Share

DIVULGENCE

Agad akong sinalubong ng yakap ni Mama nang makarating kami sa bahay. Sa higpit ng yakap niya ay nakasisiguro akong masyado siyang nag-alala. Kung sa bagay ay kamamatay lang ni Kirius, marahil ay natakot din niya para sa akin. 

Gumanti ako ng yakap kay Mama para iparamdam na hindi na niya kailangan pang mag-alala. Hindi ko alam kung paano ko ipapaliwanag sa kaniya ang mga nangyari. Hanggang ngayon kasi ay hindi ko maialis ang nararamdaman kong galit sa mga mages. At mula ng dumating kami ay hindi ko pa rin kinakausap si tiya. Maging si Oswald ay sinusubukan akong lapitan pero lumalayo ako. Hindi ko kasi alam kung paanong pakikitungo ang gagawin ko sa kanila. 

Sa makailang beses na nagmakaawa akong itigil na nila ang pananakit kay Kieran ay hindi sila tumigil. Kung alam lang nila kung paano nila unti-unting dinudurog ang puso ko nang ipakita nila sa akin kung gaano sila kalupit para pahirapan si Kieran kahit na hindi ito lumalaban.

Kung mga rogue iyon ay maiintindihan ko pa sana. Pero hindi. Hindi ko kailanman maiintindihan na kung sino pa ang inakala kong mababait ay siya pang hindi marunog makinig sa pakiusap.

"Yue, ayos ka lang ba?" nag-aalalang tanong ni Mama. Namumula ang mga mata niyang tanda ng walang tigil na pag-iyak. "Hindi ka ba nasaktan? Wala bang masakit sayo?" 

Humiwalay siya sa akin at ininspeksyon. Tinitignan kung mayroon akong sugat o bugbog. Nanlaki ang mga mata niya ng makita ang bakas ng hiwa sa leeg ko dala ng punyal na itinutok ko doon.

"Anong nangyari dito? Kinagat ka ba ng bampirang iyon? Halika at gagamutin natin."

"Hindi ako kinagat, Ma. At mas lalong hindi niya ako sinaktan," walang buhay kong turan.

"Mabuti na lamang at dumating kami sa oras kung hindi ay baka nahu--"

"Ilang beses ko bang sasabihin sa inyo na hindi niya ako sasaktan?" singhal ko kay tiya.

"Isa siyang bampira, Yueno. At kahit bali-balikrarin mo man ang mundo ay bampira pa rin siya. Pumapatay ng mga inosente," balik nito sa akin.

Lalong nag-init ang ulo ko. "Hindi lang bampira ang pumapatay ng inosente. Kayo rin."

Nakita kong natilihan si Mama. Gulat ang nakarehistro sa mga mata niya. Hindi ko naman na hinintay na sumagot si tiya. Agad akong tumakbo papunta sa kwarto ko saka ini-lock ang pinto. 

Ayoko silang makausap. Ayoko silang makita. Hindi ba nila naiintindihan ang mga sinasabi ko? O baka hindi nila ako naririnig. O kaya naman ay iba ang lenggwaheng lumalabas sa bibig ko sa tuwing sinasabi ko sa kanila na hindi ako kayang saktan ni Kieran. Mahirap bang intindihin iyon? Ganoon ba kalalim ang galit nila sa mga bampira at makakita lamang sila ng isa, kahit hindi lumalaban sa kanila ay papatayin na nila. Kung ganoon naman pala ay ano pa ang pinagkaiba nila sa mga bampira?

Ibinagsak ko ang katawan sa kama at duon ibinuhos lahat ng nararamdaman ko. Galit, takot, pag-aalala. Paulit-ulit na bumabalik sa ala-ala ko ang mukha ni Kieran habang pinapahirapan ng mga mages na iyon. Naramdaman ko ang pag-agos ng luha sa pisngi ko na siyang ring bumabasa sa unan. Pakiramdam ko ay parang tumatarak sa puso ko ang bawat sugat na tinatamo ni Kieran. Na tila tumatagos sa akin ang bawat talim noon. At ang pinakamasakit pa ay wala man lang akong nagawa. 

Muli kong isinubsob sa unan ang mukha ko kaya't lalong nabasa iyon ng bumulwak ang panibago yugto ng mga luha. 

"Kieran!"

Humahangos na napabangon akong bigla sa kama. Akala ko totoo na. Basang-basa ng luha ang aking pisngi at pawis na pawis ang aking katawan. Nasapo ko ang ulo at muling naluha. Ramdam ko na ang pamamaga ng mga mata ko. Bangungot na naman.

Naroon na naman ako sa karimlan at walang tigil sa paglalakad hanggang sa biglang lumitaw si Kieran mula sa kung saan. Nang lalapitan ko na siya ay unti-unti naman siyang lumalayo. At sa paglayo niya tila may kung anong tumatama sa kanya at nag-iiwan iyon ng sugat. Para bang katulad iyon ng nangyari. Binilisan ko pa ang pagtakbo para sana maabutan siya pero sa kung anong dahilan ay hindi ko pa rin siya maabutan. Ramdam ko ang pag-agos ng luha sa pisngi ko pero hindi ko na iyon inintindi. Basta takbo lang ako ng takbo habang pilit siyang inaabot. 

Nanlaki ang mata ko nang makitang bigla nalang may bumulwak na dugo sa tagiliran niya. Natakot ako para kay Kieran pero wala akong magawa. Kahit bilisan ko ng takbo ay wala pa ring nangyayari. Nanghihina na rin ako at nauubusan na ng lakas. Dahil sa panghihina ng tuhod ay nadapa ako. Masakit iyon pero mas masakit na wala man lang akong magawa kundi ang isigaw ang pangalan niya. Ni hindi ko man lang siya mahawakan. Mas lalo akong nilukob ng takot ng unti-unting nilalamon ng kadiliman si Kieran. Iniangat pa niya ang isang kamay na tila ba humihingi ng tulong. Kahit nanginginig na ang tuhod sa pagod ay pinilit kong tumayo at tumakbong muli papunta sa kanya. Hilam na ng luha ang mga mata at nanlalabo na ang paningin pero mas nanlabo iyon nang kung kailan maaabot ko na ang kamay ni Kieran ay saka ito tuluyang nilamon ng kadiliman. Doon na ako nagising. 

Hindi na ako lumabas ng kwarto buong araw. Nakaupo lamang ako sa may bintana habang pinagmamasdan ang pagbuhos ng ulan. Maghapon na rin kasing umuulan na tila ba dinadamayan ako sa kalungkutan. Hindi ko rin maialis sa isip ko si Kieran. Hindi ako matahimik sa pag-aalala sa kanya. Gustong-gusto kong malaman kung maayos lang ba ang lagay niya, kung may gumagamot ba sa kanya, kung malalim ba ang naging sugat niya. Pero heto ako, nakakulong at nakatulala sa ulan. 

Salit-salitan naman ang pagkatok si Mama at tiya pero hindi ko sila sinasagot. Wala akong balak na sagutin ni isa sa kanila mas lalo na si tiya. Malinaw pa sa ala-ala ko kung paano akong nagmakaawa sa kanya pero hindi niya ako pinakinggan. Para tuloy akong teenager nito na pinagbawalang makita ang kasintahan kaya nagkukulong sa kwarto.

Ang bigat kasi sa pakiramdam iyong nagmamakaawa na ako na huwag nilang saktan si Kieran pero naging sarado ang tainga niya. Sumama ang loob ko dahil sa ginawa niya. Kaya hindi ko pa siya kayang harapin.

"Yue," mahinang tawag mula sa pinto. Boses iyon ni Oswald.

Marahil ay humingi na ng tulong sila Mama para kausapin ako. Pero maging kay Oswald ay masama ang loob ko.

"Maaari ba akong pumasok?"

Hindi pa rin ako sumagot. Bahala siya sa kung anong gusto niyang gawin. 

"Papasok na ako."

Hinayaan ko na lamang siya. Pakiramdam ko ay nagtago na sa kung saan ang boses ko at wala ng lumabas kahit na maliit na tinig. 

Narinig ko ang paglangitngit ng pinto pero hindi ko siya nilingon. Wala akong balak. Nanatili lamang sa labas ang tingin ko. Nakikiramdam lang ako sa gagawin niya. Maging ng lumakad siya palapit sa akin ay pinabayaan ko lang. Ngunit bago pa man siya makalapit ay huminto na siya. Mabuti naman.

Lumangitngit ang kama, tanda na naupo ito doon. Lumipas ang ilan pang sandali ay nanatili lamang siyang tahimik. Marahil ay tinatantya niya ang magiging reaksyon ko sa kung anong sasabihin niya.

"Kamusta ka na?" maya-maya ay untag niya.

Hindi ako sumagot.

"Kumain ka na ba?" tanong ulit niya.

Hindi pa rin ako sumagot.

"Nagugutom ka ba? Gusto mo bang ikuha kita ng makakain?"

Tahimik pa rin ako. 

"Ang sabi ng Mama mo at ni guro ay hindi ka pa raw lumalabas ng kwarto mo magbuhat kagabi. Nag-aalala na sila sa iyo."

Alam ko iyon pero talagang hindi ko lang mapilit ang sarili kong pakiharapan sila ngayon.

"Nag-aalala na rin ako, Yue. Natatakot ang Mama at tiya mo na baka minanipula ka na ng bampira na iyon kaya't ganito ang nangyayari sa iyo."

Naikuyom ko ang kamao sa sinabi niya pero nanatili pa rin akong tahimik. 

"Yu--" Marahil ay nakita niya ang pagkuyom ng kamao ko kaya't hindi na niya itinuloy ang sasabihin. 

"Mahal mo ba ang bampira na iyon?" may bahid ng lungkot sa tanong niya. "Nakita ko kung gaano mo siya pinrotektahan ng mga oras na iyon. Na kahit buhay mo ay kaya mong itaya para sa kaniya. Ganoon mo ba siya kamahal?"

Oo. Ganoon ko siya kamahal para ialay ko ang buhay ko mailigtas lang siya.

"Alam mo bang mahigpit na ipinagbabawal ang relasyon sa pagitan ng mages at bampira?"

Hindi ako isang mage. Pero mage si Mama. Ibig sabihin ba noon ay isa rin akong mage? Natigilan ako. Kung ganoon ay mariing ipinagbabawal iyon noong panahon na iyon. Si Mama at si Cassius.

"Anak ka ng isang mage, Yue, kaya't isa ka na ring mage. At sakop ka ng restriksyong iyon. Ang kaibahan nga lang ay ikaw ang Dovana," pagpapatuloy ni Oswald. Bumuntong hininga pa ito bago nagpatuloy. Animo ay nahihirapan sa sasabihin. "Pero kapag pala talagang mahal mo ang isang tao ay gagawin mo ang lahat para sa kanya."

"Alam mo bang natakot ako noong pagbalik ko ay bigla kang nawala. Sinubukan kitang hanapin kung saan-saan pero hindi kita makita." Bahagya itong natawa. Gusto ko sana siyang patigilin sa sasabihin niya dahil alam ko na ang patutunguhan noon pero hindi ko magawang maibuka ang bibig ko. 

"Akala ko nga ay mababaliw na ko sa kakaisip kung saan ka maaaring magpunta. Halos malibot ko ang buong bayan kakahanap sa iyo pero hindi kita makita. Nagpa-panic na ako noon, takot na takot na baka kung napaano ka na. Kaya't nang dumating sila guro at ang Mama mo ay sinabi ko agad ang nangyari sayo. Mainam nalang at ginamitan ka ng tiyahin mo ng tracking spell ng hindi mo nalalaman. Noon namin napag-alamang dinukot ka ng isang bampira. Nagtataka man kami kung paanong nakapasok sa Magji ang bampirang iyon ay hindi na muna namin inintindi sa halip ay tinipon namin ang mga sundalong Magji at pinuntahan ka."

Lumipas pa ang ilang sandali bago siya muling nagsalita. "Akala ko noon ay wala na akong takot. Na naubos na dahil na rin sa lahat ng napagdaanan kong pagsasanay pero nang makita kita kaharap ang bampirang iyon na nakayuko sa harap mo at animo'y kakagatin ka na ay noon ko lang nakilalang muli ang salitang takot. Hindi ko na nakontrol ang sarili kong magpakawala ng spell. Pero nang makita kita kung paano mo pinrotektahan ang bampirang iyon, pakiramdam ko ay gumuho ang lahat ng pag-asa ko."

"Kahit ayaw mong magsalita o kausapin ako ay sasabihin ko na ito. Mahal kita, Yueno. Kahit sa sandaling panahon na magkasama tayo ay nahulog agad ang loob ko sayo. Na maski sa kabila ng nakita kong pagpapahalaga mo sa bampirang iyon ay hindi nagbago ang pagtingin ko para sayo, Yue. Sa halip ay mas tumindi pa iyon."

Lumangitngit muli ang kama, marahil ay tumayo na ito. Kinabahan ako ng maramdaman ko siyang lumapit sa akin ngunit hindi ko pa rin siya nilingon. Sa halip ay mas itinago ko ang mukha sa kaniya. Ayokong tumingin sa mga mata niya. Alam kong mabait na tao si Oswald, at ramdam ko ay sinseridad sa mga sinabi niya pero ayokong makita ang damdaming naroon sa mga mata niya. Naging mabuti siya sa akin at ayokong saktan ang damdamin niya. 

Para akong nabato sa kinauupuan ng maramdaman kong hinalikan niya ako sa ulo. Alam kong nanlalaki ang mga mata ko pero hindi ako gumalaw. Hinayaan ko nalamang siya. 

Maya-maya pa ay naramdaman ko nalang ang paglayo niya at ang paglangitngit naman ng pinto. Marahil ay lalabas na siya.

"Sa ngayon ay aalis na muna ako, Yue. Ngunit kung sakali mang hindi pa ako huli, gusto ko sanang pag-isipan mo pa rin ang sinabi ko. Maghihintay pa rin ako sayo."

Iyon lang at narinig ko na ang pagsara ng pinto. Napabuga ako ng hangin na hindi ko namalayang pinipigalan ko pala. Ramdam ko na ang pagtingin ni Oswald noong una palang pero binalewala ko lang iyon. Sa kabila ng kaalamang iyon ay nakipaglapit pa rin ako sa kaniya. Hindi ko man lang inisip ang mararamdaman niya. At ngayong nagtapat na siya ay ayoko namang saktan ang damdamin niya. Parang gusto kong iuntog ang sarili ko. Napakatanga ko. Dapat noong umpisa palang ay nilayuan ko na si Oswald pero hindi ko ginawa. Sa kagustuhan kong sumaya, ngayon ay makakasakit na naman ako ng iba.

Sa sobrang frustration ay naisubsob ko nalang sa mga braso ang ulo ko. 

Hindi pa naglilipas ang sandali ay may kumatok na naman sa pinto. Napaangat ang ulo ko at nakita ko ang pagsilip doon ni Mama. Nasa mga mata niya ang pag-aalala. Napabuntong-hininga na naman ako. Sa pagmumukmok ko ay heto na naman at pinag-aalala ko na naman si Mama. Hindi pa man din siya nakakaahon sa pagkamatay ni Kirius, ngayon naman ay pinag-aalala ko na naman siya.

"Maaari ba akong pumasok, anak?"

Hindi ako sumagot pero tumuloy pa rin siya. Nakatingin lamang ako sa kanya ng dire-diretcho siyang naupo sa tabi ko. 

"Hindi ko sinasadyang marinig ang usapan niyo ni Oswald," aniya na nasa paanan ang tingin. Para siyang nag-aalinlangan sa sasabihin niya. Gusto ko sanang itanong ang tungkol sa sinabi ni Oswald kanina na ipinagbabawal ang pakikipagrelasyon sa mga bampira pero nag-aalinlangan din ako.

Humugot pa ito ng hininga bago nagsalita. Para bang nag-iisip pa siya kung itutuloy niya ang sasabihin o hindi.

"Alam mo ba kung ano ang pinakamabigat na desisyong ginawa ko sa buong buhay ko, anak?" Mariin pa niya akong tinignan pagkasabi noon.

Nakatitig lamang ako sa kaniya. Kita-kita ko ang samu't saring emosyong naroroon sa mga mata niya. Pag-aalinlangan. Pag-aalala. Lungkot. Panghihinayang. Malamlam ang mga mata niyang nananatiling nakatunghay sa akin. Lagi nalang siyang malungkot. Kailan ko na nga ba siya nakitang masaya? Iyong saya na masasalamin sa mga mata niya at hindi iyong pilit lamang. 

"Iyon ay ang talikuran ang lalaking pinakamamahal ko." 

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status