Share

Chapter 1

Chapter One

Nag-iinit ang tensyon sa loob ng kuwarto kahit pa napakalakas na ng buga ng aircon. Hindi mapaghiwalay ang mga labing nasasabik sa bawat isa na animo'y mga bagong kasal na hindi na makapaghintay pa sa honeymoon. Kulang na lang ay maghubad na ang mga ito, ngunit dahil tatlo ang nasa loob ng kuwarto, may mga limitasyon na kailangang sundin.

Nakakrus ang mga kamay habang kunot-noong pinagmasdan ni Avaeh ang kaibigan nitong si Mad na ilang minuto nang nakikipaghalikan sa boyfriend nito. Nakaupo siya sa sopa, kandung-kandong ang isang malaking travel bag. Handa na siyang umalis kung hindi lang dahil sa kaibigan. Sanay na siya sa ganitong mga pangyayari lalo na kapag may pupuntahan sila ni Mad; Hindi talaga mawawala ang ilang minutong halikan ng magkasintahan na akala mo ay hindi na magkikita pang muli.

"Hindi pa ba kayo tapos?" naiinip na tanong ni Avaeh, dahilan upang matigil ang dalawa at maibaling ang mga tingin sa kaniya. "It's been almost five minutes, wala na kayong balak tumigil?"

"Oh, I'm sorry, babe," sambit ni Mad. "Hindi namin napansin ang oras. Aalis na ba tayo?"

"Kanina pa sana, kaso nakakahiya kayong istorbohin."

Mula kay Avaeh ay muling ibinaling ni Mad ang tingin sa boyfriend, sabay ng pag-alik-ik nito. "Honey, we'll be leaving na pala. Don't worry, pagbalik namin, hindi lang kiss ang pasalubong ko sa'yo." Marahan nitong hinaplos ang makisig na dibdib ng kasintahan bago kinuha ang travel bag na nakapaibabaw sa kama.

Walang ilang saglit ay lumabas na si Avaeh sa kuwarto kasama si Mad at ang boyfriend nitong inihatid sila sa kotseng naka-park sa labas. Bagaman ay may sariling sasakyan ang kaibigan, mas pinili ni Avaeh na i-drive ang kaniya lalo pa't sa outing sila pupunta. Alam na niya kung paano nagiging abusado si Mad sa alak, at baka hindi pa sila makauwi.

Graduating student na si Avaeh sa susunod na taon. Sa loob ng isang buwang bakasyon niya, ito pa lamang ang unang labas niya. Sa sobrang katamaran na magliwaliw, mas pinili niyang magkulong sa kuwarto, kaharap ang kaniyang cell phone at laptop. Hindi naman talaga siya sasama sana kay Mad, kung hindi lang dahil sa problema niyang pinapasan. Kahit saglit lang ay gusto niya munang makalimutan na sa susunod na mga buwan, ikakasal na siya sa isang lalaking hindi niya kilala ni hindi pa nakikita.

Hindi naman nagmamadali sa pag-ibig si Avaeh. Isa pa, ipinangako niya sa sariling aabutin niya muna ang kaniyang mga pangarap bago makipagsundo sa isang lalaki. Pagkatapos ng kaniyang pag-aaral, nais niyang mag-take agad ng Licensure Examination for Psychologists at ipasa ito. Isa pa, nagbabalak din siyang magtayo ng negosyo. Ngunit, paano niya gagawin nang malaya ang mga ito kung ikakasal na siya?

Humugot ng isang malalim na hininga si Avaeh. Mabilis siyang nag-scroll sa kaniyang cell phone, at pumili ng music para lang malibang siya mula sa kaguluhan ng isip. Paulit-ulit niyang itinatak sa kaniyang isipan na siya ang nagda-drive, kaya wala siyang karapatang mag-breakdown at baka kung saan pa niya mailiko ang sasakyan.

"You seemed bothered, Avaeh," sambit ni Mad, diretso ang tingin sa kaniya. "Iniisip mo na naman ba 'yong kasal mo?"

"Just for this moment, I don't wanna talk about it," ani Avaeh.

"Fine," buntong-hininga ni Mad. "But I'm just worried about you. Gusto mo bang ako muna ang mag-drive?"

"Worried ka ba talaga para sa akin o worried ka lang dahil baka mabangga ko sa poste 'tong sasakyan?" tanong ni Avaeh. "Don't worry, Mad. I can manage."

Hindi na muli pang nagsalita si Mad.

Bumugbog sa buong sasakyan ang tunog ng musika sa sobrang lakas nito. Habang nagda-drive ay sinasabayan ni Avaeh ang lyrics ng bawat kanta, makalimutan lang ang problemang idinulot ng kaniyang mga magulang. Kung meron lang sana siyang magagawa upang pigilan ang mga ito, matagal na siyang umayaw. Sino ba naman ang gustong magpakasal sa isang lalaking hindi mo mahal at higit sa lahat, hindi mo kilala?

Nakakrus na sa noo ni Avaeh ang ugali ng mga magulang, lalo na ng kaniyang ama. Wala na talaga siyang magagawa lalo na kung ito na ang gumawa ng desisyon para sa kaniya. Kapag susubukan niya namang sumalungat, wala rin siyang napapala dahil idinidiin ng kaniyang ama ang sariling kagustuhan. Sinubukan niya namang pumalag sa plinano nitong kasal, ngunit gaya ng kaniyang inaasahan, wala siyang magandang napala.

Ilang oras pa ang lumipas at nakarating na rin sina Avaeh at Mad sa kanilang destinasyon. Pagbaba nila sa sasakyan ay bumungad sa kanila ang matataas na mga puno ng niyog. Mula sa kanilang kinatatayuan ay tanaw na nila ang kagandahan ng asul na dagat.

"OMG, I can feel it na!" sigaw ni Mad sa tuwa.

Samantala, isang matamis na ngiti ang dumampi sa kulay-rosas na labi ni Avaeh. Marahan siyang pumikit habang nilalanghap ang sariwang hangin na tumatangay sa kaniyang mahaba, unat, at itim na buhok. Hindi niya maipaliwanag ang kapayapaan na nadarama. Matagal-tagal din nang huli siyang nakarinig ng kalmadong bulong ng hangin.

"MGA BITCH!"

Mabilis na iminulat ni Avaeh ang kaniyang mga mata nang makaabot sa kaniyang pandinig ang pamilyar na boses na iyon. Abot-langit ang kaniyang ngiti nang makita si Shakira, isa sa mga pinakamatalik niyang kaibigan maliban kay Mad.

Kung gaanong kalaki ang katawan ay siya rin namang kinaliit at kinatinis ng boses ni Shakira. Mukhang tatalunin pa nito ang mga sirena sa dagat kapag ito na ang tumili; makabasag-eardrums, ika nga nila, ngunit sanay na ang lahat dito. Hanggang sa pagyakap nito kina Avaeh at Mad ay tumitili ito. Ibinandera pa nito sa dalawa ang maiksing pulang Hawaiian skirt at puting seashell bra na pumaris sa kayumanggi nitong kulay.

"Wow, saan ka sasayaw ng pearly shell?" mapaglarong tanong ni Avaeh.

"Eh 'di sa karagatan, bitch! Nag-prepare ako ng sayaw, of course, kasi balita ko may mga papi raw na darating!" ngiting-ngiti na tugon ni Shakira. "Eh, ikaw? Bakit ganyan pa ang suot mo? Pupunta ka ng beach tapos naka-cargo pants at hoodie ka? Paano makikita ang shape mo niyan?"

"Just wait for it," kindat ni Avaeh.

"Taray ni bakla!" ngisi ni Shakira. "May pa-just wait for it pang nalalaman. Paano kapag nalaman 'yan ng magiging asawa mo?"

"I don't care, Shaki. Kahit pa humalik ako ng sampung lalaki diyan, wala akong pakialam at mas lalong wala siyang pakialam. Saka puwede ba, tigil-tigilan mo muna ako diyan sa pesteng kasal na 'yan. Let me have fun!"

Itinikom na ni Shakira ang bibig dahil bakas na sa mukha ni Avaeh ang pagkainis. Tinulungan na lamang nito ang dalawang kaibigan sa pagbuhat ng mga gamit papunta sa transient house na nasa mismong harap lang ng beach.

Sa labas ay kitang-kita na ang kalakihan ng bahay. Binubuo ito ng dalawang palapag at sa ikalawang palapag ay naroon ang balkonahe kung saan puwedeng makita ang kabuuan ng karagatan. Pagpasok rito ay bungad ang isang malaking chandelier na nakabitin sa sala, maging ang mga naglalakihang obra maestra na nakasabit sa puting pader. Binubuo ang bahay ng labinlimang kuwarto: lima sa ikaunang palapag at sampu naman sa itaas. Sa ikalawang palapag nagtungo ang tatlong magkakaibigan.

Pagkarating sa kuwarto ay mabilis na inayos nina Avaeh at Mad ang kanilang mga gamit dahil naghihintay na sa labas ang iba pa nilang mga kaibigan. Wala pang limang minuto ay lumabas na silang muli sa bahay at sinundan ang usok na nagmumula sa bandang kaliwa kung saan nag-iihaw ng mga isda ang iba pa nilang mga kasama. Gaya ng inaasahan, may mga bagong mukha roon dahil ang nagplano ng outing ay ang may-ari ng transient house na mukhang inimbitahan ang lahat ng mga kaibigan. Ang iba ay abala sa pagluluto, samantala ang iba ay nagtatayo na ng tent. Kung susumahin, labimpito silang lahat.

Mabilis na nag-alok ng kamay si Avaeh sa kaibigang lalaki, si Oslo, na abala sa pag-iihaw ng isda. Inabutan naman siya agad nito ng pamaypay. Habang nakikipagsapalaran sa usok, isa-isang pinagmasdan ni Avaeh ang mga kasama; Sampu ang kakilala niya at ang natitirang pito ay bago sa kaniyang paningin. Sa palagay niya ay madali lang pakisamahan ang mga ito dahil simula nang pagdating nila ay nakangiti na ang mga ito sa kaniya, maliban sa isang lalaking nagtatayo ng tent na hindi man lang naglaan ng kaunting oras para tingnan siya.

"Sungit," bulong ni Avaeh sa hangin.

"Si Colt ba?" mahinang sambit ni Oslo. "Ganyan talaga 'yan. Ewan ko nga kung bakit 't' pa ang huling letra ng pangalan niya kung puwede namang 'd' para sumang-ayon sa kaniya."

Sandaling hindi umimik si Avaeh. Hindi niya mawari kung bakit tila pamilyar sa kaniya ang pangalang Colt. Pakiramdam niya ay minsan niya nang narinig ang ngalan na iyon, pero hindi niya alam kung saan at kailan.

"Oh, bakit natameme ka diyan?" tanong ni Oslo nang mapansin si Avaeh na tulala.

"Kilala mo?" tanong naman ni Avaeh habang pinapaypayan ang iniihaw.

Tumango si Oslo. "Kaibigan ko simula pa no'ng nasa tiyan pa lang kami ng mga mamshie namin. Hindi rin talaga siya mahilig umimik, pero mabait 'yan."

"Wala naman akong sinabing masama siya."

"Hindi, baka isipin mo lang. Kapag nga nagtutumbang-preso kami sa tiyan ng mga mamshie namin, kahit siya 'yong nakatumba sa lata, siya pa ang may gustong maparusahan."

"Ewan ko sa'yo, Oslo, puro ka kalokohan," irap ni Avaeh.

Sa muling pagkatataon ay bahagyang tiningnan ni Avaeh ang lalaking iyon na nagngangalang Colt. Tumalon ang kaniyang puso nang mahuli siya nitong nakatingin, kaya mabilis siyang nag-iwas ng tingin. Bakit mukhang pamilyar sa kaniya ang lalaki?

Lumipas ang mga oras at ang asul na kalangitan ay unti-unti nang naging kahel dahil sa paglubog ng araw. Naitayo na ang mga tent at naihanda na rin ang mga pagkain. Sunod na pinagtuunan ng pansin ng mga kalalakihan ang paghukay sa puting buhangin at paggawa ng tila mesa sa gitna na pagdadausan ng bonfire at pagpapatungan ng mga pagkain at inumin. Samantala, ang mga kababaihan ay naghanda na ng mga kakailanganin para sa hapunan.

Nang maihanda na ang mga pagkain at inumin ay nagsalu-salo na ang lahat at nakapalibot sa maliit na bonfire na kahit papaano'y panlaban sa malamig na haplos ng hangin. Sa bilog na iyo'y nagkarooon ng kawili-wiling mga kuwentuhan, dahilan upang makilala ng mga ito ang bawat isa.

Magaan ang loob ni Avaeh na pinagmasdan ang mga kasama, maging ang mga bago niyang nakilala dahil sa gabi lamang na iyon ay naging komportable siya agad sa mga ito, maliban pa rin sa lalaking iyon na nagngangalang Colt. Palagay niya ay wala itong balak ngumiti dahil kahit na napakasaya na ng usapan ay tuwid pa rin ang expresyon ng mukha nito. Natigil lamang siya na obserbahan ito nang magkaroon na ng masayang inuman hanggang sa magdilim na ang buong paningin niya.

Bumungad kay Avaeh ang maliwanag na sikat ng araw na sumisilip sa maliit na bintana ng kuwarto. Napahawak na lamang siya sa kaniyang ulo sa sobrang sakit nito. Hindi niya maalala ang mga pangyayari kagabi, ngunit sigurado siyang naparami siya ng inom. Bakit niya naman ginawa iyon eh, pinangako niya sa kaniyang sarili na hindi siya malalasing?

Kapagkuwan ay nakaramdam siya ng pag-init ng tiyan. Naduduwal siya, kaya naman ay mabilis siyang tumayo sa kinahihigaan upang magtungo sa banyo, ngunit natigil din kaagad nang mapansing hubo't hubad ang sarili. Isa pa, may napansin siyang papel sa kama. Sa kaniyang kuryusidad, pinulot niya ito at binasa ang mga nakasulat dito. Hindi maipinta ang kaniyang mukha nang malaman ang nakasaad sa kapirasong papel na iyon. Mabilis niyang inilibot ang paningin sa kabuuan ng kuwarto hanggang sa mapansin ang isang lalaking mahimbing na natutulog sa kabilang kama. Mabilis niyang dinampot ang kumot at ibinalot ang sarili dito, saka dahan-dahang naglakad patungo sa lalaki.

Nanlaki ang mga mata ni Avaeh nang mamukhaan ang lalaking iyon. Nanginginig ang mga kamay niyang hawak pa rin ang papel. Ang mga salitang nais niyang bigkasin ay lumabas na lamang sa kaniyang lalamunan. 

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status