Share

GRIEF

Hindi ko alam kung ano ang iisipin at mararamdaman ko sa mga sinabi ni Mama. Hindi ko rin malaman kung makikinig pa ba ako o hindi. Kinakabahan ako sa susunod niyang sasabihin. Alam kong si Cassius ang unanng lalaking minahal niya pero ang lalaking pinakamamahal? Hindi ba't si Papa iyon?

"Ikinuwento ko na sa iyo ang tungkol sa amin ni Cassius pero hindi ko nabanggit sa iyo na siya ang lalaking pinakamamahal ko. Hindi ko na iyon binanggit dahil natatakot akong isipin mo na pinagtataksilan ko ang Papa mo. Pero hindi. Nanatili akong tapat sa Papa mo."

Tama nga ako ng hinala pero nabibigla pa rin ako sa sinasabi niya. "Bakit ngayon mo lang sinasabi sa akin ang lahat ng ito, Ma?"

“Nang sinabi ni Arsellis na dinukot ka ng mga bampira ay natakot ako. Pero mas natakot ako noong malaman kong natagpuan ka nila Arsellis sa parang kasama ang isang bampira. At kung hindi ako nagkakamali ay iyon din ang parang na pinagtatagpuan namin ni Cassius dati. Tama ba ako, anak?"

Umiwas ako ng tingin sa kanya. "Nang ikwento ko sa iyo ang tungkol sa pagkikita namin ni Cassius doon sa parang ay may kutob na akong alam mo ang lugar na iyon. Nakita ko iyon sa mga mata mo, anak. Mula noon ay nagsimula na akong magtaka kung paano mo nalaman iyon o kung nakapunta ka man doon."

"Ang bampira bang dumukot sa iyo ang nagdadala sa iyo roon?” 

Hindi ako umimik. Nanatili lamang sa labas ang tingin ko. “Nang sabihin ko sa iyo noon na hindi ako nagpatakot kay Lucinda noon, totoo iyon. Hindi ako natakot kahit binantaan na niya akong isusumbong niya sa Ȁlteste ang ginagawa naming pagtatagpo ni Cassius ay hindi ako natakot sa kanya. Napag-usapan na namin ni Cassius na tatakas kami bago pa man din maipaalam ni Lucinda sa Ȁlteste ang relasyon namin. Magtatanan kami, Yueno. Ngunit talaga nga yatang pinagkakaitan kami ng tadhana. Bago pa man ako makaalis ng Magji noong gabing napagkasunduan naming tumakas ay ipinatawag ako ng matatandang mages. Noon ay kinabahan na ako sa kung anong sasabihin nila. Natakot ako. Si Arsellis lang ang bukod tanging pinagsabihan ko noon. Labis-labis ang pagtutol noon ni Arsellis pero katulad mo ay matigas din ang ulo ko. Wala naman talaga akong balak sabihin iyon kay Arsellis ngunit nahuli niya akong isang gabi na tumatakas. Palihim niya akong sinundan kaya’t nagbisto niya kami ni Cassius.”

Kung ganoon ay hindi nahirapan si tiya na hanapin ako dahil nakapunta na siya doon. Nang ibalik ko ang tingin kay Mama ay nakatingin siya sa malayo. Inaalala ang nangyari ilang taon nang nakalipas.

“Pero nakuha sa pakiusap ang tiya mo. Malaki rin ang tiwala ko sa kanya kaya’t alam kong hindi niya ako ipagkakanulo. Nang makaharap ko ang elders ay kinausap nila ako. Nagkunwari pa sila noong una na wala silang alam. Na kunwari’y lohikal lang ang mga tanong nila pero hindi ako nagpalinlang sa kanila. Alam kong matatalino ang elders at hindi ko sila mauutakan kaya’t nakasisiguro akong alam na nila ang tungkol kay Cassius. Binantaan nila akong papatayin si Cassius kapag hindi ko itinigil ang pakikipagkita ko sa kanya. Pero alam kong malakas si Cassius, hindi siya basta-basta magagalaw ng mga elders. Pero nang sabihin nilang magsisimula sila ng giyera laban sa mga bampira kapag itinuloy ko ang pakikipagtanan ko ay nakaramdam ako ng takot. Hindi nagbibiro ang mga ito.  At dahil anak kami ni Arsellis ng isa sa mga elders ay siniguro ni ama na gagawin niya iyon. Kahihiyan nga naman iyon sa pamilya. At hindi na siya gagalangin ng mga mages kapag nalaman nila iyon.”

Nakatulala lamang ako kay mama habang kinukwento iyon. Hindi ko alam na may masakit din pala siyang pinagdaanan tulad ko. Na sa kung anong dahilan ay para bang nauulit iyon sa akin. Naalala kong muli ang nangyari sa parang. 

“Ayoko nang gulo, anak,” aniya saka tumingin ulit sa akin ang mga mata niyang puno ng sakit. “Ngunit ayoko ring iwan si Cassius. Pero kailangan kong pumili. Pinabayaan nila akong kitain ito nang gabing iyon. Ngunit iyon na ang huli. Nang makarating ako sa parang ay matagal ko munang pinagmasdan si Cassius bago ako tuluyang magpakita. Nakabuo na ako ng desisyon.”

“Iiwan ko si Cassius alang-alang sa kapayapaan ng lahat. Naaalala ko pa rin kung paano mapuno ng sakit ang mga mata ni Cassius noon habang sinasabi ko ang mga bagay na iyon. Masakit. Sobrang sakit, anak. Na talikuran ang taong mahal mo para lang sa ikabubuti ng lahat. Mula noon ay pinutol ko na ang lahat ng koneksyon namin ni Cassius. Halos itakwil rin ako ni ama ng mga panahong iyon. Ipinadala niya ako sa mundo ng mga tao. Sa isang malayong tiyahin. Tinanggalan rin niya ako ng kakayahang gumawa ng mahika. Akala ko ay wala ng mas isasakit pa iyon, nagkamali pala ako. Ilang linggo lang ang lumipas ng sabihin sa akin ni Arsellis ang balita na magpapakasal na si Cassius kay Lucinda. Nakalimutan na niya ako agad. Noong panahong iyon ay palihim na tumatakas ang tiya mo para bisitahin ako.”

Pakiramdam ko ay kumikirot ang puso ko. Na parang naroon ako sa mga panahong iyon at nakikita ko si mama na lihim na umiiyak dahil sa sobrang sakit. Tulad rin ng makita ko siya noon ng mamatay si Papa. Mali. Mali na pagdudahan ko ang pagmamahal ni Mama kay Papa. Hindi man kasing tindi ng pagmamahal ni Mama kay Cassius ang naibigay niya kay Papa ay nakasisiguro akong ibinigay niya dito ang lahat ng makakaya niya.

“And as I’ve said before, I was devastated. Hindi ko alam kung saan ako magsisimula. Kahit anong gawin ko ay hindi maalis sa isip ko si Cassius. Lumipas ang taon at unti-unti ko na siyang nakakalimutan. Nagsisimula na rin akong pabisitahin ni ama dito sa Magji. Hindi rin niya ako matiis. After all, I was his favorite. Bagay na hindi naman pinagtampuhan ni Arsellis. Pero nang minsang magbakasyon ako dito, hindi ko inaasahang makita si Cassius sa Magji. Tulad ng ginawa ng bampirang dumukot sa iyo, anak. Nagpunta si Cassius dito para kumbinsihin akong sumama sa kaniya. At tulad nga ng sinabi ko sayo, may pamilya na siya. Ayokong manira ng pamilya.” Ngumiti pa si Mama sa akin. "Hindi lingid sa kaalaman ng Papa mo ang naging relasyon namin ni Cassius bago siya dumating sa buhay ko. At hindi ko rin inilihim sa kaniya ang nararamdaman ko para dito. Pero sa kabila noon ay hindi pa rin siya tumigil ng panunuyo sa akin. Hindi niya ako sinukuan. Doon ako bumilib sa Papa mo. Napakatiyaga niya. Pinagtiyagaan niya ako.” Sinundan pa iyon ni Mama ng pagtawa. Matapos noon ay ilang sandali pa siyang natahimik. Marahil ay naalala niya si Papa. Sabagay ay miss ko na rin siya. Bumuntong-hininga pa siyang muli bago naging seryoso ang mukha.

“Kinuwento ko iyon ng buo sa iyo, anak, dahil gusto kong malaman mo ang sakit na pinagdaanan ko. Ang sakit na maaari mong danasin sa lalaking iyon. Alam ko at ramdam kong mahal mo ang lalaking iyon, Yue. Mahal na mahal na handa mong kitilin ang buhay mo para sa lalaking iyon,” aniya habang nakatingin sa sugat sa leeg ko. “Ayokong masaktan ka sa huli, anak.” 

Hindi na naman ako nakaimik sa tinuran niya. Kung sa sakit lang ay masasabi kong napakarami ko ng sakit na pinagdadaanan. Siguro ay hindi na nakakatakot kung masasaktan man ako kay Kieran.

“Sa tingin ko ay marami na akong napagdaanang sakit, Ma. Hindi na rin siguro nakakatakot kung masaktan man akong muli kay Kieran. Isa pa ay parte iyon ng pagmamahal hindi ba? Sabi nga nila, hindi mo malalamang nagmamahal ka kung hindi ka na nasasaktan.”

Napalingon ako kay Mama ng marinig ko mahina niyang pagtawa. Nagtaka man ako ay hindi ako nagtanong. Pinagmasdan ko lamang siya.

“Matanda ka na nga, Yueno,” nakangiting sabi niya ngunit naging seryoso muli ang mukha. “Sa totoo lang ay natatakot akong baka masaktan ka sa huli dahil sa pagmamahal mong iyan sa lalaking iyon. Pero hindi ako mamagitan sa inyo kung siya pa rin ang piliin mo. Alam ko namang mas matigas ang ulo mo kaysa sa akin. Ang sa akin lang ay sana pag-isipan mo pa rin ang sinabi ni Oswald sa iyo. Mukha namang mabait ang batang iyon. Pero hindi ko rin naman huhusgahan ang Kieran na iyon dahil hindi ko pa man din siya nakikilala.”

Hinaplos pa ni Mama ang buhok bago siya tumayo. Siguro ay lalabas na. Ngunit nang lingunin ko siya ay nakita kong mariin siyang nakatingin sa akin. 

“Hindi ko ipinagtatanggol ang mga mages, anak. Pero sana ay isipin mo rin na baka nag-alala lang din sila sa iyo kaya nila nagawa iyo. Ikaw pa rin ang Dovana, anak. At kailangan kang maprotektahan.”

Tinapik pa niya ako sa ulo bago dumiretcho sa pinto. “Nagluto ako ng paborito mong ulam. Inilagay ko sa ref kung sakaling magutom ka.”

Iyon lang at isinara na nito ang pinto. Naiwan na naman akong napapaisip. Kanina lang ay si Oswald tapos ngayon naman ay si Mama. Napasandal akong muli sa bintana at napatingin sa labas. Hindi ko alam ang iisipin ko. Una ay ang pagtatapat ni Oswald. Ngayon naman ay ang tragic love story ni Mama. 

Hanggang ngayon magmula ng ikwento ni Mama ang tungkol kay Cassius ay hindi ko pa rin sukat akalaing sa dinami-rami nang magiging greatest love ni Mama ay si Cassius pa. Hindi ko tuloy malaman kung talaga bang mahal ni Cassius si Mama noon o pinasasakay naman niya si Mama. 

Bigla kong naalala ang pinag-usapan namin ni Kieran. Nagtalong bigla ang kalooban ko kung sasabihin ko kay Mama ang nalalaman ko kay Cassius. Natigagal akong bigla. Hindi kaya dahil si Papa ang pinakasalan ni Mama kaya pinatay ni Cassius si Mama? Naging dahilan nalang din na isang Dovana si Papa kay mas lalo niya itong pinatay. Bigla akong nangilabot sa naging konklusyon. 

Nagulat ako nang makarinig muli ng pagkatok sa pintuan. Masyado kasi akong naging okupado sa napagtagni-tagni ko. Ngunit hindi ko inaasahan ang taong kumatok. Sumilip mula sa pinto si Ada. Hindi pa man din ako nakakasagot ay pumasok na siya, dala-dala ang isang tray ng gatas. Ngunit ang mas nakakuha ng atensyon ko ay ang sulat na naroon. 

“Kamusta ka na?” tanong ni Ada habang ibinababa ang tray sa may bedside table.

“Ayos lang,” tipid kong sagot. Hindi ko inaasahang tatanungin ako ni Ada. Marahil ay nami-miss na rin niya ang pangungulit ko sa kanya.

“Mabuti naman. May sulat ka nga pala. Kung hindi ako nagkakamali ay galing iyan sa mga Cayman.”

Napalingon ako sa sulat na naroon. Malakas ang kutob kong pinapabalik na nila ako. Marahil ay nakarating na kay Cassius ang nangyari. Ngayon ko lang napagtanto na mainam nalang din pala at wala si Cassius noong umuwi kami sa bahay. Kahit na siya ang pinakamamahal ni Mama ay ayokong magkrus na muli ang landas nila. Kailangan ko na sigurong sabihin kay Mama. 

“Mag-iingat ka.”

Nabigla naman ako sa sinabi ni Ada kaya napatingin ako agad sa kanya. Hinihintay ko ang kasunod niyang sasabihin pero hindi na niya itinuloy.

“Aalis na ako,” aniya saka tinungo ang pinto.

“Tek-” hindi ko na naituloy ang sasabihin dahil nakalabas na niya iyon. Ano kaya iyon? Bigla-bigla nalang siyang magsasalita ng ganoon. Kinabahan tuloy ako.

“Yue.”

Kulang nalang ay mapatalon ako sa kinauupuan nang biglang sumulpot si tiya sa harapan ko. Alam kong nanlalaki ang mga mata kong nakatingin sa kaniya pero nananatiling seryoso ang mukha niya. Agad akong nakaramdam ng pagkainis. Hanggang ngayon ay ayoko pa ring makipag-usap sa kanya pero ayoko namang maging bastos para palabasin siya. Hindi ko na lamang siya pinansin at sa uli ay ibinaling ko na naman sa labas ang tingin.

Ano ba ang meron sa araw na ito at sunod-sunod ang pagpunta rito ng mga tao? Confession day ba ngayon kaya lahat siya ay nagkukwento o kung hindi naman ay nagtatapat?

Naramdaman ko namang humila ng upuan si tiya at naupo sa harap ko. Lumipas ang ilang sandali at nanatili siyang tahimik. Kating-kati na akong tanungin siya kung ano ba ang kailangan niya at naparito siya pero pinipigilan ko ang sarili ko. Nang siguro ay hindi na niya matiis ay nagsalita na rin siya.

“Alam kong nagagalit ka pa rin sa akin, Yue, pero gusto kong malaman mo na ginawa ko lamang iyon dahil natakot ako na baka saktan ka niya. Ayoko namang iuwi ka sa mama mo na bangkay nalang.”

Natigilan ako sa sinabi ni tiya. Reality hits me. Siya nga naman. Kailan lang ay bangkay ni Kirius ang naiuwi sa kaniya. Siguro ay tama si mama. Masyado akong nagalit sa kanila dahil sa ginawa nilang pananakit kay Kieran. Hindi ko na inisip ang side nila. Pero magkanoon man ay mali pa rin ang ginawa nila. 

“Mahal mo ang lalaking iyon, ano?”

Bakit ba lahat sila ay puro iyon ang tinatanong?

“Kung sa bagay ay kita naman sa ginawa mo. Alam kong alam mo na rin na ipinagbabawal iyon dahil nasisiguro kong nasabi na iyon sa iyo ni Oswald at ng mama mo. Parehas ko silang nakitang nanggaling dito kaya nagbaka-sakali na rin ako. Umaasang baka pakinggan mo ang side ko at maintindihan mo.”

Hinahayaan ko lang naman siyang magsalita. Hindi pa rin ako kumikibo. Hindi ko kasi alam ang sasabihin ko. Nahihiya akong humingi ng tawad. Isa pa ay kinakain ako ng pride ko kaya hindi ko mapilit ang sarili kong kausapin siya. 

“Alam ko ring naikwento na naman sa iyo ng mama mo ang talagang nangyari noon sa kanila ni Cassius. Masakit ang pinagdaanan ng mama mo noon. Kitang-kita ko kung paano niya pilit itinatago ang sakit sa kalooban niya kahit pinapakita niyang masaya siya. Mainam na nga lang din at hindi sila nagkatuluyan ni Cassius.”

Doon nakuha ni tiya ang atensyon ko. “Bakit?” Kinukutuban akong may alam si tiya tungkol kay Cassius Cayman na hindi ko pa nalalaman. 

Mukhang nagulat siya sa naging reaksyon ko pero mabilis din siyang nakahuma. “Noong una palang ay tutol na ako sa relasyon nila ni Cassius dahil iba ang kutob ko sa kaniya. Malaki ang tiwala ko sa kutob ko kung kaya’t hindi ko pinaniwalaan ang mama mo ng sabihin niya sa aking mabuting tao si Cassius Cayman.”

“Kaya’t ng may pagkakataon ako ay naghalungkat ako ng impormasyon tungkol kay Cassius. Ngunit sa pagtataka ko ay wala akong nakitang kahit ano. Kahit kung saan siya nakatira noon ay wala. Maging ang nakaraan niyang buhay bago naging bampira ay hindi ko malaman. Ang tanging nalaman ko lang kung paano niya nakuha ngayon ang yaman niya.”

Naalala ko ang mga dokumentong nakita ko sa opisina nila sa bahay. Ang napakaraming statements of assets na nakapangalan sa iba’t ibang tao. Bigla ay naging interesado ako sa kung anong ikukwento ni tiya. Malakas ang pakiramdam kong marami siyang nalalaman. Baka sakaling matutulungan din niya ako sa paghahanap ng ebidensyang maipanlalaban sa mga Cayman. Napalingon ako sa sulat sa ibabaw ng bedside table. Baka ito na ang daan para mailabas ang itinatago nila baho.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status