Share

ARCANA

Tahimik sa buong kabahayan at mukhang umalis si tiya at Mama kaya kinuha ko ang pagkakataon para makapasok sa study room ni tiya. Mag-isa lamang ako sa bahay ngayon. Hindi na naman dumating si Ada at si Oswald naman ay kaaalis lang. Naiilang pa rin ako kapag kasama si Oswald pero pinipilit ko pa ring baliwalain. 

Sa totoo lang ay speechless ako noong sinabi niyang ipagpapatuloy daw niya ang pagmamahal niya sa akin. Tututol pa sana ako para sa huli sinabi rin niyang hayaan ko nalang daw siya. Kaya hayun at magkasama na naman kami. Hindi ko alam kung paanong pakikitungo ang gagawin ko noong una ngunit sinabi rin niya sa akin na tulad lang din daw ng dati. Mukha siyang okay pero nasisiguro kong may lungkot pa rin siyang itinatago sa loob. Alam ko namang hindi magiging madali iyon lalo pa at magkasama na naman kami. Pero magiging panandalian nalang iyon dahil babalik na ako sa mansyon bukas. 

Pagkatapos naming mag-usap ni Oswald noong isang araw ay dumating ang napakaraming sulat ng mga Cayman. At hanggang ngayon ay wala pa akong binabasa ni isa sa mga iyon. Tutal ay babalik na rin naman ako bukas kaya wala na ring saysay kung babasahin ko pa ang mensahe nila. Na kung hindi ako nagkakamali ay pinababalik na ako. Marahil ay nakarating na sa Älteste ang nangyaring pag-alis ko sa poder nila kaya't tinatadtad na nila ako ng sulat para pabalikin. Come to think of it, mas mabuti na rin pala iyon para pagdudahan sila ng Älteste. 

At dahil babalik na ako bukas ay kailangan ko ng mapilit si tiya na sabihin sa akin ang mga nalalaman niya sa mga Cayman. May kutob akong hindi lang ang tungkol sa kayamanan ng mga Cayman ang alam niya kundi marami pa. 

Kaya't heto ako sa ipinagbabawal niyang study room, prenteng nakaupo sa likod ng mahogany table niya habang hinihintay siya. Siguradong magagalit siya pero kailangan kong malaman ang tungkol doon. 

Naisipan kong magtingin-tingin muna doon dahil naiinip na ako kakahintay. May kaliitan ang silid kung ikukumpara sa mga Cayman pero tulad noon ay halos kaparehas lang din ang nilalaman. Ang kaibahan nga lang ay ang mga istante ng iba't ibang uri ng potions na nakalagay sa iba't iba ring hugis at kulay ng botelya. Marahil ay para na rin sa klasipikasyon noon. Mayroon ding parang bolang kristal doon malapit lamesa at isang malaking libro na nakalagak sa bookstand sa tapat ng kristal. Gusto ko sanang basahin ang mga salitang nakasulat sa libro na hindi ko malaman kung latin o kung ano pa man kaya lang ay natatakot ako na baka kapag binigkas ko iyon ay kung ano ang mangyari katulad nalang ng mga napapanood ko sa movie. 

Nang manawa ako kakamasid ay bumalik nalang ako sa kinauupuan at doon nagbabasa ng mga papeles na nasa ibabaw ng lamesa ni tiya. Nagawa ko pang pagbubuklatin ang mga drawers doon nang hindi ako makuntento. Apat ang naroon ngunit inuna ko ang nasa ilalim na drawer pero naka-lock iyon. Nang sumunod kong buksan ang pangatlo ay halos wala iyong laman kaya’t isinara ko rin agad. Nasa pangalawang drawer na ako ng makita kong napakaraming laman noon. Mga papel na iba’t-ibang kulay at disenyo. Para bang mga stationery. Na-excite ako sa naisip kaya’t mabilis akong naghalungkat. Marahil ay galing iyon sa mga manliligaw niya noong bata-bata pa. Mukhang namang marami siyang manliligaw noon kung bakit hanggang ngayon ay wala pa rin siyang asawa. Kung tutuusin naman ay mas matanda siya kay mama. 

Sandali pa akong namili doon. Nang makakita ng sa tingin ko ay pinakamaganda sa lahat ay mabilis ko iyong dinapot kaya’t nalaglag ang ilang laman noon. Hindi sapat ang salitang gulat para mailarawan ang naging reaksyon ko ng makita ko ang lamang nalaglag mula roon. Isa iyong litrato ng isang lalaki. At hindi ako pwedeng magkamali. Si Idris Morelli iyon. Ang mabait na Ȁltesteng umasikaso sa amin sa Palazzo.

Naguguluhan man ako sa nakita ko ay isa lang ang nakikita kong dahilan para magpadala si Idris Morelli sa tiyahin ko ng litrato ay sulat. Babasahin ko na sana ang sulat ngunit hindi ko na nagawa dahil nakarinig na ako ng alingasngas sa labas. Narinig ko agad ang boses ni Mama kaya ako nakasigurong sila na nga iyon. Hinamig ko ang sarili at pinaghandaan ang pagpasok ni tiya dito. Mukhang nakahanap na ako ng dahilan para sabihinl niya sa akin ang nalalaman niya. Nakasisiguro akong hindi alam ni mama ang tungkol dito dahil kung alam iyon ni mama ay siguradong babanggitin din niya iyon sa akin dahil ipinagbabawal din iyon. 

Ilang sandali pa ay narinig kong bumukas ang pintuan ng silid. Kita ko ang gulat sa mga mata ni tiya ng makita ako roon kaya agad akong tumayo at mariin ko siyang tinignan. Kung hindi ako nagkakamali ay hindi talaga dahil sa takot na baka matabig ko ang potions niya ang dahilan kaya ayaw niya akong papasukin dito, kundi dahil sa litratong ito. Hindi na ako nagkaroon pa ng pagkakataong buklatin ang iba ngunit nakasisiguro akong galing din iyon kay Idris. 

“Anong ginagawa mo dito?” pasigaw na angil niya habang palapit sa akin.

Hindi ko na siya sinagot sa halip ay matiim pa rin ang tinging ibinigay ko sa kaniya hanggang makalapit na siya sa akin. Ngunit agad din siyang nahinto ilang metro mula sa akin ng makita niya ang litratong hawak ko. Sa ikalawang beses ay nagulat na naman siya ngunit ngayon ay may halo na iyong takot. 

“Anong nangyayari dito?” humahango sa tanong ni mama. Siguradong nagmadali si mama ng marinig niyang sumigaw si tiya.

“Ma-”

“Iwan mo muna kami Tessmarie,” putol sa akin ni tiya. “May kailangan lang kaming pag-usapan ni Yueno.

Sa isip-isip ay napangisi ako. Sinasabi ko na nga ba at hindi pa iyon alam ni mama kaya’t pinigilan niya ako agad na magsalita. Natakot siyang sasabihin ko ang nakita ko. 

Nakaiintinding tumango lamang si mama. Kahit na may pagtataka sa mga mata nito ay hindi na nito sinubukan pang itanong at lumabas nalang ng silid. 

“Anong ibig sabihin nito, Yueno Matisse?” asik ni tiya. Mukha yatang napagalit ko siya ng husto. Sorry tiya, pero kailangan ko ng impormasyon.

“Mukhang ikaw yata ang kailangan kong tanungin, tiya Arsellis,” balik-tanong ko sa kanya. Hindi alintana ang galit na nakikita ko sa mga mata niya. “ Anong ibig sabihin ng litratong ito?” 

Mariin niya akong tinitigan at pagkalipas ng ilang sandali ay nakita ko ang bahagyang paghupa ng galit sa mga mata niya. Marahil ay unti-unti na niyang natatanggap na hindi ako ganoon kadaling sumuko. 

“Talaga bang desidido kang malaman ang tungkol sa mga Cayman?” tila nauubusan ng pasensyang tanong sa akin. 

“Oo, tiya. Gusto kong masira sila sa Ȁlteste,” matigas kong sagot sa kanya. 

“Bakit?” naguguluhang tanong ulit niya. “Ano ang ginawa ng mga Cayman para gustuhin mo silang sirain sa Ȁlteste?”

Panandaliang nagtalo ang isip ko kung sasabihin ko iyon kay tiya. Tinitimbang kung dapat ba o hindi. Hindi ako nakakasiguro kung papayag ba siya o tututol sa mga plano ko. Pero wala naman sigurong masama kung ipapaalam ko sa kaniya. 

“Si Cassius ang pumatay kay papa.”

Nawalan ng kulay ang mukha ni tiya. Mukhang hindi niya inaasahang magagawa iyon ni Cassius. Naku-curious tuloy ako sa kung anong klaseng tao si Cassius noon.

“Totoo ba ang sinasabi mo, Yue?”

Tumango lamang ako sa kaniya. Nang makita kong para na siyang mawawalan ng malay ay mabilis ko siyang dinaluhan saka iniupo sa sofang nasa haparan ng lamesa niya. 

“Alam kong halang ang bituka ni Cassius ngunit hindi ko sukat akalaing magagawa niyang patayin si Arthur,” hindi makapaniwalang sambit ni tiya habang nakatulala sa kung saan. “Nakasisiguro pa ako noon na hindi niya gagalawin si Arthur dahil na rin nakiusap sa kaniya si Tessmarie na huwag itong pababayaan ngunit nagpakakampante ako. Kanino mo nalaman ito?”

Tinitigan ko pa sandali si tiya. Tinatantya ang magiging reaksyon niya. “Kay Kieran,” tipid na sagot ko. 

“Paano ka nakasisigurong nagsasabi siya ng totoo? Isa siyang rogue, Yueno.”

Natigilan ako sa tanong niya. Paano nga ba? “Boyfriend ko si Kieran, tiya. Pinuntahan niya ako dito kahit alam niyang pwede niyang ikamatay. At kahit na alam niyang may matindi akong galit sa kaniya dahil siya ang pinagbintangan ko noong pumatay sa kapatid ko. Pero sa kabila noon ay pinilit niyang makapunta dito para lang linisin ang pangalan niya at para makita ako.”

Matiim niya akong tinitigan at tila nag-iisip. Marahil ay tinitimbang kung ano ang paniniwalaan. “Mapanganib ang mga Cayman, Yue. Natatakot ako para sa kaligtasan mo kaya hindi ko na sinabi sa iyo ang nalalaman ko tungkol sa kanila pero bakit ba napakamapilit mo?”

“Gusto ko ng tapusin ang sumpa ng Dovana, tiya,” puno ng determinasyong saad ko sa kaniya. Hindi ko na inintindi ang magiging reaksyon niya.

“Alam ba ito ng mama mo?”

Umiling ako. “Hindi na niya ito kailangang malaman. At ayokong madamay pa siya sa gulong papasukin ko.

“Nababaliw ka na,” anito saka pagak na natawa.

“Ayoko na, tiya. Ayokong umabot pa sa punto na pati ang magiging anak ko ay kailangang magdusa ng dahil lang sa kahibangan ng mga ninuno namin. Kaya’t habang may magagawa ako ay tatapusin ko na ito. At sisimulan ko sa mga Cayman.”

“Paano kapag namatay ka? Paano ang mama mo?”

“Tutulungan ako ni Kieran, tiya. Hindi niya ako pababayaan.”

“At paano ka naman nakakasigurong hindi ka nga niya pababayaan?”

Tipid na ngiti ang pinakawalan ko bago ko siya sinagot. “Alam ko.”

Napailing pa ito. Inabot ko pa ang kamay niya saka tinitigan ng mariin. “Kailangan ko ng impormasyon, tiya. Kailangan ko ng tulong mo.”

“Kahibangan ito, Yueno. Alam mo rin ba na kailangang mamatay ng Dovana para matapos ang sumpa?”

“Naisip ko na iyan pero nakasisiguro akong may iba pang paraan. Tulungan mo ko, tiya. Please?”

Bumuntong-hininga siya at nanahimik. Nanatili naman akong nakatunghay lang sa kaniya. Umaasang tutulungan niya ako. Ramdam ko kung gaano siya katutol sa gagawin ko ngunit hindi lang din naman para sa akin ang gagawin ko. Para na rin sa lahat ng nilalang na naaapektuhan nito. Hindi habang panahon na idedepende nalang nila sa isang inosenteng nilalang ang kapayapaan ng lahat kung maaari naman nila iyong pagkasunduan. 

“Ginagamit ni Cassius ang kayaman niya para pumatay ng mga inosenteng tao ng hindi nalalaman ng Ȁlteste. Ginagawa nilang kasangkapan ang mga masasamang loob na tao para magtrabaho para sa kanila. Sila ang utak sa likod ng mga hindi matapos-tapos na pandudukot ng mga inosenteng tao. Pagkatapos kukuhanin nila ang mga dugo nito at ilalagay sa mga bloodbag na siyang ginagamit ng mga bampira tuwing katapusan ng buwan.”

Nagitla ako sa nalaman. Naalala ko ang naging kwentuhan namin noon ni Alaric tungkol sa feeding day. Ang pagkakasabi niya ay dugo daw iyon ng hayop. Kung sabagay, kung alam iyon ni Alaric ay nunkang sabihin niya sa akin ang bagay na iyon.

“Matagal mo na ba itong alam?”

Tumango pa muli si tiya bago nagpatuloy. “Ginagamit naman nila ang gift ni Lucinda para magmanipula ng mga mayayamang tao para i-donate sa kanila ang yaman ng mga ito. Kaya’t hindi nakapagtatakang napakayaman ng mga Cayman.”

“Kung matagal mo na itong alam bakit hindi mo sinubukang sabihin sa Ȁlteste?”

“Gustuhin ko man ay hindi maaari. Lalo na’t nitong nakaraan lang ay namataan si Cassius na kausap ang pinuno ng mga rogue. Malakas ang kutob kong si Cassius ang blood traitor na matagal ng pinaghahanap ng Ȁlteste.”

Napatuwid ako ng upo sa narinig. Kamakailan lang din ng sabihin ni Kieran sa akin na nakita niya si Cassius na may kausap at sinisigurado ang pagkamatay ni Papa. Kinukutuban ako ng hindi maganda. Kung gustong ipapatay ni Cassius ang mga Dovana ay hindi malayong sila nga ang blood traitor. At hindi malabong kuntsabahin niya ang mga rogue para tulungan siya. Ibig sabihin ay hindi ako ang tunay na pakay ng mga rogue ng gabing iyon kung hindi si Kirius. Pakiramdam ko bigla akong nanlata sa naging konklusyon.

“Bakit Yue?” nag-aalalang tanong nito. 

“Si Cassius din ang nagpapatay kay Kirius.”

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status