang sukat ng nabili kong damit sa kanya. Nakasimagot siya habang nakataas ang kilay na nakatingin sa akin.

            “Oh ito na.” Walang gana niyang sabi. Napatingin naman ako sa damit niyang pang prinsepe. Pinulot ko ito at tinupi.

            “Edi okay.” Sagot ko sa kanya. “Labas na ng kwarto.” Utos ko. Nagtaka naman siya.

            “Bakit?” tanong niya.

            “Syempre magbibihis ako.” Sagot ko. Bigla naman siyang ngumisi ng pang-asar.

            “Balik na lang ako sa painting.” Natatawa niyang sabi at akmang maglalakad papunta sa painting nang hatakin ko ang mahaba niyang buhok at tinulak palabas ng kwarto ko.

            “Manyak!” Sigaw ko pa bago isara ang pinto.

            Nang makapagbihis na kami at inayos ko na rin ang mga gamit ko. Pinabitbit ko na sa kanya ang mga ito. Nagrereklamo pa siya pero wala rin naman siyang choice. Paglabas namin ng unit ko ay sakto namang papasok pa lang si Arkin sa unit niya. Nagulat siya nang makita si Yu-jun.

            “Elyse,” tawag niya sa akin. “Good evening, you have a work tonight?”

            “Good evening din, yeah pero madalian lang naman ‘to.” Masigla kong bati sa kanya. Napansin ko namang nakatingin siya kay Yu-jun.

            “May kasama ka pala.” Aniya at tumawa. Tiningnan ko naman si Yu-jun at nakatingin din siya kay Arkin ng seryoso.

            “Ah, assistant ko.” Pagdadahilan ko.

            “I see.” Ani Arkin. “Hello.” Bati niya kay Yu-jun pero ang mokong tiningnan lang si Arkin.

            “Sino ang nagbigay sayo ng pahintulot na kausapin ako, hangal.” Nagulat ako sa sinabi ni Yu-jun. Tinapik ko ang likod niya at napatingin siya sa akin. Sinamaan ko siya ng tingin at sinabihan na umayos.

            “Okay lang, Elyse.” Sabi ni Arkin at tumawa na lang. “Sige, take care.” Aniya saka pumasok sa unit niya. Pagpasok naman ni Arkin at tiningnan ko ng masama ang loko lokong kasama ko pero natigil ako nang makita ko ang seryoso na parang galit niyang mukha.

            “Bakit?” tanong ko sa kanya. Hindi siya agad sumagot sa akin at napabuntong-hininga lang saka ako tiningnan.

            “Elyse, huwag mong lalapitan ang lalaking ‘yon.” Aniya na pinagtaka ko.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status