Share

Chapter 5

Nakatingin ako ngayon sa mataas na gusali ng kumpanya ni Thauce. Napirmahan ko na ang kontrata. Tinignan ko ang envelope na hawak ko. Binigyan niya ako ng kopya. Sinabi niya sa akin na sa isang araw ililipat ng private hospital si Seya, lahat ng gastos ay siya ang magbabayad.

Sinabi ko na ang mahalaga lang sa akin ay ang kaligtasan ng kapatid ko. Hindi na niya ako kailangan bayaran kung siya naman ang sasagot ng lahat ng gastusin ni Seya sa ospital.

"I don't like you questioning my decisions, Zehra Clarabelle. Kung ano ang sinabi ko ay iyon ang susundin mo."

"I will prepare what your sister need. Kilala ko rin ang doktor na titingin sa kaniya. Sa ospital ng kapatid ko ia-admit si Seya. Wala kang dapat na intindihin na iba maliban sa iniuutos ko sa 'yo."

"Make Errol fall for you hard. Siguraduhin mo na mababaliw siya sa 'yo at hindi ka niya kayang iwan."

Napabuntong hininga na lamang ako. Naglakad ako at pumara ng taxi. Balak kong umuwi muna sa bahay at magpalit ng damit bago muling pumunta sa ospital.

"Manong sa Dapdap West," sabi ko.

Habang nasa daan ay nagmensahe ako kay Lea. Kinamusta ko si Seya sa kaniya. Napakalaki na ng utang na loob naming magkapatid sa pamilya ni Lea. Palagi silang nariyan para sa amin, hindi nila kami iniwan. Kahit na may trabaho online si Lea ay nagpiprisinta pa siyang magbantay kay Seya.

Ibinalik ko ang aking cellphone sa loob ng bag nang makapagmensahe. Napipikit ako sa antok ngunit nilalabanan ko. Wala pa akong maayos na tulog dahil sa pagbabantay kay Seya. Napapagod na ang katawan ko, pero kailangan kong tiisin.

Para sa kapatid ko kailangan kong magsikap, kailangan kong tiisin lahat ng hirap.

"Sana naman wala nang sumunod na problema, baka hindi ko na kayanin pa," bulong ko.

Nang makauwi ako sa bahay ay itinago ko ang kontrata sa loob ng aking drawer. Kaagad akong nagpalit ng damit at sandali lang ang inilagi sa bahay umalis na rin ako upang pumunta sa ospital.

Naalala ko ang mga pinag-usapan namin ni Thauce kanina, ang sinabi niya na gagawin niya ang lahat para makuha ang atensyon ni Lianna. Mahal na mahal niya ito, handa siyang gawin ang lahat para kay Lianna.

Kaya niyang magpakawala ng lima hanggang sampung milyon para lamang sa atensyon ng babaeng minamahal niya. Habang sa loob ng sampung taon na pagmamahal ni Lianna kay Errol ay hindi pa rin ito napapansin ng huli.

Naisip ko, gaano katagal na bang mahal ni Thauce si Lianna para umabot siya sa puntong ito?

Pero nakakatakot ang ganoong pag-ibig.

"At ako ang bagay na gagamitin niya."

Bagay... wala naman akong magagawa, nangangailangan ako, para ito sa kaligtasan ng kapatid ko.

Nang huminto ang sinasakyan ko sa ospital ay napatingin ako sa pulang kotse na nasa parking lot. Kung hindi ako nagkakamali, iyon ang sasakyan ni Errol.

"Manong, bayad ho," sabi ko at iniabot ang bente pesos sa tricycle driver.

Baka nagkamali lang ako. Hindi ko rin naman tanda kung ano ang numero ng sasakyan ni Errol. Nang gabi na tinungo namin ang ospital ay hindi ko nakita ang numero ng kaniyang sasakyan.

Naglakad na ako papasok ng ospital, tinungo ko ang silid ni Seya. Nang binuksan ko ang pinto ay napahinto ako sandali nang makita si Errol. Wala si Lea. Si Errol ang nagbabantay kay Seya ngayon.

Kung ganoon sasakyan nga niya iyong nasa labas. Narito siyang muli. Nagdikit ang mga labi ko ng mariin at isinara ang pinto.

Lumapit ako sa kanila. Tumingin sa akin si Errol at tumayo ito.

"Zehra, you are here. Nagdala ako ng pang hapunan ni Seya, nag-request siya ng pagkain na gusto niya."

Nang marinig ko ang sinabi ni Errol ay nakaramdam ako ng hiya at tiningnan si Seya.

"Seya? nakakahiya kay Errol," sabi ko at ibinalik ang tingin sa huli, "hindi ka na sana nag-abala pa. Kanina ay pinadalhan mo rin si Seya ng mga prutas at pagkain, hindi ba?"

Ngumiti lang ang kapatid ko, "Ate, ang bait ni Kuya Errol!"

"Sobra-sobra na ang mga naibigay mo, Errol."

Hinawakan niya ang mga kamay ko at tinitigan ako ng diretso sa mga mata.

"Zehra, sinabi ko na, hindi ba? tutulong ako, hindi ko kayo iiwan hangga't hindi nagiging maayos ang kalagayan ni Seya... hangga't hindi siya gumagaling. Wala kang dapat na isipin sa gastos ko, wala pa ang mga ito," sabi niya.

Ayokong mag-isip ng kung ano sa mga kilos at pananalita niya pero... iba ang nararamdaman ko.

"B-Bakit mo ba ginagawa ang mga ito, Errol? sa totoo lang ay napakarami mo nang naitulong sa amin, masaya ako na magkaroon ng isang kaibigan na katulad mo pero, sobra na ito," sabi ko sa kaniya.

Hindi pa rin niya binibitawan ang mga kamay ko. Ang tingin niya sa akin ay naging seryoso. Huminga ako ng malalim at hindi ko inilayo ang tingin sa kaniya. Ang bilis ng tibok ng puso ko. Kung mahuhulog man ako kay Errol ay magiging mahirap para sa akin iyon sa huli.

Tiyak na kamumuhian niya ako kapag nalaman niya ang pakikipagkasundo ko kay Thauce na mapa-ibig siya.

"Do you really want to know why I am doing this, Zehra?"

Bago ako magsalita ay bumukas ang pinto ng silid ni Seya. Akala ko ay si Lea na iyon ngunit nagulat ako nang makita si Thauce na kasama si Lianna.

Napansin ko kaagad na napatingin si Lianna sa mga kamay kong hawak ni Errol. Dahil sa hiya ay binawi ko ang mga iyon.

"What are you doing here?" tanong ni Errol habang nakatingin kay Thauce. Seryoso ang mga mata ni Errol na nakatingin sa kaniyang pinsan.

"We are visiting Zehra's sister, Errol," si Lianna ang sumagot. Saka ko lang napansin ang bulaklak at mga prutas na dala niya.

Lumapit sa akin si Lianna at humalik sa aking magkabilang pisngi. Nahiya ako.

"We came here to see her condition. Ano ang sinabi ng doktor, Zehra?" tanong ni Lianna. Nakatingin siya kay Seya.

"K-Kailangan daw maoperahan sa lalong madaling panahon--"

"Zehra Clarabelle's sister will be transferred to the Martini's Hospital. Mas magagaling ang mga doktor sa ospital ni Ariq at masisigurado ang kaligtasan ni Seya," bigla ay nagsalita si Thauce.

Hindi ko inaasahan na sasabihin niya ang tungkol doon!

"In your brother's hospital?" tanong ni Lianna.

Tumango naman si Thauce.

"I helped her, since she's struggling financially," sagot ni Thauce.

Magaling siyang magpanggap. Pero ang totoo ay ginagawa niya ito upang maging mabuti sa paningin ni Lianna.

"That's so kind of you, Arzen," sabi ni Lianna habang nakangiti.

Nang tingnan ko si Errol ay seryoso ang tingin na ibinigay niya sa kaniyang pinsan. Ano ang nangyayari? bakit ganoon siya tumingin?

"What's your intention, Thauce?"

May nangyari ba? hindi naman ganito makipag-usap si Errol kay Thauce dati...

"Errol, Thauce, ano ba ang mayroon sa inyo?" tanong ni Lianna.

Pumagitna siya sa dalawa. Ako naman ay gumilid, hindi ko alam kung ano ang gustong mangyari ni Thauce. Hindi niya sinabi na pupunta siya dito sa ospital, at lalong wala siyang sinabi sa akin na babanggitin niya kay Errol ang tungkol sa paglipat ni Seya sa ospital ng kapatid niya.

"Errol? why are you looking at your cousin like that? nag-away ba kayo?" tanong muli ni Lianna.

Imbis na intindihin ko sila ay nilapitan ko si Seya, hinawakan ko ang kanang kamay ng kapatid ko.

Nang lingunin ako ni Errol ay nakita ko ang pagbuga niya ng hangin. Nawala na ang inis sa kaniyang mukha, nang lumapit siya sa akin ay nakasunod ang mga tingin ni Lianna. Nahihiya ako, bakit kailangan dito pa magkaroon ng ganitong tagpo?

"I'm sorry, Zehra," sabi sa akin ni Errol.

"A-Ah, hindi, ayos lang."

Pero ang sa loob ko ay ano ba ang ikinahihingi niya ng tawad? ang reaksyon niya nang dumating si Thauce at si Lianna? Nang tinginan ko sandali si Lianna ay nakita ko ang seryosong mukha niya habang nakayuko. Ang mga mata niya ay nakatingin sa kaniyang mga kamay. Bigla kong naalala ang usapan nila ni Thauce sa bar.

Minamahal niya si Errol at hindi lang dalawa o tatlong taon, kung hindi sampung taon. Hindi biro magmahal ng iisang tao sa ganoong kahabang panahon.

"Zehra, aalis na rin kami ni Thauce. Kung magkakaroon ng problema ay huwag kang mahihiya na tumawag sa akin," sabi ni Lianna. Lumapit siya at pagkatapos ay nagbigay sa akin ng card.

"That's my number. I'm willing to help you and your sister," tumingin siya kay Seya.

"Maraming salamat po, Ate Ganda," sagot ng kapatid ko.

Nabibigla ako sa inaalok nilang tulong sa akin. Nais akong tulungan ni Errol at ngayon naman ay si Lianna. Kagabi ko pa lamang nakaharap si Lianna at masasabi ko na mabait siya at mabuting tao. Nararamdaman ko na totoo ang mga ngiti na ipinapakita niya sa akin.

Nakikita ko rin ang sakit sa kaniyang mga mata sa tuwing titingin kay Errol.

Sa parte ko, nalulungkot ako sa kasunduan na mayroon ako kay Thauce.

Nakapirma na ako at kailangan kong gawin ang napag-usapan namin. Sa loob ng tatlong buwan ay kailangan kong mapaibig sa akin si Errol.

"By the way, Zehra, Thauce told me that you are going to be his personal assistant in our vacation."

"Mabuti ito, Zehra, atleast you have another work. Thauce is really kind. He knows that you need work to pay for yout sister's medicine at hospital fee. Pero sa tingin ko naman ay siya na ang bahala sa bayarin dahil sa ospital ng kaniyang kapatid na ia-admit si Seya. I'm glad," nakangiting sabi ni Lianna.

Nakita kong mabilis na napalingon si Errol kay Lianna. Ako naman ay tiningnan ko si Thauce. Pati iyon ay sinabi niya kay Lianna? at... personal assistant? nais kong mapaismid. Kumikilos siyang mag-isa. Ano pa ba ang mga kasinungalingan na sinabi niya kay Lianna para gumanda ang pangalan niya?

"Oh, siya, aalis na kami," muling tumingin sa akin si Lianna. Lumapit siya at humalik sa aking pisngi. "Uuwi muna ako sa amin sa Cebu bago ang vacation na magaganap. I am excited, Zehra!"

"S-Sige, mag-iingat ka, ha?" sabi ko, "maraming salamat sa pagdalaw sa kapatid ko."

Nilingon ko si Seya at mukhang nakuha naman niya ang nais ko.

"Maraming salamat po ulit, Ate Ganda! mag-iingat po kayo!"

Ngumiti si Lianna sa kapatid ko. Nilapitan niya si Seya at hinawakan sa pisngi.

"Gagaling ka na, Seya. Doctors from Martini's Hospital are geniuses. They are called miracle doctors. I can't wait to see you fully healed."

Bago lumabas ng silid si Thauce at Lianna ay nilingon ng huli si Errol.

"Errol, inaasahan namin na sasama ka sa bakasyon. Minsan lang ito. Siguro naman ay wala kang palusot sa ngayon?" tanong ni Lianna.

"I will come," sagot ni Errol. Seryoso ang kaniyang boses nang sinabi niya iyon. Ngumiti lamang si Lianna at hindi na sumagot pa. Nang makalabas sila ni Thauce ay naramdaman ko ang paghawak ni Errol sa braso ko.

"Am I missing something, Zehra? tell me, may gusto ba sa 'yo si Thauce? kilala ko ang pinsan ko, Zehra. Hindi basta-basta nagbibigay ng tulong iyon."

Ang kasunduan ay hindi dapat malaman ni Errol. Walang dapat makaalam at kailangan manatiling lihim sa pagitan namin ni Thauce. Tipid akong ngumiti kay Errol, nakaisip kaagad ng sasabihin sa mga tanong niya.

"Walang gusto sa akin si Thauce, Errol. Nakita mo naman, hindi ba? ang gusto niya ay si Lianna. Ang mga tingin niya kay Lianna ay kakaiba. Saka, sa tingin ko ay alam mo rin na mahal ng pinsan mo si Lianna."

"Nag-alok siya ng tulong sa akin noong nagta-trabaho ako sa bar. Hindi naman masamang tao si Thauce."

Sobrang sama lang.

"I am a bit... jealous."

Nagulat ako sa sinabi niya. Naupo siya sa sofa. Nang tumingin ako kay Seya ay may pang-aasar sa klase ng ngiti niya. Nginitian niya at bigla siyang nagtalukbong.

Bigla akong nahiya na naririnig ng kapatid ko ang ganitong usapan namin ni Errol.

"You accepted his offered help, while you declined mine. Ano ba ang pinagkaiba naming dalawa, Zehra?"

Hindi ko mahanap ang aking sasabihin. Ayokong tanggapin ang tulong niya dahil pera ang usapan, tiyak na hindi siya papayag na bayaran ko iyon. Isa pa, nahihiya ako kay Errol. Sa dami ng naitulong niya, hindi ko na kaya pang humingi ng tulong sa kaniya.

Iba naman ang kay Thauce. May kailangan akong gawin para sa kaniya kapalit ng pera na ibibigay niya sa akin.

Ang masakit lang ay sangkot si Errol doon. Wala na rin akong magagawa, sa huli kung kamumuhian ako ni Errol at kailangan ko iyong tanggapin.

"Errol..." sambit ko. Walang pumapasok sa isip ko na maaaring sabihin sa kaniya.

Bumuntong hininga siya at inabot ang aking kamay. Hinila niya ako at napalapit sa kaniya. Hindi ko gusto ang naiisip ko kung bakit ganito ang inaakto niya. At kung bakit siya nagseselos dahil tinanggap ko ang tulong ni Thauce.

Sa kasunduan namin ni Thauce nais kong hindi mahulog sa akin si Errol sa tatlong buwan na iyon. Para hindi ko siya masaktan sa huli... pero sa mga ipinapakita niya ngayon...

"Wala akong plano sumama sa isang buwan na bakasyon na iyon dahil balak ko na samahan ka sa pagbabantay kay Seya."

Umawang ang mga labi ko sa dahilan niya.

"But, I can't let you be alone with Thauce in that island, Zehra."

Seryoso ang mga mata niya habang nakatingin sa akin nang sabihin niya iyon.

Comments (9)
goodnovel comment avatar
Jocelyn Pioquinto Armario
hala kahit pala hindi ka magbayad ng million thauce dahil talagang mahal ni errol si zechra
goodnovel comment avatar
Myles Berces Canillo
Luuh, nailove na sau si errol, zehra
goodnovel comment avatar
Dhal Inojosa
nasanay sa kabilang apps
VIEW ALL COMMENTS

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status